Chapter 10: Kabanata 10
PINATAY ng kanyang tiyahin ang jacuzzi at saka sumunod na ito sa kanyang bumaba. Pumunta muna siya sa kanyang silid upang makapagbihis bago bumaba patungo sa kumedor kung saan naghihintay ang kanyang tiyahin at si Saling.
“You should not do it again, Finna⸺ang matulog sa jacuzzi. Pinag-alala mo ako! Akala ko kung ano na ang nangyari sa ‘yo,” ang bungad na naman ni Rina nang makaupo siya sa kanyang silya sa tapat nito.
“Oo nga, Finna. Hindi pa naman kita nasilip dahil marami akong ginagawa rito sa bahay,” ang dagdag ni Saling sa kanya at sumubo ng pagkain.
Napaismid naman si Rina rito. “Anong marami? May siesta ka pa nga.” Bumaling naman agad ito sa kanya. “I don’t think it’s very wise to have a jacuzzi on the rooftop. I wonder why the previous owner built it there,” ang komento pa ng tiyahin.
Kumibit naman siya. “Siguro ay dahil sa mas mainam iyon doon. Maganda ang view, Tita. Besides, malawak ang lugar doon sa rooftop kaysa rito sa baba o sa labas ng bahay. Doon, hindi ka masyadong nasisilipan dahil nakikita mo naman ang paligid, Tita,” teorya naman niya saka kumuha ng kanin at bistik.
“Ano’ng hindi? Mas kita pa nga ‘yon doon sa taas, ‘di ba?”
Kumibit siya. “Maybe at a certain angle, pero hindi naman siguro masyado at halos wala namang tao rito, Tita.”
“Anyway, for me, it’s odd. Mas nakikita ka sa itaas kaysa likod-bahay, Finna,” taas-kilay na punto ng tiyahin.
Kumibit ulit siya at sumubo ng pagkain saka ngumuya. Pagkatapos ay nagsalita siya, “The jacuzzi was so relaxing, Tita. You should try it.”
“Huh! And get to sleep and drown in there? No way!” Tumawa nang mapakla ang tiyahin niya.
Napangiti na lang siya sa biro nito pero posible nga namang mangyari iyon dahil medyo malaki ang jacuzzi na iyon. Puwede ngang magkasya ang sampung katao roon.
Pagkatapos nilang kumain ay nagkukuwentuhan muna sila ng kanyang tiyahin sa may sala at saka nagpaalam na ito sa kanyang maunang pumanhik upang manood ng DVD movies na binili nito sa Maynila pa.
Binuklat na lang niya ang isang magazine at nagbabasa. Hindi na niya namalayan na matuling tumakbo ang mga oras nang biglang may naramdaman siyang presensiya mula sa kanyang likuran. Bigla siyang napalingon ngunit wala namang nakita. Her heart was beating so fast, but she tried to calm it down. Ibinalik na lang niya ang kanyang atensiyon sa pagbabasa ng magazine. Medyo nawiwili kasi siya sa mga articles nito.
Ilang saglit ang nakalipas, narinig niya ang isang tahimik na yapak sa sahig mula sa kanyang likuran. Muntik na siyang mapalundag ngunit si Saling lang pala iyon. Napasapo pa siya sa kanyang dibdib.
“Ano ba, Saling? Magsalita ka nga kung may gusto kang sabihin! Hindi ‘yang parang tinatakot mo pa ako,” ang asik niya sa katulong.
Ngunit hindi ito nagsalita at sa halip ay tumalikod lang ito nang tahimik. Napasunod naman siya ng tingin dito nang nakasimangot. Nalilito siya at hindi iyon ang personalidad ng katulong. Madaldal ito lalo na’t good mood.
‘Wala kaya ito sa mood bigla?’ naisip na lang niya.
Muli ay ibinalik niya sa binabasang magazine ang atensiyon. Tanging lampshade na lang ang nakabukas ngayon dahil napansin niyang pinatay na ni Saling ang halos lahat ng mga ilaw. Siguro ay gusto na nitong matulog nang maaga. Wala pang alas diyes iyon. Kalimitan namang natutulog ang katulong ng mga alas onse o kaya ay alas dose at gumigising ito nang alas sais. Medyo tama lang ang oras para makapaghanda ng almusal nang bandang alas siyete ng umaga para sa kanyang tiyahin.
Bukas ay plano na niyang mag-umpisa nang mag-jog sa paligid lang ng bahay.
Pinakli niya ang isang pahina ng magazine nang may narinig siyang kaluskus ng tsinelas. Napalingon siyang muli.
“Saling? Akala ko ba pumunta ka na sa kuwarto mo? Parang iyon na ang ginawa mo kanina pa lang, ah. Noong lumapit ka sa ‘kin?” aniya rito.
“Ha? Hindi naman ako pumunta rito kanina, ah,” nagulumihanang sagot ng kasambahay.
Biglang bumalik sa kanyang balintataw ang kanyang panaginip kanina sa jacuzzi at tumahip ang kaba sa kanyang dibdib. Subalit pilit siyang tumawa sa katulong.
“Saling, hindi ko gusto ang biro mo, ha? Pumunta ka rito kanina bago mo pinatay ang mga ilaw at iniwang bukas itong lampshade dito sa sala,” ang medyo tumigas na tono ng boses niya at saka inilapag ang magazine sa kanyang tabi sa mahabang kulay-tsokolateng sofa na kinauupuan.
“Finna, seryoso ako. Hindi nga ako pumunta rito at hindi ako ang pumatay sa mga ilaw!” giit nitong lumapit sa kanya na namilog ang mga mata.
Napamaang ang dalaga. “Are you sure? Hindi ka ba nagbibiro?”
Tumango sa kanya si Saling.
“Tita!” biglang tawag niya sa kanyang tiyahin. Pagkuwa’y bumaling siyang muli sa natatakot na si Saling.
“Akala ko ikaw ang pumatay sa mga ilaw, Finna. Pati nga ‘yong ilaw sa kuwarto ko,” ang dagdag ni Saling at nakakapit na ito ngayon sa kanyang braso na pilit niyang pinabibitiw.
“Saling, huwag ka ngang magbibiro nang ganyan, sabi, eh! Tayo lang ang nandito at si Tita ay nasa itaas, nanonood ng palabas sa DVD. Sino pa ba sa atin ang puwedeng magpatay ng ilaw?” Nanuyo ang kanyang lalamunan nang maalala ang sinabi sa kanya ni Jules. Bigla iyong sumiksik sa kanyang isipan. And it wasn’t comforting, really.
Tinawag na naman niya ngayon ang tiyahin nang mas malakas kaysa kanina.
“I swear, Finna. Hindi talaga ako!” ang giit pang muli ni Saling sa kanya na talagang seryoso ang mukha.
Napalunok na naman siyang nakatingin sa kasamang babae. Itinulak niya ito at saka kinuha ang magazine. Nilukot niya iyon upang pangdepensa sa sarili kung sakaling hindi nga ito si Saling.
‘Teka, ba’t ko ba naisip na hindi ito si Saling? Takot na takot nga siya, o.’
“Kung ikaw si Saling, kailan ang birthday ko? Alam mo ba?” Tinawag na naman niya ang kanyang tiyahin nang hindi inihiwalay mula kay Saling ang paningin. Wala talaga siyang tiwala rito.
“Finna, ano ba’ng klaseng tanong ‘yan? Ako nga ‘to. Tinatakot mo pa ako ngayon, eh!” tugon naman nitong nakabusangot. “Sige, ang birthday mo ay sa February 14. ‘Di ba tama ako?” dagdag na anito.
Pero hindi pa siya napanatag doon. “Sige… at alam mo ba kung… kung kailan sini-celebrate ang birthday ni Bryan?” Dapat niyang malamang totoo nga ba talagang si Saling ito.
“Ha? Patay na si Bryan at hindi na siya magsi-celebrate ng birthday niya, Finna,” ang turan ni Saling.
Napalunok si Finna. May hinihintay pa siyang ibang kasagutan mula rito. Ang pinakaimportante sa tingin niya na hinding-hindi lalampas sa katulong.
“At hinding-hindi siya nagsisi-celebrate ng birthday dahil sa relihiyon nila,” ang pagpatuloy na wika ni Saling. “Finna, ako talaga ito!” ang giit nitong muli sa kanya.
Bahagya siyang nag-relax at saka biglang narinig nila ang isang kaluskus mula sa itaas.