CHAPTER 06
Kanina pa nakatayo si Greco sa harapan ng sasakyan niya. Hinihintay niya si Hasna. Aattend daw ito ngayon sa Victory Party ni Vandro at Yvo Olivario. Nang malaman niya na inimbitahan ito ng Senador ay gusto niyang pigilan si Hasna na huwag na lang umattend. Pero alam naman niyang hindi ito makikinig sa kaniya. Gusto ni Hasna na mapalapit sa mga Olivario at alam naman niya ang mga plano nito, ang mapaibig ang magkakapatid. Pero bakit nag-aalala siya para dito? Gusto niya itong pigilan. Naiisip pa lang niya na magkakagusto sa kapatid niya ang mga ito ay kinakabahan na siya. Ang weird ng feeling niya, nagiging over protective na yata siya.
Kasalukuyang nag-aayos si Hasna ng sarili. Ang sabi nito sa kaniya ay may susundo daw rito na lalaking ipapadala ni Vandro. Kaya niya hinihintay si Hasna ay dahil gusto niya na siya ang maghatid dito ngayon.
Ayaw naman niyang ipagkatiwala ito sa lalaking susundo dito, baka mamaya ay kung saan lang nito iliko ang kapatid niya. Mas mabuti kung siya na lang ang maghahatid dito para makasigurado siya.
Ilang sandali pa ay lumabas na si Hasna. Agad na napako ang mga mata nito dito dahil sa nakita niyang ayos nito. Nakasuot ito ng kulay mint green na long gown dress. Hapit na hapit iyon sa katawan nito. Kumikinang din ang glitters niyon at bagay na bagay kay Hasna ang suot nito. Ang may kahabaang buhok nito ay nakalugay at naglagay lang ito ng simpleng make up sa mukha na mas lalong bumagay dito. Napaayos siya ng sarili at agad na itinapon ang sigarilyo niyang hinihithit kanina pa.
"Boi, okay ba ang suot ko?" tanong nito sa kaniya.
Nagulat pa siya nang biglang lumabas ang ama nila kasunod ni Hasna.
"Napakaganda mo, anak. Tiyak ko na hindi lang isang Olivario ang mapapahanga mo, siguradong lahat sila ay mahuhumaling sa kagandahan mo."
Ang Daddy nila ang sumagot pero tila ang sagot pa rin niya ang hinihintay ni Hasna.
"Thank you, Dad. Boi, ano wala ka man lang reaksyon?" untag nito sa kaniya.
Napakurap siya.
"M-maganda. You look so gorgeous," aniya dito. Ibinaling niya ang tingin sa Daddy niya.
"Dad, ako na ang maghahatid kay Hasna," sabi niya sa ama.
"Paano yung susundo sa kaniya? Ang sabi ni Hasna ay ipapasundo raw siya ni Vandro," sagot ng Daddy niya.
"Ayaw ko naman na ipagkatiwala siya doon Dad, mas mabuti kung ako na lang ang maghatid kay Hasna," wika niya.
"Boi, okay lang. Hindi naman siguro ako mapapahamak. Walang mangyayari sa akin," singit ni Hasna.
"And how can you be so sure? Nakakalimutan mo ba na mga Olivario ang pupuntahan mo?" sabi niya dito.
Hindi ito kumibo dahil sa sinabi niya.
"That's fine Greco, interesado sa kaniya si Vandro, so hindi nito hahayaang may mangyaring masama kay Hasna," singit ng ama nila.
Napabuntong-hininga na lang siya at napailing. Pamaya-maya ay isang magarang sasakyan ang huminto sa tapat ng bahay nila. Mabilis na umalis ang kanilang ama at pumasok sa loob. Walang pwedeng makakita na ito ang Daddy nila.
Isang matangkad na lalaki na nakasuot ng magarang kasuotan ang bumaba sa sasakyan.
"Good evening ma'am, are you Ms. Hasna? Sir Vandro ordered me to pick you up," anang lalaki sa baritonong boses. Mukha itong americano. Ngumiti si Hasna sa lalaki.
"Yes, I'm Hasna," sagot nito sa lalaki.
Sumingit naman siya agad matapos itong magsalita.
"Ako na ang maghahatid sa kaniya. I'm her brother," sabi niya sa lalaki. Tiningnan siya nito sa paraan na parang nagtataka at naguguluhan.
"Pardon me, Sir? I don't understand."
Inis na napabuga siya ng hangin. Walang hiyang amerikanong hilaw na ito. Pahihirapan pa siya mag-ingles.
"Boi okay lang. Hayaan mo na akong sumama sa kaniya please? I swear kaya ko ang sarili ko," ani Hasna sa kaniya. Sa paraan ng pagtingin nito ay talagang nakikiusap ito sa kaniyang payagan na niya ito upang makaalis na.
Tiningnan niya ang lalaki, mukhang mapagkakatiwalaan naman ito kaya napilitan na siyang pumayag kay Hasna na ito ang maghatid dito. Isa pa ay kanina pa nakatayo ang lalaki at naghihintay sa kanila, mukhang naguguluhan na nga ito sa pinag-uusapan nila ni Hasna.
"Fine," pagsuko niya kay Hasna. Ngumiti naman ito sa kaniya.
"Thanks boi!" sagot nito.
Binuksan ng amerikano ang pintuan ng sasakyan at pinasakay si Hasna roon.
"Make sure you take care of her," aniya sa lalaki.
"Yes, sir!" sagot ng lalaki. Tumango siya dito. Umikot na ang lalaki papunta sa driver's seat at pinaandar na nito ang sasakyan.
Ilang sandali niyang pinagmasdan ang sasakyan nito, nang medyo nakakalayo na ito ay agad siyang umikot at sumakay sa big bike niya. Pinaandar niya iyon at sinundan ang sasakyan ng lalaki.
———
Pagkarating niya sa mansyon na pag-aari ng mga Olivario ay hindi siya pinapasok ng guard. Wala raw siyang invitation. Kahit nagsinungaling na siya na kakilala siya ni Vandro ay hindi siya pinayagan ng guard na makapasok sa loob. Si Hasna ay kanina pa nakapasok habang escort ito nang lalaking sumundo dito kanina. Sinundan na lamang niya ito ng tingin. Hindi nito alam na sinundan niya ito kanina.
Maraming mga tao ang dumalo sa party, halatang mayayaman at mga matataas na tao. Sa di kalayuan ay natanaw niya si Vandro habang nakikipagkamay sa mga bisita. Ilang sandali pa ay nakita na nito si Hasna, agad nitong nilapitan ang kapatid niya at humalik sa pisngi nito. Napalunok siya. Pati si Yvo Olivario ay nakita rin niya. May dala pa itong baso ng alak habang masayang nakikipag-usap sa mga bisitang bagong dating.
Sumunod ay ang mag-asawang si Dayana at Henry Olivario, kasama nito ang isa pang matangkad na lalaki. Pamilyar ito sa kaniya. Hindi sila nagkakalayo ng tindig ng lalaki pati na ng taas. Napakunot ang noo niya.
Sino nga ba ang lalaking ito? Hindi na niya matandaan, pero sigurado siya na pamilyar ito sa kaniya at nakita na niya ito noon. Hindi lang talaga niya maalala kung saan.
Nakatanaw lang siya mula sa malayo. Hindi rin niya inaalis ang tingin kay Hasna. Kahit nasa malayo siya ay kitang-kita niya kung paano ito titigan ni Vandro. Gumalaw ang panga niya lalo na nang makita niyang nakaalalay na si Vandro sa baywang ni Hasna. Mukhang kayang-kaya naman dalhin ni Hasna ang sarili, hindi rin maalis ang ngiti sa labi nito.
Alam niya kung gaano ka-delikado ang mapalapit si Hasna sa mga Olivario, pero alam rin niya na hindi ito titigil sa plano nito hangga't hindi ito nakakaganti sa pamilyang nagpapatay sa kanilang ina. Ganoon din naman siya, galit na galit siya sa mga Olivario dahil kinuha ng mga ito ang Mommy nila. Ang Mommy nila na napakabuti at maawain lalong-lalo na sa mga tao. Ipinapangako niyang gagawin niya ang lahat mabigyan lang ito ng hustisya. Alam niyang lalabas rin ang totoo, at malalaman rin ng mga tao ang tunay na kulay ng mga Olivario.