Kabanata 3 : Si Paul sa Mundo ng mga Tao
"Paul... Paul..."
Napakalayo ng tinig na iyon, sa isip isip ni Paul. Unti unti niyang binuksan ang mga mata niya at ang una niyang nakita ay ang mga bituin sa langit. Nagniningning ang mga ito sa madilim na kalangitan.
"Gising ka na?" Biglang silip sa kaniya ni Feliz.
Napabangon bigla si Paul at doon lamang niya nakita na nakahiga pala siya sa isang basang basa na lupa. Punong-puno nh putik ang puting-puti niyang suot na damit at pati na rin ang kaniyang pantalon.
"Nasaan tayo?" Tanong ni Paul kay Feliz habang pinapagpag ang damit niya at pinipilit alisin ang mga dumi.
"Nandito na tayo sa mundo ng mga tao. At dahil matagal tagal ka rin bago nagkamalay, kinailangan pa kitang hintayin magising, malapit na akong sumobra sa oras na ibinigay sa akin para ihatid ka dito."
"Nilinlang mo ako. Sabi mo tutulungan mo ako na makabalik sa Banal na Palasyo pero isa ka pa lang Tagalakbay. Dinala mo lang ako dito sa parusa ko." Naiinis na natatawang sabi ni Paul habang patuloy pa rin niyang pinipilit alisin ang mga dumi sa suot niya.
"Tut. Tut..." Sabi ng anghel habang nakataas ang kamay kapantay ng balikat at nakaturo ang daliri pataas at ginagalaw ito nang mabilis pabalik-balik na pakaliwa't kanan. "Wala akong sinabi na tutulungan kitang makabalik sa palasyo. Ang sinabi ko lang ay tutulungan kitang maintindihan ang mga gusto mong maintindihan."
Pumamewang si Paul at umastang parang naiinis. Natawa si Feliz.
"Ano ang nakakatawa?" Pikon na tanong ni Paul.
Umiling ang anghel at pinilit itago ang tawa. Magsasalita sana si Paul nang biglang mag-umpisang maglakad si Feliz ng mabilis papunta sa isang malaking puno at ang sumunod na lang na narinig ni Paul ay 'sumunod ka sa akin'. Ginawa naman ito ni Paul at sumunod nga sa anghel at tumigil sila pagkarating sa malaking puno.
"Itong puno ang magiging saksi sa mga salitang sasambitin natin. Makinig kang mabuti Paul dahil hindi ko na uulitin pa ang aking mga sasabihin. Handa ka na ba?"
Kahit hindi pa handa ay tumango na lang si Paul ng mabilis dahil gusto na din naman niyang matapos na ito at maintindihan kung bakit siya pinadala sa mundo ng mga tao.
"Dahil sa iyong sa pagsuway sa utos ng Diyos ay pinapatawan ka ng kaparusahan na tapusin ang isang misyon dito sa lupa. Ang misyon na ito ay ang paibigin ang dalawang tao na itinadhanang magtagpo ngunit sa maraming dahilan ay nauudlot ang kanilang nakatadhanang pag-iibigan..."
"Ah. Iyon lang pala." Pagyayabang ni Paul. "Madali na iyan dahil ganiyan naman talaga ang tungkulin ko bilang isang Tagapana." Malaking ngiti ang ipinakita niya kay Feliz.
Walang reaksyon ang mukha ni Feliz at tumingin lamang ito ng seryoso sabay nagpatuloy sa kaniyang sinasabi.
"Kakabit ng parusang ito, tutuparin mo ang misyon na nabanggit at tatapusin ito sa loob ng animnapu't isang araw base sa bilang ng kalendaryo ng mga tao at habang ikaw ay nasa katawang tao. Hindi ka rin maaaring gumamit ng kahit anong kapangyarihan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos habang tinutupad mo ang iyong misyon at kasama dito ay ang pagkakakumpiska ng iyong mahiwagang busog at palaso. Sa pagkakataon na ikaw ay sumuway muli sa ano mang utos ng Diyos ay agad agad na ipapataw sa iyo ang Kaparusahang Walang Hangganan."
Sa puntong iyon, inalis ni Feliz ang kaniyang pagkakahawak sa puno at sabay nito ay nawala din ang liwanag na nagmumula sa kamay niya.
"Teka pero papaano ko naman gagawin iyon na hindi gumagamit ng kapangyarihan?" Mabilis na sabi ni Paul ngunit hindi siya pinansin ni Feliz bagkus ay lumingon ito paharap at tila mayroong tinatanaw.
"Tumingin ka sa lugar na iyon." Utos ni Feliz habang nakaturo sa isang may di-kalayuang edispisyo na may apat na palapag at ang mga katabi nito ay mga normal na bahay na iba-iba ang kulay.
Tumingin naman si Paul sa itinuturo nang anghel.
"Tumungo ka doon..." Patuloy ni Feliz. "... at tagpuin mo si Anghel Ria na tutulong sa iyo habang ikaw ay nandito sa mundo ng mga tao."
Ibinaba nito ang kaniyang kamay at sabay inilabas ang kaniyang puting pakpak at naghanda ng lilipad at aalis.
"Sandali lang —" Pagpigil ni Paul kay Feliz ngunit hindi ito nakinig.
Winagaswas nito ang kaniyang mga pakpak at kasabay nito ay ang biglang pagdating ng hanging malakas. Lumipad na ang anghel palayo kay Paul at papuntang kalangitan. Hahabulin sana siya ni Paul habang pilit na inilalabas ang kaniyang mga pakpak ngunit walang lumabas na kahit ano. Tiningnan niya ang kaniyang kanang kamay at ibinukas ito habang hinihintay na lumabas ang kaniyang mahiwagang busog at palaso ngunit wala nanaman lumabas.
Doon lamang napagtanto ni Paul na sa pagkakataong iyon ay isa na talaga siyang tao.