Pagkatapos nga niyon ay sinimulan na nga silang sukatan ni Ruby. Pink and violet ang color motif ng kasal nina Vicente at Katarina kaya magkahalo ang kulay lila at rosas sa kanilang susuotin sa kasal ng mga ito. At nang matapos kunan ay nagpaalam muna ang dalawa—sina Katarina at Ruby—upang tingnan ang itaas na bahagi ng natahi na nitong gown. Hindi nga makapaniwala ang kakambal niyang si Katarina dahil kamakailan lang siya sinukatan pero kaagad nitong natapos ang pang-itaas na bahagi ng isusuot nitong bridal gown.
“Mama, p’wede po ba akong pumunta roon? Gusto ko pong matingnan ’yong mga gowns po, ang gaganda po kasi,” paalam ni Angie sa kaniya sabay turo sa unahang bahagi, kung saan nakasabit at nakasuot sa mga manikin ang pambatang mga gown.
“Sure. Basta tingin lang, huwag mangialam ng kung ano-ano,” habilin niya.
“Yes, Mama.” At masaya itong tumakbo sa lugar na kanina pa nito gustong puntahan.
“Totoo pala ang sinasabi nila na alam ng puso kung sino ang itinatangi nito.”
Napakunot-noo si Katalina nang marinig iyon. Nang balingan niya ang taong nagsalita ay prenteng nakaupo lamang ang lalaki sa pang-isahang sopa habang nakatakip ng binabasang diyaryo ang mukha. Silang dalawa na lamang ang naiwan sa sofa set na naroroon sa boutique na iyon. Hindi niya ito pinansin, sa halip ay sumimsim na lamang siya ng kapeng ibinigay sa kanila ng katuwang ni Ruby. Napataas siya ng kilay dahil sa lasa ng kape na ininom niya ngayon, suwak na suwak sa kaniyang panlasa.
“Mas nanamnamin mo pa ba ’yan kaysa sa mga salitang binitiwan ko?”
“Karapatan lang ng kape na pahalagahan dahil sa kaniyang lasa,” sabat na lang niya.
“At ako ay hindi?”
Nakita niya sa gilid ng kaniyang tingin na ibinaba nito ang binabasa at tumingin sa kaniya.
“Wala akong sinabing gano’n.” At muli ay sumimsim siya ng kape. Sa ikalawang pagsimsim niya ay tama ngang hindi siya niloloko ng kaniyang panlasa, masarap nga ito. Parang gusto niyang magpaturo sa katuwang na iyon ni Ruby kung paano ito itimpla.
“Hindi ba’t minsan mo rin akong natikman? Hindi sa pagmamayabang pero alam kong mas masarap ang ginagawa ko sa ’yo noon kaysa sa kapeng iniinom mo ngayon.”
Halos mabulunan siya sa kaniyang iniinom at pinanlisikan ng mga mata si Vicente.
“Now, I got you,” ngisi nito at itinaas ang sariling tasa bago sinimsim ang laman niyon.
Binagalan nito ang pag-inom at paglagok ng kape dahil sa marahang pagtaas at baba ng lalagukan nito. At sa paghihiwalay ng baba ng tasa at mga labi nito ay kitang-kita niya kung paano marahang sumayad ang dila nito sa sariling mga labi na dahilan ng pagkakabasa ng mga labing iyon. Alam niyang sinasadya iyon ni Vicente pero bakit gano’n na lang din ang epekto nito sa kaniya? Ayaw niyang maramdaman iyon ngunit ang puso niya ay tila tinatraydor siya. Marahang sumilay ang pagkakangiti sa labi nito at nang itinaas niya ang kaniyang paningin sa mga mata ng lalaki, maging ang mga ito ay nakangiti rin. Inaakit siya. Sa kalagitnaan ng pagkalunod niya sa mga matang iyon ay ang hindi inaasahang pagngisi niya.
“Masarap nga iyon. Enjoy na enjoy nga tayo, e. Pero hindi lahat ng masarap ay malasa, ang iba...” pamimitin niya. Nilapag niya ang kaniyang tasa sa mesang rektanggulong salamin na nasa gitna nilang dalawa. “Nakakapangsisi. Masarap na nga sana kaso pumakla sa huli.” At tumayo. Sinakyan niya na ang lalaki pero hindi ibig sabihin noon ay iiwanan niya na ’tong may malawak na pagkakangisi. At mukhang nagtagumpay nga siya dahil biglang sumeryoso ang mukha nito.
“Hindi ako naniniwala na madali mo lang na kinalimutan ang lahat, Katalina. Kung ang puso ko nga ay kilalang-kilala kung sino ka sa inyong dalawa ni Katarina kanina, paano pa kaya ang puso mo na nakadepende sa akin noon?” salita nito na nagpatigil sa kaniya at sa akma niyang paglalakad, makalayo lamang sa lalaki. Hindi niya kasi gusto ang pakiramdam na malapit lang ito sa kaniya dahil umiinit lang ang kaniyang ulo.
Kahit nanggigigil na siya ay hinarap niyang muli nang nakangiti ang lalaki. “Noon, Vicente. Noon. Hindi na ngayon. Maraming nagbago sa nakalipas na panahon.” At tuluyan na nga niyang iniwan ang lalaki doon.
Hindi na siya nag-abala pang tingnan kung ano ang naging reaksyon nito. Ang mahalaga ay makalayo siya sa lalaking sumira sa buhay niya. Kung may bagay man siyang ipinagpapasalamat, iyon ay ang pagkakaroon ng anak na naging katuwang niya at inspirasyon upang ipagpatuloy ang buhay. Ipinagpapasalamat niya iyon sa Maykapal kahit pa kasumpa-sumpa ang ama nito.
NGAYON ay muli silang bumyahe. Tahimik lamang sila sa loob ng sasakyan samantalang ang batang si Angie ay malawak ang pagkakangiti. Hindi na makapaghintay pa kung saan sila dadalhin ng Tito Vicente nito. Nakatanaw lamang si Katalina sa labas. Binaba kasi nila ang salaming bintana ng sasakyan dahil hindi naman mainit at maalikabok. At upang makita na rin ang tanawing handog ng kalikasan na kanila namang sinusulit sa pagsamsam. At higit sa lahat ay ang kaalamang walang trapiko sa lugaw na iyon kung saan buga nang buga ng maiitim na usok ang mga sasakyan—kaya malinis ang hanging kanilang sinasamyo. Isang mahabang kalsada ang dinadaanan ng sasakyang minamanyobra ni Vicente ngayon kung saan nasa pagitan iyon ng malalawak na palayan. Nagiging kulay ginto ang bigi ng palay dahil sa sinag ng araw na tumatama sa butil ng mga ito. Mayroon ding mga magsasaka na nagsisimula nang anihin ang tatlong buwan ding inalagaang binhi. Suot-suot ang malaking sumbrerong gawa sa anahaw, damit na may mahahabang manggas; at wasak ngunit napapakinabangan pa rin na pantalon, na nagsisilbing proteksyon sa kanilang mga balat mula sa sikat ng araw sa hapon. Mayroon ding maliban sa suot na sumbrero ay may takip din ang mukha.
Nang madaanan ang tumpok ng mga taong iyon at matanaw ang sasakyan ni Vicente na dadaan ay nagsitigil sila sa kanilang ginagawa, para lamang kumaway at sumigaw ng ‘Sir Vicente!’ na may malawak na pagkakangiti sa kanilang mga labi.
Bumusina naman ang lalaki at tumugon ng pasigaw, “Magandang hapon po! Dadaan lamang kami!” At kumaway pabalik.
“Oh, sige. Mag-ingat ho kayo!” ayon sa isa sa kanila.
Hanggang sa tuluyan na nga nilang nalampasan ang grupo ng mga magsasaka.
“Ito ang Baranggay Silangan, ate. Ito ang hawak ni Vicente maliban sa Barangay Birungawan bilang isang Agricultural Technologist ng munisipyo. At mukhang alam ko na kung saan niya tayo dadalhin.” Pagbaling sa kanila ni Katarina.
“Isa kang Agricultural Technologist?” diretsa niyang tanong. Halos hindi makapaniwala sa balita. Hindi niya akalaing magiging technician ito sa kanilang bayan. Napatingin naman sa kaniya si Vicente sa pamamagitan ng rear view mirror.
Napakunot-noo si Katalina na hindi niya napansin. “Ano naman ang masama sa pagiging technician, ate? Hindi ba’t malaking tulong ang mga katulad niya sa bayan natin? Mas lalong lalago ang agrikultura sa ating bayan at mabibigyan pa ng sapat na tulong benipisyo at machinary mula sa taas ang mga magsasaka natin. Binibigyan nila ng boses at lakas ang mga mumunting magsasaka lalo na rito sa Casa Serrie. Hindi ba iyon din naman ang gusto mo noon pa man?”
Awtomatiko siyang napatingin sa kapatid. Hindi niya napansing naitanong niya iyon na nariyan si Katarina dulot ng pagkasorpresa. “Ha? Ah, oo naman. Bilang isa sa may pinakamalaking ambag sa lipunan ay kailangan din ng mga magsasaka ang tulungan at alagaan. Kaya kailangang bigyan sila ng serbisyong nararapat sa kanila. Kaya nga gano’n na lang ako nagulat na isa pa lang Agricultural Technologist si Vicente. Hanga ako sa mga katulad niya.” Napayuko siya pagkatapos niyon.
Kahit ang gusto niyang ipahiwatig sa kaniyang tanong kanina ay bakit nito ipinagtuloy ang pangarap nila noon? Hindi ba’t nagkaroon lang ng pangarap ang lalaki dahil sa kaniya? Noon ay kinuwento nito sa kaniya na kinuha lang nito ang kursong agrikultura para sa rasong ‘wala lang’ at ‘to enjoy life through exploring some interesting stuff’. Gaya ng mga dahilan nito ay hindi ba’t ‘interesting stuff’ lang para sa lalaki ang mga iyon noon?
She was amazed at the same time. May paninindigan din pala ang loko. Tapos na kasi ang relasyon na mayroon sila. Pupuwede na nitong balikan ang kung ano man ang naumpisahan nito noong panahong hindi pa siya dumating sa buhay nito. Hindi na naman kasi ito obligado lalo na’t wala na sila. Pero ano itong nalalaman niya? Gano’n ba siya kahalaga sa lalaki para ipagpatuloy ang binuo nilang pangarap? Ayaw niyang mag-assume. At hindi rin niya sisirain ang nabuong paninindigan para sa kaniyang sarili dahil lang sa naging totoo ito sa kaniya. Pero hindi, ayaw niyang isiping naging totoo ito sa kaniya. Hindi puwede.
Sa kabila niyon ay hindi pa rin siya magpapauto nang dahil lang sa nalaman. Kahit na tinupad man nito ang pangarap na binuo nila noon, ang mga ginawa nito sa kaniya ay hindi na mapapalitan pa. Hindi siya mahalaga sa lalaki, iyon ang alam niya, maging ng puso niya. Dahil kung naging mahalaga siya rito ay hindi iyon gagawin ng lalaki sa kaniya. Kung mahalaga siya, dapat ay iningatan siya ng lalaki sa simula pa lang.
“That’s why I’m so proud to him, ate. He work fair and square. He doesn't care if he works overtime just to give the farmers what they’ve deserve. If you didn't know, farmers loves him so much.” Nagniningning ang mga matang tumingin ang kaniyang kapatid sa katabi nito na siya ring sinalubong ni Vicente ng sulyap at ngumiti.
Naiiwas niya ang tingin sa tanawing iyon na para bang ayaw niyang masilayan pang muli. Marahil ay dahil lang sa kilala niya si Vicente na isang manloloko. Kinukumbinsi niya ang sarili na wala ng iba pang rason maliban doon. At sa kaniyang pag-iwas ay siya rin namang pagsilip ni Vicente sa rear view mirror upang makita siya mula sa likurang bahagi ng sasakyan. Bago nito niliko ang sasakyan patungo sa mataas na bahagi ng kalsadang lupa.
“Wow! Napakaganda dito, Mama!” namamanghang sigaw ni Angielyn.
Maging siya ay namangha at nasorpresa rin dahil sa tanawing nakikita. Kulang na lang siguro ay maghugis bituin ang kaniyang mga mata at maghugis itlog ang kaniyang bibig. Kitang-kita mula sa kaitaasang kanilang kinaroroonan ang sari-saring produktong agrikultura sa ibaba. Tila mga elementarya itong nakahanay sa harap ng flag pole tuwing flag ceremony—imbes na iba’t ibang baitang ang nakahanay ay mga gulay ang makikita roon. Halos lahat na yata ng mga prutas at gulay na nasa awiting ‘Bahay-kubo’ ay naririto na.
“This is a government property, nakatiganggang noon pero kita n’yo naman ngayon. Beautiful, isn't it?” Si Vicente.
“No, it’s wonderful,” ika niya.
Hindi niya alam kung sino ang kausap o kung saan ba nakatingin si Vicente sa pagkakataong iyon. Basta siya ay masyado nang naagaw ang atensyon o sabihin na lang nating nalulunod na ng tanawin ang kaniyang mga mata. Tila ba na ‘love at first sight’ yata siya sa nakikitang tanawin ngayon. How she really love the surroundings that full of planted vegetables—even flowers and different kind of plants.