Chapter 38: The Beginning Of Forever

“Teka, teka lang. Saan n’yo ako dadalhin?” reklamo ni Rowan sa tatlo niyang mga kaibigan. Hinawakan siya nina Nisa at Moira sa magkabilang bisig samantalang si Marion naman ay siyang nagbukas ng pinto ng van niya at ito ang pumuwesto sa driver seat. “Kidnapping ito, ‘no? Pinipilit n’yo ako, eh!”

Nagtawanan ang tatlong babae.

“Kidnapping ka diyan. Eh, sasamahan ka lang naman namin papunta sa… ano…” Ibinitin ni Moira ang nais sabihin.

Palinga-linga siya rito at kay Nisa, tapos napasulyap sa nagmamaneho nang si Marion. “Hoy! Ikaw, Marionette. Hindi ba’t hahanapin ka ni Tommy?”

“Tch! Alam na niya ang plano namin, ‘no? Kaya manahimik ka na lang. Promise, magugustuhan mo ang lugar na pupuntahan natin.”

Napabuga siya ng hininga at halos sikuhin na ang dalawang pumagitna sa kaniya kaya binitiwan na rin siya nina Moira at Nisa sa wakas.

“Saan ba talaga tayo pupunta?” ungot na usisa niya.

“Huwag kang mag-aalala. Nagpaalam kami sa papabol mong fiancé. Bago pa ang Valentine’s Day o ang takdang araw ng inyong kasal, may dapat pang gawin ang bride-to-be! ‘Di ba, mga fwends?” anang Marion na sinulyapan ang mga kasabwat sa rear view mirror. Ang laki pa ng ngisi nito.

“Of course!” sabay na sang-ayon nina Moira at Nisa.

Inikot ni Rowan ang mga mata. “Ang cliché n’yo naman. Ayoko nga ng bridal shower! Sinabi ko na ‘yon sa inyo ilang beses na, ah. Ano ‘yon? Para may pagkatuwaan kayo ng lalaking binabayaran n’yo para sumayaw sa harap ko? Eww! Ayoko nga ng gano’n!” Napangiwi siya at ayaw niyang i-imagine-nin man lang. Sa halip ay mas maigi pang si Lucian ang iisipin niya na sumasayaw sa harap niya. Iyon ang mas maganda.

Napatawa na lang siya nang mahina sa kaniyang naisip. Siguro ay lalambingin niya iyong sumayaw minsan sa harap niya. Susubukan niya lang kung talagang gagawin ng Sugar Daddy niyang mahal.

Biglang piniringan ni Moira si Rowan bago pa man sila dumating sa kanilang destinasyon. Napapalatak siya pero hiningi ng mga ito ang kooperasyon niya kaya wala na siyang nagawa. Baka masira pa ang pagkakaibigan nila dahil sa pag-iinarte niya. Ayaw naman niyang mangyari iyon kaya nakiayon na lang siya sa daloy ng mga pangyayari.

“Basta, ah! Ayokong magkasala kay Lucian. Please lang! Sa makalawa na ang kasal namin,” aniya sa mga kaibigan habang iginigiya siya sa kung saan. Nakahawak sa magkabilang braso niya sina Moira at Nisa at nauna si Marion.

Medyo malambot ang tinapakan niya at nasamyo niya ang bango ng mga bulaklak. Naisip niyang baka mga talulot ng mga bulaklak ang tinapakan niya. Ini-imagine niyang nasa isang silid sila ngunit naramdaman niya ang mabining pag-ihip ng hangin sa kaniyang balat at sa suot na sundress.

“Nasaan ba talaga tayo?” tanong niya nang binitiwan na siya ng kaniyang mga kaibigan.

Ngunit wala siyang narinig na sagot mula sa mga ito. Lingid sa kaniya ay umalis na ang mga ito at iniwan siya roon.

Nairita siya nang hindi pa rin sumagot sa kaniya ang mga kaibigan. Nang biglang tumunog ang isang romantikong musika ay bigla siyang kinabahan. Natakot siyang baka ay may isa o maraming lalaking nakahubad at sasayaw ng erotiko sa harap niya.

Inalis niya ang piring sa kaniyang mga mata at namangha na lang siya sa kaniyang nakita. Isang mensaheng inilawan ng iba’t ibang kulay at sinabing, “Thank you for being my bride-to-be!”

Mula sa ere, nahulog ang confetti ng mga talulot ng carnations at nagkalat sa buong hardin ni Lucian. Kasabay niyon ay mga fireworks na humugis ng puso sa ere pagkaputok. Halos hindi siya makapaniwalang doon lang pala siya dinala ng mga kaibigan niya. Ang akala pa naman niya ay sa kung saang bar o hotel room kung saan may mga lalaking nakahubad.

Napatutop siya sa kaniyang bibig, napahanga sa ganda, saka nakitang naglakad papunta sa kaniya si Lucian na may hawak ng bouquet ng paborito niyang bulaklak na sumisimbolo ng araw.

“Lucian! Ano ‘to?” tanong niya nang huminto ito sa harap niya habang patuloy ang pagputok ng fireworks sa taas.

“I didn’t give you a decent proposal, remember? So, in lieu of that, since you’ve already said ‘yes’ to me, I wanna thank you, as you’ll marry me in two days,” nakangiting sagot ng katipan.

Napatawa siya at sinulyapan ang singsing na bigay nito sa kaniya. Hindi niya ito hinubad maliban na lang kung maghuhugas siya ng pinggan o kaya ay maliligo.

“Hindi ka na sana nag-abala pero naa-appreciate ko ang lahat ng ito. Ang ganda! Sobra!” Tinanggap niya ang bouquet ng mimosa. “Ikaw naman, pinapakilig mo na naman ‘ko, eh.”

Tumawa nang mahina ang lalaki. “That’s good then. Gusto kong lagi kitang napapakilig hanggang sa pagtanda natin.” Hinawakan nito ang kaniyang baba upang salubungin ang tingin nito. “Thank you for being my sun, my sweet Sugar Baby,” nakangiting saad nito.

“My pleasure, my Sugar Daddy,” tugon niya naman sa mababang tono.

Yumuko ito at ginawaran siya ng halik sa labi.

Nagsipalakpakan naman ang kaniyang mga kaibigan na ngayon ay lumitaw mula sa sadyang pinadilim na parte ng hardin. Kaya naman ay humiwalay siya kay Lucian at napahiya.

“Eii! Ganito sana pala ‘yong proposal ni Lucian, ang sweet! Nakakainggit!” anang Moira na kinilig.

“Sana gano’n din si Tommy ko.” Lumabi pa si Marion.

“Teka, ano pa ang ginagawa natin dito? Nagugutom na ako at nasa loob ang kusina. Tara, doon na tayo at hayaan na muna natin ‘tong dalawa rito,” aya ni Nisa sa dalawa sabay tulak sa mga ito.

***

“I haven’t imagined that this day would ever come, Uncle Lucian,” proud na sabi ni Lee kay Lucian.

Suot na niya ngayon ang three-piece suit na puti habang nasa bunganga na sila ng simbahan.

Naghihintay ang bride sa loob ng bridal car kung kailan mag-uumpisa ang seremonya ng kasal.

“You’ve done it at last!” Yumakap din sa kaniya si Kuya Lucas.

“Thank you for being here,” tugon niya. “Pero ba’t ang tono niya parang nakakuha ako ng malaking deal para sa negosyo?”

Natawa ang mag-ama sa sinabi niya.

“Mind you, this is more than a business deal, Lucian. We all know this. It involves your happiness and your future family,” paalala sa kaniya ni Lucas na sumeryosong nakatingin sa kaniya. Tinapik siya nito sa balikat.

Uminit ang sulok ng kaniyang mga mata. He was going to be Rowan’s husband in just a matter of minutes. At ngayon ay naglalakad na siya patungo sa dambana upang hintayin ang kaniyang pinakamamahal na dumating at daluhan siya roon upang magsumpaan sila sa harap ng Diyos at sa lahat ng kanilang kapamilya at mga kaibigan.

Pagkatapos ng mahabang entourage kasama pa si Reina at ang anak nito ay dumating na rin si Rowan kasama si Marion. Napansin niyang kilig na kilig ang mga kaibigan nito na lahat ay bridesmaids at si Marion naman ang Maid of Honor.

Samantalang siya ay si Rhenn ang ginawang Best Man. Tumanggi kasi sina Lee at Lucas para patas ang mga ito kaya si Rhenn na ang tumanggap sa kaniyang alok. Kung buhay pa sana si Michael ay malamang ito na ang naging Best Man niya.

Parang nag-fast forward ang mga pangyayari at ngayon ay handa na siyang halikan ang kaniyang misis sa harap ng maraming tao, ayon sa basbas ng pari. Nagkislapan ang mga camera at nakatutok sa kanila ang nagbi-video upang idokumento ang kanilang enggrandeng kasal.

“I’ll love you for always, Rowan,” bulong niya bago inilapat ang mga labi sa kaniyang napakagandang bride.

Napangiti ito bilang pagtugon. “And we love you, too, my sugar, my Sugar Daddy,” bulong ding anito sa pagitan ng kanilang halik.

Napatigil siya sa paghalik sa asawa. “W-what did you say?” Napakurap-kurap siya nang mabilis.

Ngumiti nang mas malapad ang kaniyang misis. “Ano?”

“You said ‘we’,” giit niya.

“Yes, of course. That’s me and our baby,” anitong ibinulong ang huling salita.

Nalaglag ang kaniyang panga habang nakatitig sa asawa at dumapo ang paningin sa impis nitong tiyan. Nagulat na lang ang lahat nang bigla siyang sumigaw sa saya at pinangko ang kaniyang asawa.

Napakapit si Rowan sa kaniyang leeg nang natatawa habang nagtataka ang lahat. “Hoy, hoy! Mag-iingat ka naman.”

“Sorry, I’m just so happy. This is the happiest day of my life, sweetheart, and you and our baby are the only ones that make me the happiest man alive on this planet.”

Hinaplos nito ang kaniyang pisngi, nakangiting nakatitig sa mga mata niya. “Oo. At isa lang ‘to sa mga pinakamaligayang araw ng buhay natin. I-claim na natin ‘yan, sugar!”

-- Wakas --