Chapter 39
Chandee's Pov
Tahimik na nakaupo ako katabi si Kapitan at hawak ng mahigpit ang isa niyang kamay sa ilalim ng mesa. Nasa harapan kami ngayon ni Pinunong Oscar na kanyang Ama at ng kanyang kapatid na si Binibining Anna.
Ang sabi ko kay Kapitan ay mamayang pagkatapos nalang namin kumain ng pananghalian ang nais nitong sabihin ngunit si Pinunong Oscar na ang unang nagsalita.
Tumingin silang lahat sakin at tila hinihintay ang sagot ko. Pilit akong ngumiti at pinsil ang palad ni Kapitan na hawak ko para makahingi ng tulong.
"Ahh mas maganda sa madaling panahon" sagot ni Kapitan sa kanyang Ama. Pinandilatan ko naman siya ng mata dahil sa sinabi niya
Tumawa naman ang pinuno at pumalakpak pa. Ngiting ngiti naman si Anna na halatang natutuwa.
"Tama! Hindi na natin kailangan patagalin pa, pareho tayo ng nasa isip hahaha" Sabi ng Pinuno "ipapatawag ko si Dolores mamaya upang maasikaso na ang pag iisang dibdib niyong dalawa sa darating na linggo" Sabi pa nito na literal na ikinanganga ko
"Ngayong linggo po?" Paglilinaw ko kay Pinuno
"Oo ngayong linggo, gusto mo bang mas mapaaga?" Tanong nito na mabilis naman na ikinailing ko
Mahigpit na humawak nalang ako sa kamay ni Kapitan. Hindi ko inaasahan na ganito pala kabilis mag desisyon ang mga tao dito. Kung nasa Maynila siguro kami baka umabot pa ng taon ang pag aasikaso sa kasal namin. Pero kakayanin ba maayos lahat sa loob ng apat na araw lang? Ayoko naman magmukhang minadali ang kasal ko.
Pagkatapos naming kumain ay tumuloy na kami ni Kapitan sa silid ko. Tahimik lang ako at nag iisip kung anong klaseng kasal ba ang magaganap samin.
"Ayos ka lang ba?" Tanong ni Kapitan na iniangat pa ang mukha ko para makita ito
"Nag aalala lang kasi ako" Sabi ko at iniwas ang tingin sa kanya at naglakad palayo ng kaunti sa kanya
"Sabihin mo kung ano gumugulo sa isip mo" Sabi nito. Lakas loob naman na sinalubong ko ang tingin niya.
"Hindi ka ba nabibigla lang? Ibig kong sabihin hindi ba masyadong mabilis ang pagpapakasal natin?" Tanong ko sa kanya
"Huwag mong sabihin umaatras ka na" nakita ko ang pag aalala sa mga mata niya
Umiling ako.
"Hindi sa ganoon, masyado lang akong nabibilisan sa mga nangyayari. Gusto kong magpakasal sayo nagulat lang ako dahil hindi ko inaasahan na sa linggo na iyon. Wala akong ideya kung paano ba ang kasalanan na ginaganap dito, marami pa akong hindi alam" Sabi ko sa saloobin ko
"Wala ka naman dapat ipag alala. Kilala si Aling Doleres sa pag aasikaso ng mga kasal, siya ang nag aayos ng mga kasalan dito sa Dalya" sagot nito
"Kakayanin ba niya gayong apat na araw nalang ay gaganapin na ang kasal?" Tanong ko
Ngumiti naman siya at niyakap ako.
"Kayang kaya, kung gugustuhin mo nga kahit bukas ay maari na tayong magpakasal. Yun nga lang ay hindi iyon ganoon ka organisa hindi tulad ng may ilang araw na palugit" sagot nito
Gumanti nalang ako ng yakap at huminga ng malalim. Naniniwala naman ako sa sinabi niya hindi ko nga lang maiwasan ang hindi mag alala.
Nagtagal pa ng mahigit Isang oras si Kapitan sa silid ko bago ito nagpaalam na pupunta ng kampo. Kalahating oras pagkaalis ni Kapitan ay pinatawag ako ng Pinuno. Nasa tanggapan na daw ng mga bisita si Aling Dolores.
Pagdating ko sa tanggapan ay naroon nga si Pinuno kasama ang ilang kababaihan. Hindi ko masino kung sino sa kanila si Aling Dolores dahil halos magkakasing edad ang mga ito maliban lang sa isang dalaga.
"Mabuti't narito ka na binibini, siya nga pala si Dolores at ang mga kasama niya ay tutulong din sa pag aasikaso ng paparating mong kasal" Sabi ni Pinuno. Lumapit naman si Aling Dolores sakin at pormal na nagpakilala.
"Ikinagagalak kitang makilala binibini" wika pa niya
"Ako din po" magalang na sagot ko sa kanya
Umalis ang Pinuno at nagpulong kami at tinanong ako kung anong gusto kong mangyari sa kasal ko. Wala naman akong masabing suhestiyon maliban lang sa sinabi kong gusto ko lang na maging maayos ang lahat.
Nagbigay sila ng mga opinyon kung ano ang magandang disenyo na gagawin sa paligid ng bulwagan. Kinuhanan din nila ako ng sukat para sa susuotin kong damit at nagpakita ng ilang disenyo na napili nila para dito.
Hindi ko inaasahan na sa loob lamang ng dalawang oras ay nabuo na ang plano sa araw ng kasal ko. Masasabi kong propesyonal nga si Aling Dolores pati na ang mga kasamahan niya. Paglabas ko naman ng bulwagan ay nakita ko naman ang pagiging abala ng lahat.
***KINABUKASAN***
"Ano bang hinahanap mo binibini?" Tanong ni Glenda. Narito kasi kami ngayon sa pamilihan at kanina pa paikot ikot
"Hindi ko rin alam basta" sagot ko sa kanya. Hindi ko naman kasi talaga alam kung ano ang bibilhin ko basta kapag may nakita ako na pwedeng iregalo kay Kapitan ay bibilhin ko.
"Kung sasabihin mo kung ano ang hinahanap mo baka matulungan pa kita" sabi naman niya. Napahinto naman ako at napatingin sa kanya. May punto naman siya, isa pa'y mas matagal na niyang kilala si Kapitan kaysa sa'kin. Baka sakaling alam nito kung ano ang mga gusto niya.
"Naghahanap ako na pwedeng ipanregalo kay Kapitan" Sabi ko
"Yun lang ba? Akala ko naman kung anong mahalagang bagay ang hinahanap mo. Bilhan mo nalang siya ng damit" Sabi niya
"Kanina pa ako tumitingin ng mga damit nila dito pero wala akong magustuhan" Sabi ko naman
"Hindi mo naman kasi kailangan pahirapan ang sarili mo binibini dahil lahat ng ibibigay mo kay Kapitan siguradong magugustuhan niya" Sabi naman nito
Bumuntong hininga nalang ako at muling naghanap ng maaring bilhin. Naagaw naman ng pansin ko sa lalaking dumaan. Matangkad ito at matipuno ang katawan, hindi lang ako sigurado sa mukha niya dahil likod nalang ang nakita ko.
"Tignan mo yung lalaking iyon parang maganda ang suot niyang purselas saan kaya niya nabili iyon?" Tanong ko kay Glenda sabay turo sa malayo ng lalaki
"Hindi ko napansin ang suot niya binibini pero kung palamuti ang gusto niyong bilhin may alam akong lygar kung saan maraming magagandang palamuting pagpipilian" sabi naman niya
Tumango ako sa kanya. Siguro nga purselas nalang ang bibilhin ko para kay Kapitan. Wala rin kasi akong nakikitang suot na kahit anong burloloy sa katawan. Kung meron man yung espada lang niya.
Ang dami na naming napuntahan na tindahan ng palamuti ni Glenda pero wala akong nakita kahit isa na palagay ko'y bagay kay Kapitan. Maraming magagandang palamuti doon pero hindi naman para sa'kin ang bibilhin ko.
Dahil sa pagod na ako sa paglalakad nagpasya akong magpahinga na muna kami. Pumasok kami sa isang restaurant at huli na ng mapansin kong restaurant pala yun nila Isabelle. Sana lang hindi namin siya makita ni Glenda.
Umakyat kami sa ikalawang palapag at umorder kami ng lemon juice at puto. Hanggang ngayon nalilito parin ako sa puto at hopia nila dito makagawa nga ng totoong puto mamaya pag uwi namin.
Masaya kaming nagkukwentuhan ni Glenda sa may ikalawang palapag ng restaurant ng lapitan kami ni Isabelle. Aaminin ko may pagka bitter parin ako sa kanya kaya ang plastik ng ngiting binigay ko sa kanya.
"Kanina pa ba kayo Binibini?" Malapad ang ngiting tanong niya
"Ah oo paalis na nga kami e" sagot ko na may nakapaskil na pekeng ngiti sa labi
"Sayang naman gusto ko pa naman makipag kwentuhan sana. Siyanga pala, binabati kita sa nalalapit niyong kasal ni Kapitan" Sabi nito
Kahit naiilang ay pilit parin akong ngumiti. "Salamat" tanging nasabi ko na sa pagkakataong ito ay bukal sa puso ko.
"Kung may maitutulong nga pala ako kami ng restaurant namin sa pagluluto sa kasal niyo huwag kayong mahihiyang magsabi" Sabi pa nito
"Maraming salamat, tatanungin ko ang mga tagapagluto sa kusina sa tahanan ng Pinuno kung kailangan pa nila ng kamay na makakatulong sa kanila" muling pasasalamat ko
"Naku! Parang nakikita ko na Ang mangyayari binibini kaya huwag ka ng umasa na papayag ang mga iyon. Hindi man sila tagapagluto sa mga mamahaling kainan kagaya dito pero hindi papayag mga iyon na manduhan sila sa sarili nilang kusina" Sabi naman ni Glenda
Hindi ko naman alam ang gagawin kong reaksyon kaya pilit nalang akong tumawa at lumapit kay Glenda at kinurot ito.
"Basta kung kailangan niyo ang tulong namin sabihin niyo lang handa kaming tumulong sa inyo" Sabi pa ni Isabelle.
"Oo Isabelle maraming salamat" Sabi ko pa
"May gusto pa ba kayong kainin para maipahanda ko na" Sabi naman niya
"Ah Wala na busog na kami, aalis na din kami" Sabi ko
"Sige kung ganoon, mauna na ako" paalam pa niya
"Sige" tanging sabi ko at tumingin na kay Glenda na hinihimas ang kamay na kinurot ko
"Tara na umalis na tayo" Aya ko sa kanya
"Hindi pa ba tayo uuwi binibini?" Tanong niya
"Bibili lang ako ng sangkap sa gagawin kong puto, baka kasi wala sa kusina ang mga gagamitin ko" Sabi ko
"Marunong ka rin palang gumawa ng puto binibini? Ang galing mo naman" Sabi pa niya. Nginitian ko nalang siya, wala siyang ideya na yung puto na alam ko ang gagawin ko at hindi yung puto nila na hopia.
******