Chapter 10

Mugto ang mga mata ko habang umaakyat sa stage dahil sa walang tigil ko na pag-iyak nitong nakaraang araw.

Hanggang ngayon, hindi parin ako pinapansin ni Ignacio. Iniiwasan niya na ako. Ni sulyap wala man lang siyang ginawa para tumingin sa gawi ko.

Gusto ko siyang lapitan kanina pero ang mga mata ng ibang kaklase ko na nakasaksi sa nangyari sa araw na yon ay alam kong hinuhusgahan na agad ako.

After noong nangyari sa party at hinahabol ko siya sa kalsada ay hindi ko mapigilan ang emosyon ko. Bakit ayaw niyang makinig sa akin? Kahit ako nabigla sa pangyayari kung bakit yun ginawa ni Ronald sa akin.

Habang nakaupo sa gitna ng kalsada at tinatawag ang pangalan niya kahit hindi ko na natatanaw ang sasakyan niya ay nadatnan ako nina Singko at ibang mga kaklase, pinasakay nila ako sa sasakyan niya para iuwi sa bahay namin. Pero tumanggi ako dahil pupuntahan ako sa bahay nina Ignacio.

Ayaw man ng mga kaklase ko ay wala silang magagawa dahil panay iyak ko sa harapan nila.

Pero bigo akong makausap siya dahil wala pa raw ito sa bahay sabi ng mga katulong nila. Kinabahan man dahil kung baka ano na ang nangyari sa kanya sa daan habang nagmamaneho.

Tinawagan nina Singko at Junard si Ignacio at mabuti na lang sumagot ito at sinabi na hindi pa raw siya uuwi. Hindi niya sinabi kung nasaan siya sa mga oras na 'yon kaya kinakabahan ako lalo.

Lampas ala una nang makarating ako sa bahay. Hindi nila ako iniwan hangga't hindi ako uuwi dahil wala ring plano si Ignacio na umuwi sa kanilang bahay dahil alam niya na naroon ako at hinihintay siya.

Kahit ayoko pang umuwi pero ayoko namang mag-alala ang mga magulang ko sa akin.

Si Ignacio…

Ayaw niya akong makita kaya wala akong magawa. Panay iyak ko ng makarating sa kwarto, nasa iisang kwarto lang kami ng mga kambal, magkaiba rin sa mga magulang namin.

Humahagulgol ako habang nakabaon ang mukha ko sa unan, iniiwasan na marinig nila na umiyak ako pero matalas yata ang pangdinig ni Kimmy at nagising ito.

Kunot-noo itong nakatitig sa akin at kahit hindi ko sasabihin ay alam niya na may hindi magandang nangyari sa akin kaya niyakap niya lang ako ng mahigpit.

Nasa kwarto lang ako nagmumukmok buong maghapon kinabukasan, nagtataka man sila ni mama pero hindi ko sinabi sa kanila ang buong pangyayari. Tulog, gigising at maya-maya tulala sa isang sulok at bigla na lang umiiyak habang tinatawagan ang cellphone ni Ignacio o naghihintay ng text niya.

"Pwede ba tayong mag-usap" ilang beses ko itong sinend sa kanya, sa text man o sa kanyang messenger hanggang ngayon na graduation namin ay wala parin akong natanggap na text na galing sa kanya, may hawak naman siya na cellphone.

Hanggang nagsimula na ang seremonya ay tenext ko parin siya, nagbaba sakali na magreply na siya sa akin. Gusto ko man siyang lapitan pero kausap naman niya sina Domingo, Singko at Junard pero sa akin, talagang iniiwasan niya ako at nakikihalubilo na sa ibang classmates namin. Sobrang ramdan ko ang sakit ng dibdib ko na ganito pala siya magalit. Pero wala naman akong magawa.

Nag vibrate ang cellphone ko na nasa bulsa ng damit ko habang paakyat na ako ng stage para kunin ang diploma ko, pinigilan ko ang sarili na kunin ito para mabasa ang text ni Ignacio.

Bumaling ang tingin ko sa kanya at nakikita ko itong may tinitipa sa cellphone niya.

"Congratulations to all of us!" sigaw ni Cathy at sumabay na rin kaming lahat. May hinahanap ang mga mata ko pero hindi ko siya mahagilap.

"Congrats sa atin.. uyy wait where's Shemaia? Nakapagtataka naman ang babae na yon. Agad-agad ba namang lumabas pagkatapos ng speech niya," saad naman ni Mercy.

Si Ignacio rin hindi ko na mahagilap pagkatapos. Naalala ko ang pag vibrate ng cp ko.

Pero bigo ako dahil hindi pala siya ang nagtext sa akin sa hapon na iyon. Nasasaktan man ay pinilit ko ang sarili ko maging masaya sa harap ng mga magulang ko at kapatid dahil sa pinaghandaan pa nila ako dahil sa nakapagtapos na ako ng pag-aaral..

"Masaya ba ngayon ang anak namin na natapos na rin sa wakas ang kanyang highschool journey na tinatawag?" tanong ni papa habang nasa lamesa kami at kumakain.

Tiningala ko sila at nginitian, "oo naman papa, sobrang saya ko po at hindi ko ito mararating kung hindi dahil sa inyo ni mama. Kaya sobrang-sobrang salamat po sa inyong dalawa, huwag po kayong mag-alala dahil darating ang araw na susuklian ko po ang lahat ng paghihirap niyo po sa akin," sabi ko na naiiyak na.

"Aww, walang anuman 'yon anak, basta pag-igihan mo lang ang pag-aaral mo kapag nasa Cebu kana, okay? Magpapadala naman kami sa'yo kapag nagkaroon ako ng magandang kita para naman kahit papano ay matulungan ko ang kapatid ko sa pag-aaral sa'yo." wika ni papa sa akin.

"Basta makita ka lang namin na masaya at nakapagtapos ka sa kurso na gusto mo ay masaya na kami bilang mga magulang mo anak. Kaya pag-igihan mo at lagi mong tatandaan na mahal na mahal namin kayong mga anak namin." si mama. Niyakap ko sila ng mahigpit.

Nagpasalamat ako sa kanila ng sobra-sobra dahil sa sakripisyo na binigay nila sa akin at sa aking mga kapatid.

Gabi na at tulog na ang lahat. Bago pa ako nahiga ay nag send ulit ako ng mensahe kay Ignacio. Namimiss ko na siya. Gusto kong marinig ang boses niya. Sana kausapin niya naman ako kahit saglit lang, gusto ko lang magpaliwanag sa kanya.

Maniwala man siya sa akin o hindi basta marinig niya lang ang sasabihin ko. Gusto ko lang kausapin niya ako para makaliwanagan kami.

Sana naman Ignacio please…

Sana pinakinggan niya muna ako, wala naman talagang nangyari na kahit ako ay nabigla sa pangyayari na iyon, gusto kong magalit kay Ronald dahil sa ginawa niya pero ano pa ba ang magagawa ng galit ko kung ginawa na nga n'ya sa akin. Ayon pa sa kanya na wala siyang maalala.

Sinubukan niyang magpaliwanag din kay Ignacio pero galit ito sa kanya. Kamuntikan na naman siyang masuntok dahil sa paglapit niya. Mabuti na lang at naroon ang mga classmate namin at may umawat.

Pupuntahan ko na lang siya ulit sa bahay nila bukas at magbabasakali na sana kakausapin niya na ako.

Hihiga na sana ako na bigla na lang umilaw ang cellphone ko hudyat na may text. Kinuha ko agad ito na nakapatong sa unan ko at agad binasa ang mensahe.

Napangiti ako na pangalan ni Ignacio ang nakalagay. Salamat naman.

From Ignacio:

Ok

Basa ko sa mensahe ni Ignacio. Napangiti ako kahit dalawang letra lang ang mas mahalaga ngayon ay nagreply siya kahit papano kaya agad din akong nag tipa. Mabuti na lang nakapag load ako kahapon.

Nireplayan ko siya kung kailan kami magkikita dahil ito ang huling tenext ko sa kanya na gusto ko siyang makita sa personal.

From Ignacio:

Ngayon mismo, doon sa tabing-ilog malapit sa maliit na kubo, alam mo na kung nasaan iyon. Huwag mong sasabihin sa mga magulang mo at ikaw lang ang pumunta.

Basa ko ng mahina pero bakit bigla na lang akong nalungkot? Kahit binasa ko lang ang mensahe niya pero bakit ang lamig ng mga binitawan niya na mga salita.

Wala na akong pakialam kung medyo malayo siya dito sa amin. Ihahatid naman niya siguro ako kapag natapos na kaming mag-usap. Gusto ko lang syang kausapin at sana makikinig siya sa akin na hindi ko ginusto ang nangyari.

Tahimik ang buong bahay, tanda na natutulog na ang lahat pati ang mga magulang ko. Dito kasi sa probinsya maagang natutulog ang mga tao, at maaga ring nagigising.

Kinuha ko ang jacket ko na makapal dahil medyo malamig na ngayon sa labas. Kinuha ko na rin ang maliit na flashlight na nasa tukador. Mag-aalas dyes na ng gabi at ito ako may pupuntahan pa.

Tenext ko si Ignacio at sinabi na papunta na ako. Nakaramdam ako ng excited dahil sa wakas makikita ko na ang crush ko dati na minahal ko na lalo ngayon.

Wait for me love, sasabihin ko sa'yo lahat-lahat na walang namamagitan sa amin ni Ronald o kahit sino mang lalaki na pinaparatang mo na sa akin. Ni minsan hindi kita pinalitan, bagkos minahal pa kita lalo kaya makinig ka sana at maniwala sa akin love.

Sana lang makinig ka sa akin at sana bumalik tayo sa nakaraan natin. Sana tanggap mo parin ako. Mahal na kita eh, sana hindi kana bumitaw sa ating dalawa.

Paulit-ulit kong kinukumbinsi ang sarili ko na maging positibo ang pag-uusap namin ni Ignacio.

Ihip ng malamig na hangin sa pang gabi ang nararamdaman ko ngayon.

Kahit mga kapitbahay namin ay tahimik na rin, sa bandang likuran ako ng bahay dumaan para mas mabilis na lang ang pagpunta ko sa dalampasigan at makarating agad sa kubo na sinasabi ni Ignacio.

Kapag nasa highway pa kasi ako ay malayo na ito. Kuliglig at maingay na mga kulisap ang naririnig ko. Medyo nakaramdam ako ng takot dahil madilim na pero binabalewala ko at naging matatag.

Siguro mga kalahating oras na akong naglalakad ngayon at malapit na ako sa abandonadong kubo. Tenext ko ulit si Ignacio dahil kung tatawagin ko hindi niya naman sinasagot at agad pinatay ang tawag ko.

Pagkarating ko sa lugar, "Ignacio?" Tawag ko sa mahinahong boses. Nilibot ko ang paningin ko sa paligid pero wala akong masyadong makita. Tanging buwan lang ang naging ilaw ko at ang maliit na flashlight ang dala. Sana sinabi ko na lang na kinabukasan na lang kaming magkikita dahil gabi na, pero baka naman hindi na siya makipagkita sa akin kapag pinabukas ko pa.

Bahala na, nandito na ako bakit pa ako uurong na nandito naman ang mahal ko. Nasa malapit na ako ng kubo pero hindi muna ako pumasok doon.

Tinawagan ko ang cellphone niya. Nagriring lang ang kanyang cellphone , matagal bago niya sinagot.

Tahimik lang siya sa kabilang linya. Sinilip ko ang cellphone ko at nakita ko naman ang timer na umaandar.

Minsan na kasi kaming pumunta dito sa dalampasigan na ito dahil minsan magkakayaan na maligo ay dito ang punta namin.

"Ignacio nandito na ako, saan ka?" tanong ko. Pero wala pa ring sumasagot. Kinakabahan na ako, hindi naman siguro ako nanaginip at talagang nasa dalampasigan ako ngayon at kausap si Ignacio, di ba?

"Ignacio… 'wag namang ganito, please. Mag-usap lang tayo, gusto ko lang magpaliwanag sayo kung ano man ang nakita mo sa gabing 'yon. Kahit ako nabigla sa ginawa ni Ronald at hindi ko ginusto iyon. Naitulak ko siya, maniwala ka naman o," hikbi ko. Sana naman pakinggan niya ako.

"Saan ka? Nandito na ako. Natatakot na ako Ignacio, please, please lang." patuloy ko.

"Kahit kailan uto-uto ka rin ano?" Nangunot ang noo ko dahil sa sinabi sa kabilang linya. Bakit tunog babae ang sumagot?

"Ignacio?" tawag ko. Tumawa ng malakas ang boses babae.

"Hello Michaella," mamaya may narinig akong kaluskos sa bandang likuran ko at sa paikot na sana ako na may bigla na lang pumalo ng matigas na bagay sa may ulo ko.

Sa sobrang sakit ay bigla ko na lang nabitawan ang cellphone at flashlight na dala ko habang bumabagsak ang katawan ko sa buhangin. Bigla na lang nagdilim ang paningin ko.

Narinig ko ang halakhak ng isang babae na hindi man lang alam kung sino.

Pilit kong idinilat ang mga mata ko. Ngunit mukha ni Ignacio ang nakita ko habang papalayo ito sa gawi ko. Why?

"Ignacio… "

"Anak,"

"Anak, kakain na! Halika na!" tawag ni mama sa akin, hindi ko napansin na nasa harapan ko na pala siya.

"Malalim ang iniisip mo ah, kanina pa ako tawag ng tawag sayo galing sa baba." ani ni mama. Sumunod ako sa kanya.

Pagkarating namin sa lamesa ay nakahanda na ang mga ulam at mga pinggan.

"Nandiyan na ba ang mga bata ma? Tatawagin ko lang," paalam ko sana sa kanya pero pinigilan niya ako. Maya-maya narinig ko ang mga paa na papalapit na sa gawi namin.

Inikot ko ang katawan ko para makita sila, napangiti ako na makita ko sila, ang bilis ng panahon, dati karga-karga ko pa ang mga kapatid ko pero ngayon matataas na. Malapit na nila akong maabotan ng katangkaran ilang taon na lang ang bibilangin.

For five years na lumipat kami ng bahay dito sa Talisay Cebu ay naka adjust na ang mga kapatid ko. Sa mga tao at sa school nila. May mga bully parin lalo at hindi nila naiintindihan ng ibang normal ang kalagayan ng mga kapatid ko.

Minsan napapaaway pa ako sa mga ibang mga magulang dahil sa asal ng mga anak nila na walang respeto.

Wala akong trabaho ngayon sa mall bilang cashier dahil every Sunday ang day-off ko kaya dito lang ako sa bahay. Baka mamayang hapon at hindi ako tatamarin ay maisipan ko na namang magguhit ulit para may ma ibenta.

Hindi ko naman sana ipagpatuloy pa ang pagpipinta o pagdadrawing na dati kong ginagawa dahil sa may naalala ako na tao pero sa katagalan naging manhid na lang ako at ipinagpatuloy kung ano man ang naging hobby ko. Lalo nung nalaman ko na pwede palang pagkakitaan ang art na meron ka.

Dati sa papel lang ako gumuguhit pero ngayon makakabili na ako ng mga pang drawing tools.

Hangga't maaari kakalimutan ko ang karanasan na kamuntikan ng sumira ng buhay ko. For five years I'm healing, hindi madali pero kinakaya. Siguro yung pagmamahal ko bilang teenager sa isang tao ay isang puppy love lamang.

Lalo sa sitwasyon namin noon na parang pinilit lang na maging kami para lang masabi na may kami. Ang bilis kasi na wala ng ligaw-ligaw ay naging kami na, nadala ako sa matatamis na salita pero yun nga lang kung gaano kabilis bumilis ang puso ko na pasukin ang pagmamahal sa ibang tao ay ganun din kadali na iwan ako.

Ang masaklap lang ay nalaman ko na lang na naging tanga na pala ako sa pag-ibig. Sa mga nalalaman ko 5 years ago ay isang patunay na matagal na pala akong niloloko, ako ang niloko at palabas lang ang lahat sa aming dalawa, kung hindi ako lumaban ay kamuntikan pa akong mawala sa mundo.

Ngayon patuloy ang pangarap ko at mag-iiipon ng pera para mapaaral ko ang mga kapatid ko sa college at pambili ng mga gamot ni papa.

Na stroke kasi siya noong nakaraang taon kaya double kayod ako sa pagtatrabaho at kung may magandang opportunity pa na papasok ay susubukan ko basta maayos lang sa sahod. Hindi ko na rin pinapatrabaho si mama para mabantayan si papa, meron naman kaming maliit na tindahan, kahit papano ay doon kumukuha ng panggastos lalo kapag matagal ang sahoran.

Mabuti na lang at nagustuhan naman ng mga mamimili ang obra ko sa pag drawing.

Tumigil na muna ako sa pag-aaral ng kolehiyo simula na may nangyari kay papa, babalik siguro ako kapag naging stable na ang lahat sa amin. Sa ngayon ang priority ko ay ang mga kapatid ko sa pag-aaral at ang mga magulang ko.

"Good morning si– ikaw pala," tiningnan ko ang binili niya at kunot ko siyang tiningnan. "Kailan mo planong maggrocery ng maramihan? Halos araw-araw bumibili ka," naiiling na lang ako sa pinaggagawa ng taong ito.

"Feel ko lang, bakit ba? Ayaw mo yon at least meron kang costumer na nakapila sa yo." aniya habang nakataas ang kilay na binigay ang ATM card niya. Umaasenso na talaga ang lalaking ito.

"Ewan ko sayo Tuko, ako ang napapagod sa'yo. Hindi porket hindi ikaw ang nagpapagas ng sasakyan mo ay malaya kang nakakaalis." sabi ko habang inabot ko pabalik sa kanya ang card.

Nandito na rin siya nakatira at nagtatrabaho sa Cebu, isang driver sa isa sa mayaman na negosyante dito sa Talisay Cebu. Nasa ibang bansa raw ngayon kaya malaya siyang nakakaalis ng pamamahay.

May iba rin kasi siyang pagkikitaan at yon ang pagiging photographer niya. Mahilig kasi siyang kumuha ng mga pictures kaya sobrang saya niya na nakabili na siya ng kanyang sariling camera.

Noong nalaman niya ang nangyari sa akin noon ay hindi niya ito matanggap tanggap pero dahil gusto ko na ng katahimikan kaya binabalewala ko na lang.

Ang mahalaga ay walang awtoridad na naghahanap sa amin. Kung meron man at madakip ako ay sasabihin ko sa kanila ang totoo pero yun nga lang hindi ko alam kung paniniwalaan ako lalo't dala ng takot ay ako pa mismo ang nagtago, isinama ko pa ang buong pamilya ko.

Kaya instead na ako lang ang pupunta ng Cebu ay naisama ko na rin sila at doon ko palang sinabi ang totoo sa mga magulang ko.

"See yah later alligator Mica, ako pa rin ang maghahatid sayo pag-uwi, ok?" paalala nito sa akin sabay kindat at umalis na.

Napapailing na lang ako, kahit kailan talaga hindi parin siya nagbabago. Siya pa rin ang nag-iisang Tuko ko at nasanay na siguro ang lalaking iyon na ganun ang tawag ko sa kanya.

"Uyy, ang swerte mo naman sa boyfriend mo Mica, hatid sundo ka niyan." wika ni Yana. Kasama ko sa trabaho.

"Swerte ka diyan at isa pa hindi ko siya boyfriend no!" hindi ko alam kung bakit pa ako nagpapaliwanag eh ilang beses na ba niya yang sinasabi sa akin ang tungkol diyan.

"Sabi mo yan eh, eh di malapit mo na siyang maging boyfriend pero kung ayaw mo, sabihin mo lang at ibigay mo na lang sa akin." Dagdag pa niya habang naghihintay pa kami ng mga customers.

Nag thumbs up ako sa kanya para hindi na niya ako kukulitin pa. Kahit kapalan niya pa ang make-up niya ay hindi man lang siya kayang tapunan ng tingin ng kaibigan. Iba rin itong Tuko na ito, nag glow up lang ayaw ng mamansin eh dati halos iba-iba ang babaeng naka angkas sa habal-habal niya para ihatid sa kani-kanilang bahay.

Sabagay isa rin pala yan sa racket niya para kumita ng pera noong nag-aaral pa lamang kami.

"Good morning sir, ma'am," bati ko sa mag-asawang customers na kaedaran lang nina mama at papa.

Pagkatapos kung ma scan ang kanilang mga pinamili ay inabot na sa akin ang kanilang ATM card.

Pag-angat ko ng tingin sa kanila para ibalik ang card ay naiilang tuloy ako dahil titig na titig sila sa akin lalo at ang babae.

Why?

"May I know your full name iha?"