CHAPTER 04

Kakatapos lamang ng duty ni Hasna at pauwi na sana siya sa kanila nang bigla siyang harangin ng kaibigang si Shakira. Tapos na rin ang duty nito.

"Girl, uuwi ka na?" tanong nito sa kaniya. May hawak itong cellphone sa kamay.

"Oo, ano pa ba? Gusto kong humilata sa kama dahil ako'y pagod," sagot niya sa kaibigan.

"Tara, let's have some fun nang mabawasan naman yung stress natin sa buhay," anito sa kaniya.

"Paano?" kunot-noong tanong niya dito. Pagod nga siya ngayon at ang gusto niyang gawin ay umuwi na upang makapagpahinga. Hindi niya alam kung anong fun itong sinasabi ni Shakira sa kaniya.

"Punta tayo sa club, inimbita ako ng kaibigan kong si Leandro. Bongga dun girl! Puro mayayaman ang nagpupunta doon dahil sikat ang club nila for rich people," sabi ni Shakira sa kaniya.

"For rich people? Kung ganoon e hindi tayo belong doon," walang ganang sagot niya sa kaibigan.

"Ano ka ba? Okay lang iyon si Leandro naman ang nag-imbita eh. Pinsan niya yung may-ari ng club so hindi naman siguro tayo mapapahiya doon," pagpipilit ni Shakira sa kaniya.

"Anong gagawin natin doon? Mag-iinom? Sasakit lang lalo ang ulo natin. Puro sakit na nga ng ulo sa trabaho ang inaabot natin eh," reklamo niya dito.

"Ang KJ mo talaga! Sayang naman, gusto ko pa naman makita doon yung mga Olivario Brothers."

Natigilan siya nang marinig ang apelyidong binanggit ni Shakira.

Olivario?

"Ano kamo?" ulit niya.

Tumingin si Shakira sa kaniya. Kumikislap ang mga mata nito.

"Girl, nandoon daw kasi yung Olivario brothers at nagpa-party party sa club ngayon. Ang gu-gwapo pa naman nun lalo na si Mayor Yvo!" nakangising wika ni Shakira sa kaniya. Halatang kinikilig pa ito. Walang alam ang kaibigan niya sa labis na galit niya sa mga Olivario.

Tila may kakaibang hangin na umihip sa kaniya at mabilis na nagbago ang isip niya sa nalaman.

Pumapayag na siyang pumunta sa club ngayon.

"Nagbago na ang isip ko. Sige sasama ako sayo sa club," wika niya kay Shakira. Gulat na gulat naman ito dahil sa biglaang pagbabago ng desisyon niya. Umawang ang labi nito at halatang natuwa.

"T-talaga? Naku, ikaw ha! Siguro ay may type ka rin doon sa isa mga Olivario!" tudyo nito sa kaniya at sinundot pa ang tagliran niya. Napailing na lamang siya. Kung alam lang nito kung gaano siya namumuhi sa mga Olivario. Isa lang naman ang dahilan kaya siya magtutungo doon ngayon, nais niyang kuhanin ang atensyon ng kung sino man sa mga Olivario dahil may maitim siyang balak sa pamilya nito. Hindi siya papayag na hindi maipaghiganti ang pagkamatay ng Mommy niya. She will do everything para lang magbayad ang mga taong ito.

"So let's go?" ani Shakira sa kaniya.

"Uuwi muna ako. Wala akong baon na pampalit ng damit," sabi niya.

"Ano ka ba? Wag mo ng intindihin ang isusuot mo, akong bahala sayo! Bibigyan kita ng damit na magiging dahilan para mabali ang leeg ng lahat ng mga lalaking makakakita sayo," nakangising sabi ni Shakira.

Napangiti siya. May pagkaloka-loka talaga itong kaibigan niya. Pero pasalamat siya dahil kailangan niya talaga ang sinasabi nito. Kailangan niyang makuha ang atensyon ng magkakapatid na Olivario. Nakangiting sumama siya kay Shakira mula sa tinutuluyan nito.

———

Pulang dress na hapit na hapit sa katawan niya ang ipinasuot ni Shakira sa kaniya. Nakalitaw ang cleavage niya, hindi siya kumportable dahil may kaiksian iyon pero kailangan niyang gawin ito. She was aware of men's weakness. A little charm in them will undoubtedly catch their attention. Iyon ang kailangan niyang gawin ngayong gabi. Nag-text siya sa kapatid na si Greco na hindi siya makakauwi. Hindi na niya ito nireplayan nang magtanong ito ng bakit. Saka na lang siya magpapaliwanag kapag nakauwi na siya.

"Napaka-hot mo naman girl!" puri ni Shakira sa kaniya matapos pagmasdan ang kabuuan niya. Nakatingin din siya sa sarili niya sa salamin. Naglagay siya ng make-up at makapal ang pulang lipstick na inapply niya sa labi. She has a seductive and wild appearance.

"Shall we go?" untag niya kay Shakira. Mabilis naman itong tumango sa kaniya matapos kuhanin ang bag nitong nakalapag sa kama.

Pagdating nila sa club na pag-aari ng pinsan ng kaibigan nito ay tinawagan agad nito si Leandro. Wala pa silang ilang minutong nakatayo ay dumating na agad ang kaibigang sinasabi ni Shakira. Hindi masyadong marami ang tao sa lugar pero mapapansin mo na talagang napakalaki at pang-mayaman ang club na pinasukan nila.

"Shakira baby!" nakangiting wika ng lalaking bagong dating. Mukhang close na close ito ni Shakira. Matangkad ang lalaki at mukha itong half-indian. Napakatangos ng ilong nito. Humalik ito sa pisngi ni Shakira.

"Hi Leandro. Thank you for inviting us. This is my friend, Hasna," pagpapakilala ni Shakira sa kaniya. Binalingan siya ng tingin ng lalaki at pinagmasdan siya. Napangiti ito sa kaniya at humalik din sa pisngi niya.

"Hi beautiful. Nice to meet you!" bati nito sa kaniya. Ngumiti siya dito.

"Nice to meet you too," sagot niya sa lalaki.

Inanyayahan sila nito na pumasok na sa loob kung saan may mga tao ng nagkakasiyahan.

Pagkapasok pa lang niya sa loob ay agad na nahagip ng mga mata niya si Yvo Olivario. Masaya itong nakikipag-kwentuhan sa isang lalaki. Ang tangkad nito, matangos ang ilong at maputi. Kilalang-kilala niya ito dahil mayor ito sa lugar nila at nakaka-dalawang termino na ito. Wala naman yatang tao ang hindi nakakakilala dito kahit pa ang mga taga hindi dito sa lugar sa lugar nila.

"Oh my god si Yvo!" impit ang tiling sambit ni Shakira sa gilid niya.

"Behave," pigil niya sa kaibigan at bahagya itong siniko. Masyado naman itong obvious na patay na patay kay Yvo.

"Ang gwapo kasi eh, sorry naman!" bulong nito sa kaniya.

Sa di kalayuan ay nakita niya si Senator Vandro Olivario, tahimik lang ito sa isang table at seryosong-seryoso ang mukha nito. Sa tabi nito ay nakita niya si Lucifer Olivario, napaawang ang labi niya. Ito yung mayabang na Olivario na nakasagutan niya. Pero agad din naman itong tumayo nang tawagin ito ng isang lalaki. May ipinakilala ang lalaki kay Lucifer kaya tumayo ito sa upuan nito at umalis. Naiwan si Vandro kasama ang iba pang mga kalalakihan na hindi niya kilala. Ang ibang lalaking kaharap nito ay may mga kasamang babae na nakakandong pa sa mga ito. Mga lalaking alam niyang katulad rin ng mga ito. Mga sikat at mayayaman. Ilang sandali pa ay nagtungo na rin si Yvo sa table nila Vandro.

"Wait lang girl, tawag ako ni Leandro," bulong ni Shakira sa kaniya. Tumango lang siya dito kaya humiwalay na si Shakira sa kaniya. Nagtungo siya sa bar counter at naupo roon. Tahimik na pinagmasdan niya ang paligid. Muli niyang tiningnan ang puwesto nila Vandro. Napalunok siya nang makita niyang nakatingin pala sa kaniya si Vandro.

Nahagip niya agad ang atensyon nito. Napansin niyang may ibinubulong ito sa isang katabi habang nakatingin sa kaniya.

Sinadya niyang makipaglabanan ng titig sa panganay na Olivario. Kitang-kita niya ang lalim ng titig na ipinupukol nito sa kaniya ngayon. Maya-maya ay tumayo ito sa pagkakaupo at inayos ang necktie na suot. Tumingin ito sa relong suot.

"Saan ka pupunta bro?" tanong ni Yvo dito.

"I'll just go to the counter," sagot ni Vandro sa kapatid.

Bigla siyang kinabahan nang makita niyang naglalakad si Vandro sa direksyon niya. Nilabanan niya ang kaba. Hindi niya dapat maramdaman ito dahil hindi siya magtatagumpay sa mga dapat niyang gawin kung magpapatalo siya palagi sa kaba niya. Kailangan niyang harapin ang kaba niya.

Wari ay hindi niya pansin ang lalaki nang makalapit na ito sa kaniya. Naupo ito sa katabi niyang upuan. Umorder siya ng tequila sa bar tender na agad naman nitong sinerve sa kaniya. Doon niya itinuon ang atensyon niya pero ramdam na ramdam niyang nakatitig sa kaniya si Vandro mula sa gilid niya. Sa mga oras na ito ay parang gusto niyang takluban ang sarili. Ang totoo ay naaasiwa na siya sa suot niya dahil hindi naman siya sanay ng ganito.

Narinig niyang nagsalita ito sa bartender.

"Two Bacardi and sodas, please."

Napakalamig at kalmado lang ang boses nito. Tiningnan niya ito. Nagtama ang mga mata nila dahil nakatingin din ito sa kaniya ngayon.

Bumaba ang tingin nito sa bandang hita niya ngunit mabilis rin nitong inalis ang mga mata roon nang ibigay ng bartender ang alak nito.

"I had no idea there was such a lovely lady in this place. Are you from here?"

Napalunok siya at hindi agad sumagot kahit alam niya na siya ang kinakausap nito.

"Am I the one you are talking to?" wari ay tanong niya rito.

"May ibang magandang babae pa ba rito? So far, you are the only one who caught my attention."

Lihim na natuwa ang kalooban niya dahil sa sinabi nito. Tagumpay ang plano niyang mapansin nito.

Napangiti siya at nilabanan ang tingin ng gwapong senador.

"Hindi ko akalaing bolero ka pala Mr. Senator."

Sinadya niyang lamyusan ang tinig. Ininom niya ang laman ng baso niya sa paraang nakakaakit. Nakatitig lang si Vandro sa kaniya at kitang-kita niya na ito naman ang napalunok. Nginitian niya ito pagkatapos.

"I'm just telling the truth. So you are?" muli ay tanong nito sa kaniya.

"Hasna," walang pag-aalinlangan niyang sagot. Pero siyempre ay hindi niya sasabihin na isa siyang Santiago at anak siya ng dating katunggali ng ama nito sa pagka-alkalde.

"Such a nice name. Where do you live?"

Napangiti siya sa tanong nito.

"Bakit? Pupuntahan mo ba ako?" mapang-akit niyang tanong at kumalumbaba habang nakikipagtitigan dito.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa because you caught my attention and now I'm really interested in you, that's why I'm asking where you live. Para naman alam ko kung saan kita muling masisilayan."

"Masyado ka namang mabilis Mr. Senator. But if you really want to know where I live. You can have my phone number para naman hindi ito ang maging huling pagkikita natin," malamyos ang tinig na aniya rito. Sinadya niya itong bitinin upang magkaroon pa ng pagkakataon na muli silang magkita ni Vandro. Mas mapapadali ang paghihiganti niya kapag napalapit na siya ng husto dito. Hindi lang dapat ito ang maging huling beses na pagkikita nila.

"S-sure. Can I get your number, Hasna?" tanong nito sa kaniya.

Ngumiti siya at ibinigay dito ang numero niya.

Maya-maya ay narinig niya ang boses ni Lucifer Olivario. Tinatawag nito si Vandro at hindi niya pwedeng malimutan ang tinig nito. Alam niyang si Lucifer iyon. Bago pa man siya nito makita ay nagpaalam na siya kay Vandro. Hindi siya pwedeng makita ni Lucifer ngayon. Siguradong magtataka ito sa kapag nakita nito ang itsura niya ngayon kumpara sa itsurang nakita nito noong nagkita sila.

Umalis siya at bahagyang itinago ang mukha niya upang hindi siya mapansin ni Lucifer. Hinanap niya agad si Shakira, hinahanap rin pala siya nito dahil ipapakilala pala sila ni Leandro sa kaibigan nitong may-ari ng club.

Mabilis siyang lumapit sa kaibigan.

Ipinakilala sila ni Leandro sa isang matangkad na lalaki. Half-american ito at winelcome sila nito. Mabait ang lalaki kaya magaan din ang pagpapakilala nila dito. Habang kausap nila ito ay muli siyang sumulyap sa pwesto na pinag-iwanan niya kay Vandro kanina. Kausap na nito si Lucifer.

Lihim siyang napangiti dahil tagumpay ang plano niya ngayong gabi. Napansin siya ng isa sa mga Olivario. Napansin siya ni Senator Vandro at alam niyang nakuha niya ang atensyon nito kanina.