Kabanata 28

“SO… mag-uumaga na po… p-puwede na siguro akong bumalik sa bahay… ano?” pautal-utal halos na tanong ni Finna sa kausap. Pagkatapos ay napalunok na naman. Kabado rin kasi siyang masyado. Sino naman ang hindi sa pagkakataong ito? Ang weird din naman kasi ng mga pinagsasabi ng tiyuhin ni Jules. Plus, she thought there was really something weird with Jules’ uncle himself. Wala siyang kumpiyansa at tiwala rito, napagdesisyunan niya.

Ngunit sa isang banda naman ay baka nasabi lang nito iyon dahil sa pinagdaanan nito. After all, his daughter Mariana was practicing magic herself. At heto na nga ang resulta. Nanganganib ang buhay nila.

Sumulyap muna sa salaming bintana si Mike bago ito tumango sa kanya. “I think it’s now safe for you to return there, yes.” Saka ngumiti ito sa kanya nang napakamisteryoso.

Iyon ang impresyon ng dalaga roon. Halos naman pagalitan niya ang sariling mapagduda sa isang taong puwede namang kakampi nila. Siguro nga ay gawa-gawa niya lang sa kanyang isip na huwag magtitiwala nang basta-basta lalo na sa mga sandaling iyon na hindi niya alam kung sino talaga ang tunay na kakampi. Malay niya bang hindi rin pala mapagkakatiwalaan si Jules?

‘Tama na ang masyadong pag-iisip nang masama, Finna. Mababaliw ka na lang ay hindi mo mailigtas sina Saling at Tita Rina mo,’ kastigo niya sa sarili.

“Uncle Mike, sasamahan ko na siya pag-uwi,” ang singit ni Jules.

Noon pa napabaling ng atensiyon ang tiyuhin nito. Napatitig muna ito sa pamangkin bago nagsalita, “Sige. Mag-iingat kayong dalawa.” Tiningnan sila nang husto at hinayaan na silang makaalis ng bahay nito.

Pinakawalan naman ng dalaga ang malalim na hininga nang makalabas na sila ni Jules sa bahay ng tiyuhin nito. Unti-unti nang nagpapakita ang araw sa silangan. She could not say how happy she was to see Mr. Sun at that very moment. Kung tao pa lang ito ay niyakap at hinalikan na niya siguro ito.

“Jules, hindi ko alam pero… natatakot ako sa uncle mo,” ang turan niya sa binata nang makalabas na sila sa bakuran ni Mike.

Napatingin naman sa kanya ang lalaki, nakakunot ang noo. “Bakit naman? Bakit parang ayaw mo siyang isali rito sa gagawin natin?” puna nito.

“H-hindi ko alam, okay? Pasensiya ka na kung iba ang dating nito pero… kahit na anong sabi ko sa sarili kong dapat hindi ako mag-iisip nang masama, iba talaga ang kutob ko sa kanya, Jules, eh,” ang turan pa rin niya rito habang naglalakad sila. “Iisipin mo na sigurong praning ako. Pero iba talaga ang pakiramdam ko, eh. Hindi ko talaga siya ma-explain sa ‘yo nang maayos. At siguro naman ay maisip mong weird ang sagot niya sa tanong ko kanina, ‘di ba? Pansin mo ba?”

Hindi nakakibo ang lalaking halatang napapaisip din. Sumakay ito sa motorsiklo at napatingin sa kanya.

“Ayaw mo bang sumakay?” tanong nito nang pinaandar na ang sasakyan.

She let out a sigh. Wala na siyang magagawa kundi ang umangkas at pumuwesto na sa may likuran nito. Nakahawak siya sa baywang nito nang pinatakbo na nito ang sasakyang gagamitin nila pabalik sa bahay nila.

How ironic. Oo, bahay nila. Pero hindi sila parehong nakatira doon. Dahil dati, bahay iyon ng lalaki. At ngayon ay bahay na niya iyon. Was this the so-called fate? At tadhana bang matatawag ang tungkol sa mahika na siyang dahilan ng lahat ng ito kung kaya’t magkasama sila ngayon ng estrangherong ito? Kakatuwa dahil kahit hindi nila kilala ang isa’t isa ay pakiramdam niya matagal na silang magkakilala ni Jules.

‘This is totally weird!’ sa isip niya.

Ramdam niya ang hanging dumampi sa kanyang mukha habang sakay sa motorsiklo ng binata. Masarap sa pakiramdam ang hangin sa umaga. Sa normal na lagay, nakakakalma ito. Subalit sa kaibuturan ng kanyang puso ay nandoon ang takot. Hindi niya alam kung ano ang tagpong mararatnan pagdating nila roon.

“Tita Rina!” agad na tawag niya sa tiyahin nang pumasok siya sa bahay.

Kinakabahan pa rin siya dahil hindi pa niya alam ang nangyayari dito at kay Saling.

Nakita na lang niyang nakasapo ng kanyang noo ang kanyang tiyahing aktong nanaog ng hagdan. Nang makababa na ito ay masaya niyang niyakap ito at nasorpresa naman ito sa ginawa niya.

“What’s up with you, Finna?” ang nagugulumihanang tanong nito at saka napatingin sa sumunod na pumasok ng bahay na isang lalaking hindi nito kilala. “At may kasama ka sa napakaagang oras na ito? Sino siya?”

“Ah… long story, Tita. Si Jules. Jules, Tita Rina ko.” Awkward man ay ipinakilala niya ang mga ito. Wala naman talaga siyang mapagpipilian. Kailangan niya si Jules dito ngayon upang matapos na ang lahat ng ito.

“Bakit parang ang sakit ng katawan at ulo ko?” Narinig niyang napaimpit sa sakit si Saling at nakita sila malapit sa bulwagan kaya napabaling sila rito. “May… nangyari ba?” tanong pa nitong napakurap-kurap ng mga mata.

“Ah… mahabang istorya, Saling, kaya hindi ko masasabi sa ‘yo…” ang sagot niya sa kasambahay.

‘Salamat naman sa Panginoon at ayos lang sila. Pero bakit kaya ito ang nangyayari? Base sa kuwento ni Jules ay ang iba ay agad na kinuha ng demonyo pero ang mga magulang niya at pati sina Tita Rina at Saling ay hindi naman. Parte kaya ito ng rituwal?’

“Ah!” Biglang sumigaw si Saling.

Parang nanigas ang katawan ng dalaga dahil doon.

“May natatandaan ako!” dagdag ng kasambahay.

Napasimangot naman siya bgunit walang nagsalita dahil lahat sila ay naghihintay sa sasabihin ng katulong.

“Kagabi… lumapit ako sa ‘yo, Finna, dahil pinatay mo ang ilaw sa kuwarto ko… at… at…” umpisa pa nito at napatigil naman sa pagsasalita.

“Natatandaan mo ‘yon, Saling?” ang usisa niya rito.

“Hindi naman ako ulyanin, Finna. Pero… teka, hindi ko na matandaan kung ano’ng ginawa ko pagkatapos noon,” saka napatingin ito sa kisame. Pagkatapos ay bigla na naman itong sumigaw.

Napatingala naman silang tatlo sa direksyon ng tiningnan ni Saling. Napamaang na lang ang dalaga nang unti-unti ay lumubog na ang araw. Napatingin siya kay Jules at mabilis na kinuha ang aklat na itinago nito sa likuran.

“Hubarin mo nga ang jacket mo!” utos niya rito at ginawa nga iyon ng lalaki nang mabilis at nalaglag ang aklat sa sahig. “B-bakit ba lumubog na ang araw? Papasikat pa ‘yon, ah! ‘Di ba?” ang dagdag na sabi niya sa lalaki habang binuklat-buklat ang itim na aklat na siyang puwedeng makatulong sa kanila ngayon. It was already a desperate time!

“Ano’ng ginagawa mo, Finna?” ang natatarantang usisa ng kanyang tiyahin.

“Trying to figure out what to do, Tita,” ang tugon niya habang ini-scan ng mga mata ang laman ng itim na aklat.

Nakibasa na rin si Jules habang papalapit ang itim na anino sa kanila. Nakita pa ng dalagang kumapit sa braso ng kanyang tiyahin ang katulong na nanginginig sa takot dahil sa nakita.

“S-succubus… at… at… incubus… Iyon ang sinabi mo, ‘di ba?” tarantang tanong ng dalaga sa lalaking kinuha ang crucifix mula sa bulsa ng jacket nito.