Kabanata 57
"Saan ka pupunta! Hoy! Bumalik ka! Kamahalan!" sunod-sunod kong sigaw, ngunit mas nangingibabaw ang lakas ng musika sa paligid. Pakiramdam ko ay hindi ko na makontrol ang aking bibig at kung ano-ano nalang ang lumalabas rito. May nakita akong bote ng alak sa isang lamesa, paika-ika akong tumayo at lumapit dito. Akmang maaabot ko na ang alak nang may humawak nang mahigpit sa aking kamay.
"Tama na yan," saad ng isang lalakeng sa tingin ko ay lasing na rin. Napatawa-tawa pa ito at inagaw sa akin ang bote ng alak, ngunit nabitawan niya rin ito dahil na rin yata sa kanyang pagkahilo. "Malalasing ka niyan."
Napatawa nalang ako sa kanyang sinabi, wala na akong pakialam sa kanyang pinagsasabi.
"Akin na yan!" sigaw ko.
"Anong pangalan mo?"tanong ng lalake. Hindi ko makita nang malinaw ang kanyang mukha, ngunit pakiramdam ko ay pamilyar siya sa akin. Parang kanina ko lang siya nakita.
"Elersa," sagot ko.
"Ano?"
"Elersa."
"Ano ulit?"
"Elersa nga!"
Kinapa niya ang kanyang bulsa at kinuha ang piraso ng papel. Inilapag niya ito sa lamesa at napalingon lingon sa paligid. Lumapit siya sa isang lalakeng taimtim na nagsusulat sa isang lamesa, nginitian siya nito.
"Lazaro! Pahiram muna ng iyong pluma." Dali dali niyang inagaw ang hawak nitong pluma, gulat na gulat ang reaksyon ng lalake. Malapit ring mahulog ang bote ng tinta sa lamesa ngunit agad rin niya itong napigilan. Sinundan niya ng tingin ang lalakeng kumuha ng kanyang pluma na lumapit sa akin.
"Ito, isulat mo ang iyong pangalan. Hindi kita maintindihan."
Dali-dali kong inagaw ang plumang kanyang hawak. Napabuntong hininga pa ako bago ko isulat ang aking pangalan. Namangha ako dahil maganda ang aking pagkakasulat, itinaas ko pa ang aking mga kamay at napatawa tawa nang napakalakas.
"Elersa," saad ng lalake. Kinuha niya ang piraso ng papel at pinuyotan ito upang matuyo. Pagkatapos ay isinilid niya sa kanyang bulsa
"Elersa, umuwi na tayo." saad ni Prinsipe Jobel at hinawakan ang aking kamay. Tiningnan niya ang lalakeng aking kausap. "Oh, Heron! Pasensya na ha? Kailangan na naming umuwi."
Hinatak niya ang aking kamay at inalalayang lumabas ng bahay-inuman. Tumahimik ang paligid ngunit rinig parin sa labas ang hiyawan ng mga tao, maging ang musika.
"Anumang katanungan, mga hukom?" tanong ni Lazaro sa mga limampung hukom. Agad na nagsitaasan ang mga tablang may guhit na ekis, ang lahat ay walang anumang katanungan. Napangiti si Lazaro sa naging kasagutan ng mga hukom.
"Sa tingin ko'y kailangan na nating tapusin ang paglilitis na ito," saad ng punong-hukom. Lahat ay natahimik sa kanyang sinabi. Ramdam ko ang nangangatog kong mga binti, napapakagat pa ako sa aking labi dahil sa kabang nararamdaman. "Ang desisyon ng korteng ito ay nakasalalay sa mga limampung hukom. Sinisigurado namin na ang katotohanan ang magwawagi. Ang lahat ng mga ebidensya, saksi, at mga dokumentong nagamit sa paglilitis na ito ay mabuting nasuri. Ang desisyon ng korte ay hindi na mababago. Kung mapapatunayan na nagkasala ang nasasakdal, siya'y paparusahan ng kamatayan."
"Maghanda ang lahat ng mga hukom, ang desisyong ito ay nakasalalay sa inyong mga kamay," dagdag ng punong-hukom. Tahimik lamang ang lahat, sa kanaisang malaman ang bagay na kanilang pinakahihintay. Muli akong napatingin kina Inay, ramdam ko ang takot sa kanilang mga mukha. Kay Prinsipe Jobel na bakas ang pagod at sakripisyo sa kanyang mga mata.
Napakabigat at napakabilis ng aking dibdib, para bang nadadaganan ako ng mabibigat na bagay. Nanlalamig na ang aking mga palad, at ang tuhod kong hindi mapigil sa panginginig. Ramdam ko ang pag-agos ng bawat butil ng pawis sa aking noo, maging ang mainit na likidong namumuo sa aking mga mata.
"Itaas ang ekis kung sa tingin niyo ay inosente ang nasasakdal," utos ng punong-hukom. Agad na nagsitaasan ang mga punong-hukom ng kani-kanilang mga tugon. Nanlalabo na ang aking paningin dahil sa mga luhang namuo sa aking mga mata, hindi ko na alam ang nangyayari. Narinig ko ang malalakas na hiyawan ng mga magkabilang kampo, ang lahat ay tila hindi mapakaniwala sa naging resulta ng paglilitis.
Laking gulat ko nang agad na may yumakap sa akin habang tumatangis.
"A-anak,"
Napatingin ako kay Prinsipe Jobel na tulala lamang sa kawalan, wala siyang anumang reaksyon. Tila ba hindi siya mapakaniwala sa naging desisyon ng korte.
Muli kaming nagkatinginan ni Prinsipe Aelino, isang ngiti lamang ang aking natanggap. Ngumiti rin ako pabalik kasabay ang mga luhang kanina pa nakakubli sa aking mga mata.
Bumukas na ang pintuan ng hukuman, ang napakaraming tao ay nagsimula nang magsilabasan. Ang mga limampung hukom ay nagsimula nang magsitayuan, at ang Hari ay bumaba na rin sa kanyang kinauupuan. May ilang lampara ang nagsimula nang mamatay kasabay ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa pintuan.
Napatingala ako nang lumapit si Prinsipe Jobel sa aking harapan.
"Elersa, nagawa natin."