Chapter 58: Kabanata 58

"OH, Elersa? Saan ka pupunta? Ang aga-aga mo naman," saad ni Inay habang abalang tinatanggal ang balahibo ng mga tupa. Halos napapaiyak na rin ang tupa dahil sa kanyang ginagawa.

Maaga palang at hindi pa gano'n kaliwanag ang paligid. Nag-aagawan ang liwanag at dilim, at ang mga bituin sa langit ay dahan-dahan nang nawawala sa aking paningin. Ang kabundukan ng Valbwe ay nababalot parin ng mga makakapal na kulay dilaw na ulap dahil sa liwanag ng araw. At ilang mga ibon ang taimtim na nagliliparan sa himpapawid, at huni ng mga baka at tupa na maagang nagising ngayong umaga.

Malamig parin ang simoy ng hangin, isinuot ko ang aking abrigo ( jacket) at tumungo sa kulungan ng aking kabayo. Tulog parin ito at nagpapainit sa mga dayami.

"Saan mo nakuha ang kabayong iyan ha, Anak?" Para bang nabuhusan ako ng malamig na tubig dahil sa kanyang tanong, hindi ako makasagot. Ano naman kayang reaksyon ni Inay sa oras na malaman niya na nanggaling ito kay Prinsipe Jobel? "Tinatanong kita."

"A-ah?! Ano po iyon?" Nagkukunwari na akong hindi naririnig ang kanyang sinasabi, dapat mabago ang aming usapan. Pinulot ko ang isang tali ng dayami mula sa lupa at hinampa-hampas ko ito sa kabayo upang magising. Nagiging madumi na rin ang kabayo dahil sa hindi kahali-halinang kulungan. Halos hindi pa kami makatulog kagabi dahil sa halinghing nito, mukhang hindi pa siya sanay sa bago niyang tirahan.

Pinag-iisipan ko pa kung ibabalik ko na siya sa Kastilyo, baka mapagkamalan akong magnanakaw nito kung malaman nilang nasa akin ang kabayo ng Prinsipe.

"Sabi ko, saan mo nakuha ang kaba-" Napatigil siya nang agad na tumakbo ang hawak niyang tupa kahit hindi pa natatanggal ang ilang balahibo nito. Parang nagmistulang isang taong walang pantaas tuloy ang tupa. Napakamot pa si Inay sa inis. Lumingon siya sa akin, pagkatapos ay napabuntong hininga at napahalukipkip. "Sabi ko, kanino mo iyan nakuha?" Malinaw ang kanyang pagkakabigkas at itinuro niya ang kabayo upang malinawan na ako.

"B-binigay ni- H-hiniram ko po sa Kastilyo! Tama! Hiniram ko siya sa Kastilyo." Napapangiti pa ako na parang nagbabawas, pagkatapos ay tiningnan ang kabayo. "Hindi ba, Perlo?" Humalinghing ito at tumango na para bang sumasang-ayon sa akin. "Oh, nakita niyo, Inay?"

"Sige, sige." Tumayo siya at pinagpagan ang kanyang palda. Binuhat niya rin ang basket kung nasaan ang mga nakuha niyang nga balahibo ng tupa at inilagay sa kanyang balikat. Akmang lalakad na si Inay papalayo ngunit siya ay napatigil. "Totoo ba ang aking mga narinig, Elersa?"

Para bang naestatwa ako sa kanyang tanong, kahit pa man hindi ko alam ang kanyang tinutukoy. Napansin ko ring napabuntong hininga siya at napailing iling sa hindi ko matukoy na dahilan. "A-ano po iyon, Inay?" tanong ko, nanginginig na ang aking boses.

"Nagtungo ka sa bahay-inuman." Hindi ko alam ang aking idadahilan, para bang hiyang-hiya na ako sa aking sarili. Wala na akong maihaharap na mukha sa kanila, at hinding-hindi ko ito maitatanggi. Ramdam ko na ang pagkirot ng aking dibdb na para bang nadadaganan ako ng sako-sakong trigo. Malapit ako kay Inay, ngunit hindi magiging dahilan iyon upang gawin ko ang mga bagay na kanyang ipinagbabawal. "Totoo ba?!"

"O-opo," sagot ko at napayuko nalang dahil sa hiyang aking nararamdaman. Napailing-iling siya na lalong ikabilis ng pintig ng aking dibdib, kitang kita kay Inay ang pagkadismaya sa aking ginawa ilang araw na ang nakalilipas. "Pero nagawa ko lang naman iyon dahil kay-"

"Pero ginawa mo parin," seryosong niyang saad. Napabuntong hininga siya muli at napailing iling. "Huwag ka nang babalik sa Kastilyo," dagdag ni Inay na nagpaalerto sa akin. Para bang nabuhusan ako ng napakalamig na tubig dahil rito.

"N-ngunit Inay," hindi ko paypayag sa kanyang sinabi. "Hindi ba't noong una palang ay kaw na mismo ang nagsabi sa akin na maglingkod ako sa Kastilyo?!" Hindi ko na maiwasang magtaas ng boses kahit pa man labag sa aking kalooban, hindi ko tanggap na napagsasalitaan ko ang aking mga magulang. Pero may mga oras talagang hindi ko makontrol ang aking mga sinasabi.

"Tumulong ka nalang dito bukirin! Magtanim ng mga maititinda sa pamilihan! O mag-alaga ng mga hayop!" saad ni Inay habang nakatalikod parin sa akin. Ang aming mga boses ag siyang tanging naririnig sa bukirin. Para bang siya na ang nagpapalayo sa akin sa Kastilyo, hindi na katulad noong una.

"N-ngunit Inay." Nagulat ako nang nabitawan niya ang hawak niyang basket, nagkalat rin sa lupa ang ilang balahibo ng tupa.

"Sila ba?!" sigaw ni Inay at itinuro ang Kastilyo na kitang kita parin hanggang dito sa bukirin. "Sila ba?! Sila ba ang dahilan kung bakit nais mong bumalik sa Kastilyo?! Nahihibang ka na ba sa kanila, ha?! Gumising ka naman, Elersa! Hindi ito isang pantasya!"

"I-inay." Ramdam ko na ang mga namumuong luha sa aking mga mata. Napakagat ako sa aking labi upang pigilan ang luhang nais kumawala sa akin.

"Hindi mo ba naisip na malapit ka nang mawala dahil sa kanila?! Limang araw ka palang do'n tapos maririnig ko na sa iba ang mga pinaggagagawa mo?! Alam ko namang gusto mo sila ngunit huwag naman sana! Itigil mo iyan, Elersa." Sunod-sunod ang mga salitang kanyang pinakawalan, nga salitang para bang naitatanim sa aking utak, salitang pawang mga espadang tumutusok sa aking puso.

Hindi ko na maiwasang maluha, naririnig na rin ang aking mga tuhod. "Alam mo ba noong nasa kagubatan tayo?! Alam mo ba kung bakit ayaw kong maisama ka sa mga bagay na iyon?! Pinilit kitang huwag sumang-ayon! Pero ano ang ginawa mo?! Ipinilit mo ang bagay na nais mo, pinilit mo kahit buhay mo ang magiging kapalit nito! Hindi mo alam ang pinapasok mo, Elersa!" Tumulo na sa aking pisngi ang aking mga luha, ramdam ko ang mainit na pag-agos nito patungo sa aking labi.

"P-patawad po, Inay." Iyon nalang aking nasabi, wala nang mailabas na salita ang aking bibig. Punong-puno ng mga tanong ang aking isipan ngunit para bang ayaw nitong kumawala sa aking bibig.

Napabuntong hininga si Inay at kita ko rin ang mga namumuong luha sa kanyang mga mata, ang panginginig ng kanyang boses, at ang pagpipigil niya sa kanyang sarili upang magsalita.

"Matagal na ako sa Kastilyo, Elersa. Sa tingin mo ba, hindi ko naranasan ang mga nangyari sa iyo? Marami na akong nalalaman tungkol sa Kastilyo, ngunit ni isang pagkakataon ay hindi ko nagawang makialam sa kanila. Ikakapahamak ko, ikakapahamak ng ating buong pamilya." sunod sunod na saad ni Inay ngunit umalumanay na. Pinulot niya ang mga balahibo ng tupa sa lupa at ibinalik sa kanyang basket. "Kung mahal mo ang isang tao, dapat mong isipin ang magiging resulta nito sa iba."

"Itataya mo ba ang buhay ng iyong pamilya para sa iyong sariling kagustuhan?" dagdag ni Inay. Napabuntong hininga siya muli at ako'y pilit na nginitian.

"H-hindi, Inay." Pinapakalma ko na rin ang aking sarili, para bang nais na naming dalawa na mahinto ang aming pagtatalo. Muli niyang inilapag sa lupa ang hawak niyang basket at umupo sa isang malaking sibak ng kahoy sa gitna ng bukirin. "Kayo po ba?"

"Kung ako, hindi rin. Mas importante parin ang pamilya kaysa sa anumang bagay sa mundo. Kahit nasa iyo na ang lahat, kung wala ang iyong pamilya, pakiramdam mo ay hindi parin ito kumpleto,' pagsang-ayon sa akin ni Inay. Pakiramdam ko tuloy ay bumalik na agad ang malapit naming pagsasama na kanina lamang ay naging malabo. "Halika, umupo ka rito. Tumabi ka sa akin, Anak."