Chapter 6
"Saan ka galing?" tanong sa akin ni May paglapit ko sa kaniya. Susundan niya sana ako pero nakita niya akong pabalik na kaya hindi na siya tumuloy.
"D'yan lang. Hindi ako tumuloy," sagot ko.
Hindi na ako tumuloy at baka makita ako ni Veronica.
Sabay na kaming pumasok ni May sa loob. Maya-maya ay dumating din naman agad si Veronica. Ngumiti ako sa kaniya at ngumiti din siya agad. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makaupo na siya sa upuan niya.
Nagtatakang tumingin sa akin si Veronica nang mapansing pinapanood ko ang bawat galaw niya.
"Bakit? May dumi ba ako sa mukha?" natatawang tanong niya at ngumiti lang ako bilang sagot.
Itinuon ko na lang ang pansin ko sa librong nasa harap. Hindi ko na dapat pang iniisip ang nangyari kanina. Baka kasi magkakilala pala talaga sila. Baka close pala silang dalawa... baka hindi lang nasabi sa akin ni Veronica. O baka hindi pa kaibigan ang tingin sa akin ni Veronica kaya hindi pa siya nagsasabi ng mga bagay-bagay tungkol sa kaniya.
Tama. Huwag ko nang isipin. Wala namang mangyayari kahit isipin ko pa 'yon. Ano naman ngayon kung mag-usap sila? Hindi naman no'n mababago ang nararamdaman ko para sa kaniya. Ang alam ko naman ay walang girlfriend si Chase kaya sigurado akong hindi niya girlfriend si Veronica.
She cheated on you... Bigla kong naalala ang sinabing 'yon ni Veronica. Sino naman kaya ang nag-cheat kay Chase? Grabe naman 'yon.
Napabuntong-hininga ako nang dumating na ang magtuturo sa amin. Late siya kaya naisipan niya na lang na ipauwi sa bahay ang mga dapat naming ginawa ngayon.
Sabado na bukas at ang akala ko pa naman rest day ang weekends. Hindi pala. Tadtad kami ng assignment hanggang sa huling subject.
"May, pagod na 'ko," sabi ko sa kaibigan at ipinatong ang noo sa balikat niya.
Math pa naman ang huling subject namin kaya literal na malulugaw ang utak mo.
Hinaplos ng kaibigan ko ang aking pisngi. "Puro ka reklamo," aniya.
Nakita ko na ang sundo ni May kaya nagpaalam na ako sa kaniya.
"Susunduin ako ni mommy, don't worry." Ngumiti ako at kumaway na sa kaniya.
Paglingon ko sa likod ay nandoon si Veronica, nakatitig sa akin. Ngumiti ako ng maliit sa kaniya. Lumapit naman siya sa akin.
"Hm? Bakit?" takang tanong ko dahil seryoso ang kaniyang mukha.
"Iniiwasan mo ba... ako?"
I blinked twice. "Ha?"
Ngumiti siya. "Wala pala. Wala ka pang sundo?"
"Wala pa," sagot ko.
Natahimik na kaming dalawa. Alam ko namang palaging tahimik si Veronica pero iba ang pakiramdam ko sa pagiging tahimik niya ngayon. Pakiramdam ko kasi ay may gusto siyang sabihin at hindi niya lang masabi.
"Ayan na 'yung... sundo ko. Mauuna na ako, ingat ka." Ngumiti siya at kumaway sa akin habang naglalakad papunta sa kotse na sumusundo sa kaniya.
Tinignan ko ang oras sa cellphone ko. Maaga pa naman. Baka on the way na si mommy.
I have a habit of pouting my lips whenever I feel uncomfortable. Lalo na kapag ganitong mag-isa lang ako sa lugar. Wala akong makausap. Kung saan-saan ako napapatingin dahil walang ibang magawa.
Napaatras ako nang makitang palabas pa lang ng gate si Chase. As usual, kasama niya si August at 'yung isa pa niyang kaibigan.
"Mauna ka na, Ice. Wala akong dalang car." Rinig kong sabi ni Chase.
Heto na naman ang nagwawala kong puso. Iba ang dating ng tinig sa akin ni Chase. Lalo akong nahuhulog sa kaniya sa tuwing naririnig ko siyang nagsasalita. Hindi ko alam kung bakit ganito.
Paano kaya kapag kaming dalawa na ang nag-uusap ni Chase? Baka mahimatay na ako sa bilis ng tibok ng puso ko no'n. Ni hindi ko nga kayang tumayo ng ayos kapag nasa malapit siya. Nanlalambot ang mga tuhod ko.
Nanlaki ang mata ko nang bigla akong tawagin ni August.
"Hoy, babae! Wala ka pang sundo?"
Tiningnan ko siya at nakitang palapit na siya sa akin. Hindi naman kami close pero kung tawagin niya ako ay parang ilang taon na kaming magkaibigan.
"Si Christine?" tanong ko imbis na sagutin ang tanong niya.
"Nauna na." Nag-iba bigla ang kaniyang mukha. Hindi ko siya mabasa. Lihim akong napailing. Magkaibigan nga sila ni Chase.
"May nangyari ba sa inyong dalawa?" Hindi mapigilang tanong ko. Alam ko naman na ang nangyari pero syempre, gusto ko pa ring marinig mula sa kaniya ang mga ginawa niya noon kay Christine... pero mukhang wala siyang balak magsabi.
"Una na pala ako, sasabay nga pala ako kay Ice. D'yan ka na." Tinapik niya ang braso ko bago tumakbo papunta sa kaibigan.
Nagawi ang tingin ko kay Chase na ngayon ay may hawak na cellphone at ang isang kamay ay hawak ang isang strap ng bag. Nagulat ako nang mag-angat siya ng tingin at nagtagpo ang mga mata namin. Saglit kong iniwas ang tingin at ibinalik din agad para ngitian siya. At syempre, he didn't smile back.
Sino ba naman ako para ngitian niya, 'di ba? Margaux, sad girl era na ba ito?
Lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang maramdaman kong may naglalakad palapit sa pwesto ko at si Chase lang naman ang nasa likod ko kaya alam kong siya iyon.
Kung saan-saan na ako napapatingin dahil hindi mapakali. Dagdag pa na nabibingi na ako sa lakas ng tibok ng puso ko at parang namumula na rin ang pisngi ko dahil nasa malapit siya.
Gosh, Chase! Bakit ba ganito ang epekto niya sa akin? Hindi ko na kinakaya.
Napapikit ako nang humangin at naamoy ko ang pabango niya.
"Grabe," ang tanging nasabi ko na lang.
Gwapo na matangkad, malinis sa katawan at mabango. Grabe na 'to Chase, lalo akong nahuhulog sa 'yo.
Bumuntong-hininga ako. Chance na 'to para makausap ko siya pero nauunahan ako ng hiya at kaba.
"Uh, Chase—" Napanguso ako nang makitang paalis na siya kaya hindi ko na itinuloy ang sasabihin ko.
Napatingin siya sa akin. Narinig ata ako. "Hm?" He hummed and because of that... my knees felt weak.
"Ah... W-Wala." Ngumiti ako at nag-iwas na ng tingin.
Nanatili siyang nakatingin sa akin, nagtatanong sa pamamagitan ng kaniyang tingin.
Hindi talaga siya mahilig magsalita, ano?
"Ano lang..." Napakamot ako sa gilid ng kilay, hindi makatingin ng diretso sa kaniya. "You... You smiled at me kanina, 'di ba? Gusto ko lang sanang malaman kung binasa mo 'yung letter ko?" Unti-unting humina ang boses ko nang makita ko siyang mariin na nakatitig sa akin.
"Aren't I supposed to read that?" masungit niyang tanong. Ni hindi man lang nagkaroon ng emosyon ang mukha. Robot ba ang lalaking 'to?
"Pangit mo naman kausap." Sumimangot ako at umiwas ng tingin.
Kumaway ako nang makita ang kotse ni mommy. Lumayo na ako kay Chase at baka isipin pa ni mommy na kasama ko ang lalaki.
"Bye, Chase," pasimpleng sabi ko at tumakbo na palapit sa kotse ni mommy.
"Sino naman 'yon?" nang-aasar na bungad sa akin ni mommy pagpasok ko sa kotse. Umirap ako at binalikan ng tingin si Chase. Umawang ang labi ko nang makitang dito siya nakatingin.
Ayaw ko namang maging assuming pero hindi naman masamang umasa, 'no? Lahat naman tayo umaasa na magustuhan din tayo ng taong gusto natin. Hindi naman siguro ako nag-iisa.
"How's school?"
"Ayos lang. Kapagod." Ngumiwi ako.
"Nagmamakaawa ang papa mo." Napatingin ako sa kaniya. "Gusto ka niyang makita."
Ngayon naman ay napabuntong-hininga ako. "Nakita naman na niya ako kanina."
Tumango-tango lang si mommy. Alam ko rin naman kasi na ayaw ni mommy na nakikita ang lalaking 'yon. Alam ko ang kwento nilang dalawa dahil sinabi 'yon sa akin ni mommy.
Hindi ko ma-imagine ang sakit at hirap na dinanas ni mommy habang dala-dala niya ako sa sinapupunan niya noon. Napalayas na siya sa bahay nila, iniwan pa siya ng magaling na lalaking 'yon.
Kinuha ko ang cellphone sa bulsa dahil nag-vibrate iyon.
Nag-friend request sa akin si Veronica sa facebook. After confirming her request, I immediately received a message from her.
Veronica:
nag-activate na ulit ng acc si chase mo
Napaayos ako ng upo at agad na hinanap ang facebook ni Chase.
Walang profile at 99 lang ang friends niya pero madaming followers. Imposible namang mag-accept ang lalaking 'to pero wala namang masama kung susubukan ko siyang i-add, 'di ba?
Nangangatal ang daliri ko nang pindutin ko angAdd Friendsa profile niya. Kinagat ko ang ibabang labi ko, umaasa na i-a-accept niya ang friend request ko—
"Oh my God..." usal ko habang nakatitig sa notification na in-accept na niya ang request ko. I blinked thrice, still unable to believe that he accepted my friend request.
"Mamaaa!" tili ko nang mag-sink in na sa akin na friends na kami.
"Jusmiyo, Margaux!" sita sa akin ni mommy at itinigil ang sasakyan. "Ano ba 'yon? Para ka na namang baliw d'yan."
Hindi ko pinansin si mommy. Nanahimik na ako at tumitig sa kawalan habang nag-iinit ang ang aking pisngi.
I exaggeratedly cupped my cheeks. "Oh my God... He accepted my friend request, Ma."
Bumuntong-hininga si mommy at nagpatuloy na sa pagda-drive. "Akala ko naman kung ano, Margaux! 'Yun lang pala 'yon."
Hindi 'yon simpleng ''yun lang' para sa akin. Syempre iba ang dating sa akin no'n. Crush ko 'yon, e. Gusto ko 'yung tao. Kaya kahit napaka-simple ng gawin niya... sobrang nakakakilig na 'yon para sa akin. Kahit nga wala siyang ginagawa nakakakilig na, e.
Hanggang saan ako kaya ako madadala ng nararamdaman kong 'to?