Chapter 10

FENRIS

NAKATULOG agad ang aking Prinsesa sa aking bisig pagkatapos naming magniig. Hindi ko mapigilang mapangiti habang pinagmamasdan ko ang mukha niya. Talagang wala nang makakaagaw sayo ngayon, aking mahal.

Pinagpag ko ang kaniyang damit at isinuot ko sa kaniya ito, at ganoon na rin sa akin. Tiyak na hinahanap na kaming dalawa ngayon. Agad ko siyang binuhat para kami’y makabalik na. Nakakamangha na may kadugtong na kweba ang ilalim ng isa sa mga silid ng kastilyo, ngayon ko lang ito nalaman. Ngunit hindi tama ang oras na ‘to para kamanghaan ang kweba na ito, kailangan na namang makabalik sa itaas.

Habang binabagtas ko ang hagdan pataas, pumasok sa aking isipan ang kakaibang pagbago ng aking temperatura kanina. Ang alam kong may ganoong epekto ay ang gamot panghalina. Wala akong matandaang tinanggap na kung ano sa kung sino. Ang posibilidad lang na mailagay ang gamot na ito ay sa pagkain. Kanina sa salo salo… ngunit sino naman ang magtatangka sa akin ng ganito? Kailangan ko itong imbestigahan.

Nang nasa kusina na kami ay walang naroon, kaya pumasok pa ako sa loob at sakto namang paglabas ko sa kusina ay nakasalubong ko si Prinsesa Haramara na kakagaling lang sa hardin. Bumakas ang gulat sa mukha nito, at nanlalaki ang matang napatingin kay Prinsesa Tina na nasa aking bisig.

“A-ano… saan kayo nanggaling, Prinsipe Fenris?” Nangangatal ang boses nito na para bang may kung anong kinakatakutan. Kumunot ang aking noo sa kaniyang kinikilos, masyado siyang madaling mabasa.

“May nangyari ba, Prinsesa Haramara? Bakit parang kinakabahan ka?” diretsang tanong ko rito. Iniling-iling nito ang kaniyang ulo at kung saan saan na napupunta ang kaniyang tingin, mga senyales na may tinatago ang isang nilalang. At ano naman kaya ang dapat itago ng isang Prinsesa?

“Tapatin mo a—” naputol ang aking sasabihin ng may dumating na mga hukbo. “Narito na si Prinsipe Tina, kasama si Prinsipe Fenris!” sigaw ng isa sa mga ito pagkakita sa amin.

Ilang sandali lang ay nasa harapan na namin ang mahal na Prinsipe Ephraim na bakas ang pag-aalala sa mukha. Agad itong lumapit sa akin ang kinuha sa aking bisig ang aking Prinsesa. Batid ko’y makakahalata sila sa nangyari dahil sa damit ng aking Prinsesa na aking napunit. Ngunit ayaw ko namang pangunahan ito.

“Anong nangyari sa kaniya, Prinsipe Fenris?” tanong nito sa akin. Akmang magsasalita na ako ng magising si Prinsesa Tina. Iminulat nito ang kaniyang mga mata at napatingin tingin pa sa paligid bago magsalita.

“Ama?” sambit nito. Pinatayo siya ng mahal na Prinsipe at tsaka hinawakan ang magkabilang pisngi niya.

“Ayos ka lang ba aking Prinsesa? Bakit bigla na lamang kayo nawala ni Prinsipe Fenris?” tanong ng mahal na Prinsipe. Ano nga kaya ang isasagot niya? Kung ako ang tatanungin ay sasabihin kong may nangyari sa amin. Dahil wala naman nang ibang pakakasalan ang Prinsipe Tina kun’di ako lang, ngunit nasa kaniya pa rin ang huling kasagutan.

“May… may nawawala po kasi akong gamit, Ama. Pagkatapos ay naalala kong baka nasa kweba lang ito na kadugtong ng silid sa ilalim kaya naman ay pinuntahan ko ito. Sinundan ako ni Prinsipe Fenris at tinulungan niya akong maghanap,” paliwanag niya. Akala ko ay sasabihin niya ang totoo… alam ko namang may dahilan ito kung bakit ayaw nitong sabihin ang nangyari.

“Kung ganoon, isang bagay lang pala ang nawala sayo. Pinag-alala mo kami ng sobra aking anak,” sambit ng mahal na Prinsipe. Yumuko naman si Prinsesa Tina at humingi ng paumanhin.

“Humihingi ako ng paumanhin aking ama, hindi na po ito mauulit.” Napakunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. Hindi mauulit? Napatingin din ito sa akin at parang nababasa nito ang nasa aking isipan.

“Mabuti na’t magpahinga na tayong lahat, paumanhin sa pag-abala,” paumanhin din nito sa mga hukbo na siyang ikinahiya ng mga ito. Trabaho naman talaga nila ito kaya wala dapat ikabahala si Prinsesa Tina.

“Bumalik ang lahat sa pwesto, aking anak, magpahinga kana. Pwede kana ring magpahinga, Prinsipe Fenri,” sambit ng mahal na Prinsipe. Kaya wala akong magawa kun’di yumuko bilang tugon. Sinama na nito ang aking Prinsesa at naiwan kaming dalawa ni Prinsesa Haramara na parang nakahinga na ng maluwag.

“Magpahinga kana rin, Prinsesa Haramara.” Napangiti ito ng maluwag sa aking sinabi na para bang kay ganda sa kaniyang pandinig iyon. Agad itong tumango at tinalikuran ko naman na ito kaagad. Wala nang ibang dahilan para kausapin ko ito.