Chapter 33
Chandee's Pov
Pagkatapos naming mag almusal ni Kapitan kanina ay sinabihan niya ako na huwag aalis o lalabas ng bahay na hindi siya kasama. Hindi ko alam kung bakit ako umoo sa kanya. Siguro may inilagay siyang kung ano sa niluto niya para mapa oo ako.
Dalawang oras na ang nakalipas at hindi ako mapakali. Palakad lakad ako sa buong kwarto ko habang naglilinis naman si Glenda.
"Hindi ka ba napapagod sa kakaparoot parito mo binibini? Ako ang napapagod sa ginagawa mo eh" Sabi ni Glenda
Lumapit ako sa kanya at iniupo siya sa mahabang sofa at tumabi sa kanya.
"Kanina pa kasi ako hindi mapakali gusto kong malaman ang kalagayan ni Kuya Aries. Kinakabahan kasi ako na ewan. Gusto kong malaman kung bumuti na ang lagay niya o napalala ko pa dahil sa ginawa ko" Sabi ko sa kanya
"Naku binibini! Ibinilin ni Kapitan na huwag kang papayagan umalis ng bahay. Ayokong mapagalitan niya at baka mapaalis din ako dito sa bahay" Sabi naman niya na lumayo pa sa'kin
"Hindi naman ako aalis ng bahay" Sabi ko at nagkatinginan kami
"Edi mabuti" tumatango tango pang sabi niya habang nakatingin kami sa isa't isa.
Nginitian at tumango din ako sa kanya. Kumunot naman ang noo niya at tila binabasa ako.
"Hindi ako aalis ng bahay dahil ikaw ang aalis. Pumunta ka sa pagamutan at alamin ang lagay ni Kuya Aries" Sabi ko.
"Sabi na nga ba ayoko yung ngiti mo e" napatayong sabi nito. "Hindi ako pwedeng lumabas ng bahay dahil bilin ni Kapitan na bantayan kita. Pagkatapos ko ngang maglinis ng silid mo ay maglalaba ako e, kaya wala rin akong oras pumunta sa pagamutan" Sabi nito
"Sandali ka lang naman, aalamin mo lang naman kalagayan niya tapos balik ka na dito" Sabi ko pa
"Paumanhin binibini pero hindi ko iyan magagawa, pinag iingat din kami ng Pinuno at sinabihan na huwag lalabas ng bahay kung hindi naman kailangan. Naghihigpit din ang mga bantay at mga sundalo dahil sa marami ng nadudukot na kababaihan" sabi nito
Padabog na umiwas ako ng tingin sa kanya at humalukipkip. Kahit sino sigurong pintor ang guguhit sa mukha ko ngayon ay tiyak na mahihirapan.
Dahil sa wala naman akong choice kundi sumunod sa mga bilin nila ay nagtungo nalang ako sa kusina. Inabutan kong nagkukwentuhan sina Ate Susan, Mildred, Helen at Selena.
"Kumusta" masiglang bati ko sa kanila
"Binibini ikaw pala, mabuti naman kami" sagot ni Ate Susan
"Nabalitaan ko yung ginawa mo kahapon ang galing mo talaga napa bilib mo ang lahat" Sabi naman ni Ate Mildred
"Ah yun po ba, nag aalala nga ako dahil wala akong balita kay Kuya Aries" malungkot na sabi ko
"Ang rinig ko kanina ay nagpapagaling na siya, kalat sa buong bayan ang kabayanihang ginawa mo" Sabi naman ni Selena
"Ano pa ang nalaman mo tungkol kay Kuya Aries? Nakakagalaw na daw ba ito? Nakakakain?" Sunod sunod na tanong ko
"Pasensiya na binibini ang narinig ko lang kanina ay nagpapagaling na siya" sagot nito
Tipid na nginitian ko siya "ayos lang at salamat sa ibinalita mo kahit papaano ay alam kong lumalaban siya para gumaling" malungkot na sabi ko
"Sigurado ako gagaling siya binibini dahil ikaw ang gumamot sa kanya" Sabi naman ni Ate Helen
"Magdilang anghel po sana kayo" nakangiting sabi ko
"Sigurado talaga na gagaling siya kaya huwag kang masyadong mag alala binibini. Ang mabuti pa ay igawa kita ng malamig na maiinom" Sabi ni Ate Mildred at pumasok sa loob ng kusina
"Baka may bago kang maituturo samin na lutuin binibini, kanina pa namin iniisip kung ano ang lulutuin naming ulam para mamaya" sabi ni Ate Susan
"Napagkwentuhan nga namin ang mga makabagong lutuin na itinuro mo sa'min bago ka dumating" natatawang sabi naman ni Ate Helen
"Ang ganda nga ng tiyempo mo binibini e" Sabi naman ni Selena na bahagyang humagikgik
"Kung gusto niyo po subukan natin ang honey garlic chicken, madali lang siyang lutuin at kaunti lang ang kailangan na sangkap" Sabi ko
"Pangalan palang masarap na!" Natutuwang sabi ni Ate Susan
Pumasok kaming apat sa kusina at sakto naman natapos ni Ate Mildred ang juice na itinimpla niya. Nagpasalamat ako at agad na uminom. Hinanda narin nila yung mga sangkap na sinabi ko na gagamitin namin at lahat ay nanonood at nakikinig sa mga sinasabi ko habang inihahanda ang pagluluto.
Dahil madali lang naman lutuin ang honey garlic chicken mabilis itong natapos. Nagustuhan naman nila ang niluto ko at sinulat pa nga nila ito ang mga sangkap at paano ito lutuin.
Lumipas ang mga oras ay nagpaalam na ako sa kanila. Bumalik ako sa silid ko at hindi nakita si Glenda doon. Naalala ko ang sinabi niya kanina na maglalaba ito. Lalo tuloy nakakainip dahil mag isa lang ako sa kwarto.
Humiga ako sa higaan ko at tumingin sa kisame. Para akong tanga na nakatulala lamang doon habang nagpapalipas ng oras. Anong oras ba kasi babalik si Kapitan, gusto ko na talagang pumunta sa pagamutan. Wala naman chance makapunta ako doon kung hindi siya kasama.
Sumimangot nalang ako at nagtalukbong ng kumot. Matutulog nalang ako baka sakali pagkagising ko pwede na akong makalabas.
Pumikit ako at hinahanap ang komportableng pwesto para makatulog ako. Kung ano ano na ang pwestong ginawa ko ngunit di parin ako dalawin ng antok. Inis na umupo nalang ako sa higaan ko at sumimangot.
Hindi pwedeng magkulong nalang ako dito. Gagawin ko ang gusto ko at walang makakapigil sa'kin. Tumayo ako at kinuha ang bag ko. Buo na ang desisyon ko walang makakapigil sa'kin sa paglabas ko.
Nakahanda na ako at sinukbit na ang bag sa likuran ko. Walang makakapigil sa'kin kahit sino. Naglakad na ako palapit sa pintuan ng silid ko at pagbukas ko ng pinto ay nabunggo ang mukha ko sa katawan ng kung sino. Pagtingala ko para makita kung sino iyon ay nakita ko ang nagkasalubong na kilay ni Kapitan.
"Oh Kapitan bakit nandito ka?" Nagpakawala ako ng pilit na ngiti
"Nandito ako dahil gusto kong malaman ang ginagawa mo binibini" sagot nito sa'kin na nakasalubong parin ang mga kilay
"Wala naman akong ginagawa ayos lang naman ako dito" Sabi ko naman na tumingin sa paligid para ipakita sa kanya na okay lang ang lahat
Kinabig naman nito ang baywang ko kaya napa dikit ako sa katawan niya. Naramdaman ko naman ang pag angat ng bag ko na nakasuot sa may likuran ko.
"Saan mo balak pumunta binibini? Hindi ba't sabi ko na bawal kang lumabas ng bahay na hindi ako kasama?" Patanong na sabi nito habang hawak nito at iniangat ang bag ko
"Saan naman ako pupunta? Kung aalis ako dapat kanina pa. Atsaka hindi naman ako makakalabas kahit pa gusto ko" sagot ko sa kanya
"E bakit suot mo ang mahiwagang bag mo?" Tanong nito.
Nakipaglaban ako ng titigan sa kanya habang nakasimangot. Pilit kong inaabot ang bag ko gamit ang isang kamay ngunit hindi ko kaya. Ang tangkad kasi nito tapos magkadikit pa ang katawan naming dalawa dahil nakayakap ang isang kamay nito sa baywang ko.
"Isa, bitawan mo ang bag ko" pagbabanta ko pero nginitian lang niya ako "ano ba! dalawa! Bibitawan mo Hindi?! Pag umabot sa Lima ang bilang ko lagot ka talaga sa'kin!" Banta ko ulit sa kanya
"Tatlo, ayoko nga" nang iinis na Sabi pa nito
"Apat! Bitawan mo sabi e!" Sabi ko pa at hinihila ang bag ko pababa dahil hindi ko naman maabot ang kamay niya "Lima!" Sabi ko at inihanda na ang sarili ko na paghahampasin siya ngunit binaba na nito ang bag ko at binitiwan.
Pag angat ko ng tingin sa kanya ay hinawakan naman nito ang pisngi ko kasabay ng paghigpit ng yakap niya sa baywang ko at ang pagdampi ng mga labi niya sa labi ko. Noong una ay nagulat ako sa ginawa niya ngunit hindi rin nagtagal ay napapikit narin ako.
Bahagyang naghiwalay ang pagkakadikit ng mga labi namin at tinignan ang isa't isa. Para akong nauuhaw at nababato balani habang nakatingin sa mga labi niya. Kusang pumikit ang mga mata ko at tinawid ang pagitan ng mga labi namin. Napahawak nalang ako sa likuran niya habang ineenjoy ang pambihirang pakiramdam.
Nang maghiwalay ang mga labi namin ay hindi ko magawang tumingin sa kanya. Hindi naman ito ang unang halik na pinagsaluhan naming dalawa ngunit hindi ko maiwasan parin ang mahiya na parang ito ang unang pagkakataon na mahalikan niya ako.
Tatalikod na sana ako pero muli niya akong niyakap. Rinig ko ang lakas ng tibok ng puso niya. Puso nga ba niya ang naririnig ko o ang akin?. Pinikit ko ang mga mata ko at gumanti ng yakap sa kanya. Wala na talo na ako. Aminado ako na nahulog na talaga ako sa kanya.
"Iniibig kita binibini" mahinang sabi nito "Wala ng makakahigit pa sa pag ibig ko sa'yo sobrang mahal na mahal kita" sabi nito na ikinangiti ko
"Talaga?" Pigil ang pagtawang tanong ko habang magkayakap kami.
"Anong gusto mong gawin ko para mapatunayan ang pag ibig ko sa'yo?" Tanong nito na tinignan ako sa mata
Ngumiti ako at hinaplos ang pisngi niya. "Halikan mo'ko" Hindi ko alam kung bakit iyon ang sinabi ko pero agad naman niyang sinunod ang sinabi ko
Halos kapusin ako ng hininga ng maghiwalay ang labi naming dalawa. Ngunit hindi ko iyon alintana at napangiti pa nga. Dinikit nito ang noo niya sa noo ko habang ako naman ay nakapikit at nakangiti habang yakap siya.
"Mahal na mahal kita" sambit nito
"Mahal din kita" sagot ko sa kanya
Nakita ko ang pagkislap sa kanyang mga mata at parang mapupunit na ang kanyang labi sa pagkakangiti. Niyakap niya ako ng mahigpit habang buhat buhat ako at isinasayaw sa ere. Tawa naman ako ng tawa dahil sa sobrang sayang nararamdaman. Ganito pala ang pakiramdam ng nagmamahal.
****