Si Papa at Mama

Author: Zvredd

“NANDIYAN NA SI PAPA!.” Masayang sigaw ng batang lalaki na si Tres, nang may biglang kumatok sa kanilang pintuan.

Mas nadagdagan pa ang sayang nararamdaman nito ng magsalita pa ang Papa niya.

“Tres, anak. Nandito na ako. Buksan mo na ang pinto.” Malambing na sabi nito.

Excited naman na naglakad si Tres papunta sa pintuan para papasukin ang kanyang Papa, pero pinigilan siya ng kanyang Mama.

“Tres! Dito ka lang. Hindi iyan ang Papa mo.”

“Po? Pero Mama, si Papa po yan.”

“Anak, ilang minuto pa lang ang nakakalipas nang umalis ang Papa mo, para bumili ng ulam natin. Malayo ang tindahan sa atin, kaya imposibleng ang Papa mo yan.”

“Pero Mama--.”

“Tres!.” Sigaw ng Papa niya sa labas. “Tres! Papasukin mo na si Papa. Bumili si Papa ng Ice cream, kaya papasukin mo na ko anak.”

“Mama! Yung Ice cream ko po. Si Papa po yan, Mama. Papasukin na po natin siya.” Pagmamakawa na sabi ni Tres sa kanyang Mama.

Napabuntong hininga ang Mama niya nang mapansin nito na papaiyak na siya.

“Halika, anak. Pupunta tayo sa CCTV camera natin para malaman mo na hindi talaga iyan ang Papa mo.”

Hinawakan siya sa kamay ng kanyang Ina bago sila maglakad papunta sa isang kwarto kung na saan ang laptop nito para tingnan ang CCTV camera nila na nasa may pintuan nakalagay.

At nagulat ang batang si Tres nang makita na wala naman tao sa labas ng pintuan nila.

Wala ang Papa niya.

Pero ang boses nito at ang katok, rinig na rinig pa rin niya ito.

“Tres, anak. Papasukin mo na si Papa please.” Nagmamaka-awang sabi ng isang nilalang na nasa labas ng pintuan nila. “Nilalamig na ko, anak.”

Natatakot na tumingin si Tres sa Mama niya.

“Mama! Wala si Papa! Natatakot po ako.” Natatakot na sabi niya sa kanyang Mama bago tumingin sa salamin na katapat nila.

Nanginginig na yumakap siya sa kanyang Ina habang nakatingin pa rin sa may salamin.

“Sshh, wag ka matakot anak. Nandito lang si Mama. Hindi kita papabayaan.” Pagpapa-kalma ng Mama niya sa kanya.

Nakatalikod ang Ina niya sa salamin kaya si Tres lang ang nakakakita kung ano ang na sa may salamin.

Malayo ang salamin sa kanila. Pero kahit ganun, maliwanag pa rin kay Tres na wala ang Mama niya rito.

Nag-iisa lang siya.

Nakaupo.

“Tres, anak. Ayos ka lang? Gusto mo ba matulog?.”

Napayakap si Tres ng mahigpit sa kanyang Mama.

“Opo, Mama.”

“Hayaan mo anak, uuwi rin ang Papa mo mamaya.” Malambing na sabi ng Mama niya. “Basta tatandaan mo, anak, wag mo bubuksan kaagad ang pinto, huh.”

“Opo.” Sagot niya habang nakatingin pa rin sa salamin.

Gusto ni Tres na tanungin ang Mama niya kung bakit wala ito sa salamin. Pero natatakot siya na magtanong dahil baka pati ang Mama niya mawala sa kanya.

“Mama, I love you.”

“I love you too, ‘nak.”

Naramdaman ni Tres ang pagyakap nito ng mahigpit.

Isang mahigpit na yakap na puno ng pagmamahal.

“Mahal na mahal kita, anak.”