Chapter 17 First Part LOVING MY BESTFRIEND

Nagising si Bianca sa pakiramdam na parang may nakadagan sa kaniya. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mata at ganoon na lang ang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib ng mapagsino ang lalaking nakatitig sa kaniya. Walang iba kung hindi si Vincent! Ang kaniyang kababata at matalik na kaibigan.

Parehas na silang nasa bente syete anyos at matatag pa rin ang kanilang pagkakaibigan. Isa siyang dentista, samantalang ito naman ay isang businessman. Pinamamahalaan nito ang negosyo ng magulang nito. Kahit busy ito ay sinisiguro nito na nabibigyan siya nito ng time.

"Good morning!" bati nito sa kaniya habang nakangiti at nakayakap sa kaniya. Hindi niya maiwasang titigan ang napaka-gwapo nitong mukha. Ano ba ang mayroon sa lalaking ito at ganoon na lang kung humanga siya rito? Siguro dahil na rin sa magkababata sila at laging magkasama kaya hindi niya maiwasan na magkagusto rito. Inirapan niya ito pero sa totoo lang ay kinikilig siya dahil sa pagkakalapit nilang iyon. Pilit niyang binaklas ang pagkakayakap nito sa kaniya.

"Vince! Tanggalin mo iyang pagkakayakap mo sa'kin?!" pasigaw niyang sabi.

May sarili na kasi siyang bahay dahil matagal na siyang nakihiwalay sa kaniyang magulang. Binigyan niya ng duplicate key si Vincent dahil mapilit ito lalo at magkapit-bahay lamang sila. Para daw mabantayan siya nito. Ang lote kasi na kinatitirikan ng bahay niya ay lote nina Vincent. Mas lalo siya nitong niyakap.

"Ayaw ko!" anito at nagsumiksik. Napabuntong-hininga na lamang siya at hinayaan na lang ito. Napakislot siya ng halikan siya nito sa batok.

"Vince!" pagalit niyang sabi pero ang totoo ay nakiliti siya sa ginawa nito. Tumaas ang balahibo niya dahil doon.

"Ang bango mo naman," anito at ang buhok naman niya ang inamoy nito. Tumayo na siya dahil iba na nararamdaman niya kahit papaano ay lalaki pa rin ito.

"Magluluto lang ako," aniya at tulo-tuloy ng lumabas ng kwarto habang mabilis pa rin ang pagtibok ng kaniyang puso.

Ang totoo niyan tinatago niya ang nararamdaman para sa kaibigan. Ayaw niyang malaman nito iyon sa takot na baka layuan siya nito. Nang marating niya ang kusina ay nagsimula na siyang magluto ng agahan. Maaga pa naman. Nagpriprito siya ng sausage ng makarinig siya ng papalapit na yabag at ang pag-upo nito sa silya sa mesa.

"Nag-away kami ni Cindy," pagsusumbong sa kaniya ng kaibigan. Napalingon siya rito.

"Bakit daw? Baka naman kasi may ginawa kang hindi maganda kaya inaway ka niya," aniya. Si Cindy ay apat na buwan na nitong girlfriend. Wala naman nagtatagal na girlfriend nito. Kadalasan na idinadahilan nito ay bigla na lang daw nawala ang pagtingin nito rito. Hindi sila malapit ng babae pero ramdam niya na hindi siya nito gusto.

"Pinagseselosan ka niya," nagpanting ang taenga niya sa narinig. Kinuha na muna niya ang sausage sa pan at lumapit sa mesa saka inilapag iyon.

"Di ba sabi ko naman sa iyo na iwasan mo ako? Pati tuloy ako nagiging dahilan ng pag-aaway niyo," pagalit niyang sabi. Tinitigan siyang mabuti ni Vincent.

"At sino ang nagsabi na iiwasan kita? Makikipaghiwalay ako sa kaniya kung magseselos pa ulit sila sa iyo," anito habang titig na titig pa rin sa kaniya. Tumayo ito.

"Kahit na! Iwasan mo muna ako para sa relasyon ninyong dalawa. Ayos lang naman sa'kin iyon," pamimilit niya.

"Bakit ba lagi mo na lang sinasabi na iwasan kita? Hindi na ba mahalaga ang pagkakaibigan natin?" tanong nito sa tonong nasasaktan. Napailing siya. Hindi iyon ang gusto niyang ipahiwatig. Oo, magkaibigan lamang sila pero iba pa rin ang magiging tingin sa kanila ng tao. Hindi na rin sila bumabata, kailangan na rin nila ng makakatuwang sa buhay.

"Mahalaga syempre pero ayaw ko naman na dahil sa'kin nag-aaway kayo ni Cindy at maghihiwalay pa," aniya. Huminga ito ng malalim at napailing-iling.

"Aalis muna ako, ayaw kong mag-away tayo dahil kay Cindy. Ayaw kong makapagsalita ng masasakit na salita sa iyo," anito at umalis na. Siya naman ay napabuntong-hininga at napahawak sa dibdib dahil biglang nanikip iyon. Kaya nga hangga't maaari ayaw niyang mahulog ng tuluyan sa kaibigan pero mukhang hindi iyon mangyayari dahil habang tumatagal, mas lalong lumalalim ang pagtingin niya rito.

"Ano ba ang naisip mo at kaaga-aga niyayaya mo akong uminom ng alak? May problema ka ba, pre?" tanong ni Edward kay Vincent nang makaupo ito sa stool chair ng kaniyang mini bar sa loob ng kaniyang bahay. Pinagawa niya iyon para kapag gusto niyang uminom ay hindi na niya kailangan pang pumunta sa bar. Tiningnan niya ang kaibigan. Bukod kay Bianca si Edward lamang ang bukod-tanging kaibiga niyang lalaki.

"Nag-away kami ni Bianca," tipid niyang sagot na ikinatawa ng malakas ni Edward.

"In love ka lang kasi sa kaibigan mo, pre. Aminin mo man o hindi iyon ang napansin ko. Obvious pre! Hindi ka naman ganiyan kay Cindy. Kapag si Cindy balewala lang sa iyo. Kaya ibig sabihin niyan in love ka kay Bianca," anito na may ngisi sa mga labi. Binigyan niya ito ng masamang tingin.

"Hindi mangyayari iyon dahil kaibigan lang ang turing ko sa kaniya. Syempre, matagal na kaming magkakilala at magkaibigan at masakit sa part ko na nag-aaway kami," aniya.

Bigla siyang napaisip. Ilang beses na ba niyang nahuli ang sarili na napapatitig sa kaibigan. Lalo na kanina gustong-gusto niyang nakayakap siya rito. In love nga ba siya o ipnagdidiinan na lang niya sa sarili na hindi dahil ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nila?

"Balak ko ng makipaghiwalay kay Cindy. Lagi niyang pinagseselosan si Bianca," aniya.

"Boom! Mas importante sa iyo si Bianca kaysa kay Cindy. Pare, pag-isipan mong mabuti iyang nararamdaman mo. Baka akala mo hindi ka in love sa bestfriend mo pero in love ka pala. Baka mamaya, maagaw siya sa iyo. Tandaan mo, nasa huli ang pagsisisi," anito at saka nagsalin ng alak sa kopitang hawak. Napailing siya, hindi siya pwedeng mainlove sa bestfriend niya. Iyon ang huling bagay na mangyayari pero hindi niya pa rin masasabi lalo kapag ang puso na ang nagdikta.