CHAPTER 7
NAGSAKIT-SAKITAN pa rin si Nyebe kinabukasan. Inis na inis na ang kanyang Tiya Mildred pero wala naman itong magawa nang sabihin niyang pabalik-balik talaga siya sa comfort room dahil sa sira ang kanyang tiyan.
Nasa karaoke bar na uli ang kanyang tiyahin at tiyuhin nang may kumatok. Inaasahan niya ay si Dax. Pero hindi. Isang may edad nang lalaki na sa tingin niya ay matino at mapagkakatiwalaan ang nakita niya. Isang brown envelope ang iniabot nito sa kanya.
"Ipinabibigay ho ni Sir Dax sa inyo," ang magalang na paalam nito.
Kahit malaki ang tanda nito sa kanya ay pinupupo siya tanda ng respeto. At gusto niya iyon. Noon lamang siya nakaranas ng ganoong paggalang. Utos din ba ni Dax? Pero hindi na niya matatanong ang naghatid ng sobre dahil nakalayo na ito sakay ng kotse. Hindi niya nakita si Dax dahil tinted ang bintana ng magarang sasakyan. Nagsara siya ng pinto at binuksan ang sobre na scotch tape ang ipinansara. Nakita niya ang laman at halos himatayin siya.
Noon lang kasi siya nakakita ng ganoon kalaking pera. Hindi dadaanin kundi lilibuhin.
"Ilang libo itong ganito karaming one thousand pesos?” Tarantang tanong niya sa sarili.
Nanginginig ang mga kamay niya habang binilang niya ang pera na nasa loob ng brown envelope. Limang daang libong piso. Five hundred thousand pesos. Ang inaasahan niya ay malaking tip. Pero hindi na ito tip. Ano ito? Bayad sa kanyang pagka-birhen? O gamot sa konsensiya ni Dax? May kumirot sa puso niya. Ang bait-bait pala ng lalaking iyon. Hindi baleng magbayad nang malaki, mapanatag lamang ang konsensiya. Kaya naman pala ang sinabi nito ay makapag simula na siya ng ibang buhay at patuloy pa ring maipagagamot ang kanyang inay. Niyakap niya ang pera, itinapat ito sa kanyang puso. Nangangarap na siya. Oo. Lalayo siya. Pagagandahin niya ang kanyang buhay. Matatakasan na niya ang lahat ng ito. Kahit pa may magandang alaala ang karaoke bar sa kanya dahil kay Dax, mas mahalaga pa rin ang uportunidad na dinala sa kanya ng pagrerebelde niya. Espesyal sa kanya si Dax pero hindi naman nangangahulugan na mapapatunayan niya ang pagka-espesyal nito sa pamamagitan ng pagsasauli ng limang daang pisong kusa at buong pusong ibinayad sa kanya.
May limang daan at sampung libong piso sa kanyang mga kamay ngayon. Ang sampung libo, bayad bilang gift girl niya kay Dax. Ang limang daang libong piso naman, bayad ng konsensiya ni Dax. Para na rin siyang nanalo sa lotto na may kahati. Alam niyang ang panalo sa lotto ay milyon o milyones. Kaya nga itong mahigit limang daang libong piso ay panalo sa loto na may ka-share siya. Tatalikuran niya ang karaoke bar. Ang bunganga ng kanyang Tiya Mildred. Ang panganib sa kanyang Tiyo Ramon. Mag-aaral siyang muli. Matutupad ang pangarap niyang makatapos ng commerce at makapagtayo ng sariling negosyo. Magagawa niyang takpan ang kapangitan ng buhay niya ngayon. Walang makikialam kung sa darating mang panahon ay hindi na niya aaminin na nanggaling siya sa isang karaoke bar. At bilang pagrerebelde ay nagbenta siya ng katawan. Hindi bale nang makasamang ilibing sa limot ang lalaking sinukuan niya ng dangal. Matuturuan niya rin ang sarili na maghanap ng ibang mamahalin.
Yung hindi alam na ang pinanggalingan niya ay isang putikan. Mas masarap naman siguro iyong makatikim ka ng disenteng buhay at mataas na pagtingin sa lipunan. Katulad nga kanina, 'yung ibinigay na paggalang sa kanya ng inutusan ni Dax na maghatid sa kanya ng pera. Kahit malayo ang agwat ng edad nito sa kanya ay namupo ito. Hindi ba dapat lang naman din na hangarin niya na laging ganoon kung titingnan siya ng kanyang kapwa?