Chapter 20: First Day
YVONNE'S POV.
Malawak ang ngiti sa aking mga labi nang sagutin ko ang tawag ni Akiro.
"Hello, frenny!" masayang panimula ko.
"Ay, wow! Kinikilabutan ako, ah? Ano'ng meron? Parang ngayon mo lang yata ako tinawag na frenny, ah? May good news ba?" tumatawang tanong niya.
"Of course! Magsisimula na ako bukas sa trabaho. Nakumpleto ko na ang lahat ng requirements ko."
"Talaga? Oh, magandang balita! Uminom tayo sa unang sweldo mo," biro niya.
"Sige. Sagot ko ang alak at pulutan. Magdala ka na lang ng pitchel, baso, at yelo," biro ko rin.
Parehas kaming nagtawanan habang magkausap sa telepono. Nandito ako sa kwarto at nakahiga. Sobrang gaan ng pakiramdam ko.
"E, maiba nga tayo? Alam na ba ito ng asawa mo?"
Bigla siyang sumeryoso. Bumuntong hininga muna ako bago magsalita. Bigla tuloy bumigat ang pakiramdam ko.
"Teka, huhulaan ko. Hindi niya pa alam, 'no?"
"Hindi. Alam na niya. Nahuli niya ako kagabi na inaayos ang ilan sa mga requirements na naiwan sa envelope ko. Doon ay nalaman niyang nag-a-apply pala ako."
"E, ano'ng sabi niya? Nagalit ba?"
"Noong una, oo. Pero ang nakakasama ng loob ay nang sabihin niyang, 'Mabuti pa nga nang matuto ka. Hindi iyong dukot ka nang dukot ng pera. Walang silbi!' Tapos ayon, ibinato niya sa sahig iyong mga requirements ko na kinuha niya tapos lumabas ng kwarto. Umalis din siya. Hanggang ngayon, hindi pa siya bumabalik."
"Napakasama naman talaga niyang asawa mo, 'no? Ano ba kasing nagustuhan mo sa galunggung na 'yan? Pogi nga, mayaman, malaki ang katawan, babaero naman!" sarkastikong sabi niya.
Dumapa ako at sumimaktol sa kama.
"Ginayuma niya lang yata ako noon, e. Hindi ko rin alam kung ano'ng nagustuhan ko sa kaniya. Talagang makikilala mo lang ang isang tao kapag nakasama mo siya sa bahay. Hay!"
"Ay, true! Mabuti nga itong asawa ko, nagtitino na kahit papaano. Kung hindi pa pinagsusuntok sa dibdib ng anak, hindi pa matatauhan."
"Ha? Bakit? Ano bang nangyari?" Kumunot ang noo ko.
"Nag-away kami nitong nakaraan at nakita iyon ni Keith. Muntik na akong sinaktan ng kumpare mo. Sa inis ni Keith, ayun! Pinagbubugbog niya ang dibdib ng tatay niya at paulit-ulit na sinabing, 'Muntik na akong namatay, Papa, pero nasaan kayo? Tapos ngayon, ipapakita niyo pa sa aking sasaktan ninyo ang mama ko? Ang sama niyo!"
Napahinga ako nang malalim.
"Nasa anak talaga ang impact, 'no?" malungkot na sabi ko.
"Oo. Kaya ikaw, hangga't abnormal 'yang asawa mo, huwag na huwag kang magpapabuntis. Baka mamaya kapag nagpabuntis ka tapos mas piliin pa niya ang kirida niya. Magpabuntis ka na lang kapag okay na kayo. Frenny, sinasabi ko sa 'yo, magsisisi ka kapag nakikita mong nahihirapan ang anak mo sa tuwing nakikita kayong mag-asawa na nag-aaway," mahigpit niyang payo na tinanguan ko.
"Oo, frenny. Salamat."
"Oh, sige na. May trabaho pa ako, e. May i-se-send ako sa 'yong vitamins. Iyon ang iinumin mo bago ka papasok para maging energetic ka. Hindi ka aantukin do'n at hindi ka mabilis na makakaramdam ng pagod."
"Sige, salamat."
Hindi ko na siya narinig magsalita kaya ibinaba ko na ang telepono.
Tumiyaya ako at tumitig sa kisame.
Pangarap naming magkaroon ng anak pero ngayon, ako na lang yata ang may pangarap.
MAAGA akong bumangon para maghanda. Ngayon ang unang araw ko sa trabaho kaya hindi ako pwedeng ma-late.
Nagluto at naglinis na ako ng bahay. Naligo na rin ako nang matapos. Nag-aayos na ako ng mukha nang marinig ko ang malakas na pagkalabog ng pinto.
Kunot ang noo kong lumabas ng kwarto at pumunta sa pinto. Pagkabukas ko, ang lasing na lasing na mukha ni Ervin ang bumungad sa akin.
"Honey!" sigaw ko nang bigla siyang tumumba sa akin.
"Honey my loves!" lasing na lasing na bati niya.
"Hays! Ano bang nangyari sa 'yo? Bakit lasing na lasing ka? Ang aga pa, ah?"
"E, mga g*go 'yong kalaro ko, e. Tinalo ako at inubos nila ang pera ko kaya uminom ako. Ang galing ko, 'di ba, honey?" tumatawang sabi niya at mas lalo pang nagpabigat sa akin.
"Nag-casino ka na naman ba? Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na mauubos lang ang pera mo riyan! Bakit ba ayaw mong makinig?" Nagsalubong na naman ang kilay ko. Naiinis na ako.
"E, bakit ba? Ano'ng pakialam mo, ha? Mga g*go sila, e! Teka nga!" Pinilit niyang deretsuhin ang katawan niya at tumingin sa akin nang gumegewang. "Saan ka pupunta, ha? Alam mo, ang pangit mo! Ano 'yan? Make-up ba 'yan?" Itinuro niya ang mukha ko na kulang na lang ay masundot na niya ang mga mata ko.
"Oo! May pasok ako ngayon. Nakalimutan mo na ba? Tara na sa loob. Bibihisan na kita. Ano'ng oras na, male-late ako sa trabaho ko." Hahawakan ko sana ang baywang niya nang itulak niya ako. Gulat na gulat ko siyang nilingon.
"Ano'ng problema mo?" Tumayo ako at muli siyang hinarap. Napaupo kasi ako sa semento.
"Kaya pala ang yabang mo na! May trabaho ka na nga pala kaya pinagmamataasan mo na ako. Kunwari, mas nakakaangat ka. Hoy, Yvonne! Asawa lang kita! Call center agent ka lang pero ako CEO ng malaking kompanya! Huwag na huwag mo akong mayabang-yabangan!" Dinuro niya ang mukha ko.
"Ano?! Nahihibang ka na ba?"
"Oo kasi laos ka na! Pangit ka na! Losyang ka na! Diyan ka na nga!" sunod-sunod niyang panglalait na ikipinanglumo ko at saka niya ako nilayasan. Gumegewang-gewang siyang naglakad at nang madapa, ako ang minura.
Hindi ko napigilan ang mga luha ko. Kusa iyong tumulo. Bigla akong nanlambot at kinukwestyon ko ang taas kung bakit ganitong buhay ang mayroon ako. Mas gusto ko pang maging katulad ng ibang tao na kahit tuyo o tubig at asin lang ang ulamin, masaya. May kapayapaan ang isip nila. Ako na mayaman nga, pero mayroon namang asawa na kulang na lang ay masabi kong patapon na ang buhay niya.
Pinunasan ko ang pisngi ko at nilapitan siya.
"Tara na, honey." Kalmado ko siyang inalalayan ngunit paulit-ulit niya lang akong itinataboy hanggang sa tamaan pa ng malaking kamao niya ang sikmura ko na ikinaubo at ikinasuka ko ng malapot na laway.
Tumakbo ako sa kusina at nanghihina akong nagbanlaw ng bibig. Nakita ko naman siyang tumayo at naglakad paakyat sa hagdan.
Bumuntong hininga ako habang hawak nang madiin ang sikmura ko.
"Ang sakit!" daing ko.
Sumunod ako sa kaniya sa kwarto. Inabutan kong dinaganan niya ang ID at bag ko. Kinuha ko iyon. Nagmamadali kong binuksan ang bag ko at nakita kong basag na ang salamin na dapat ay babaunin ko.
Lalong sumakit ang ulo ko. Gusto ko siyang tadyakan sa inis!
Bago ko ipinagpatuloy ang pag-aayos ko, siya muna ang inasikaso ko. Pinalitan ko ang damit at pantalon niya dahil basang-basa iyon ng malagkit at mabahong pawis niya. Ito iyong suot niya nang umalis siya. Ibig sabihin, hindi siya naligo kahapon. Palagay ko ay maghapon ito sa casino.
Hay! Lintik na buhay!
Napatingin ako sa orasan na nasa itaas ng pinto. Napamura pa ako nang makita kong 30 minutes na lang at late na ako. Nagmamadali akong nagpatuloy sa paglalagay ng make-up sa mukha ko nang sa kamalas-malasang pagmamadali, dumaplis pa ang lipstick sa labi ko.
"Bwisit naman!" inis na sabi ko at pinilit kong kuskusin iyon ng tissue pero ayaw matanggal.
"T*ng *na! Late na ako!" Tumayo na lang ako at kinuha ko na ang mga gamit ko. Doon ko na lang aayusin 'to.
Hindi ko na tinignan ang lasing na lasing na si Ervin at nagmamadali nang umalis ng bahay. Mabuti na lang at may dumaan na taxi paglabas ko ng bahay.
"Para po!" sigaw ko.
Nang huminto iyon, sumakay ako agad. Pinagmadali ko na ang driver dahil 20 minutes na lang. Siguradong traffic pa nito.
Kinuskos ko nang kinuskos ang lumagpas na lipstick sa bibig ko. Namumula na iyon pero hindi pa rin nawawala ang mantsa. Matte lipstick kasi ang ginamit ko.
"Ang malas ko naman! Bakit ngayon pa? Bwisit!"
Nang makarating ako sa trabaho ay saktong dalawang minuto na lang at late na ako. Nagmamadali akong pumunta sa guard para magpa-frisking. Nang bigla niyang tinignan ang mga daliri ko.
"Bawasan mo muna ang kuko mo. Masyadong mahaba," wika nito.
T*ng *na!
"Pero late na po ako. Pwede po bang mag-in muna ako bago ako magputol ng kuko?"
"Hindi," tanging sagot nito at nagpatuloy sa pag-frisking sa ibang late at mag-i-in na rin.
Argh! Lintik na first day!