Chapter 27 Ang Pag-Amin ni Katrina tungkol sa Testamento
"I'M sorry," sa mga katagang iyon ni Jeremy, dapat ay gumaan na ang kanyang kalooban pero bigla lang bumigat ang kanyang kalooban. Para kasing inamin lang nito ang kanyang hinala.
Kahit mabigat ang kanyang kalooban, sinabi niyang, "It's okay. At least, nagawa ko ng sabihin sa'yo na alam ko na. Hindi mo na kailangan pang magkunwari, naiintindihan ko na naman. Ang mahalaga lang sa akin ngayon ay ang anak ko. Kung makukuha mo na ang mana mo at gusto mo na makipaghiwalay, okay lang."
Okay lang? Manghang tanong niya sa sarili dahil nagawa niyang ibulalas ang mga salitang iyon na para bang okay lang ang lahat pero ang totoo, sobra-sobra siyang nasasaktan. Pakiwari nga niya ay pinipiga ang kanyang puso. Naalala na naman tuloy niya ang kanya ni Michael V.
Tiyak niya kasing kung mawawala na naman sa buhay niya si Jeremy ay ibayong sakit na naman ang kanyang mararamdaman. Hindi nga niya tiyak kung kakayanin ba niya iyon.
"Wala akong balak na makipaghiwalay."
Kahit may tuwa siyang naramdaman sa sinabi ni Jeremy, ayaw pa rin niyang maniwala at umasa. Noon din naman kasi kasi ay umasa siya sa sinabi nitong kahit anong mangyari ay hindi siya iiwan pero ilang buwan lang ay pinili nitong tapusin ang kanilang relasyon.
"Kung iniisip mong pinakasalan lang kita dahil sa testamento ng lolo, nagkakamali ka," mahinahon nitong sabi sa kanya.
"Okay," matamlay niyang sabi dahi ilang ulit na siyang nasaktan at na-disappoint. Kaya, maigi pa talagang huwag na lang siyang maniwala para hindi na siya masaktan pa. "Sana lang kasi sa umpisa pa lang nilinaw mo na."
Marahas na buntunghininga ang pinawalan nito pero ang tingin ay hindi pa rin inaalis sa daan.
"Nawala na rin kasi sa isip ko ang tungkol sa testamento." Halos pabulong nitong sabi kaya di niya tiyak kung dapat nga ba niyang paniwalaan.
Marahil, wika niya sa sarili para mawala ang sakit na kanyang nararamdaman.
Isang makalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan dahil ibig niyang ipakita kay Jeremy na balewala naman sa kanya ang natuklasan.
"Huwag na nating pag-usapan ang tungkol diyan. Ang gusto ko ang naman ay malaman mo dahil ayoko ng magtago ng sikreto sa'yo?"
Ows? sarkastikong tanong niya sa sarili pagkaraan ng ilang sandali. Para naman kasing isang malaking kalokohan lang ang sinabi niya. Kung talagang ayaw na niyag magtago pa ng sikreto kay Jeremy, dapat ay sinabi na niya rito ang tungkol sa kanilang anak pero talagang gusto niyang panindigan ang sinabing kasinungalingan.
Iyon lang naman kasi ang paraan para magawa niyang makuha ang tanging nilalang na minsan ay naramdaman din niya kung gaano siya kamahal ni Jeremy. Tuwing may nangyayari kasi sa kanila ay nararamdaman niyang labis nitong pangangailangan sa kanya. Hindi nga lang niya talaga mapagtanto kung dahil ba kailangan lang nito ang katawan niya o dahil talagang mahal siya nito tulad ng sinasabi nito.
"Wala ka na talagang itinatago," marahang tanong niya pagkaraan. Gusto niya siyempreng isipin nito na okay lang ang lahat pero ang sakit-sakit talaga ng kanyang puso.
"Wala na."
"Jeremy..."
"Mas gusto ko kung tatawagin mo akong Babes."
Hindi niya pinansin ang sinabi nito. "Hindi mo kailangang mainggit kay Joshua o sa kahit na sinong tao. Makuntento ka na lang sa kung anong mayroon ka. Nawala man ang parents mo nu'ng bata ka, dumating naman ang lolo mo. Sa kanya mo ibuhos ang lahat ng pagmamahal at respeto. Pasayahin mo rin siya. Kung mayroon mang mga tao na ayaw sa'yo, huwag mo silang intindihin. Ang mahalin at bigyan mo ng atensyon ay ang mga taong mahal ka."
Marahas na buntinghininga ang pinawalan ni Jeremy bago itinabi ang sasakyan. Ang buong akala niya ay magagalit ito sa kanya dahil sa mga sinabi niya ngunit sa halip ay kinabig siya nito at niyakap.
"Kaya nga, huwag mong iisipin na darating ang panahon na pawawalan pa kita," wika nito habang yakap siya ng mahigpit. "Dahil hindi ko na uulitin pa ang katangahang ginawa ko noon."
"OH..." tanging naibulalas ni Katrina. Akala kasi niya ay alalalayan lang siya ni Jeremy na bumaba ng sasakyan pero hindi pala. Pagkababa niya sa sasakyan ay pinangko siya nito kaya naman agad yumakap ang kanyang mga kamay sa batok nito para makasiguro siyang hindi siya mahuhulog.
"Wala ka ba talagang tiwala sa akin?" tanong sa kanya ni Jeremy na labis niyang ipinagtaka. Kahit kasi nakangiti ito ay nasa mga mata naman ang lungkot. Pagkatapos ay bumuntunghininga ito. "Kunsabagay, talaga ngang mahirap na muling magtiwala lalo na't minsan ay nasaktan na kita."
"Ano bang sinasabi mo?"
"Sa higpit pa lang ng kapit mo sa leeg ko ay ramdam ko ng may pagdududa ka. Hindi ka naniniwala at nagtitiwala sa akin."
"Masyado ka lang OA. Kaya mahigpit ang kapit ko sa'yo dahil nga gusto kong makasiguro na hindi ako mahuhulog at hindi ko lang iniintindi ang sarili ko. Pati na rin ang anak ko."
"Sa tingin mo ba ay hahayaan kong may mapahamak ang isa sa inyo?" Inis nitong tanong.
"Ibaba mo na lang ako." Nahagilap niyang sabihin.
"No."
Sa diin ng pagkakasabi ni Jeremy ay hindi na siya kumontra pa. Talagang mas maiging ganoon na lang ang gawin niya para hindi na humaba pa ang diskusyon. Pumikit na lang siya at pinilit maging komportable sa mga bisig nito.
Well, kahit kailan naman talaga ay kumportable siya sa piling ni Jeremy. Pakiramdam niya'y ligtas na ligtas siya at kailanman ay hindi niya iyon naramdaman kay Flaviano.
NANG malaman ni Jeremy na alam na pala ni Katrina ang tungkol sa testamento, mas tumibay ang pagdududa niya na nagsisinungaling ito sa kanya tungkol sa pagbubuntis nito. Ayaw na lang din niyang kulitin pa si Katrina basta naniniwala siyang ang ama. Gayunman, gusto pa rin niyang makumpirma iyon kay Katrina.
Dapat sana ay magalit siya dahil pilit nitong itinatago sa kanya ang kanyang karapatan ngunit paano naman niya gagawin iyon kung may duda nga ito sa kanyang tunay ang pag-ibig niya. Minsan na niya ito nagawang saktan at iwanan kaya kahit na magsabi siya ngayon na mahal na mahal niya ito'y hindi ito basta maniniwala.
Kilala niya ito. Mahirap kay Katrina na magbigay ng second chance lalo na't nasaktan na ito ng todo kaya kung pinuprotektahan man nito ang sarili mula sa kanya, hindi niya ito masisisi. Desidido naman siyang iparamdam dito kung gaano niya ito kamahal.
Tulog na si Katrina nang ibaba niya ito sa kama. At dahil nga sa gusto naman niyang iparamdan dito kung gaano niya ito kamahal ay minabuti niyang punasan ito at bihisan. Hindi lang niya napigilang mapalunok ng ilang beses nang tumambad na naman sa kanya ang maputi at makinis nitong kutis na awtomatikong nagpapainit sa kanya.
Tanging si Katrina lang ang nagbibigay sa kanya ng ganoong pakiramdam kaya talagang isang malaking kalokohan kapag iniisip nitong may iba siyang ginugusto. Kunsabagay, hindi naman din niya masisisi si Katrina dahil iyon ang sinabi niyang dahilan kaya hiniwalayan niya ito noon. May iba na siyang mahal at si Veronica ang kanyang ginamit kaya kung pinagseselosan man ni Katrina si Veronica ngayon ay kasalanan niya.
Talaga lang din hindi niya maiwasang mapangiti sa kaalamang nagseselos si Katrina. Ibig sabihin ay mahal pa rin talaga siya nito kaya talagang hindi niya dapat na hayaang mawala ito sa kanyang buhay.