Chapter 38: Part 2
“Ano ‘to? Bakit parang ang dami namang gamit?”
Deretso akong tiningnan ni Maria. “Ihahanda po muna namin ang pagliliguan mo.”
“Pagliliguan ko?” gulat na tanong ko.
Matipid na ngumiti lang si Maria at muling nag-bow. Tapos pumunta na siya sa banyo kasunod ang ilang mga babae. Hindi ko maiwasang mamangha sa nangyayari. Sa ilang sandali ay pakiramdam ko bigla akong naging prensesa dahil sa mga nakikita ko. Busog na busog ang mga mata ko sa mamahaling alahas na nakikita ko sa higaan ko. Sa mga magagarang damit at sandalyas. Mayroon ding mga bag na halatang hindi mumurahin.
“Handa na po ang iyong pagliliguan, MIss.”
Napalingon ako sa likuran ko noong marinig ko si Maria. Tumango ako sa kaniya at naglakad ako papunta sa banyo. Napaawang ang bibig ko noong makita ko ang bathtub sa gitna ng banyo ko. Malaki rin kasi ang banyo ng silid ko kagaya ng silid ni Rodrigo. Ang kaibahan lang dito ay nasa gitna ang pabilog na bathtub. Punong-puno ng bula ang tubig na may ilang talulot ng bulaklak. Sa sahig mga lamesa ay may mga kandilang may mabagong amoy na nakasindi. Nakita ko ang mga kasama ni Maria na nakatayo palibot ng bathtub. Lumapit ako roon at tiningnan ang paliguan.
“Ano’ng giangawa mo?” gulat na tanong ko noong mayroong lumapit sa akin at akmang huhubarin ang suot ko. Napayakap ako sa sarili ko at tiningnan nang masama ang babae.
“Mariing ibinilin ni Gov na tulungan ka namin sa pag-aayos mo, Miss. Mula sa pagligo at pagbibihis mo,” ani Maria.
Nilingon ko siya. “Kaya kong maligo mag-isa. Hindi ako maghuhubad sa harap niyo kahit mga babae rin kayo,” aniko.
Tumungo si Maria. “Sorry po.”
Bumuntonghininga ako. “S-Sige na po. Iwanan niyo na ako.”
“Tawagin niyo ho kami kapag may kailangan kayo,” sabi ni Maria.
Nakahinga ako nang maluwag noong makalabas na sila. Ang weird nilang lahat. Ano ba ang akala nila sa akin? Hindi marunong maligo mag-isa? Napailing na lang ako. Naghubad ako ng damit at lumoblob na sa tubig. Napangiti ako at biglang nakaramdam ng ginhawa noong mababad na ang katawan ko sa maligamgam na tubig. Ang sarap sa pakiramdam!
Ilang sandali akong nagbabad doon bago ko naisipan nang bumaba. Pero hindi pa ako nakapagpupunas ng katawan ay biglang bumukas ulit ang pinto ng banyo at pumasok si Maria.
“Ano ba?!” gulat na sabi ko at biglang napaupo dahil hindi ko pa nakukuha ang tuwalya ko. “Bakit bigla kang pumasok?!”
“Sorry, Miss. Kailangan mo na kasing tumigil sa pagligo at nariyan na po si Miss Barbie,” ani Maria. Inabot niya sa akin ang isang bathrob na agad kong kinuha at isinuot.
“Barbie? Make-up artist?”
Tumango si Maria. “Opo,” aniya at pinunasan ang buhok ko.
Hindi na lang ako umangal at sumunod sa kaniya. Iginiya na niya ako palabas ng banyo.
“Jane! We meet again!”
Napatingin ako sa tumawag sa akin. Lumapit sa akin si Barbie at nakipagbeso sa akin kahit na hindi ko naman siya sinabihan. Pinilit ko na lang ngumiti.
“Halika na at ibinilin sa akin ni Gov na dapat ay bongga ka ngayong araw!”
Tumango na lamang ako sa kaniya. Iginiya niya ako paupo sa isang upuan na umiikot. Hindi ko na nasundan pa ang sunot na mga nangyari. May mga nag-ayos sa buhok ko habang mini-make-up-an ako ni Barbie. Mayroon ding naglilinis ng mga kuko ko. Bawat paa’t kamay ko ay may tig-isang tagalinis. Ang weird!
Hindi ko alam kung gaano katagal nila iyong ginawa sa akin. Hindi ko rin kasi nakikita ang sarili ko dahil wala pa rin akong salamin. Ilang mga gown muna ang isinukat ko bago ko mapili ang isang simpleng itim na long sleeve gown. Kanang kamay ko lang ang may manggas at ang kabila ay lantad ang balikat ko. Hapit iyon sa katawan ko at kitang-kita ang hulma ng baywang ko. Ang laylayan niyon ay may mahabang slit kaya kita ang hita ko. Sinuotan nila ako ng kwintas na puno ng diyamante palibot. Maging ang mga hikaw ko ay may malaking dyamante rin. Sinuotan din nila ang gintong bracelet. Ang buhok ko ay maayos na nakapuyod at halos mangintab na ang pagkaitim. Ang huli nilang sinuot sa akin ay ang itim na stilleto.
“Perfect!” masayang sabi ni Barbie habang nakatingin sa akin. Hinila na niya ako sa may salamin na may taklob na tela. “Ready?”
Tumango na lamang ako sa kaniya at huminga nang malalim. Ilang sandali pa ay tinanggal na ni Barbie ang tela at tuluyan kong nakita ang sarili ko. Halos mapanganga ako sa hitsura ko sa salamin. Napaka layo sa Jane na simple lang.
“Ang ganda!” sabi ni Barbie.
“Oo nga po,” ani Maria.
Matipid akong ngumiti. Pinilit ko pa rin dahil nakita ko ang pagod nila habang inaayusan ako. “Salamat,” aniko. Napatitig ako sa kwintas ko. “Pwede ko bang isuot ang kwintas ko?” tanong ko.
Nangunot ang noo ni Barbie. “Ano’ng kwintas?”
Naglakad ako papunta sa drawer ko at kinuha ang kwintas ko. Ang susi sa hinahanap na ginto ni Rodrigo.
“Ay, hindi bagay. Ayaw mo ba sa kwintas na suot mo? It’s perfect! Hindi lahat ng babae ay nakapagsusuot niya. At isa pa, tunay ‘yan.”
Napatingin ako sa kwintas ko. Umiling ako. “Hindi. Susuotin ko ito,” aniko. Hindi na ako naghintay pa sa sasabihin nila at sinuot ang kwintas ko. Isiniksik ko iyon sa dyamanteng kwintas na suot ko para hindi gano’n kakita. Tinulungan naman ako nila Barbie para masuot ko. Hinding-hindi ko ito iiwan ngayong araw rito.
“Mukhang importante ang kwintas mo na ‘yan, Miss?” tanong ni Maria.
Napatingin ako sa kaniya. “Oo. Ito ang dahilan kung bakit naghihirap ako ngayon.”
Nagkatinginan silang lahat dahil sa sinabi ko. At ang kwintas din na ito ang nag-iisang dahilan kaya nabubuhay ako ngayon. Biglang may kumatok sa kwarto ko. Bumukas iyon at pumasok si Nanay Lyn.
“Tapos na ba kayo? Nariyan na ang sunod mo, Hija.”
“Tapos na po,” tugon ko. Tiningnan ko sila Barbie. “Maraming salamat sa tulong niyo sa akin ngayon. Hindi ko kayo makakalimutan.”
Nag-bow sa akin sila Maria maliban kay Barbie. “Ikaw naman. Marami pa tayong pagsasamahan.”
Tumango na lamang ako sa kaniya. Naglakad na ako palapit kay Nanay Lyn. Bigla ko siyang niyakap na ikinagulat niya.
“Hija, bakit?”
“Salamat, ‘Nay. Pasensya na kayo kung nasabihan ko kayo nang masama noon. Maraming salamat sa pag-aalaga niyo sa akin dito.”
“Jane. Syempre. Pero patawarin mo rin ako dahil wala akong magawa.”
Kumalas ako sa kaniya at matipid na nginitian. “Naiintindihan ko po kayo. Maraming salamat po. Sana ay makaalis na kayo rito, ‘Nay. Hindi kayo nararapat makasama sila.”
Nangunot ang noo ni Nanay Lyn. “Bakit parang nagpapaalam ka, Jane?”
Nginitian ko siya. Hindi pilit. Matamis na ngiti at iyon ang unang beses. “Opo. Bababa na ako dahil nariyan na ang sundo ko. Ayaw kong magalit si Rodrigo.”
Ilang sandali pa akong tinitigan ni Nanay Lyn bago tumango. “Hay naku! Pinakakaba mo ako eh! Sige na. Bumaba ka na.”
“Sandali, miss! Nalimutan mo ang pouch mo. Narito na ang cellphone mo at panyo,” habol ni Maria.
“Salamat.”
Lumabas na ako ng kwarto at bumaba ng hagdan. Nakita ko agad sa labas ang itim na limousine na naghihintay sa akin. Bukas na ang pinto niyon at may naghihintay sa isang lalake na nakahawak doon. Tumigil ako sandali at tiningnan ang mansyon ni Rodrigo. Unti-unti. Makakalayas din ako sa impyernong ito. Muli akong huminga nang malalim at sumakay na ng kotse. Nag-iwan ako ng mensahe kay Mama bago tahimik na naghintay hanggang sa makarating kami sa venue.
Ito na. Narito na ako. Hinding-hindi ko hahayaan na pumalpak ako. At sisiguraduhin kong wala nang masasaktan pang mahal ko sa buhay.