CHAPTER 05
Madaling araw na nakauwi si Hasna. Pagdating niya sa bahay nila ay sa orasan agad siya tumingin. Saktong alas dos na nang madaling araw. Hinatid siya nila Leandro at Shakira. Maayos siyang nagpaalam at nagpasalamat sa mga ito. Mabait ang kaibigan ni Shakira, kahit ngayon lang niya ito nakilala ay magaan naman ang loob niya sa lalaki. Isa pa ay matagal na rin palang kaibigan ni Shakira si Leandro. Magkaklase pala ang mga ito ng ilang taon sa highschool.
Naupo muna siya sa sofa at isinandal ang ulo roon saka pumikit. Medyo pagod siya ngayong araw. Siguradong tulog na ang Daddy niya. Hindi pa siya nakakapagpalit ng damit, naupo lang muna siya dahil pakiramdam niya ay nanlalambot siya. Hindi niya alintana na kanina pa pala siya pinagmamasdan ng kapatid niyang si Greco.
"Alas dos ng madaling araw. Uwi pa ba ng matinong babae ‘yan, Hasna?"
Napamulat siya ng mga mata dahil sa tinig na iyon ni Greco.
Agad niyang nilingon ang pinanggalingan ng boses at natanaw niya ito habang seryosong nakatayo at nakasandal sa gilid ng pintuan. Kalalabas lang pala nito sa silid at naninigarilyo ito ngayon. Hindi niya ito agad namalayan.
"B-boi? Bakit gising ka pa?" tanong niya sa kapatid. Boi ang tawagan nilang magkapatid. Kahit na matanda si Greco sa kaniya ay hindi niya pa ito natawag na Kuya. Mas sanay silang magtawagan ng "boi" .
"Parang ako yata yung naunang nagtanong. Ako muna ang sagutin mo, saan ka nanggaling?" tanong nito sa kaniya. Kinabahan tuloy siya lalo pa nang ma-realize niya na suot pa rin niya ang pulang dress na halos litaw na ang kaluluwa niya.
"At anong klaseng damit yang suot mo?" kunot ang noong tanong nito sa kaniya nang mapamasdan siya nito. Itinapon nito ang yosi at naupo ito sa sofa na katapat niya.
Sasabihin ba niya kay Greco ang dahilan kung bakit siya ginabi?
Tumikhim muna siya at inayos ang pagkakaupo. Tiningnan siya ni Greco mula ulo hanggang paa, mabilis nitong inihagis sa kaniya ang jacket nito na nakapatong lang sa sofa nila.
"Takpan mo nga ang sarili mo, saan mo ba nabili yang kapos sa tela mong damit?" anito sa kaniya. Umawang ang labi niya.
"Galing ako sa club," sagot niya sa kapatid.
Halatang nagtaka naman ito sa sinagot niya. Alam niyang magugulat ito dahil alam nitong hindi naman siya pala-punta sa mga ganoong klase ng lugar.
"Kailan ka pa natutong pumunta sa club?" tanong nito.
"Boi, nandoon ang mga Olivario and I need to do something, gusto kong mapalapit sa kanila kaya kinuha ko ang atensyon nila," sagot niya. Mas lalong rumehistro ang pagkagulat sa mga mata nito.
"W-what? Bakit hindi mo sinabi sa akin?"
"I know that you're busy."
"At kailan naman ako naging busy pagdating sayo?"
Natahimik siya.
"Thanks sa concern boi, pero okay lang naman ako. Alam ko ang ginagawa ko."
Hindi umimik si Greco. Ilang segundo bago ito muling nagsalita.
"Kaya ba ganiyan ang suot mo? Don't tell me you tried to seduce them? Tsk! Napaka-delikado ng naisip mong gawin Hasna, lalo pa at wala ako. Paano kung pinagsamantalahan ka ng isa sa kanila? Alam mo naman na may mga sungay ang taong iyon," may bahid ng pag-aalalang ani Greco sa kaniya.
"Si Vandro lang naman ang nakapansin sa akin and he asked my number."
Nakatitig lang si Greco sa kaniya habang sinasabi niya ang balitang iyon.
"You mean si Senator?"
"Yup."
"And you gave your number?"
"Oo. Iyon naman talaga ang plano ko, ang paibigin siya para paikutin. Kaya nga tiniis kong magsuot ng ganito na halos litaw na ang kululuwa ko."
Bumuntong-hininga si Greco. Nakita niyang gumalaw ang panga nito habang nag-iisip ng malalim at magkasiklop ang mga palad.
"Hindi ka ba masaya? Tagumpay ako sa pagkuha ng atensyon ni Vandro, ito na ang magiging simula ng pagpasok ko sa buhay nila," sabi niya.
"I know pero nag-aalala ako para sayo," anito. Tumayo siya sa pagkakaupo at lumapit dito. Tinapik niya ang balikat nito.
"Hindi ako mapapahamak. Trust me boi," wika niya sa kapatid. Tumango naman ito sa kaniya.
"Of course, hindi ko rin naman hahayaan na may mangyaring masama sayo. Kaya nga hangga't maaari gusto ko alam ko ang bawat kilos at plano mo. Kaya nga ako nag-pulis eh, hindi yun dahil sa pangarap sa akin ni Dad. Para yun sayo. Gusto kitang protekahan dahil alam ko na hindi biro ang mga taong babanggain ng pamilya natin para lang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Mommy," mahabang wika nito sa kaniya. Napangiti siya. Alam niyang nag-aalala ito para sa kaniya.
"Thank you boi, alam ko naman talaga na hindi mo ako pababayaan at ang swerte ko dahil may kapatid ako na katulad mo," sabi niya at sinandig ang ulo sa balikat nito. Naramdaman niyang hinaplos nito ang buhok niya.
"Sige na matulog na tayo. Hinintay lang talaga kita. Nag-aalala kasi ako pati na si Daddy, kanina pa siya tanong ng tanong sayo. Nakatulog na nga siya sa kakahintay."
"I'm sorry kung hindi ko nasagot ang mga calls mo. Sige magpahinga ka na rin. May pasok ka pa sa trabaho bukas. Goodnight boi," aniya sa kapatid. Tumango ito at nagtungo na rin sa sarili nitong silid sa itaas.
"Magpahinga ka na rin, Hasna baby. Good night."
Napangiti siya sa pagtawag nito sa kaniya ng Hasna baby. Bukod kasi sa tawagan nila ng boi ay madalas rin nitong tawagin siya ng ganoon kahit pa noong mga bata pa lang sila. Siya daw kasi ang baby sister nito.
——
Kanina pa paikot-ikot si Vandro sa swivel chair niya. Kanina pa naglalaro sa isip niya ang imahe ng magandang dalaga na nakita niya sa club noong nagdaang gabi. Kanina pa rin niya pinagmamasdan ang cellphone niya. Nagpadala kasi siya ng mensahe sa numerong ibinigay nito sa kaniya.
Maya-maya ay umilaw ang cellphone niya, mabilis niyang tiningnan kung nag-reply ba ito sa mensahe niya. Isang good morning lang naman ang message niya dito at nag-reply nga ito sa kaniya ng 'good morning too Mr. Senator.
Bigla siyang napangiti. Ilang sandali siyang nakatitig sa screen ng cellphone bago niya naisipang tawagan ito.
Nag-ring agad ang kabilang linya at ilang sandali pa ay sinagot na ito ni Hasna.
"Hello, Mr. Senator?" malamyos ang tinig na bungad nito mula sa kabilang linya. Pagkarinig pa lang niya sa tinig nito ay parang umatras na ang dila niya. Bakit bigla yata siyang naduwag pagdating sa isang babae? Ito ang unang pagkakataon na tila nato-torpe siya. Hindi siya nakapagsalita agad.
"Mr. Senator?" untag nito sa kaniya sa kabilang linya. Saka lang siya natauhan at nakapagsalita.
"Hasna..."
"Bakit ka napatawag Mr. Senator? Do you need anything?" tanong nito.
"N-no, no... Ah, ano kasi, gusto ko lang sanang itanong kung puwede ba kitang maimbitahan bukas para sa victory party ko?" aniya sa dalaga.
"Victory party? Yeah, sure! Just text me the exact place kung saan ito gaganapin Mr. Senator," anito sa kabilang linya.
Napakalambing ng tinig nito. Nakakaakit iyon sa pandinig niya.
"No, just text me your address, ipapasundo na lang kita para hindi ka na maabala," wika niya.
"Napaka-gentleman mo naman, Mr. Senator. I appreciate it. Sige, I will text you my address."
"Thanks Hasna. See you there."
"See you, Mr. Senator."
Matapos nilang makapag-usap ay napasuntok pa siya sa hangin. Siguro kung may makakakita lang sa kaniya ngayon ay iisipin na baliw siya. Sa kabila ng pagiging seryoso niya sa buhay ay ngayon lang ulit siya nagkaroon ng interes sa isang babae. Oo, interesado siya kay Hasna at gagawin niya ang lahat mapalapit lang sila sa isa't isa. Excited na nga siyang makita ulit ito.
Muling naglakbay sa isipan niya ang magandang mukha nito, ang maliit at mapulang labi nito na nakakahalina, ang magaganda nitong mga mata.
Saka lang siya tumayo sa pagkakaupo nang maalala niyang magkikita nga pala sila ng Presidente ngayon. May mga kailangan silang pag-usapan. Sa mga susunod na taon ay hindi malabong tumakbo siya sa pagka-bise presidente. Iyon kasi ang gusto ng kaniyang ama at kailanman ay hindi pa niya ito binigo sa mga pangarap nito para sa kaniya.