Ang Kabinet ni Kuya

Author: Zvredd

Naranasan niyo na bang makarinig ng iyak tuwing gabi? O, iyong maka-amoy ng mabaho kahit wala naman patay na daga sa bahay niyo?

Ako si Kana, eighteen years old. Gusto ko lang sana sabihin o e-kwento sa inyo ang naririnig at nararamdaman ko, namin, sa kabinet na binili ni Kuya. Mahigit dalawang linggo din namin tiniis ‘yon dahil hindi pa gusto ni Kuya na itapon ang kabinet. Masyado kasing mahal ang kabinet, kaya hindi ito matapon-tapon noon ni Kuya. Doon niya lang ipinatapon at ipina-sunog ang kabinet nang siya na mismo ang nakaramdam at nakarinig sa nakakakilabot na iyak ng isang babae.

Nang kabibili palang ni Kuya sa kabinet, wala naman nagpaparamdam. Pero, after 3 days, nagsimula na kami makarinig ng iyak. Hindi ko alam pati na rin ang  bunso kong kapatid na si Dustin, kung saan nanggagaling ang iyak ng isang babae. Hindi ko naman maririnig ‘yon kung hindi lang ako ginising ni Dustin.

“Ate, natatakot ako.” Sabi ni Dustin.

Yinakap ko siya para hindi siya matakot. Nanginginig na kasi noon ang kapatid ko at pati na rin ako dahil nakakakilabot talaga ang iyak ng babae.

Para siyang iyak na nasasaktan at naghihinagpis. Mahirap siyang e-describe, basta ang iyak niya, kapag marinig mo, tataas talaga ang mga balahibo mo.

Mabuti na lang talaga at tumabi noon si Dustin sa akin ng gabing iyon para matulog, dahil kung hindi, baka nag-sisimula na kong mag imagine na nandiyan na ang babae sa tabi ko, nakatingin, at biglang hahawak sa paa ko.

Malayo ang bahay namin sa mga kapitbahay. Kaya sure ako na nasa loob lang ng bahay namin ang babaeng umiiyak.

Hindi ko lang alam kung nandoon ba siya sa 2nd floor or nandito sa 1st floor, kasi yung iyak talaga niya, parang speaker na rinig sa buong bahay namin.

Nagdasal na lang kami ni Dustin para mawala ang takot na nararamdaman namin. Medyo napapahinto lang kami minsan sa pagdadasal dahil parang lumalapit sa kwarto namin ang iyak ng babae. Napatalon pa nga kami ni Dustin ng upo kasi parang may biglang sumuntok ng malakas sa pintuan namin.

Kahit nanlalamig na kami sa takot, ipinagpatuloy pa rin namin ang pagdadasal ng Our Father. At sa awa ng diyos, nawala ang iyak ng babae.

Kinabukasan, nalaman namin na hindi lang pala kami ni Dustin ang nakarinig ng iyak, dahil pati rin pala sila Mama at Papa, nakarinig din. Si Kuya lang ang hindi.

“Seriously, Kuya? Hindi mo talaga narinig?.” Nagtataka na tanong ko.

Kasi impossible talaga na hindi niya narinig. Malakas at nakakatakot ang iyak ng babae, kaya nagulat ako nang malaman namin na hindi iyon narinig ni Kuya.

“Hindi. Baka, imagination niyo lang ‘yon.” Sagot ni Kuya.

“Totoo ‘yon, Ken. Baka, mahimbing lang ang tulog mo kaya hindi mo narinig.” Mabilis na sabi ni Mama. Dahil, natakot talaga si Mama nang gabing ‘yon. “Mamayang gabi, kapag may magparamdam ulit. Tatawag na ang Papa niyo ng Pari.”

Iyon ang sabi ni Mama, pero nang sumapit na ang gabi, hindi na iyak ng babae ang narinig namin, kundi, isang napaka-mabahong amoy na ang na amoy namin.

Nanggagaling ito sa kabinet na binili ni Kuya kaya kaagad namin tiningnan ang kabinet niya kung may patay ba na daga o hayop sa kabinet. Pero wala kaming mahanap.

Na-alala ko pa na galit na si Kuya noon dahil para daw kaming mga baliw. Hindi niya kasi na-aamoy ang mabahong amoy sa may kabinet kahit na sa kwarto niya lang ito.

Gusto ko sanang sabihin sa kanya na ‘baka ikaw ang baliw’. Dahil, lahat kami nakarinig at naka-amoy, pero si Kuya lang talaga ang hindi.

Parang, manhid ang tenga at ilong niya, hindi makaramdam.

Nang gabing ‘yon, lahat kami hindi nakatulog ng maayos dahil sa amoy. Pati nga si Manang Rita, ang katulong namin, nagpa-sundo na sa asawa niya para maka-uwi na dahil hindi na niya matiis ang amoy. Nakakasuka talaga.

Napag-usapan nila Papa na ipatapon ang kabinet bukas para mawala na ang amoy kahit na tutol si Kuya. Pero nang umaga na, nawala na ang amoy niya. As in, wala na. Ma-iisip mo na lang talaga na parang hindi totoo ang na amoy namin kagabi.

Hindi sumabay si Kuya noon sa pagkain namin, dahil para daw kaming mga baliw at tanga. Hindi niya raw alam kung ano na ang nangyayari samin.

Gusto ko itapon sa kanya ang mabigat na kaldero namin, pero pinigilan ko ang sarili ko.

Malakas siya mag-sabi ng ganun dahil hindi niya nararamdaman ang nararamdaman namin. Nakakainis na talaga siya.

Nang araw na ‘yon, kahit Thursday pa, nagpunta kami sa simbahan para magdasal. At syempre, hindi sumama si Kuya dahil mas kailangan daw namin ‘yon. Kung hindi ko lang talaga siya kapatid, matagal ko na siyang pinalayas sa bahay namin.

Pagkatapos namin magdasal, bumili kami ng cross kahit may malaki na kaming cross sa bahay namin. Kinausap din nila Papa ang Pari ng simbahan patungkol sa nararamdaman namin tuwing gabi.

Na-alala ko na may ibinigay ang Pari kila Papa na isang kwentas. Isuot daw namin ito gabi-gabi. Nang maka-uwi kami, binigyan namin si Kuya, pero hindi niya tinanggap.

Kasi nga, mas kailangan daw namin ‘yon.

Nang sumapit na ang gabi, akala ko, wala ng magpaparamdam kaya hindi ko isinuot ang kwentas na ibinigay ni Father. Pero akala ko lang ‘yon. Dahil may umiyak nanaman na babae.

Kung nakakakilabot nang una, mas nakakakilabot ngayon.

At ngayon, alam na namin kung saan nanggagaling ang iyak ng babae.

Nanggagaling ito sa 1st floor. Malapit sa kwarto ko, ang kwarto ni Kuya.

Isusuot ko na sana ang kwentas dahil sa takot ng biglang pumasok si Dustin sa kwarto ko. Nakayuko siya kaya hindi ko makita ang mukha niya. Hawak niya ang paborito niyang teddy bear sa kaliwang kamay niya.

Patuloy pa rin na umiiyak ang babae kaya naglakad ako para lapitan si Dustin dahil baka nanginginig na ito sa takot.

Pero nang lalapitan ko pa lang siya, bigla siyang tumingin sakin.

Doon na ko napasigaw ng malakas at nahimatay. Dahil, walang mukha si Dustin.

NAGISING ako na pinupunasan ni Mama  ang noo ko ng basang tela. Mataas daw ang lagnat ko kaya bago ako magpahinga, kumain muna raw ako. Hindi ko na ma-alala kung ano pa ang ginawa ko nang magising ako, basta, kahit nanghihina ako noon, nagpunta ako sa kwarto ni Dustin, sa 2nd floor, para yakapin siya ng mahigpit. Hindi sana ako papayakapin nila Mama kay Dustin dahil masakit ako, pero nang e-kwento ko sa kanila ang nangyari kagabi, hinayaan nalang nila ako.

Sa ilang araw na pagpaparamdam ng babae, napansin namin na kung ngayon, iiyak siya, sa susunod na gabi, magkakaroon naman ng mabahong amoy. Parang iiyak tapos aamoy.

Doon na rin namin nalaman na sa kabinet ni Kuya nanggagaling ang lahat. May isang gabi nga, nang magsimula ng umiyak ang babae, naglakas loob kami nila Mama na puntahan ang kabinet.

Mas natakot at kinabahan kaming lahat ng makita na wala namang babae sa loob ng kabinet. Pero ang iyak niya, nandun pa rin.

Napayakap na nga lang kami ni Dustin sa isat-isa dahil sa takot.

Nang time na ‘yon, kinausap ni Papa si Kuya na itapon o di kaya ay ipa-sunog na ang kabinet. Pero hindi pumayag si Kuya dahil mahal ang kabinet at bago pa raw ito. Sayang daw.

Naniniwala na siya dito saamin, pero hindi 100%. Doon daw lang siya talaga maniniwala kapag siya na mismo ang makaramdam.

At hindi nga nagtagal, narinig na niya talaga ang iyak ng babae. Hindi lang narinig kundi nakita pa raw niya ito sa loob ng kabinet. Umiiyak ng dugo habang nakangiting nakatingin sa kanya.

Natawa nga ako nang oras na ‘yon kahit na dapat matakot ako, kasi, mabilis na kumatok noon si Kuya sa kwarto ko habang sumisigaw ng tulong sakin. At minura rin niya ako dahil matagal ko siya papasukin. Eh, gumanti lang naman ako sa kanya kasi sinabihan niya kami na baliw noon.

Nagpunta si Kuya Tony noon sa bahay namin kasama si Kuya dahil kinabukasan (nang gabing ma- experience din ni Kuya ang nangyayari din saamin) pinuntahan nito kaagad si Kuya Tony sa bahay nito para mag reklamo.

Sa kanya bumili si Kuya ng kabinet at ito rin ang pang walong nag may-ari sa kabinet.

Nalaman namin na ganito rin pala ang na- e- experience ng mga dating nagmamay-ari ng kabinet. Hindi na raw ito matiis ni Kuya Tony kaya ibinenta niya ito kay Kuya sa malaking halaga dahil need daw niya ng pera nang oras na ‘yon. At si Kuya naman na uto-uto, binili nga ang kabinet dahil parang bago pa lang talaga siya at maganda din naman.

Nag-kwento si Kuya Tony saamin patungkol sa mga usap-usapan na narinig niya patungkol sa kabinet.

Ayon daw sa sabi-sabi, ikinukulong daw nang unang may-ari ng kabinet ang asawa nito sa loob pagkatapos nitong saktan ang asawa. Naririnig pa ng mga kapitbahay ang iyak ng babae at ang paghingi nito ng tulong palagi tuwing gabi. Pero dahil sa inaakala ng mga ito na magkaka-ayos din ang dalawa, hindi nila ito tinulungan, ni wala manlang naglakas ng loob na tingnan ang loob ng bahay nila kung may masamang nangyayari na. Dahil sanay na raw ang mga ito sa ginagawa ng mag-asawa.

Doon lang sila tumingin ng maka-amoy na sila ng nakakamatay na amoy.

Duguan at wala ng buhay na nakahiga ang lalaki sa sahig. Ganun din ang nangyari sa anak nito malapit sa may kabinet pero putol na ang ulo nito. Samantala, namatay naman ang babae sa loob ng kabinet dahil sa gutom at kawalan ng dugo dahil sa mga pasa at sugat na tinamo.

Kinabukasan, ipinatapon at ipinasunog ni Kuya ang kabinet pagkatapos ito ipatingin sa Pari.