Chapter 9 Iba

Nagising ako na masakit ang ulo. Hinilot ko ang sintido. Napatulala ako sa kisame at inalala ang nangyari kagabi. Hindi ako makapaniwala na sinuko ko na ang sarili kay Zander. Napangiti ako saka hinarap ang katabi ngunit bakanteng espasyo ang bumungad sa ‘kin.

Sinubukan kong tumayo pero agad akong napad*ing dahil sa sobrang pananakit ng pagkababae ko. Binagsak ko ang katawan pabalik sa kama. Dahan-dahan kong ibinaba ang paa sa gilid ng kama. Halos magdugtong ang mga kilay. Nilibot ko ang tingin at ni katiting na parte ng kuwartong ‘to ay walang pamilyar sa ‘kin.

Simple lang ang pina-book ko na kuwarto kay Drizelle, kuwarto lang na may sariling banyo at maliit na sala na may dalawang pan-isahang sofa. Malayong-malayo ang silid na ‘to sa amin. Ito ang tipo ng kuwarto na mukhang ginto at siguradong presyong ginto. Kaya kong bayaran ang isang gabi ko rito pero siguradong mauubos lahat ng savings ko. Bawat sulok ng silid ay may presyong dyamante, mula sa mga sining na nakakabit sa dingding hanggang sa mga plorerang nagkakahalaga nang malaki.

Napasinghap ako. Kung mali ang kuwartong tinuluyan ko. Nasaan ako? Sino ang kasama ko?

Dinig ko ang pagraragasa ng tubig mula sa banyo. Binalot ko ang kumot sa hubad na katawan at pinilit na tumayo. Kinagat ko ang ilalim na labi para pigilan ang bibig na kumawala ng da*ing. Kusang tumulo ang mga luha ko dahil sa sobrang sakit. Pakiramdam ko’y nawasak ang puri ko. Humawak ako sa pader bilang alalalay at ininda ang sakit. Sumilip ako sa nakabukas na banyo at natagpuan ang isang lalaking naliligo sa glass shower. Ang unang nakaagaw ng atensyon ko ay ang malulusog niyang pwet. Hindi ko naiwasang kapkapin ang pwet at makaramdam ng inggit.

Napakapit ako sa pinto nang mapansing isang estranghero ang nasa shower. Kilala ko ang likod ni Zander at hindi siya ito!

Dali-dali kong hinanap ang mga panloob at sandali kong nakalimutan ang sakit. Napulot ko ang bra ko na nakapatong sa lampshade ang kaso lang ay hindi ko mahanap ang panty ko!

Napadpad ang mga tingin ko sa drawer niya. Nag-aalangan akong buksan ang mga ito. Huminga ako nang malalim para humugot ng lakas ng loob. Pagkabukas ko ng unang drawer ay halos bumagsak ang panga ko sa sahig sa nakita. Puno ng condom ang drawer na ‘to. Agad kong tinulak pabalik ang drawer at ang pangalawa naman ang binuksan. Tumambad sa ‘kin ang mga boxers niyang may print ng mga cartoon characters. Napangiwi ako. Kumuha ako ng isa at sinuot.

Tinapon ko ang kumot pabalik sa kama. Nataranta ako nang tumigil ang pagbuhos ng tubig mula sa shower. Tumitingkayad akong tumatakbo pababa ng sala.

“Aww... aww...” pabulong kong d*ing habang hawak-hawak ang nasa pagitan ng mga hita ko habang bumababa ng hagdan.

Tumambad sa ‘kin ang napakalaking sala. Kinuha ko ang damit at agad na sinuot.

“Anastasia?” tawag niya mula sa itaas.

Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Kilala niya ako?

Sumulyap ako sa ibaba ko at humugot nang malalim na hininga. Mariin kong ipinikit ang mga mata saka kumaripas ng takbo sa pinto at tuluyang lumabas ng silid. Mula dito sa labas ay dinig ko ang mabilis niyang yabag pababa ng hagdan. Palinga-linga akong naghanap ng matataguan. Nakita ko ang isang mataas na halaman sa gilid ng pasilyo sa ‘di kalayuan. Siniksik ko ang sarili sa likuran ng halaman. Sakto ring naka emerald green akong dress. Nagmukha akong chameleon na nag-camouflage sa halaman dahil sa damit na suot ko.

Bahagya akong sumilip at nakitang may lalaking naka tapis lang ng tuwalya ang lumabas sa silid na pinanggalingan ko. Hindi ko siya na mukhaan dahil sa layo ng pagitan namin. Pansin ko ang isang matanda na napadaan na tila pinapagalitan siya. Paulit-ulit siyang yumuko na para bang humihingi ng paumanhin. Sinenyasan siya ng matanda na bumalik sa kanyang kuwarto. Mabilis akong yumuko at nagtago ang mga mata namin nang sumulyap siya sa direksyon ko. Kinagat ko ang ibabang labi at napamura sa isipan nang maglakad siya papalapit.

“At saan ka pupunta? Magbihis ka do’n!” sita ng matanda sa kanya at pinagtulukan siya papasok ng kuwarto. Wala siyang nagawa kundi ang bumalik sa loob. “Sus maryosep! Mga kabataan nga naman ngayon!” usal nito nang nakapamewang sa harapan ng pinto.

Nakahinga ako nang maluwag. Napalingon ako at akmang tumayo. Agad akong napaupo sa lapag nang bumulaga sa ‘kin ang isang lalaking may tulak-tulak na cart.

“Excuse me, ma’am okay lang po ba kayo?” aniya at tinulungan akong tumayo.

“Oo, okay lang ako. Salamat.” Agad kong pinagpagan ang suot na damit.

Puno ng pagkain ang cart at pang dalawahan. May breakfast in bed pang nalalaman?

“Excuse me, ma’am, padaan lang po,” aniya at sinwipe ang card sa pinto.

Napatingin ako sa room number at room 808 ito, kuwarto namin ni Zander. Kumabog nang mabilis ang puso ko. Napatingin ako sa pagkaing in-order niya. Pang dalawahan. 

Baka naman gutom na gutom siya kaya pangdalawahan ang in-order niya?

“Ito na pala ang order namin. Ako na kuya,” alok ko at hindi naman siya nag-alangan sa pagbigay sa ‘kin nito.

Pasimple kong hinarang ang isang paa para hindi magsara ang pinto. Hindi ko pala nadala kagabe ang purse ko.

“Sige po, ma’am. Salamat.” Tumalikod siya at umalis.

Pumasok naman ako sabay hatak ng cart. Humigpit ang hawak ko rito nang sinalubong ako ng nagkalat na mga damit sa sahig, damit panlabas at panloob ni Zander at ng isang babae. Nanginginig ang buong katawan ko sa natunghayan. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang mapansin ang pamilyar na sapatos. Dinampot ko ito at inangat.

“Stuart Weitzman Diamond Dream stilettos...” bulong ko. Napasinghap ako nang makilala ang may-ari ng sapatos kaya agad kong nabitawan ito.

Napansin ko rin ang isang pamilyar na bag na nakaupo sa pan-isahang sofa. Kinuha ko ang bag. Isa itong limited edition bag ng AKV na isang tanyag na fashion brand at nangunguna sa buong bansa. Tiningnan ko ang gold bar na nakakabit sa sulok nito at gaya ng hinala ko ay 11673 nga ito. Ako ang bumili ng bag na ‘to.

Hinanap ko ang purse at kinunan ng larawan ang mga ebidensya, ang mga damit, sapatos at ang bag. Dahan-dahan akong lumapit sa kama. Nanginginig ang mga kamay kong kinunan ng litrato si Zander na mahimbing na natutulog katabi ang isang babae. Alam kong wala silang saplot sa ilalim ng makapal na kumot na nakapatong mula sa dibd*b nila pababa. Gumalaw ang babae at humarap Kay Zander. Napahawak ako sa side table para hindi matumba. Tama nga ang hinala ko, ang babae ay si Ella.

Kinuhanan ko ulit sila ng litrato. Gumalaw si Zander at pinatong ang braso kay Ella at hinigit siya palapit. Napangiti naman ang huli at siniksik ang mukha sa dibd*b ni Zander. Hinalikan niya ang nuo ni Ella at muling niyapos.

Hindi ako umimik at pinanuod lang sila. Gusto kong umiyak ngunit walang ni isang butil ng luha ang tumulo mula sa mga mata ko. Napahawak ako sa dibd*b ko. Naninikip  ito. Naghahalo-halo ang naramdaman ko. Galit, sakit, lungkot ngunit walang pagsisisi. Kinuyom ko ang kamao. Pagsisihan niyo ang pagtataksil niyo.