Chapter 38

Ingrid’s POV

“That’s all for today, you may go. Good day, class,” paalam ko sa kanila. Sabay-sabay naman silang bumati pabalik.

Nasa elem department na ako at balak na sanang sunduin ang anak nang may isa akong estudyante na lumapit sa akin.

“Good day po, Teacher Ingrid,” aniya kaya napangiti ako at binati rin siya.

“Good day, Vince,” ani ko na ginulo pa ang buhok niya.

“Hi, Ma’am.” Nahinto lang ako nang lapitan siya ng Tito niya. Ngumiti lang din ako para bumati sa kaniya.

“Good day po, Mr. Pontanes.”

“Ang ganda mo talaga, Ma’am, nabasa niyo po ba ang text ko?” tanong nito sa akin. Nagkunwari lang naman akong hindi nabasa dahil kadalasan na nirereply-an ay ang mga importanteng mensahe lang.

“Kung may concern lang po kayo tungkol sa pamangkin niyo po, you can text me,” ani ko na ipinagdiinan pa ang pamangkin niya.

“Can’t we talk about us?” natatawa niya pang biro. Palihim naman akong napangiwi roon. I was about to say something nang may humawak na sa baywang ko. Alam na alam ko kung sino ‘yon. Sa amoy pa lang nito na talaga namang parang laging fresh. Hinapit pa ako ni Indigo papalapit sa kaniya.

“You can’t text her unless it’s work related,” malamig niyang saad sa kausap. Sa tinig nito’y parang tataasan ka ng balahibo maski sa kinatatagu-taguan mo.

Kumunot naman ang noo sa kaniya ni Mr. Pontanes.

“Bakit sino ka ba?” mayabang pang tanong nito.

“He’s my Tatay… po!” ani Raya na siyang nakahawak pa sa kamay ni Indigo. Napatingin naman sa kaniya. Indigo is holding her sa kabilang kamay. Bakas naman ang gulat ni Mr. Pontanes doon. Nilingon niya pa ako kaya simple lang akong ngumiti.

“We need to go, Mr. Pontanes, good day po,” bati ko dahil ayaw ko naman na maging rude. Nang tignan ko si Indigo, salubong lang ang kilay niya.

Hindi ko alam kung bakit ako nadisappoint ng bitawan niya ako. Tanga ka, Ingrid? Natural papasok na sa kotse.

“Sa kotse ko na ako,” sambit ko. Dadalhin namin sa bahay si Indigo ngayon dahil sa kagustuhan ni Raya. Ipapakita niya raw ang mga halaman niya at ipakikilala raw sa Lolo niya. Aba’t mas nauna pa siyang magpakilala samantalang noon ay hindi ko man lang ‘to naipakilala sa ama.

Tumango naman siya kaya akala ko’y nagkaintindihan kami na gagamitin ko ang sasakyan ko at ganoon din naman siya subalit sumakay na lang din sila sa kotse ko. Parehas silang nasa backseat. Paminsan-minsan ko silang tinitignan sa salamin at minsan nagkakasalubong ang mga mata namin ni Indigo. Ako rin naman ang unang nag-iiwas ng tingin dahil sa hiya.

Nang makarating kami sa bahay, doble-doble ang kaba na nararamdaman ko. Hindi naman ako ang dapat kabahan pero kasi hindi ako mapalagay kay Indigo.

“Kuya!” malakas na sigaw ni Sandro na kumaway pa kay Indigo nang makababa kami.

“Kumusta?” tanong ni Indigo na nakangiti sa kapatid ko.

“Oks lang, Kuya. Parang hindi tayo nagkita kaninang umaga, huh?” natatawang tanong ni Sandro.

“Tara sa loob,” anyaya niya pa kaya naman sa loob na kami dumeretso. They were talking casually. Well, sobrang close naman kasi nila no’ng bata si Sandro kaya hindi rin talaga ako magtataka na madali lang ulit silang magkapalagayan ng loob.

Nang makita siya ni Irah ay bahagya lang kumunot ang noo at tipid lang na nginitian ito. Alam kong hanggang ngayon ay naalala niya pa rin ang pinagdaanan ko. Gustong-gusto niyang sabihin kay Indigo noon na buntis ako subalit pinigilan ko lang.

“Totoo ngang tatay po kayo ni Raya, akala ko’y nagjojoke lang si Ate!” sabi ni Jolie na talagang pinagmasdan pa ang mukha ni Indigo. Mukha pa siyang nangingilatis kaya hindi ko maiwasang matawa.

“Kuya, pupwede mo ba akong gawing artista? Magaling din akong umarte,” aniya kaya hinila ko na siya para papasukin sa loob.

“Magtigil ka, Jolie. Kung gusto mo talaga’y paghirapan mo,” sambit ko sa kaniya kaya napanguso na lang siya sa aking sinabi.

“Bakit kailangan pang paghirapan kung may kapit naman na?” tanong niya pa kaya sinamaan ko siya ng tingin. Sa huli’y napatango na lang dahil sa tingin ko. Alam niya rin na masesermonan ko siya kaya hindi na nagsalita pa.

Nakita ko naman si Papa na siyang parang haring naghihintay sa loob. Agad tumaas ang kilay niya nang makita si Indigo.

“Papa, si Indigo po, tatay ni Raya,” ani ko kaya nanatiling nakatingin si Papa sa kaniya.

“Good evening po,” bati sa kaniya ni Indigo.

“Lolo, may Tatay na po ako,” nakangiting saad ni Raya. Hindi ko naman mapigilan ang manikip ang dibdib dahil sa sinabi ng anak. Hindi ko lang alam na talaga palang hinahangad niyang magkaroon ng ama. Kung sinabi niya sana’y…

Napabuntonghininga na lang ako. Ano pa bang magagawa ko? Nandito na.

Ginulo lang ni Papa ang buhok ni Raya habang nananatili pa rin ang tingin kay Indigo.

“Kumain na muna tayo,” aniya sa amin kaya kaniya-kaniya kaming tango.

Nang nasa hapag na’y tila gustong gisahin si Indigo subalit dahil nandito ang apo, hindi niya magawa. Napamasid lang kaming lahat sa mag-ama ko. While looking at them, hindi ko maiwasan ang pag-init ng sulok ng mga mata. I’m genuinely happy. Sobra. Ang sarap pala talaga sa pakiramdam kapag nasabi mo na ‘yong kay tagal mong tinatago.

Nang matapos kaming kumain, kaming dalawa ni Irah ang naghugas ng plato. Gusto sana ni Indigo ang tumulong subalit dahil gusto siyang kausapin ni Papa, lumabas sila sa garden para mag-inuman.

“Are you happy?” tanong ni Irah sa akin. Ngumiti naman ako sa kaniya at tumango.

“Sobra,” ani ko na hindi nawawala ang kurba ng ngiti sa mga labi.

“Masaya si Raya at masaya ako kapag nakikita ko silang ayos at masaya,” nakangiti kong sambit.

“Then I’m happy for you, Ate, you deserve all the happiness in this world,” aniya na niyakap ako nang mahigpit.

“Ano ba ‘yan? Maghuhugas na nga lang ng pinggan nagdadrama pa!” ani Jolie na siyang nagliligpit ng lamesa kaya may pahabol ng pinggan. Napatawa naman kami ng mahina roon at halos sabay pa ng irapan siya.

Nang matapos ay lumabas din ako para silipin sina Papa. Seryoso silang tatlo habang nag-uusap. Agad nanlaki ang mga mata ko. Tatlo?

“Aba’t, Santino Andrew, sino ang nagsabi sa’yong pupwede kang uminom?! Tayo!” ani ko na sinamaan pa siya ng tingin.

“Pa, bakit mo naman hinayaan, minor pa ang isang ‘to,” ani ko kay Papa.

“Isang shot lang naman,” ani Sandro na napanguso pa.

“Kung shot gun-in ko mukha mo, makakashot ka pa kaya?” tanong ko sa kaniya.

“Ito na nga po e, papasok na,” ani ko.

Napatingin naman ako kay Indigo nakangisi na nakatingin sa akin subalit nang makitang dapuan ko siya ng tingin, agad na nawala ‘yon at bumalik sa dating ekspresiyon ang mukha. Napanguso naman ako at napairap na lang. Tagal naman magalit.

“Huwag kayong uminom ng sobra, ayaw ni Raya ‘yan,” ani ko na pumasok na sa loob.

“Ito namang anak ko masiyadong mahigpit,” natatawa niyang saad na napailing pa. Dadagdagan niya pa sana subalit hindi na rin tinuloy. Nailing na lang ako na pumasok sa loob.

“Umiinom po sina Tatay, Nay?” tanong ni Raya. Abalang-abala ito sa pagkukulay sa kaniyang drawing.

“Oo, Nak. Assignment?” tanong ko rin sa kaniya. Tumango naman siya. Tumabi ako para tignan ‘yon. Nakita kong pati si Indigo ay kasama sa drawing niya ngayon. Kapag nagdodrawing kasi ito tungkol sa family. Ang mga Tita at Tito niya ang kasama tapos kami ni Papa kaya hindi ko maiwasang mapangiti nang pati si Indigo ay kasama na ngayon.

Inipit ko sa tainga niya ang takas na buhok habang tinititigan siya. Pansin ko rin ang ngiti sa mga labi niya habang nagdodrawing.

“Are you happy?” tanong ko sa kaniya. Nilingon niya naman ako roon at unti-unti pang lumapad ang ngiti.

“Sobra po, Nay,” aniya. Para akong nasa alapaap habang pinagmamasdan ang ngiti ng anak.

Sinabayan ko rin siya na gawin ang ilang trabaho ko sa school. Parehas lang kaming naging abala hanggang sa nakatulog na rin siya sa ginagawa. Napangiti na lang ako at handa na sana siyang buhatin papasok sa kwarto namin nang lumapit si Indigo.

“Ako na,” aniya kaya napatango ako.

“Tapos na kayong uminom?” tanong ko sa kaniya. Umiling naman siya sa akin.

“Bumili pa ulit ng ilang bote ang Papa mo,” aniya kaya hindi ko maiwasang mapailing.

“Si Papa talaga,” reklamo ko.

“Pasensiya na,” ani ko.

“Ayos lang,” simple niyang saad.

“Balik na ako, sinilip ko lang ka… si Raya,” aniya nang maiayos na sa kama si Raya. Tumango lang naman ako sa kaniya dahil doon. Pinagmasdan ko lang ang likod niyang naglalakad palayo. Inaantok na rin ako kaya naman matapos ang mga dapat kong gawin. Nahiga ako sandali sa tabi ng anak. Iidlip muna bago ako magliligpit mamaya.

Nagising lang ako sa alarm na nasa gilid ko lang. Tumayo na rin ako para silipin sina Papa sa labas subalit si Indigo na lang ang nakita ko roon. Mukhang tulog na si Papa. Mukhang babagsak na rin si Indigo anytime pero tungga pa rin siya ng tungga ng alak. Napabuntonghininga ako bago lumapit sa kaniya.

“Lasing ka na, matulog ka na,” ani ko nang agawin ang baso sa kaniya. Parang bata sanang magrereklamo ito subalit nang lingunin ako’y napatitig lang sa akin.

“I’m sorry, I drunk too much.” Pumungay ang mga mata nito nang mapatingin sa akin. Hindi ko naman maiwasan ang mapagat sa aking mga labi dahil dito.

“How about you?” tanong niya kaya kumunot ang noo ko.

“Ayaw mo rin ba akong uminom?” Napaawang naman ang labi ko sa lambing ng tinig nito. Parang ‘yong college student na Indigo na laging malambing. Gulong-gulo na ang utak at hindi na makapag-isip ng tama.

“Hmm, pagbawalan mo rin ako,” bulong niya sa akin. Halos makiliti naman ako dahil sobrang lapit ng mukha nito sa akin. Ramdam na ramdam ko rin ang lakas ng tibok ng puso ko. Para na ‘tong sasabog sa kaba. Palapit na nang palapit ang mukha niya hanggang sa bumagsak na lang ‘to sa leeg ko. Napapikit na lang ako habang dinadala siya sa kwarto ni Papa. Sigurado akong hindi magugustuhan ni Raya ang amoy alak na ama kapag nagising ‘to kung sakaling sa kwarto namin ko siya dadalhin.

Nang maiayos ko na silang pareho. Tumayo na ako para magtungo sa kwarto ni Raya. Ni hindi ako makatulog dahil sa kaniya. Para akong nagbalik sa pagkateenager na napansin ng crush ko after niya akong kausapin. Napakagat na lang ako sa aking mga labi. Ano ba, Ingrid, itulog mo na lang ‘yan. Antok lang ‘yan.

Kinabukasan, nagising ako na wala na si Raya sa tabi ko. Masiyado na akong late na nakatulog kaya alas otso na rin nagising. Nang lumabas ako’y maingay na sa bahay dahil sabado ngayon at wala rin silang pasok. Kaniya-kaniya kaming toka sa paglilinis kaya naman mabilis lang din ang trabaho at nakakabonding pa ang isa’t isa. After naman niyan ay cellphone na rin ang mga hawak.

Hinanap naman ng mga mata ko ang mag-ama ko kaya si Irah na ang sumagot.

“Nasa garden sila, Ate,” anila kaya napatango na lang din ako. Nagtungo naman ako sa labas para puntahan sila.

Agad na kumurba ang ngiti mula sa mga labi ko nang makita ko sila ni Raya na abalang-abala sa pagdidilig. Halos parehas pa ang postura habang nagtatrabaho. Panay din ang tawanan habang nagkukwentuhan. I was just smiling the whole time habang pinagmamasdan sila.

Nang lingunin ako ni Indigo, the same cold expression. Wow, parang hindi ako nilandi kagabi, huh?