Chapter 40: Tunay na pagmamahal
"Da-Dark..."
Napatda si Dark sa bungad ng pintuan pagkarinig sa tinig ni Raiko.
"Tama na, Dark." Malumanay na pakiusap ni Raiko sa binata.
"Raiko!" ang nanalilisik na mga mata ni Dark ay unti-unting lumambong pagkakita sa dalaga. Mabilis itong lumapit at tinabig ang matandang umaalalay dito.
"Huwag mo silang saktan, Dark. Hindi sila kaaway." Pagsusumamo ni Raiko. Nagpasalamat siya at nag-iisa lang itong sumugod doon.
"Pero—" natigil siya sa pagsasalita nang makita ang luhang pumatak sa mga mata ni Raiko. Buong buhay nilang magkasama ay ngayon niya lang itong nakitang umiyak. Ang tila bato niyang puso ay biglang nanlambot at nasasaktan siya sa nakikita.
Gumapang si Mae at nilapitan ang matanda upang tignan kung may natamo itong pinsala. Hinayaan na muna niya si Raiko na siyang magpakalma kay Dark.
"Dark, pagod na ako."
Mabilis na nilapitan ni Dark ang dalaga at niyakap ito ng mahigpit. "Shhh, gagaling ka pa, nangako sa akin si Lucas na ipapagamot ka niya."
Marahang umiling si Raiko at tumingala upang makita ang guwapong mukha ni Dark. Ngayon niya lang ipinakita dito ang kaniyang kahinaan at tunay na saloobin.
"Isang demonyo si Lucas, siya ang dahilan ng lahat na paghihirap ko. Ginamit niya lang ako upang mapasunod ka at hindi totoong pinagagamot niya ako." Bakas sa boses niya ang galit, lungkot at panghihina.
Ang nangungusap na mga mata ni Dark at biglang dumilim ang muling naging mabalasik ang aura ng mukha. Nanlilisik ang mga mata nito dahil sa galit at naglikot ang tingin sa paligid.
"Siya ang dapat na mamatay at hindi ang mga taong gusto akong tulongang mabuhay." Kahit hinahapo ay nagawa pa ring magsalita ni Raiko. Kaya pa rin naman niya kahit walang oxygen mask lalo na sa ganitong sitwasyon.
Nangangalit ang mga bagang at dahan-dahang inalalayan ni Dark ang dalaga na makaupo sa kama.
Mapait na ngiti ang sumilay sa labi ni Raiko nang kintalan siya ng magaan na halik sa labi ni Dark bago ito tumalikod. Si Dark ang unang lalaking nakagalaw sa kaniya noon. Dito niya isinuko ang lahat bago pa siya pumayag na gamitin ang katawan upang protektahan ang pagkababae ni Mae noon. Hindi siya nagsisi sa kaniyang ginawa noon at babaunin niya iyon hanggang sa kabilang buhay.
Nang wala na si Dark ay mabilis na nilapitan ni Mae ang kaibigan kahit na masakit pa ang kaniyang katawan.
"Ayos ka lang ba?" malungkot na tanong ni Raiko sa kaibiga.
"Ayos lang ako, kailangan nating makaalis dito bago pa dumating ang ibang kaaway." Mabilis na kinuha ni Raiko ang mahalagang gamit para sa kaibigan.
Hawak ang naaktang balakang na tumulong na rin si Felipe. Inalalayan niya ang apo na makalabas.
Kahit paika-ika na ang lakad ay naging alerto si Ruel pagkakita kay Dark na lumabas ng silid. Danak ang dugo sa paligid mula sa kaniyang kasamahan na nagbabantay sa kanila. Ang cellphone ang hindi na niya alam kung saan tumilapon kanina at umaasa siyang buhay pa sina Amalia at Cris.
Napatitig si Dark sa lalaking nakalaban kanina, namukhaan niya na isa ito sa humabol sa kanila kaya siya nahuli ng pulis. Pero hindi na ito ang kaniyang target, alam niyang nasa bahay lang ding iyon si Lucas kaya agad niyang binuksan ang mga pintuang nakasara.
Mabagal ang hakbang na sinudan ni Ruel si Dark. Hindi niya alam kung ano ang gagawin nito ngunit alam niyang si Lucas ang hanap nito ngayon. Hindi niya hahayaang itakas nito ang huli kahit narinig niya ang tinig ni Raiko na hayaan si Dark sa nais nitong gawin.
Alam ni Lucas na may nakapasok na kakampi kaya naging handa na siya. Pero nang bumukas ang pintuan at bumungad si Dark ay nagulat siya. Ang alam niya ay wala na itong chance na makalabas ng kulongan. Kalauna'y napangisi siya at natuwa itong makita.
"Bravo! Hindi talaga ako nagkamali sa iyo. Ano pa ang hinihintay mo? Kalagan mo na ako at tulongan makatakas sa mabahong lugar na ito!" Naiinip na utos ni Lucas sa binata nang hindi na ito gumalaw sa kinatayuan.
"Sinungaling!"
Napatda si Lucas sa nakikitang galit sa mukha ni Dark. Nakuha niya agad kung bakit ito nagkaganoon nang masulyapan si Raiko sa labas ng silid.
"Hindi ako ang may kasalanan kung bakit lumala ang kanyang sakit," pinaamo niya ang kanyang tinig upang muling utuin ang tila isip bata niyang tauhan. "Silang lahat ang sisihin mo, kinuha nila sa pangangalaga ko si Raiko at pinabayaan."
"Papatayin kita!" Nanlilisik ang mga mata ni Dark habang hinihimas ang talim ng kutsilyong hawak.
Nangilabot si Lucas sa nakikitang galit sa mga mata ni Dark. Mukhang hindi na siya nito kinikilala at natakot siya nang makitang dinilaan nito ang talim ng hawak nitong kutsilyo.
"Dark, sa akin ka makinig at hindi ako ang kaaway. Ako ang nagpalaki sa inyo ni Raiko, natandaan mo ba?" Gustong umurong ni Lucas nang makitang humakbang palapit sa kaniya si Dark ngunit nakatali ang paa at kamay niya sa kinaupuan.
"Sinungaling!" parang batang inagawan ng candy na tumitig si Dark sa lalaking nakatali.
"Huwag kang isip bata, akala ko ba ay gusto mong mapangasawa si Raiko? Mangyari lamang iyan kapag sinunod mo lahat ng utos ko!" bulyaw ni Lucas sa lalaki.
"Huwag kang makinig sa kaniya, Dark." Matigas na turan ni Raiko.
Naningkit ang mga mata ni Dark habang nagpalipat-lipat ang tingin kina Raiko at Lucas.
"P*ta ang babaeng iyan kaya huwag mo siyang pakinggan, Dark! Naalala mo, gusto niyang salohin ang trabaho ni Mae dahil nangangati siya!"
Mukhang biglang sumakit ang taenga ni Dark at napahawak doon ang isang kamay.
"Dark, nasasaktan ako." Muling tumulo ang luha ni Raiko at napaupo sa sahig. Hindi pwedeng mapasunod ni Lucas ang binata sa pagkakataon na ito. Ito lang ang maitulong niya ngayon kina Cloud upang hindi makawala ng buhay ang kriminal.
Mabilis na nilapitan ni Dark ang dalaga at niyakap ito upang patahanin sa pag-iyak.
Napamura si Lucas at natatalo siya ni Raiko sa pagkuha ng loob ngayon ni Dark. "Hindi ka mahal ng babaeng iyan, Dark. Gusto niyang makatakas mula sa akin upang mahanap si Lights at iiwan ka niya!"
Mabilis na kinabig ni Raiko ang ulo ni Dark at hinalikan ito sa labi upang sa kaniya lang makinig. Mabilis lamang ang halik dahil hinahapo na naman siya. "Dark, gusto ko nang magpahinga kasama ka."
"Huwag kang gago, p*ta ang babaeng iyan at nagkasakit dahil iba't ibang lalaki ang ikinakama!" Bulyaw ni Lucas at nangangalit na ang mga panga.
Galit na tumayo si Dark at parang kidlat sa bilis at nasa harapan na agad ito ni Lucas. "Ako gago?"
"Ha, ah eh hindi. Ikaw ang pinaka matalino at magaling kong student." Biglang pinaamo muli ni Lucas ang kaniyang mukha.
"Sinungaling!"
Halos tumabingi ang mukha ni Lucas nang makatanggap ng malakas na suntok mula kay Dark. Hindi pa ito nakabawi at isa oang suntok ang natikman nito mula naman sa kabilang pisngi. Agad na sumargo ang dugo mula sa ilong nito at bibig dahil sa lakad ng pagkasuntok dito ni Dark.
"Argh, Da-Dark..." Hindi na magawang makapagsalita ng tuwid nang daklutin ni Dark ang pisngi nito at pinisil ang baba.
"Hindi kita mapapatawad sa pang-aalipusta mo sa pagkababae ni Raiko! Kasalanan mo kung bakit may sakit pa rin siya hanggang ngayon!"
Nandidilat ang mga mata ni Lucas na napatitig sa babaeng nakasandal na ngayon sa pintuab habang pinapanuod sila. Katabi nito ang isa pa na si Mae at mukhang nag-e-enjoy sa nakikipag pagpahirap sa kaniya ni Dark.
"Ipapalasap ko sa iyo ang sa kung paano ko patayin ang mga taong pinapatay mo sa akin!" Mala demonyong ngumiti si Dark kay Lucas.
"Dark, makinig ka sa akin!" Lumakas ang kabog ng dibdib ni Lucas. Hindi niya maipagtanggol ang sarili dahil nakatali pa rin siya sa upuan.
"Isa kang demonyo at mapanlinlang kaya dapat ka lang mamatay!" Unang pinadaanan ni Dark ng talim ng kutsilyo ang mukha ni Lucas.
"Ahhhh, kapag pinatay mo ako ngayon ay hindi na tutulongan ni Congressman Tony na gumaling si Raiko!"
Natigil si Dark sa tangkang paghiwal naman sa kabilang pisngi ni Lucas pagkarinig sa sinabi nito. Kilala niya si Tony dahil minsan na niya itong nakaharap noon. Alam niyang mapera ito at maraming kilalang doctor kaya naniwala siya rito.
"Huwag kang maniwala sa kaniya, Dark."
Nilingon ni Dark ang nagsalitang dalaga. Nang makita ang panghihina nito ay lalo lamang siyang nagalit kay Lucas.
"Tama na, hayop ka!" Nagawa pang magmura ni Lucas kahit duguan na ang kaniyang mukha dahil muli hiniwa iyon ni Dark.
Napangisi si Dark at lalong ginanahan sa nakikitang sakit at takot sa mga mata ni Lucas. Ganoon ang madalas niyang nakikita sa taong pinapapatay sa kaniya ni Lucas. "Ikaw ang nagturo sa akin upang maging asal hayop!"
Muling napaigik si Lucas sa sakit nang sa leeg naman niya gumapang ang talim ng kutsilyo. Hindi pa siya handang mamatay kaya nag-isip siya ng ibang paraan upang mauto si Dark.
"Kapag binuhay mo ako, pinapangako kong mamuhay ka na nang malaya sa tulong ni Congressman Tony!" pangungumbinsi nito kay Dark.
Mariing naipikit ni Raiko ang mga mata at naging mabuway ang pagkatayo. Mabuti na lang at mabilis na naalalayan ito ni Mae. Pareho silang kinakabahan na baka mauto na naman ito ni Lucas na madalas nangyayari noon pa man