Kabanata 1: Alexis Altamirano
“MEETING adjourned.”
Nagsipagtayuan na ang mga board members matapos ang huling mensahe ni Alexis Altamirano sa kanila. Tumayo ang mga ito ng may ngiti sa mga labi at tila ba na-satisfy sa ni-report nito ngayong araw.
“Congratulations, Alexis.” Nilapitan siya ni Romualdo Sebastian na isa sa mga senior members. Nakipagkamay pa siya sa lalaki.
“Thank you po. Kung hindi naman dahil sa inyo, hindi naman ako tutungtong sa ganito. Napakalaki ng tulong ng paid trainings ko sa inyo dati. Hindi ko makakalimutan ‘yon, Ninong.”
Ngumiti ito at saka namulsa. “Nasaan ang kapatid mo? Wala ba talaga siyang balak na um-attend ng mga meetings ng kumpanya?”
“I am not so sure about that. Hindi ko rin alam kung bakit wala siya rito ngayon. I am also expecting him to attend the meeting.”
“Hindi nman porque alam niyang siya ang magmamana ng kumpanyang ito, hindi na siya sisipot. Hindi ba’t mas maganda kung ngayon pa lang ay nagpapa-impress na siya sa board?”
Alanganing ngumiti si Alexis kasabay ang pagkamot sa ulo. “I am sorry, Ninong. Hindi ko talaga alam kung nasaan siya pero susubukan ko siyang tawagan mamaya para masabihan ko.”
Tumango ito. “That’s the right thing to do. Ewan ko ba sa papa mo kung bakit hindi na lang ikaw ang gawin niyang CEO ng Alta Mira, Inc.? You are effective and efficient as a leader.”
“Alam n’yo naman na ayaw ni Papa na ako ang mamahala ng Alta Mira, Inc. Alam n’yo rin naman ang dahilan kung bakit. Masaya na ako sa ganito. Hindi ko rin naman hinangad ang posisyon na ‘yon. Kung ako lang, tama na sa akin ‘tong pagiging spokesperson kung wala sila sa kada meeting.”
Bumuntong-hininga ang matanda. “Hindi naman kita mapipilit kung ‘yan talaga ang gusto mo. Ang akin lang, nanghihinyang ako dahil may K ka. Anyway, please send my regards to Arnulfo. Sana ay bumuti pa ang pakiramdam niya at humaba pa ang oras niya.” He patted him on his shoulder before leaving the conference room.
“Congrats, Sir Alexis. You did a good presentation today,” masayang sabi ni Angie na sekretarya niya.
“Hindi ko naramdaman na nagawa ko ‘yong dapat kong gawin ngayong araw. Para lang akong representative hindi lang ni Dad kundi pati ni Gerard. Ni wala man lang siya para magsalita rito.” Dama ng sekretarya ang pagtatampo sa boses nito.
“Wala na po kayong meeting ngayong hapon. Pwede na po kayong magpahinga. You can also set a date with your wife, Sir,” suhestyon pa nito habang tinitingan ang planner.
“That won’t work. She’s busy with a lot of things.” Niluwangan niya ang pagkakabuhol ng necktie niya. “I’ll go to a coffee shop to unwind before going home. Pwede ka na rin umuwi, Angie.”
“Sige po, Sir. Salamat. Mauna na po ako.”
Naiwang mag-isa sa kwartong iyon si Alexis. He’ll do anything for his family. Kakayanin niya ang lahat para lang matugunan ang pangangailangan nila. Career woman ang asawa niyang si Althea at gusto pang makipagsabayan sa kanya nang malaman noon na magtatrabaho ito sa Alta Mira, Inc. Hindi siya ganoon. Nasanay siya sa isang simpleng pamumuhay lang.
Pinatay niya ang mga ilaw sa conference room bago lumabas. Habang naglalakad ay tinatanggal niya ang butones ng coat na suot niya. Pagtanggal niya nito ay huminga siya nang malalim. Nakaramdam siya ng ginhawa. Mabigat ang coat na iyon at kanina pa nito kinukuha ang atensyon niya habang nasa presentation. Kung siya lang, hindi siya magsusuot ng ganoon.
“Uuwi na po kayo, Sir?” tanong sa kanya ng isa sa mga taga-finance na nakasabay niya sa elevator.
“Oo, eh. Tapos na ang presentation. Wala rin naman na akong paperworks na gagawin sa opisina kaya uuwi na muna ako. Magsusundo pa ako sa school. Ikaw? Pauwi ka na rin?”
Sumimangot ito matapos pindutin ang elevator button. “Hindi, Sir. Overtime kami ngayon hanggang 7 P. M. Nagtatampo na nga sa akin ‘yong anak ko, eh. Birthday niya ngayon pero male-late ako sa pag-uwi dahil nga may kailangan kaming tapusin. Nagbigay lang ako sa misis ko ng pera para may kaunti kaming pagsasaluhan sa pag-uwi ko.”
Hindi niya maiwasang sumaludo sa mga katulad ng lalaking ito. Hindi man niya kasingyaman ang mga ito pero kuntento sila sa kung ano lang ang meron sa kanilang mga hapag. Kinuha niya ang wallet at bumunot ng tatlong libong piso.
“Heto…” Inabot niya iyon sa lalaki.
“S-Sir, ano po ‘yan?” Napaatras pa ito sa gulat nang makita kung ano ang nasa kanyang kamay.
“Ipangdagdag mo sa handa ng anak mo. Bumili ka ng cake o kaya ng ice cream. Regaluhan mo siya. Iyong matitira, pam-budget n’yo na. Malayo pa ang katapusan kaya alam ko na critical wallet day na ‘tong mga araw na ‘to. Tanggapin mo na ‘to.” Kinuha niya ang kamay ng lalaki at inilagay iyon sa palad nito.
“M-maraming salamat, Sir Alexis. Hindi ko alam kung paano ako makakapagpasalamat sa inyo. Sobrang maraming salamat.”
“Basta magsipag ka lang sa trabaho mo, ayos na sa akin ‘yon.”
Biglang tumunog ang elevator hudyat na nasa ground floor na sila ng building.
“Mag-ingat po kayo sa pag-uwi, Sir. Maraming salamat po ulit.” Nagpaalam sa kanya ang lalaki at naghiwalay na sila ng direksyon.
Nagmamadali siyang nagtungo sa parking lot at sumakay ng kotse. May thirty minutes pa siya para magkape at mag-relax bago sunduin ang naka sa eskwelahan. Nagtungo siya sa isang malapit na coffee shop na ni-recommend sa kanya ng kapatid.
Nai-park niya ang sasakyan sa gilid ng kalsada at balak niyang mag-take out na lang saka niya inumin sa byahe.
Bumungad sa kanya ang mabangong aroma ng kape na nanunuot sa kanyang ilong. Malamig din ang hangin na nagmumula sa air-conditioner na nararamdaman niya kahit na nakasuot siya ng long sleeves.
“Good afternoon, sir. What’s your order?” nakangiting tanong sa kanya ng babaeng nasa counter.
“Ano ang best-seller n’yo?”
“Hot or cold po?”
“Cold, please.”
“Iced Caramel Latte po.”
“Please give me one.” Muli niyang kinuha ang wallet at ibinigay ang bayad.
Habang naghihintay, naisipan niyang tawagan ang kapatid na si Gerard upang kumustahin ito. Baka may dahilan naman ang lalaki kung bakit hindi ito sumipot kanina. Ang alam pa naman ng ama nila ay kasama niya itong nag-present.
“Hello, Kuya,” bungad niya nang sagutin nito ang tawag.
“Alexis! Thank God you called me. Sorry. Biglang nasira ‘yong cellphone ko along the way kaya dumiretso ako sa telecom. Na-traffic pa ako kaya hindi na ako umabot. Pasensya na talaga. Babawi ako sa ‘yo. Nasaan ka ba?”
Alam niya naman na magdadahilan lang ito. Ilang beses na ring ginagawa sa kanya ito ni Gerard ngunit wala siyang karapatan na magreklamo. Kuya niya ito at napakalaki ng respeto niya sa lalaki.
“I understand. Don’t worry about it. Maganda naman ang outcome. Mas maganda lang siguro na nandoon ka. They’re waiting for you. Nagtatanong pa nga iyong iba kung bakit wala ka. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kasi pumayag ka naman kahapon.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito.
“Look, I am really sorry. Hindi ko naman alam na mangyayari ‘yon. Hayaan mo, bukas babawi ako.”
“Kuya…”
“What?”
“Wala nang meeting bukas. Once a month lang ang board meeting.”
“Oh, my bad.”
“Don’t worry, Kuya. Pwede ka naman bumawi next month.”
“Thank you so much, Alexis. Thank you. I’ll make it up to you next time. Where are you now?”
“Nandito ako sa coffee shop na sinabi mo. Bumili lang ako ng coffee kasi susunduin ko pa si Rally.”
“Okay. Mag-ingat ka. Pauwi na rin ako.”
Naunang nagbaba ng tawag si Gerard. Doon pa lang alam niya nang hindi ito interesado na kausapin siya.
“Here’s your order, Sir.” Kinuha niya ang isang tall cup at nagpasalamat bago lumabas.
Isang higop pa lang ang nagagawa niya nang makita niya ang isang pulang van na pumarada sa likod ng kotse niya. Dalawang lalaki ang lumabas mula roon at nilagyan siya ng panyo sa ilong.
Hindi siya agad nakapalag. Dalangin niyang may mga tao sa paligid na sisigaw upang tulungan siya ngunit wala siyang narinig na humingi man lang ng saklolo.
Hindi niya maintindihan ang amoy na bumabara sa kanyang ilong pero napapikit nito ang mga mata niya. Narinig niya rin ang boses ng mga ito hanggang sa ang huli niya na lang naalala ay ang pagbitaw niya sa kape na kabibili niya lang.