FATE 15

NAGKANYA-KANYANG talon at salubong ang mga Gibbous sa pagbagsak ng mga Sturgeon sa kanila. Tuluyan na kasing nasira ang harang at ngayon naman ay kailangan na nilang harapin ang tunay na laban.

"Aahhhhh!"

Lahat ng lobong nagtatalunan papunta kay Shanella ay sinasalubong ni Thallon na noo'y nasa anyong lobo na rin. Kung mula sa kalangitan, tanging kulay puti at itim na mga lobo ang makikitang nagsasagupaan.

"Anong problema, Shanella? Bakit hindi ka pa nagbabagong anyo nang maipamalas mo naman sa akin ang iyong lakas at kapangyarihan?"

Alertong napaatras si Shanella nang marinig ang boses ni Logan sa kaniyang likuran. Mula naman sa cage na kinaroroonan ni Kai, nanghihina itong pilit na humawak sa bakal na kinaroonan niya. Bumibilis ang tibok ng puso nito dahil sa galit habang nakatingin kay Logan. Ang kaniyang mga mata ay nagiging pula na rin ngunit kaagad din namang bumabalik sa normal dahil nga sa kaniyang panghihina.

"Hindi ko kailangan ng pagbabagong anyo para harapin ang mga ganid sa kapangyarihan na katulad mo," matigas na sagot ni Shanella.

"Tunay ka ngang matapang. A true warrior. A hero. Bagay ka sa aming mga Sturgeon," ngisi ni Logan.

"What did you say?" naikuyom ni Shanella ang mga kamao.

"Teka lang," natatawang iniangat ni Logan ang isang kamay. "Huwag ka munang magalit. Baka magulat na lang ako, magbagong anyo ka na sa sobrang galit at basta mo na lang akong sakmaling ng walang kalaban-laban," tila nang-iinis pa lalo nitong saad kay Shanella.

Hindi na nagsalita pa si Shanella. Sa halip ay tinakbo niya na lang si Logan at kaagad na sinipa mula sa ere ngunit nailagan naman iyon ng lalaki. Mababakas ang galit sa mukha ni Shanella kaya naman muli niya itong sinugod at inundayan ng isang suntok ngunit nahawak ni Logan ang kamao niyang iyon. Nagulat siya ng panandalian at pilit iyong binawi ngunit mahigpit ang pagkakahawak ni Logan.

"Bitiwan mo ako..." mahina ngunit mariing bigkas ni Shanella.

Ngunit tinitigan lang siya ni Logan. Tila ba nais nitong subukan kung hanggang saan ang lakas niya.

Dahil doon ay inipon ni Shanella ang lakas at pilit hinila ang kaniyang kamao. Pagkatapos ay bigla niyang sinipa nang ubod lakas sa tiyan si Logan kaya naman nabitiwan na rin nito ang kaniyang kamay.

Nakangiting pinagpag ni Logan ang kasuotan nitong nadumihan ng tsinelas ni Shanella.

"Look at him," saad ni Logan na nilingon ang cage na kinaroroonan ni Kai na kasalukuyang pinagkakaguluhan ng mga Sturgeon. "Aren't you ashamed of him? Hindi ba dapat ay nandito siya sa labas para ipagtanggol ka? Pero nagtatago siya. Natatakot siya."

"Stop it. Hindi mo ako matitinag sa mga ganiyang salita mo. Hindi mo ako kagaya na mahina at madaling magpatalo sa emosyon," matigas na sagot ni Shanella bago nito tapunan ng tingin ang cage ni Kai. Kita niyang may mga Gibbous naman na sumasalakay din sa mga Sturgeon na nag-aakyatan sa cage ngunit nakikita niyang ang mga Gibbous ang nagbabagsakan.

"At anong alam mo tungkol sa akin?" tiim-bagang na tanong ni Logan.

Si Shanella naman ang ngumisi. "Gusto mo bang sariwain natin ang araw namatay ang iyong ina?"

Hindi na hinintay pa ni Logan na magsalita pang muli si Shanella. Siya naman ang sumugod at kaagad niyang tinamaan ng paa ang kaliwang bahagi ng mukha ni Shanella. Hindi pa man nakakahuma si Shanella ay buong lakas niya pa itong inundayan ng suntok sa sikmura. Sumadsad si Shanella at napaigik dahil sa malakas na suntok ni Logan.

"You don't mess with me, Shanella. Isa ka lamang—"

Nagulat pareho sina Shanella at Logan nang biglang sakalin ni Rome ang huli.

"We're not here for your sentiments, son. Huwag mong pangunahan ang oras. Don't forget that," nanlilisik ang mga matang ani Rome.

Pinilit naman ni Shanella na makatayo habang nakahawak pa rin siya sa kaniyang sikmura. Muli niyang tinapunan ng tingin ang cage. Hindi pa rin naman iyon natitinag. Nakita niyang nandoon si Thallon at ito ang nagpabagsak sa mga Sturgeon na nagpupumilit wasakin ang cage upang makuha si Kai.

"Finally, we meet, Shanella..."

Napasinghap si Shanella sa biglaang pagsulpot ni Rome sa harapan niya.

"You are really one of a kind. A hero, just like what my son said to you," nakakatakot ang awrang saad ni Rome.

Napakunot noo si Shanella. Tila ba may hindi siya maintindihan sa mga binibitiwang salita ni Rome. Kaagad niya itong binigyan nang malakas na sipa sa tiyan din at mabilis siyang tumalon nang mataas palayo rito. Napasunod lang naman ng tingin si Rome sa kaniya gamit ang mga nanlilisik nitong mga mata.

"Let me handle her," wika naman ni Logan at tumalon nga rin ito sa itaas kung saan nagpunta si Shanella.

"Hindi niyo kami matatalo," saad kaagad ni Shanella nang nasa harapan niya na si Logan.

"Hindi mo alam ang mga sinasabi mo, Shanella," pagngiti ni Logan at walang sabi-sabing pinatamaan nito ng palad ang dibdib ni Shanella dahilan para sumadsad muli ito.

Napaubo si Shanella dahil sa makapal na alikabok na sumalubong sa kaniya. Nakaramdam din siya ng sakit sa kaniyang likod sa pagkakabagsak niya. Malakas ang impact niyon kahit pa sabihing lupa lamang ang kinabagsakan niya. Pagkatapos ay may mabigat na bagay siyang naramdaman sa kaniyang dibdib. Habang unti-unting nawawala ang makapal na alabok ay unti-unti namang lumitaw ang mukha ni Logan na siya palang nakaapak sa kaniyang dibdib.

"Hindi na ako magtataka kung mahina ka. Hindi ba't ayon sa mga Gibbous, isa ka lamang omega?" pang-uuyam ni Logan.

"Wala kang alam tungkol sa akin kaya manahimik ka!" galit na sigaw ni Shanella.

Hinawakan ni Shanella ang paa ni Logan na nakaapak sa kaniyang dibdib at saka niya iyon hinila ng buong lakas. Bumagsak si Logan sa tabi niya at sinamantala niya iyon upang mahawakan ang leeg nito.

"Huwag mo akong mamaliitin dahil kaya kong putulin ang ulo mo ngayundin," punong-puno ng galit ang boses ni Shanella ng mga sandaling iyon.

Nanlaki naman ang mga mata ni Logan nang makitang naging puti ang mga mata ni Shanella. Ngunit panandalian lamang iyon at muling bumalik sa normal. Sinubukan niyang tanggalin ang kamay ni Shanella na nakahawak sa kaniyang leeg ngunit tila ba bigla itong lumakas kumbaga kanina. Bigla siyang kinabahan. Maaari kasing anumang oras ay magbagong anyo na nga ito at hindi puwedeng abutan sa kaniya. Baka siya ang mapatay nito.

"B-bitiwan m-mo a-ako..." nakipagtagisan ng lakas si Logan kay Shanella.

Pakiramdam ni Logan ay pinagpapawisan na siya ng malapot. Hindi siya makakapagbagong anyo kung may nakahawak sa kaniyang leeg. Iyon ang kahinaan ng lahat ng lobo. Kapag nahawak ka sa leeg ay hindi ka makakapagbagong anyo. Mula rin doon ay maaari ng putulin ang kanilang ulo na tiyak na ikamamatay kaagad nila.

Mayamaya ay napasinghap si Shanella nang bigla na lamang may kamay na tumaga sa kamay niya. Dahil nga sa gulat kaya nabitiwan niya ang leeg ni Logan.

"D-Desa..." habol ang hiningang bigkas ni Logan sa tumulong sa kaniya.

"Hindi ka nag-iingat, Alpha Logan. Para kang walang alam sa mga mangyayari," may bahid ng galit na saad ni Desa.

"Kung makapang-uyam ka kay Kai, mas kauyam-uyam ka naman pala. Ikaw na ang bagong Alpha ng buong Sturgeon ngunit tila namamanipula at hindi ka inirerespeto ng sarili mong mga magulang," biglang sabi ni Shanella habang umaatras sa mga ito ng dahan-dahan.

"T-tumahimik ka!" akmang susugurin muli ni Logan si Shanella ngunit iniharang ni Desa ang kaliwang kamay nito.

"Ipaubaya mo na muna siya sa akin, Alpha Logan," seryosong sambit ni Desa.

Kasabay ng pagngisi ni Shanella ay ang pagsugod nito bigla kay Desa. Kaagad niyang natamaan sa mukha si Desa at dumugo ang gilid ng bibig nito.

Ngumisi lang si Desa at saka nilingon si Shanella. Unti-unti ay nagbago ang anyo nito. Lalabanan nito si Shanella sa anyong lobo dahil mas malakas sila kaysa sa anyong tao.

Hindi naman kinakitaan ng takot si Shanella. Tila ba naubos na ang takot niya kanina matapos makausap si Kai.

Kaagad na tumakbo nang mabilis si Shanella at hinabol naman ito ni Desa. Napantayan nga ni Desa si Shanella at habang tumatakbo ay nagkatitigan sila.

"Don't waste your energy, Niah..." saad ni Desa.

Shanella stopped from running giving a what-are-you-talking-about-look to Desa.

"Kaunting oras na lamang at matatapos na ito," wika pa ni Desa bago nito dambahin si Shanella.

Sinalubong ni Shanella ng yakap si Desa at nagpambuno sila. Pareho silang gumulong nang gumulong sa lupa. Nabalot ng alikabok ang katawan ni Shanella pati na rin ang katawang lobo ni Desa.

"Mukhang nagkakamali ka ng sinusugod, Desa. Hindi Niah ang pangalan ko," nagawa pang sambitin ni Shanella bago nito malakas na itulak si Desa.

Maayos pa ring nakatayo si Desa sa kabila ng lakas ng pagkakatulak sa kaniya ni Shanella.

"Mukhang naipakilala nila nang ayos sa 'yo kung sino kami. Kilala mo rin pala ako," sambit ni Desa.

"Oo. Sigurado akong Desa ang iyong pangalan pero mukhang hindi ako naipakilala sa 'yo nang mabuti dahil tinawag mo akong Niah," sagot naman kaagad ni Shanella.

"Ramdam ko ang iyong lakas. Kaunting oras na lamang at matatapos na ang lahat. Kaya ang mabuti pa ay huwag ka ng mag-aksaya ng panahon mo," saad naman ni Desa.

"Hindi ko alam na may kayabangan ka rin pala," kunwa'y napailing pang sabi ni Shanella.

"Kung ako sa iyo, sasamahan ko na lamang si Kai roon sa cage. Siguro kasing iyon na ang magiging huli ninyong pagkikita," wika ni Desa bago ito tumalon nang mataas at lagpasan si Shanella.

Napakunot-noo si Shanella. Iniwanan siya ni Desa at para bang sadya lang siya nitong pinuntahan para magsalita ng kung ano-ano sa kaniya. Mabilis na rin siyang bumalik sa ibaba, kung saan nangyayari pa rin ang sagupaan ng mga puting lobo at itim na lobo. Natanaw niya si Logan na nakikipaglaban pa rin sa mga puting lobo na humaharang dito para makalapit ito sa cage ni Kai. Tanaw din niya na nakahiga na lamang si Kai sa loob ng cage habang nakapalibot pa rin dito ang mga puting lobo na kasama nito sa loob ng cage. Kita niyang tuluyan nang nanghina si Kai. Mas lalo lang siyang nag-aalala dahil napakatagal pa ng oras bago tuluyang lumitaw ang buwang hinihintay nilang sisinag kay Kai.

Dali-dali siyang tumakbo at sinugod si Logan. Lakas sa lakas. Sipa at malalakas na suntok ang ibinigay niya kay Logan.

"I see. Mukhang iniwanan ka na ni Desa. May mga sinabi ba siya sa 'yo?" pagngisi ni Logan habang pinapahid ang dugo sa gilid ng bibig nito.

"Hindi ninyo ako mapaglalaruan," sagot ni Shanella.

Nagpatuloy nga sa sagupaan sina Shanella at Logan na nakikita naman ni Kai.

"Hindi ka ba binilinan ni Desa na huwag ng magpapagod?" may hingal na pagsasalita muli ni Logan matapos ang may kahabaan nilang laban ni Shanella.

"Kalalaki mong tao, bibig ang ginagamit mo!" sigaw ni Shanella. Sinasabi niya sa sarili na marahil ay dinidistract lang siya ni Logan sa pakikipaglaban.

Humandang muli si Shanella upang sugurin si Logan ngunit napaigik siya nang bahagya nang tila may maramdaman siyang kakaiba. Tila ba may sakit na lumukob sa kaniyang katawan. Nanghihina siyang napaluhod.

Nangningning naman ang mga mata ni Logan habang si Kai sa loob ng cage, ay pilit na tumatayo.

"S-Shanella..." mahinang sambit ni Kai.

"Hindi ako nagkulang ng paalala, Niah," pagngiti ni Logan bago ito mabilis na lumapit at lumuhod sa harapan ni Shanella. Tinitigan niya ang nahihirapang mukha ng babae.

"A-anong nangyayari s-sa a-akin... A-anong ginawa m-mo s-sa a-akin..." hirap na saad ni Shanella.

Umiling-iling si Logan. "Niah—"

"Hindi N-Niah a-ang p-pangalan ko!" kahit hirap ay nagawang isigaw ni Shanella.

Narinig naman iyon nina Thallon, Rome at Desa. Kaagad na tumalon ang mga ito palapit kina Logan at Shanella. Pawang nasa anyong lobo na ang tatlo ng mga sandaling iyon.

"Ama, nagsisimula na," masaya ang mukhang pag-angat ng tingin ni Logan kay Rome.

Rome rejoices for what he heard. He howled facing the heaven and the Sturgeons started to howl too. Natigil din ang labanan ng iba at nagtataka sa inaktong iyon ng mga Sturgeon. Inakala ng mga Gibbous na nabuksan na ang cage ni Kai ngunit nang makita nilang safe pa rin si Kai, ipinagtataka nila kung ano ang ikinatutuwa ng mga Sturgeon ng mga sandaling iyon.

"You're not surprised..." may pagatataka sa boses na baling ni Desa kay Thallon.

Sa halip na sumagot ay umatras lamang palayo roon si Thallon. Hindi naman narinig nina Logan at Rome ang reaksiyong iyon ni Desa.

"Come on now, Niah... Show your true form..." masayang sambit ni Logan kay Shanella.

Puno ng pagtataka ang mga mata ni Shanella ng mga sandaling iyon. Hindi lamang siya makapagsalita nang ayos dahil sa matinding sakit na nararamdaman sa kaniyang buong katawan...