Chapter 56: Kabanata 56
"ERANZA?!" sigaw ng mag-asawa na umaalingawngaw pa sa loob ng Basilika. Napahinto sa paglalakad ang ka-edarang babae ni Haring Valenzo. Humarap ito sa Hari at pinulot sa sahig ang makapal na libro ng talaan. Dahan-dahang naglakad ang babaeng nangangalang Eranza papalapit sa Hari.
Nakatuon lahat ng tingin ng madla sa babae na naglalakad sa hukuman. Napahinto ito at iniabot ang talaan sa Hari, may ibinulong ito rito. Mahina ito dahilan upang hindi marinig ng sinuman.
Naiwang tulala si Haring Valenzo sa sinabi ng babae, para bang mayroong mahika ang kanyang mga bibig. Tinalikuran niya ang Hari at lumingon kay Prinsipe Aelino, nginitian niya ito na nagiwan ng pagtataka sa isip ng prinsipe.
Maging si Reyna Emilya ay nagtaka rin sa ginawa ng babae, kung bakit niya nagawang ngitian ang Prinsipe sa walang sapat na dahilan. Ibinalik niya ang kanyang tuon sa kanyang anak na naghihintay sa labas ng Basilika, nakasakay na ito sa isang karwahe.
"Maging patas kayo sa paglilitis," saad ng babae na umaalingawngaw pa sa loob ng Basilika. Muli niyang tiningnan si Reyna Emilya at nagsimula nang maglakad papalabas ng hukuman. Napaupo nalang sa inis ang Reyna, ang babaeng kanyang kinasusuklaman ay sumakay na sa isang karwahe papalayo.
"Ano po iyan, Kamalahan?" tanong ng punong-hukom. Tulala lang si Haring Valenzo na nakatingin sa makapal na librong kanyak hawak, pinunasan pa niya ang alikabok sa balot nito gamit ang kanyang mga kamay.
"Pakihanap ang pangalan ng aking anak," iniabot niya ang talaan sa punong-hukom at tumingin sa akin. "Maging ang pangalan ng tagapagsilbi."
Ang lahat ay nakatingin lamang sa punong-hukom, tinititigan pa nito ang talaan nang kay tagal-tagal na animo'y isang sagradong libro na pinangangalagaan ng mga saserdote sa loob ng templo. Binuklat niya ang unang pahina, at sinuri ito. Napansin kong wala sa unang pahina ang kanyang hinahanap, binuklat niya ang ikalawang pahina, at sunod-sunod na binuklat ang mga sumunod. Mabilis nitong inililipat ang mga pahina at natahimik ang lahat nang tumigil ito sa halos kahalati ng talaan.
"Ang pangalan ni Prinsipe Jobel lamang ang nakatala rito, ngunit tugma ang gabing iyon sa gabing nangyari ang krimen," saad ng punong-hukom. Dali-dali nanamang nagbulungan ang lahat, para bang mga bubuyog na pumapasok sa aking tainga. Naalerto si Prinsipe Jobel dahil sa sinabi ng punong-hukom, maging ang dalawang abogado sa harapan mga hukom ay tila nagkokompitensya sa kanilang mga tingin.
"Maaari ko bang mahiram ang talaan?" tanong ni Lazaro. Napansin kong napangiti ito na ikinataas ng kaliwang kilay ng abogadong si Marcus. Iniabot ng punong-hukom ang talaan sa kamay ni Lazaro, pagkatapos ay bumalik ito sa gitna. "Limang malalaking bote ng alak ang kanyang binili."
Itinaas ni Lazaro ang talaan at nagsimulang magpaliwanag, "H-hindi kayang mainom ng iisang tao lamang ang tatlong malalaking bote ng alak." Nagsimulang nanamang magbulungan ang lahat ng madla. Napatingin ako kay Inay, ngunit agad rin akong umiwas ng tingin. Hindi ko kayang ipaliwag sa kanila na ako'y nalasing sa gabing iyon.
"Kasinungalingan! Kaya kong uminom ng limang bote ng alak!" sigaw ng isang lalake na nanonood sa isang sulok. Tinapik ng babaeng kanyang katabi ang balikat nito dahilan upang tumahimik ito. Napatango tango ang limampung mga hukom sa sinabi ng lalake, maging ang madla ay tila sumasang-ayon rin.
"Ano ang iyong nais iparating? Lazaro?" tanong ng punong-hukom. Napatingin si Lazaro sa akin at puno ng kaba ang kanyang mukha. Nanginginig na ang aking mga kamay, ramdam ko ang lamig nito. Ang ilang mga lampara sa mga sulok ng Basilika ang siyang nagbibigay ng liwanag at init sa loob.
"Lazaro!"
"Hindi kayang patunayan ng aking kapwa-abogado ang kanyang sinasabi," saad ni Marcus. Napangiti pa ito na nagpapatunaw sa mga tingin ng maraming kababaihan. Ang madla ay naguguluhan na rin kung saan sila papanig, nanlaki ang aking mata nang may isang mansanas na inihagis sa harapan ni Lazaro.
"Sinungaling!" sigaw ng babae na umaalingawngaw sa loob ng Basilika. Nag-ingay nanaman ang nga tao dahilan upang wala nang marinig na anumang ingay sa labas ng Basilika. Dahan-dahang tumahimik ang lahat nang may isang lalakeng nagtaas ng kanyang kamay sa isang sulok.
"Paumanhin." Tumayo ang pamilyar na lalake na ikinatinginan ng lahat ng tao, kinapa niya ang kanyang bulsa habang naglalakad papunta sa gitna ng hukuman. "Ako si Heron, ang isa sa mga bisita ng nasabing inuman sa gabing iyon. Masasabi kong naroroon si Elersa kasama ang Prinsipe. Nakausap ko pa si Elersa." Hindi ko matandaan, ngunit tila nakita ko na ang lalakeng ito.
"Paano ka namin paniniwa-" napatigil ang punong-hukom sa pagsasalita nang inilabas ni Heron ang isang piraso ng papel mula sa kanyang bulsa. Pinagtinginan pa ito ng madla.
"Ito ang aking resibo, lunukin mo." Natahimik ang lahat dahil sa tapang ng lalake sa pananalita, maging ako ay nagulat. Dahan-dahan itong naglakad papalapit sa punong-hukom at iniabot ang kanyang resibo.
"Isang resibo nanaman? Wala itong mapapatunayan," saad ng punong-hukom. Napataas ang kanyang kilay nang mapatawa si Heron. Si Lazaro ay tila nagugustuhan na rin ang takbo ng paglilitis. Hindi parin ako mapakali, ramdam ko parin ang walang tigil na tibok ng aking dibdib.
"Tingnan mo ang likod ng aking resibo, matanda ka," Napatayo ang punong-hukom, tila ba napupuno na siya sa hindi kanais-nais na pag-uugali ni Heron. Tiningnan niya nang matalim si Heron at dahan-dahan ring napaupo. Binaliktad niya ang resibo at nanlaki ang kanyang mga mata. Naghihintay lamang ako maging ang madla sa sunod niyang sasabihin.
"Elersa," saad ng punong-hukom habang nakatingin sa likuran ng resibo. Kinuha niya ang isang papel na nasa kanyang tabi at ang plumang gawa sa balahibo ng pabo. Tiningnan niya ako na para bang maglilibing sa akin sa hukay. "Isulat mo ang iyong pangalan."
Iniabot niya ang pluma at papel sa isang lalakeng nasa kanyang tabi, at iniabot ito sa akin. Nanginginig na ang aking mga kamay habang nakahawak sa pluma, ramdam ko ang pagtulo ng bawat butil ng pawis sa aking noo.
Dahan-dahan kong isinulat ang aking pangalan sa papel at ang lahat ay nakatingin lamang sa aking ginagawa. Nakahinga ako nang malalim nang maisulat ko ang aking pangalan, na para bang isang batang nagsisimula palang sa pagsusulat.
Kinuha ng lalake ang papel kung saan ko isinulat ang aking pangalan, at iniabot ito sa punong-hukom. Pinagtabi niya ang resibo at ang papel na aking sinulatan, pagkatapos ay ipinakita sa madla. Ang lahat ay nakatingin lamang sa hawak niyang dalawang piraso ng papel, tugmang-tugma ang pagkakasulat ko ng aking pangalan sa pagkakasulat ng aking pangalan sa likuran ng kanyang resibo.
Napatakip ako sa aking bibig nang may isang ala-alang bigla biglang pumasok sa aking isipan.
"Jobel!" sigaw ko, sapat upang marinig niya. Agad naman siyang lumapit sa akin.
"Bakit, Elersa?!" Napatigil ako sa pagsayaw, gayun rin siya. Napatitig siya sa akin. "Nahihibang ka na ba sa akin?"
"Hindi! Bakit naman ako mahihibang sayo? Ang sungit mo!" Hindi ko na makontrol ang mga pinagsasabi ko. Napatawa pa siya sa aking naging sagot."Bakit ikaw? Nahihibang ka na ba sa akin?!"
"Medyo."
Napatawa-tawa ako sa sagot niya. Malapit na akong matumbang muli ngunit agad niya akong naalalayan. Akmang kukunin ko na sana ang alak sa isang lamesa nang pigilan niya ako.
"Umuwi na tayo," saad ni Prinsipe Jobel. Inalalayan niya ako upang umupo sa isang malambot na upuan. Wala na akong makita, lahat ng bagay sa aking paligid ay tila ba gumagalaw sa kani-kanilang sariling paraan. Pakiramdam ko ay masusuka na ako sa sahig.
Naglakad siya papalayo sa akin at pumunta upang magbayad ng aming biniling inumin.