CHAPTER 07
Pagkarating ni Hasna sa party ay agad siyang idinala ni Ford sa kinaroroonan ni Vandro. Ang daming bisita at halos lahat ay nakasuot ng magagarang kasuotan.
Pagkakita pa lang ni Vandro sa kaniya ay halos matunaw na siya sa lalim ng titig nito.
"Hasna, you look so gorgeous!" manghang sabi nito. Sinenyasan nito si Ford, ang lalaking siyang sumundo sa kaniya kanina. Umalis na ito matapos siyang maidala kay Vandro.
Umangkla siya sa braso nito nang ilahad nito iyon sa kaniya.
"Thank you, Mr. Senator. You look so handsome too," wika niya sa binata na nagpangiti naman dito.
Inilinga niya ang paningin. Halos nasa kanila pala ni Vandro ang atensyon ng lahat. Gusto niyang ikubli ang sarili dahil hindi siya sanay at nahihiya siya pero nilakasan niya ang loob. Taas noo siyang humarap sa mga ito, maging sa iba't ibang mga camera na kanina pa kumikislap sa pagkuha ng mga larawan kay Vandro kasama siya.
"Come, I will introduce you to my Mom and Dad," saad ni Vandro sa kaniya. Bigla siyang kinabahan nang marinig iyon. Ipapakilala siya nito sa mga magulang nito.
Makakaharap niya na si Henry Olivario at ang asawa nitong si Dayana. Alam naman niyang dadating at dadating sa puntong ganito, pero hindi pa siya ganoon ka-handa na makaharap ang mortal na kaaway ng pamilya niya.
"Hasna, are you okay?" bigla ay tanong ni Vandro sa kaniya nang mapansin nito na natahimik siya. Bigla kasi siyang napaisip.
"Y-yes, I'm okay." Pinilit niyang ngumiti dito.
Tumango naman si Vandro sa kaniya at ngumiti. Naglakad silang dalawa patungo sa mga magulang nito. Natanaw niya agad ang mag-asawang Olivario, may kinakausap ang mga ito, mga kasamahan ni Vandro na senador din.
Kung tititigan mong mabuti si Henry Olivario, si Vandro ang kahawig nito. Matangkad at may balbas rin na bumagay lang sa mukha nito. Kahit na may edad na ito ay matikas pa rin ang tindig, ganoon din ang asawa nitong si Dayana na maganda pa rin ang pangangatawan at maihahalintulad mo sa isang beauty queen. Sa pagkakaalam niya ay nasa 50's na ang mga ito.
Napalunok siya habang pinagmamasdan ang mga ito. Papalapit na sila dito ni Vandro. Habang papalapit sila ng papalapit dito ay siya namang lakas ng kabog ng dibdib niya.
"Vandro, congrats!"
Napukaw agad nila ang atensyon ng ibang mga senador na kausap ng mga magulang ni Vandro pagkalapit pa lang nila sa mga ito.
Ngumiti naman si Vandro sa mga ito.
"Congrats din sa inyo," ani Vandro at nakipagkamay sa mga kasamahan nito.
Ang ina ni Vandro ay agad na napako ang mga mata sa kaniya.
"Mom and Dad, I want to introduce Hasna, the special woman in my life," walang pag-aatubiling ani Vandro sa mga magulang nito. Naroon ang pagmamalaki sa tinig nito. Kinakabahan siya pero pinilit niyang ngumiti sa mga ito. Hindi na siya nagulat sa sinabi ni Vandro, alam na niyang nakuha niya ang loob nito noon sa club pa lang.
"Nice to meet you, Mr. And Mrs. Olivario," magalang niyang bati sa mag-asawa. May bahid ng pagkagulat sa mata ng mga ito. Tila ba na-sorpresa ito dahil sa biglaang pagpapakilala sa kaniya ni Vandro.
Ilang sandali pa ay ngumiti ang mga ito sa kaniya.
"Nice to meet you, hija. Vandro, you surprised us. Hindi namin alam na may babae ka na palang napupusuan. By the way, you're so beautiful hija," malamyos ang tinig na sabi ni Mrs. Olivario sa kaniya.
Bumeso ito sa pisngi niya, ganoon din si Mr. Olivario.
"Nice to meet you, hija. Vandro, you have a good taste. Napakagandang dilag nitong kasama mo. Manang-mana ka talaga sa akin," may pagmamalaking sabi ng ama ni Vandro.
"Of course, Dad," nangingiting sabi ni Vandro.
"Hija, alam mo bang ilang taon na rin bago may ipinakilalang babae ulit sa amin si Vandro? I'm glad he found someone who made him happy again," anang ina ni Vandro. Ngumiti lang siya dito.
"Mabait naman po si Vandro," tipid niyang sagot.
"Yes, hija. Pero marami ang nagsasabi na siya ang pinaka-masungit sa kanilang magkakapatid," sabi naman ng ama ni Vandro.
"That's not true, Dad," mabilis na pagkontra ni Vandro. Natawa lamang ang mag-asawa.
Sa kalagitnaan ng pag-uusap nila ay sandali siyang nagpaalam kay Vandro para magtungo sa comfort room. Nararamdaman niya kasi na kanina pa nagva-vibrate ang cellphone niya. Kailangan niyang makita kung sino ang tumatawag. Pinayagan naman siya ni Vandro at gusto pa nga siya nitong samahan pero sinabi niya na huwag na dahil sandali lang naman siya.
Dire-diretso siyang naglakad patungo sa comfort room, napakalaki ng mansyon ng mga Olivario at sa tantiya niya ay hindi sapat ang dalawang araw para lang malibot mo ang kabuuan nito.
Nagmamadali siyang makarating sa comfort room, hindi niya napansin ang isang lalaki na naglalakad sa harapan niya kaya nagkabungguan silang dalawa.
"I'm sorry!" sabi niya sa lalaki.
Nakayuko kasi siya habang naglalakad at kinakapa ang cellphone sa bag niya kaya hindi niya ito napansin agad.
Hindi agad kumibo ang lalaking nakabangga niya kaya nag-angat siya ng tingin dito. Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makilala kung sino ito.
Lucifer?
Sa isip lang niya nasambit ang pangalan ng kapatid ni Vandro.
"You?! Anong ginagawa mo dito?" gulat na tanong nito sa kaniya nang makilala siya nito.
Hindi siya nakasagot agad. Ano bang dapat niyang sabihin? Hindi pa nito alam na magkakilala sila ni Vandro.
Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. Hindi niya mabasa ang reaskyon nito pero kitang-kita niya na napalunok ito dahil gumalaw ang adams aple nito.
"I'm- I'm invited here," nauutal niyang sagot. Hindi ito sumagot agad at nanatiling nakatitig sa kaniya. Maya-maya ay naningkit ang mga mata nito habang may ngiting nakaukit sa labi.
"Are you sure? Or baka naman nandito ka lang para manghuli ng mga bigating isda?" natatawang sabi nito sa kaniya. Nagulat siya sa sinabi nito. Alam niya ang ibig nitong sabihin. Iniinsulto siya nito. Hindi siya ganoong klaseng babae kaya naman mabilis na dumapo ang kamay niya sa pisngi nito. Sinampal niya ito.
"Hindi ako gold digger!" sabi niya sa lalaki. Nasapo nito ang sariling pisngi pero nakangisi pa ito.
Ang sama talaga ng ugali nito, bagay lang na Lucifer ang pangalan nito.
Nagulat siya nang marahas nitong hinawakan ang braso niya at isinandal siya nito sa pader. Walang masyadong tao sa kinaroroonan nila.
"You slapped me so you have to pay," nakangising sabi nito sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata niya dahil sa pagkakasandal nito sa kaniya sa pader. Ang lakas ng pwersa nito at hindi siya makawala dahil ikinulong siya nito at nakaharang ang dalawang braso nito sa kaniya.
"A-ano? Dapat lang iyon sayo dahil binastos mo ako. Hindi ako gold digger kaya hindi mo ako dapat iniinsulto!" galit na sabi niya dito.
"Really?" nanunuyang anito sa kaniya.
"O-oo. Pakawalan mo nga ako. Kailangan ko ng umalis!" giit niya.
"No, you must pay," sabi nito sa kaniya. Bumaba ang tingin nito sa labi niya.
"H-ha?" naguguluhang niyang sambit. Nakatitig ito sa kaniya. Ang lakas tuloy ng kabog ng dibdib niya.
"One slap, one kiss."
Bago pa man siya makapagsalita ay sinakop na nito ang labi niya. Nanlalaki ang mga matang naestatwa siya sa kinatatayuan. Ilang segundo bago nito pinakawalan ang labi niya.
"Bastos!" sigaw niya dito nang makabawi siya. Akmang sasampalin niya ito ulit nang pigilan nito ang braso niya.
"Remember, one slap, one kiss. Do you want another one?"
Natigilan siya at inis na ibinaba ang kamay niya. Mahina itong humalakhak at pagkatapos ay tinalikuran na siya nito saka ito naglakad palayo.
Napahawak siya sa labi niya.
Ang walanghiyang lalaking iyon! Ninakawan siya nito ng halik.
Naiwan siyang mag-isa. Naalala niya ang cellphone niya. Agad niyang tiningnan kung sino ang tumatawag doon kanina pa. May tatlong missed calls siya at dalawang text messages mula kay Greco. Binasa niya ang mensahe nito, naroon daw ito sa labas at sinundan siya. Hindi daw ito makapasok sa loob.
Natapik niya ang sariling noo.
Bakit pa siya nito sinundan? Kaya naman niya ang sarili niya. Hindi talaga ito makakapasok dahil mahigpit ang bantay sa labas. Hindi naman kasi basta-basta ang mga tao sa party na ito.
Siguro ay nag-aalala na naman ito sa kaniya at hindi mapakali. Dali-dali siyang lumabas upang puntahan ito.