CHAPTER 02

Alas-otso ng umaga at palabas na si Hasna sa kanilang bakuran. Papasok na siya sa ospital na pinagtatrabahuhan niya. Malapit lang naman iyon at isang sakay lang ng trysicle ang kailangan. Puting-puti ang uniporme niyang suot. Nakataas rin ang kaniyang buhok kaya maaliwalas ang mukha niya. Wala siyang matanaw na mga trysicle malapit sa kanila kaya minabuti niyang maglakad-lakad malapit sa Elementary School, doon kasi madalas na nag-aabang ang mga trysicle driver dito sa lugar nila.

Pumasok na ang kapatid niyang si Greco, maaga ito kaya hindi na sila nagkasabay. Kahapon din ay hindi sila sabay na pumasok. Mas okay na rin iyon, ayaw niyang hintayin pa siya nito. Baka mapagalitan lang ito sa trabaho. Gusto sana nito na palagi siyang ihatid sa trabaho pero hindi naman pwede iyon dahil hindi sabay ang oras ng duty nila.

"Kung kailan ka nagmamadali saka walang mga trysicle, pambihira naman!" pumapalatak na bulong niya sa sarili habang naglalakad. Abot rin ang tingin niya sa relong suot.

Habang papalapit siya ng papalapit sa eskwelahan ay may natanaw na nga siyang mga motor na nakaparada. Siguradong masasakay na siya sa isa sa mga nakapila doon.

Tatawag na sana siya at kakaway sa isang driver nang biglang may dumaan na sasakyan sa gilid niya. Isang magarang sasakyan na sa sobrang bilis ay naging dahilan kaya tumalsik sa kaniya ang nadaanan nitong maputik na tubig. Naulan kahapon dito sa lugar nila kaya may tubig ang daan at maputik pa ang ilang bahagi nito. Naputikan ang suot niyang uniporme, puting-puti pa naman iyon. Shocked siya sa nangyari at napatingin na lamang sa suot niyang uniporme na ngayon ay puro putik na.

Uminit agad ang ulo niya at naipadyak niya ang sariling paa dahil sa sobrang inis.

Sino ba ang walanghiyang nagmamaneho ng sasakyan na iyon? Akala mo ay kung sinong hari ng kalsada.

Lukot ang mga kilay na tinanaw niya ang hindi pa nakakalayong sasakyan. Mustang iyon at alam niya na mahal ang sasakyang iyon pero wala siyang pakialam. Hindi dahilan iyon upang maghari-harian ito sa daan.

Nagulat siya nang biglang huminto ang sasakyan at pagkatapos ay may bumaba roon. Isang matangkad na lalaki. Nakasuot ito ng itim na jacket at naka-shades. Tiningnan nito ang sasakyan. Sa di kalayuan ay napansin niya ang mga batang naglalaro ng tirador na agad nagtakbuhan. Mukhang natamaan ng mga ito ng bato ang kotse ng lalaki.

Hmm, buti nga!

Wala siyang inaksayang pagkakataon at agad niyang sinugod ang lalaki. Malalaki ang mga hakbang na lumapit siya dito. Inis na inis siya, ang ilang mga tao ay pinagtitinginan siya dahil halata sa kilos niya na susugurin niya ito.

"Hoy lalaki!"

Agad siyang namaywang pagkalapit niya dito. Maang naman na napatingin ang lalaki sa kaniya. Ibinaba nito ang suot na shades at kunot ang dalawang kilay na tumitig ito sa mukha niya. Bahagya siyang natigilan nang mapansin na gwapo ito. Seryoso ang mukha nito ngunit hindi maitatangging magandang lalaki ito. Napalunok siya.

"Who are you?" malamig ang tinig na tanong nito sa kaniya. Napakurap siya dahil sa tanong nito, saka lang siya nabalik sa sariling ulirat. Dinuro niya ito.

"Hoy, wag mo akong maingles-ingles diyan lalaki ka! Tingnan mo itong suot kong uniporme, pagmasdan mong mabuti! Ang dumi 'di ba? Kasalanan mo yan! Feeling mo hari ka ng kalsada at nawisikan ako ng tubig ulan na nadaanan mo dahil sa sobrang yabang mong magpatakbo!" gigil na wika niya sa lalaki. Mas lalong nangunot ang noo nito.

"I'm sorry, I don't know what you're talking about," kibit-balikat na balik nito sa kaniya. Mukhang nagmamang-maangan pa ito.

Imposibleng hindi nito alam iyon.

"Ah talaga? Wala kang alam? Tingnan mo nga itong ginawa mo oh!"

Hindi siya pinansin ng lalaki at ang mga mata nito ay muling bumaling sa sasakyan nito. Tila sinusuri nito ang sasakyan kung may gasgas ba base sa aksyon nito. Nakita niyang may gasgas nga ang sasakyan. May tama iyon ng bato. Dahil sa matagal na pagsuri nito sa sasakyan ay mas napagmasdan niyang mabuti ang kabuuan ng mukha nito. Pamilyar ito sa kaniya pero hindi niya masyadong matandaan.

"Shit! Those crazy kids!" iiling-iling na bulong nito sa sarili.

Nang matapos nitong suriin ang sasakyan ay muli siyang binalingan nito ng tingin.

"Who are you again?" tanong nito sa kaniya.

Saka lang nito mas nabigyang pansin ang uniporme niya.

"Anong kasalanan ko sayo?" tanong ulit nito.

"Dinumihan mo lang naman ang suot kong uniporme dahil mayabang kang magpatakbo ng sasakyan!" inis na sagot niya.

"Parang iyon lang?"

Bigla siyang nainsulto dahil sa sinabi nito.

"Anong parang iyon lang? Alam mo ba kung gaano kaabala itong ginawa mo sa akin? Papasok na ako sa trabaho at ngayon ay mali-late ako dahil kailangan ko pang magpalit ng damit!"

"You're a nurse?"

Imbes na sumagot sa mga sinabi niya ay nakuha pa nitong magtanong.

"Hindi ba't nurse ang pinaka-mababa ang sahod dito Pilipinas?" natatawang dagdag pa nito. Mas lalo siyang nainsulto dahil ang paraan ng pagngiti nito ay halatang minamaliit siya.

Ang yabang naman ng lalaking ito!

"Excuse me? Are you insulting me? Marangal ang trabaho ko, eh ikaw?" pagtatanggol niya sa sarili.

"Seriously, you don't know me?" mayabang na tanong nito sa kaniya habang nakaturo sa sarili.

Ano bang pakialam niya sa pagkatao nito? Dapat ba ay kilala niya ito?

"I'm Engineer Lucifer Olivario," pagpapakilala nito sa sarili.

"Siguro bago ka lang dito sa San Fernando? Or baka naman hindi ka taga dito? Dayo ka lang? No wonder, hindi mo ako kilala," dagdag pa nito.

Halos malaglag ang panga niya dahil sa narinig.

Isang Olivario ang kaharap niya ngayon?

Ito na si Lucifer Olivario?

Kilala niya ang apat na anak Henry Olivario pero itong si Lucifer ay hindi masyado dahil pribado ang buhay nito. Isa pa, ang alam niya lang ay nasa ibang bansa ito, matagal na. Umuwi na pala ito ngayon? Kaya pala parang pamilyar sa kaniya ang mukha nito ay dahil isa itong Olivario. Dalawang beses pa lang niyang nakita si Lucifer at medyo bata pa siya noong huli niya itong nakita dahil masyado ngang pribado ang buhay nito sa lahat ng magkakapatid. Malaki na ang ipinagbago nito ngayon. Matangkad na ito at malaki ang katawan, ang mukha nito ay medyo nagbago na rin. Hindi na ito ang patpating Lucifer na nakita niya noon. Lalaking-lalaki na ito ngayon at alam niyang bilyonaryo rin ito katulad ng mga kapatid nito na laging laman ng mga magazine.

Bigla siyang kinabahan at nakaramdam ng galit sa lalaking kaharap niya ngayon. Pasimple niyang naikuyom ang isang palad. Kaya pala masama ang ugali nito ay dahil isa itong Olivario.

"I'm leaving. Hindi rin ako magso-sorry dahil ikaw naman itong baliw na palakad-lakad sa daang maputik kahit puting-puti ang uniporme mo," supladong sabi nito sa kaniya.

Napanganga na lang siya dahil sa kasamaan ng ugali nito.

"Anyway, mas malaki ang problema ko sayo kasi nagasgasan ang kotse ko. Alam mo ba kung gaano kamahal yan? Mas mahal pa yan sa buhay mo," pahabol na sabi nito bago sumakay sa loob ng sasakyan at isinarado ang pintuan niyon. Mas lalong nagpuyos sa galit ang kalooban niya dahil sa huling salita nito.

Gusto niyang sigawan ito at sabihing ang kapal ng mukha nito at sobrang yabang pero halos hindi na siya nakapagsalita dahil sa matinding pagkagulat. Hindi niya inaasahan na makikita niya ngayon ang isa sa mga anak ng taong kinamumuhian niya sa buong buhay niya. Hanggang sa pinaharurot na nito ang sasakyan paalis ay nanatiling tulala pa rin siya dahil sa mga pangyayari.