Chapter 19: Panaginip
YVONNE'S POV.
Dumidilim na nang makauwi ako. Tulad ng inaasahan ay madilim ang buong bahay. Sigurado akong wala pa ngayon si Ervin dito.
Kailan ba naman kasi siya umuwi nang maaga, 'di ba? Minsan nga ang uwi niya, madaling araw na.
Oo, naiisip kong baka nasa babae niya na naman siya. Hindi naman niya inaamin sa akin na wala na silang relasyon ni Sheila, e. Hindi nga niya nagawang depensahan ang sarili niya nang makita ko ang plastic ng condom sa bulsa ng pantalon niya at bahid ng lipstick sa kwelyo ng damit niya. Mas lalo pa nga akong nainis no'n kasi napunit ang laylayan ng damit niya.
Bumibigat ang pakiramdam ko sa tuwing naaalala ko iyon. Mukha kasing matinding sagupaan ang nangyari noon sa kanila.
Nasasaktan na naman ang puso ko. Parang gusto ko na namang uminom ng alak at umiyak nang umiyak.
Hanggang kailan kaya ako magiging tanga? Kapag sinampahan ko naman ng kaso si Ervin, malaking gulo iyon. Magiging usap-usapan kami sa kompanya at sa mga business partners namin pati sa mga stakeholders at malaking kompanya sa ibang bansa na kasama namin. Baka biglang bumagsak ang matagal naming pinagsumikapang pangarap kapag ginawa ko iyon. Kapag nalaman naman ito ng mga magulang ko ay tiyak tataas ang presyon ni Mama at aatakihin sa puso si Papa. Parehas kasi silang may sakit at ako lang ang unica hija nila. Nag-iisang anak lang ako. At alam ko na sa gulo rin magtatapos ito. Aalingasaw rin ang baho ng pamilya namin at babagsak din ang kompanya. Kung magsusumbong naman ako sa mga pulis ay ganoon din ang mangyayari. Kahit ano namang choice ang mayroon ako ay gano'n pa rin naman ang kahihinatnan. Natatakot lang ako na mapahamak sina Mama at Papa, gayundin ang kompanya. Ayokong malusaw at mawala ang lahat... kahit sobrang sakit na at hindi na ako makahinga.
Nagbihis ako at itinago ang mga documents ko sa ilalim ng mga damit ko para hindi makita ni Ervin. Pumunta ako sa kusina para magluto dahil sigurado akong pagod na pagod at gutom na siya pag-uwi.
Kahit ano pa man din ang ginawa o ginagawa niya sa akin, iniisip ko pa rin ang kalusugan niya. Asawa niya ako, e. Trabaho ko ang paglingkuran siya.
Ipanalangin niya na lang na huwag akong mapagod at makayanan ko ang lahat nang ginagawa niya hanggang sa dulo ng buhay ko.
I sighed.
Napaka-martyr kong asawa.
ALAS-OTSO na ng gabi nang matapos akong magluto at maglinis ng bahay. Napahiga na lang ako ng ulo sa lamesa matapos kong ihapag ang lahat ng pagkaing iniluto ko. Maghapon akong nasa daan at naghahanap ng ikahahanap buhay ko kaya pagod na pagod na talaga ako.
Tinignan ko muna ang chat ni Ervin bago ko ipikit ang mga mata ko.
"Pauwi na ako, honey."
Bumuntong hininga na lang ako at tuluyang nakatulog habang nakaupo at nakapatong ang ulo sa lamesa.
"Bilisan mo, Yvonne! Bilisan mo!" sigaw sa akin ng kasama kong lalaki na bago ko lang kakilala.
Kapwa kami mabilis na tumatakbo sa isang madilim na kagubatan. Hinahabol kami ni Ervin na may dalang baril at gusto kaming patayin.
Mas binilisan namin ang pagtakbo na kulang na lang ay lumipad na. Nanganganib ang buhay namin. Ano ang gagawin ko?
"Mahahabol at mahahabol ko rin kayong dalawa! Kapag nangyari iyon, sabay na sasabog ang utak ninyo sa lupa!" tumatawa na mala-demonyong sigaw ni Ervin habang hinahabol kami.
Puno ng tattoo ang katawan niya. Naka-itim siyang damit at pantalon at may dalang dalawang baril na magkabilang hawak ng mga kamay niya.
Natatakot na ako. Kinakabahan na ako! Ano ba ang nangyayari sa kaniya?
Nagpatuloy kami sa pagtakbo nang bigla kaming matigilan nang muntik na kaming mahulog sa isang malalim na bangil.
Mas lalong nanginig ang tuhod ko at napalunok ako nang malapot na laway.
"Huli kayo!" sigaw ni Ervin na nagpagulantang sa akin.
Hawak kamay kami ng lalaking kasama ko na hinarap siya. Nakita ko ang pagkuyom ng kamao niya habang masamang tinitignan si Ervin.
"Ano, pre? Aatras ka o susulong ka?" nakatango at mayabang na tanong ni Ervin sa kasama ko.
Muli akong napalingon sa likod ko. Isa o dalawang hakbang na lang namin ay malalaglag na kami sa bangil.
Jusko! Ano'ng gagawin ko? Sa harap ko ay pwede akong barilin, sa likod naman ay pwede kaming mahulog sa bangil. Ang magkabilang gilid naman namin ay puro puno at matatas na damo na baka nga may sawa pang gumagala.
"E-Ervin, t-tama na, please!" nagmamakaawang sabi ko habang umiiyak.
"Tumigil ka! Papatayin ko kayong dalawa!" galit na galit na sigaw niya at patuloy na itinutok sa aming dalawa ang dalawang baril na hawak niya.
"Tig-isang putok lang ng dalawang baril na ito ay siguradong tatamaan at malalaglag kayo sa bangil. Siguradong sa impyerno na lang kayo magkikitang dalawa," nakangisi niyang bulyaw at matalim pa ring tumititig sa amin.
"E-Ervin, p-please... H-Huwag mong gawin sa amin i-ito..." nauutal kong pagmamakaawa. Magkabilang kamay ko na ang nakataas at sumusuko sa kaniya.
Ayoko pang mamatay!
Isang beses pa akong napalingon sa likod ko nang kaunti akong umatras mula sa kaniya dahil sa takot.
"E-Ervin, pakiusap— Ahhh!" napasigaw ako ng malakas nang makarinig ako ng malakas na putok ng baril na naramdaman kong tumagos sa sikmura ko.
"Mamatay kayo!" sigaw niya at kapwa niya kami itinulak palaglag sa bangil matapos niya kaming barilin.
"E-Ervin..."
"Ervin!" napasigaw at napatayo ako sa kinauupuan ko.
Hingal na hingal at pawis na pawis akong nagising. Kinapa ko ang katawan ko lalo na ang tiyan at likod ko kung may tumagos bang bala.
"Oh, honey?"
"Ay, kabayo!"
Napasigaw ako ng wala sa oras nang bigla siyang sumulpot at papasok na ngayon ng kusina. Napaatras ako sa kaniya dahil sa takot. Bigla ay malapot na laway ang nailunok ko.
"H-Honey..."
"Oh, bakit? Ano'ng nangyari sa 'yo? Namumutla ka yata?"
Napaiwas ako ng tingin at bahagyang lumayo sa kaniya nang makalapit siya sa akin.
"Oh, bakit?" nagtatakang tanong niya. Hahawakan niya sana ako kanina.
"W-Wala naman. G-Gutom ka na ba? Kumain na tayo," pag-iiba ko ng topic.
Sandali ko pang tinignan ang mukha niya. Para akong kinuryente nang makita kong nakatitig siya sa akin. Napatalikod tuloy ako at nagkunwaring maghuhugas ng kamay sa lababo.
Jusko! Ano ba'ng panaginip iyon? Napa-praning na ako.