CHAPTER 08

Kanina pa hindi mapakali si Greco sa kinatatayuan niya. Kanina pa kasi hindi matanaw ng mga mata niya si Hasna, nawala na ito sa paningin niya.

Pinipilit niyang makapasok sa loob pero hindi talaga siya makalusot sa gwardiya na nagbabantay. Kahit siguro malaman nitong pulis siya ay hindi siya nito papapasukin dahil sa sobrang higpit nito. Wala raw kasi ang pangalan niya sa mga imbitado sa party na iyon.

Naka-ilang tawag na rin siya kay Hasna pero hindi nito sinasagot ang cellphone nito kaya nagdesisyon siyang i-text ito at sabihin dito na nandito siya sa labas at sinundan ito kanina.

"Bakit ba ayaw mong sagutin ang mga tawag ko, boi?" inis na bulong niya sa sarili at itinapik sa sariling noo niya ang cellphone.

"Sir, umuwi na ho kayo. Kanina pa po kayo diyan eh, hindi po talaga kayo puwedeng makapasok, baka mapagalitan pa ako ng amo ko kapag nakita kayo," anang guard sa kaniya.

"Kung kanina mo pa ako pinapasok eh di sana wala ka ng problema." Humalukipkip siya habang naiiling.

"Eh di mas lalo naman ho akong nalintikan kung gagawin ko iyon. Kabilin-bilinan ho sa akin na huwag magpapapasok ng kung sino-sino dito."

Napatiim-bagang na lamang siya. Bakit pa ba siya nakikipagtalo dito eh hindi naman siya mananalo? Nagsasayang lang siya ng laway.

Maya-maya ay natanaw niya si Hasna kaya agad siyang napaayos sa kinatatayuan niya. Nahagip agad siya ng mga mata nito.

"Hasna!" tawag niya sa pangalan nito. Nakita na siya nito kaya dire-diretso itong lumapit sa kaniya.

"Ma'am kilala niyo ho siya?" tanong ng guard sa kapatid niya.

"Malamang, kapatid niya ako eh!" Siya ang sumagot sa guard.

"Anong ginagawa mo dito boi? Bakit ka pa sumunod sakin?" tanong ni Hasna sa kaniya. Bakas ang pagtataka sa mga mata nito.

"Hindi ko kayang hindi ka sundan lalo pa at alam kong sa mga Olivario ka pupunta. Hindi ako mapakali," pabulong na sagot niya dito.

"So kanina ka pa diyan?"

Tumango siya.

"Oo, ayaw akong papasukin kasi hindi raw ako invited. Sabihin mo nga riyan na kilala mo naman ako para makapasok din ako. Don't worry, hindi naman kita iistorbohin sa pakikipag-usap mo kay Vandro," pangungumbinsi niya dito.

Napabuntong-hininga si Hasna at humarap sa guard.

"Baka po pwedeng papasukin niyo na siya. Invited naman ako sa party at kapatid ko siya," ani Hasna sa lalaki pero umiling ito. Ngali-ngali na niya itong suntukin sa mukha. Bakit ba sobrang higpit nito? Wala naman siyang gagawing masama sa loob.

"Pasensiya na po Ma'am pero sinusunod ko lang po ang bilin sa akin ni Sir Vandro. Bawal po akong magpapasok ng taong hindi imbitado dito sa party kahit pa ho magkapatid kayo."

Nabuga siya ng hangin at namaywang.

"Susuntukin ko na 'yan!" nagtitimping bulong niya kay Hasna.

"Ano ka ba? Chill ka lang boi! Wag kang gagawa ng eskandalo dito kung ayaw mong masira ang mga plano natin. Nagsisimula pa lang ako," bulong ni Hasna sa kaniya.

Hindi nila namalayan agad si Henry Olivario na naglalakad na pala palapit sa kanila. Napansin nito ang eksena habang nakikiusap si Hasna sa guard kanina kaya pinasya nitong lumapit upang alamin kung ano ang nagaganap.

"Excuse me, what's happening here?" tanong nito nang makalapit sa kanila. Nang makilala nito si Hasna ay nagulat pa ito.

"Hasna, hija. Bakit ka nandito? May problema ba, Manuel?"

Tumingin ito sa guwardiya.

Nakatingin lang din siya kay Hasna at pagkatapos ay pinagmasdan niya ang may katandaang lalaki. Hindi niya alam kung bakit may kakaiba siyang naramdaman nang matitigan niya sa malapitan ang mukha nito. Ito ang unang pagkakataon na nakita niya ito nang malapitan. Kahit na may edad na ito ay hindi maitatangging magandang lalaki ito. Matikas at maganda ang tindig ng pangangatawan nito. Parang nakatatandang kapatid nga lang ito nila Vandro.

"Sir, yung kasama ho niya kasing lalaki ay kanina pa nagpipilit na pumasok dito sa loob. Hindi naman ho siya imbitado, wala ho ang pangalan niya dito," paliwanag ng guard.

Tiningnan siya ni Henry. Nagtama ang mga mata nilang dalawa. Parang sinusuri siyang mabuti nito.

"Who are you? If you are not invited then what are you doing here? Bakit gusto mong pumasok sa loob?" nagtatakang tanong nito sa kaniya.

Napalunok siya at inunahan siyang sumagot ni Hasna.

"He's my brother."

Nagulat si Henry sa sinagot ni Hasna kaya mabilis itong nagbago ng reaksyon.

"W-what? He's your brother?" ulit nito.

"Yes, that's why I'm here, binabantayan ko lang ang kapatid ko. Ngayon, kung hindi pala ako puwedeng pumasok sa loob eh iuuwi ko na siya."

"Wait, just a moment," pigil ni Henry at bumaling ito sa guard.

"Manuel, bakit naman hindi mo siya pinapasok? Kapatid naman pala siya ni Hasna, ikaw talaga. Pasensiya ka na, hijo. Kapatid ka ni Hasna kaya welcome ka sa party na ito. You can go inside," mabilis na sabi ni Henry. Napatanga na lamang ang guard dahil sa desisyon nito na hayaan siyang makapasok sa loob.

"Thank you, Mr. Olivario," sagot niya sa lalaki.

"No worries. Pasensiya ka na rin, lalo na sayo Hasna, I'm really sorry. Nakakahiya pa tuloy," hiyang-hiya na sabi nito.

"No, Mr. Olivario it's okay. He's just doing his job."

Ngumiti ang kapatid niya kay Henry at sabay-sabay na silang pumasok sa loob.

"Enjoy the party guys! Anyway what's your name?" pahabol na tanong sa kaniya ni Henry bago sila mag-iba ng direksyon pareho. Nagtinginan muna sila ni Hasna bago siya sumagot dito.

"Greco. SPO2 Greco Santiago."

Nagulat ang lalaki nang magpakilala siya dito.

"Y-you're a police?"

"Exactly, sir."

"Oh my god! I'm so sorry about what happened. Sobrang nakakahiya. Isa ka palang magiting na pulis."

Pinilit niyang ngumiti sa lalaki. Buti hindi ito nag-isip nang malaman nitong Santiago ang apelido niya. Mukhang wala sa loob nito iyon. Nakalimutan din niya na dapat ay wag sabihin dito ang totoong apelido niya. Pero sa dami ng Santiago sa mundo ay hindi naman siguro nito iisipin na anak siya ng taong pinapatay nito.

"Kalimutan niyo na ho iyon. Wala hong problema iyon sa akin," sagot niya.

Ngumiti si Henry sa kaniya at nawala na sa kanila ang atensyon nito nang may lumapit na mga bisita dito at kinausap ito. Nag-excuse naman ito sa kanila bago sila iwan.

"So anong plano mo?" tanong ni Hasna sa kaniya nang maiwan silang dalawa.

"Sa gilid-gilid lang ako, magmamasid."

"You sure? Huwag kang magpapakalasing ha."

"Nalalasing ba ako? Sige na puntahan mo na ulit si Vandro."

Itinaboy na niya ang kapatid kaya sumunod naman ito sa sinabi niya. Naglakad na ito patungo sa direksyon ni Vandro. Sinundan na lamang niya ito ng tingin.

Nagtungo siya sa isang tabi at kumuha ng alak. Uminom siya habang naghihintay. Siya lang ang hindi nakasuot ng magarang kasuotan. Nakasuot siya ng jacket na itim habang nagmamasid sa paligid. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng mansyon. Kahit sino siguro ang makakita dito ay talagang mamamangha ng husto. Napakaganda ng paligid, halatang mamahalin pati ang mga muwebles na ginamit sa pagkakagawa ng mansyon. Tila hango nga sa ibang bansa ang itsura nito.

Nagulat pa siya nang may lumapit na babae sa kaniya.

"Hi, handsome!"

Kumunot ang noo niya. Isang magandang babae ang bumulaga sa harapan niya. Nakasuot ito ng kulay pulang gown na hapit sa katawan nito. Ang sexy nito at halos nakatambad na sa kaniya ang cleavage nito. Pulang-pula ang lipstick nito, gayunpaman ay hindi siya interesado sa babae. Hindi siya umimik sa pagbati nito sa kaniya.

"Ang lungkot mo naman. Bakit mag-isa ka lang dito?" tanong nito. May hawak din itong baso na may lamang alak.

"May hinihintay lang ako," tipid na sagot niya.

"Sino? Girlfriend mo?"

"I do not have a girlfriend."

"Talaga? Wala kang girlfriend?"

"Didn't you hear what I said?"

Sinadya niyang ipahalata rito na hindi siya interesado sa babae kaya walang gana ang mga sagot niya dito. Hindi niya rin alam kung bakit siya nito nilapitan.

"Ang suplado mo naman. Diyan ka na nga!" sabi nito sa kaniya at nagmamartsang umalis. Napailing na lang siya.

Mga babae nga naman!

Nang maubos niya ang laman ng baso niya ay kumuha siya ulit ng isa pang baso ng alak. Malikot ang mga mata niya habang pinagmamasdan ang magkakapatid na Olivario. Natanaw niya si Hasna na kasama na ni Vandro, naningkit ang mga mata niya nang mapako ang mga mata niya sa kamay nito na nakahawsk sa baywang ni Hasna. Masyado naman yata ang lalaking ito kung makahawak sa kapatid niya. Napabilis ang pag-ubos niya sa laman ng baso niya habang pinagmamasdan ang mga ito. Lalapit sana siya sa mga ito nang biglang may humawak sa balikat niya.

"Alaric..."

Natigilan siya sa tinig na nagsalita. Nang lingunin niya ito ay tumambad sa kaniya ang mukha ng isang lalaki na nakita niya kanina at sinabi niya sa isip niyang pamilyar sa kaniya. Ngunit hindi niya talaga maalala kung sino ito.

Kahawig ito ni Vandro.

Nagulat rin ang lalaki nang humarap siya dito. Tila napahiya ito nang malinawan na hindi siya ang lalaking sinasabi nito.

"I'm sorry, I thought you're my brother. Kahawig mo kasi siya."

Napakunot ang noo niya. Alaric? Ito ang pangalan ng pangatlong anak nila Henry Olivario.

Tinawag itong brother ng lalaking ito so ibig sabihin ay isa ring Olivario ang lalaking kaharap niya ngayon? Ito na ba si Lucifer?

Magsasalita sana siya pero bigla ay nilapitan ito ng lalaking amerikano na sumundo kay Hasna kanina dahilan para marinig niya ang sinabi nito.

"Sir Lucifer, Ma'am Dayana is calling you."

Saka lang niya napagtanto na tama ang nasa isip niya. Ito na nga si Lucifer Olivario, ang pangalawang anak ni Henry at Dayana Olivario. Kaya pala pamilyar sa kaniya ang mukha nito. Matagal na kasi itong nawala at sa Dubai nanirahan kaya ngayon lang niya ito ulit nakita. Bukod pa doon ay masyadong pribado ang buhay nito hindi katulad ni Yvo at Vandro na laging laman ng mga magazines.

"All right. I'll go to her," sagot ni Lucifer sa lalaki. Tumalikod na ito at umalis, naiwan siyang nakatanga habang iniisip kung bakit siya napagkamalan nitong si Alaric?