Chapter 11: Kabanata 11
“WHAT’S this… commotion about? Bakit mo ako tinatawag, Finna?” tanong ng tita niya na bumababa ng hagdanan. Nakasuot ito ng puti at napaurong si Saling papalapit kay Finna at kumapit ito sa braso niya.
“A-Ate Rina, i-ikaw ba talaga ‘yan?” ang pautal-utal na tanong ni Saling dito.
Huminto ang may edad na babaeng nagkurus ang mga brasong nakatingin nang may inis sa katulong. “Saling, nanonood ka na naman ba ng mga horror movies sa kuwarto mo kung kaya’t nagkakaganyan ka? Baka mas mabuti pang huwag ka nang maglagay ng TV roon. Tinatakot mo lang ang sarili mo, eh.”
“Tita, sa tingin ko hindi, eh,” ang sansala ni Finna. “Kasi…”
“Biglang may pumatay sa ilaw ko, Ate Rina,” ang mabilis na sabat ni Saling at saka lumapit ito sa pinakamatandang babae sa bahay. Nasa may hagdanan pa rin ito at may bahid na takot sa maputla na ngayong mukha ng katulong. Pagkatapos niyon ay nagkuwento na ito sa buong pangyayari.
“Baka naman ay may problema lang ang mga ilaw dahil medyo matagal na ring walang nakatira dito. Hay, naku! Pumunta na nga kayo sa kuwarto ninyo at matulog na kayo. Iniistorbo n’yo pa ako, eh,” ang nababanas na anang tiyahin ni Finna pagkatapos marinig ang kuwento ng katulong.
Napatingin naman siya kay Saling at sinuklian nito yaon. Nakikita niya pa rin ang takot sa mga mata nito na tila repleksyon naman ng sa kanya. Kapwa sila napalunok ng laway.
“O, ano? Hindi pa ba kayo kikilos diyan?” May inis pa rin sa tono ng tiyahin niya.
Naisip niyang hindi naman siguro ganito mag-react ang tiyahin niya kapag nagsusumbong siya ng mga ganitong bagay. Rina was a level-headed person. Pero bakit parang may inis ito at tila walang pasensiya ngayon?
Napalunok na naman siya at naisip na lang na baka ay nag-a-adjust pa ito rito. Kunsabagay, siya naman ang dahilan ng paglipat nila rito upang maghilom ang sugat niya sa nakaraan.
Bumuntong-hininga siya. “Sige, Saling. Bumalik ka na lang sa kuwarto mo.”
“Pero, Finna…” mahinang ungot ni Saling.
“Sige na. Lumalalim na ang gabi at maaga pa tayong gigising bukas,” ang nasabi na lang niya sa katulong. Pilit niyang ipakitang walang kababalaghang nangyayari sa bahay at bunga lang iyon ng imahinasyon nila.
“Sige, maiwan ko na kayo riyan,” ang desisyon naman ng tiyahin niya.
Narinig pa niya ang pag-tsk-tsk nito habang paakyat ng hagdanan. Napasunod na lang siya ng tingin kay Rina.
“Parang… may kakaiba kay Ate Rina,” puna pa ni Saling. “’Di ba, Finna?”
Binuksan na lang ulit ng dalaga ang mga ilaw. Ngunit napasigaw na lang siya nang makitang biglang nakalutang na sa ere si Saling na walang malay. Paglingon pa niya ay ang Saling na kasama niya kanina ay nag-iba ang hitsura. Iyon ang babaeng nakita niya sa kanyang panaginip na humihingi sa kanya ng tulong.
Napaatras siya sa takot at napasigaw na muli. Nanginginig ang buo niyang katawan. Tinawag niyang muli ang kanyang tiyahin ngunit wala siyang narinig na sagot mula rito.
‘Oh, God! Ano ang nangyayari sa ‘kin? Nanaginip ba ako? O nababaliw na ba ako?’
Napalunok siya at napalinga-linga upang makahanap ng malulusutan mula sa babaeng papalapit na sa kanya. Pero naaawa siyang iwanan lang si Saling na nakalutang sa ere nang walang malay.
‘Anong gagawin ko?’
Tumakbo siya papunta sa pintuan ngunit hindi niya mabuksan iyon. Nagsisigaw siyang humihingi ng tulong kahit sa tingin niya ay hindi naman makakakuha ng atensiyon ng kahit na sino. Tumakbo siya papuntang hagdan at pumanhik doon. Siguro kung pupunta siya sa kuwarto niya ay magiging ligtas siya.
But who was she kidding? Hindi ordinaryong tao ang kalaban niya ngayon. Buti sana kung tao at puwede niyang harapin at bugbugin. Ngunit hindi. This was a paranormal scenario. Dahil pinalutang nga nito sa ere si Saling at walang malay ito. At sigurado siyang hindi lang ito basta natutulog.
Kinatok niya ang kuwarto ng tiyahin ngunit walang sumagot.
Pinihit niya ang seradura at pagkabukas niya ay sinalubong siya ng kadiliman sa loob. Hindi na nanonood ng palabas ang kanyang tiyahin? Natulog na ito? Ngunit kailan pa? Kapapanhik lang nito kanina.
Binuksan ni Finna ang ilaw ngunit gayon na lang ang pagkamangha niya nang makitang nakalutang din sa ere ang kanyang tiyahin.
She went cold. Nanginginig ang katawan niya at parang sumiksik sa kanyang isipan ang nangyari sa kanila ni Bryan. Napatingin siya nang wala sa kanyang kalooban sa relong nakasabit sa dingding at eksaktong tumunog iyon ng alas tres.
Naalala pa niya nang mabangga sila ni Bryan na iyon din ang parehong oras na nangyari sa kanila bago siya nawalan ng ulirat at nagising sa ospital. Napasimangot siya. Bakit ito nangyayari sa kanya at sa mga mahal niya buhay?
She took a deep breath.
Nang pumihit siya ay nakita niyang nasa likuran niya lang pala ang babae at nagmamakaawa sa kanya, humihingi ng tulong. Umiling siya at saka umatras.
“Layuan mo ako!” sigaw pa niya rito at saka pinulot ang isang hairbrush na nakapatong sa dresser ng tiyahin. Inihagis niya ito sa babaeng papalapit sa kanya ngunit tumagos lang ang brush sa ulo nito.
‘Multo kaya ito?’
Ngunit naalala niya ang sinabi ni Jules na “masamang espiritu” daw.
‘Pareho lang ba ang mga ‘to o ibang nilalang?’ Naguguluhan si Finna.
Narinig na lang niyang may kumalabog sa baba at nang makalapit na sa kanya ang babae ay maliksi siyang umiwas at mabilis na umeksit ng kuwarto. Bumaba siya ng hagdan at natigilan na lang siya nang makita ang lalaking umaaligid sa bahay na iyon na nakausap niya sa mini-forest noong nakaraang araw. Nakita niyang may kasama itong medyo may edad nang lalaki na halos kasingtangkad rin ni Jules. At his age, he looked quite manly and attractive. Siguro ay lahi ng mga magagandang lalaki ang mga ito.
“I-ikaw? Ano’ng ginagawa mo rito? Sino kayo?” ang natatakot na tanong niya sa mga itong namilog ang mga mata. Mabilis na inabot niya ang vase na nakapatong sa center table. Gagamitin niya iyon kung kinakailangan.