Kabanata 1 : Ang Parusa

Isang mahinang kaluskos mula sa labas ng isang malaking ginto na pinto ang naririnig ng lalaki na nakatayo malapit sa isang malaking bukas na bintana habang nakatanaw sa mga ulap. Huminga ito ng malalim at hinintay kung tutuloy kung sino man ang nasa labas ngunit sa tagal nito ay nainip na ang lalaki sa may bintana at sa malakas na boses bigla niyang sinabi:

"Alam kong nandiyan ka. Bakit hindi ka tumuloy at pumasok?"

Dahan-dahang umiikot ang hawakan ng pinto at kasabay nito ay isang marahan na tulak pabukas. Tumunog ang pinto at isang lalaking mataas na may katamtamang laki ng katawan ang bumungad. Huminga siya ng malalim at inayos ang kaniyang itim na buhok pagkatapos ay pinagpag ang kaniyang suot na puting puti na damit. Nag-aalangan siya kung mauuna ba siyang magsalita o hihintayin na lamang niya na magsalita ang lalaki sa bintana na noo'y nakatalikod mula sa kanya nang biglang mapansin niya ang isang papel na lumitaw kung saan at dahan-dahan itong bumabagsak galing sa ere hanggang sa lumapag na ito sa mesa na nasa harap niya. Sisilipin niya sana ito nang patago ngunit biglang humarap ang lalaki na nakatanaw sa bintana.

"Paul." Nakangiting sabi nito.

"Kumusta na po kayo? Ang tagal din po natin hindi nagkita." Tugon ni Paul.

Nagbuntong-hininga ang isa at umupo ito sa upuan na nasa likod ng mesa at sumandal.

"Siya nga, siya nga..." Umpisa nito. "Napakadami kasing kailangan gawin at asikasuhin. Masyado nang magulo ang mundo at pati ang mga relasyon naaapektuhan."

"Narinig ko nga po."

Tumango ang lalaki at ngumiti ng malungkot. Kinuha nito ang papel na kanina'y nagmula sa kung saan at nahulog sa mesa. Tiningnan niya ito maigi at binasa. Umupo siya ng maayos habang umiiling.

"Narito na ang desisyon ng Hukuman ng Mga Tagapana. Liliwanagin ko lang Paul na kung ano man ang nakasulat dito ay desisyon ng nakararami sa mga opisyal ng ating hukuman at sana'y matanggap mo ito ng maluwag sa iyong loob."

Tumigil ang lalaki at tumitig maigi kay Paul habang naghihintay sa kung ano ang sasabihin nito. Tumango si Paul. Inumpisahang basahin ng lalaki ang nasa papel.

"Mula sa Hukuman ng Mga Tagapana, ikaw Anghel Paul ay pinapatawan ng kaparusahan na ipadala sa lupa at magkatawang tao upang kumpletuhin ang isang misyon sa loob ng animnapu't isang araw base sa kalendaryo ng mga tao. Kasabay nito ay kukumpiskahin din ang iyong mahiwagang busog at palaso..."

Tumigil saglit ang lalaki at saka nagpatuloy: "Pagkatapos ng animnapu't isang araw at natupad mo ang misyon na ibibigay sa 'yo ay maaari ka nang bumalik sa paraiso at magpatuloy sa iyong mga gawain. Kung hindi naman, ay tuluyan ka ng ipapatapon sa lupa at tatanggalan ng lahat ng kapangyarihan na ibinigay sa iyo ng Diyos. Sisirain din ang iyong busog at palaso at kasabay nito ang pagkasira din ng pagiibigan ng lahat ng mga tao na iyong matagumpay na napana at napagtagpo para sa isa't-isa —"

"Sandali lang Hukom na Kupido..." Pagpigil ni Paul.

Tumingin sa kaniya si Kupido.

"Bakit po pati iyong mga tao na nag-iibigan na ay kailangan pang madamay dito? Baka pwede naman po na huwag niyo na lang sirain ang busog at palaso ko? Kawawa naman po sila." Pagsusumamo ni Paul.

"Sana'y naisip mo iyan, Paul, bago mo sinuway ang batas ng Diyos."

"Pero nakakaawa naman po kasi si Ivan, niloloko lang siya ng babaeng gusto niya tapos ang utos sa akin ay panain sila para sa isa't isa at mauuwi sa pagpapakasal." Medyo mataas na ang tono ni Paul.

Binagsak ni Kupido ang kanang kamay niya sa mesa at tumunog ito ng malakas.

"Ang batas ng Diyos ay ang pinakamataas na batas sa lahat at wala ni ano man o sino man ang maaaring sumuway dito!" Galit na sabi ni Kupido.

Nabigla si Paul sa reaksyon ng Hukom at napahakbang siya pabalik sa gulat nang makita niyang galit na ito. Huminga ng malalim si Kupido at kinalma ang sarili bago muling nagsalita.

"Wala tayong karapatan o kahit sino man na pagdudahan ang mga desisyon ng Diyos. May mga dahilan siya at may mga plano na hindi man mukhang tama sa paningin natin ay siguradong magiging maganda ang kalalabasan nito at para sa ikabubuti ng nakararami. Naiintindihan mo ba Paul?"

Tumungo si Paul na parang bata na pinapagalitan. "Naiintindihan ko na po, Hukom."

Tinuloy ng Hukom ang pagbabasa: "... Inaasahan ng hukuman na ito na magagawa mo ng matiwasay ang nasabing misyon na hindi muling lalabag sa batas ng Paraiso. Ang nakasaad dito sa sulat na ito ay magiging epektibo sa mismong oras na mabasa na ito ng punong Hukom."

At sa ibaba ng sulat ay nakapirma sa bandang kaliwa:

Anghel Carlos

Kalihim

At sa bandang kanan nito:

Anghel Kupido

Punong Hukom

Napaisip si Paul saglit at nang maproseso niya na ang mga sinabi ng Hukom ay bigla siyang nataranta.

"Sa-sandali lang po. Sabi p-po diyan magiging epektibo sa...—"

"Sa oras na mabasa na ito ng punong Hukom." Dugtong ni Kupido. "Ang mainam mong gawin ay maghanda na ngayon sa iyong paglalakbay."

Tumayo ang Hukom mula sa pagkakaupo at mabilis itong naglakad papunta sa pinto. Inihagis nito pataas sa ere ang hawak na papel at sa isang iglap ay nawala ito na parang bula. Hahabol sana si Paul para umapela pero kasabay ng papel, nawala na rin sa paningin niya si Kupido.