Chapter 30: Magulong kausap

"MULA ngayon ay huwag ka nang lumapit sa aking asawa."

Napapiksi si Ellah pagkarinig sa baritonong tinig ng asawa. Mabilis siyang kumawala sa yakap ng kanyang ninong at may pangingilag na lumayo dito. Agad na yumakap sa asawa nang makalapit ito sa kanya.

"Hija, sa akin ka dapat sumama at magtiwala ngayong wala na ang iyong ama." Mahinahon na hikayat ni Tony sa inaanak. Nagtitimpi na hablutin ang buhok ng dalaga upang ilayo sa kaaway.

Hindi pinansin ni Cloud ang congressman at hinarap ang asawa. "Gusto mo bang makausap si Eliza?"

Dinig ni Tony na tanong ni Cloud sa asawa nito. Pagkalingon niya ay saka lang niya napansin na naroon din ang kaniyang anak. Nangunot ang kanyang noo sa pinapakitang pagkagiliw ng binata kay Eliza. Pasimpli niyang pinag-aralan ang kilos ni Cloud habang kaharap ang kanyang anak. Kung makipag-usap ito kay Eliza ay tila may kasamang pagpapahalaga iyon ng samahan, gayong hindi naman close ang mga ito.

Nilingon ni Cloud si Tony na alam niyang kanina pa nakatingin sa kinaroonan nila. "Panuurin mo lang ako." Ang mababasa sa tinging ipinukol nito kay Tony.

"Besh, tatagan mo ang iyong loob. Nandito pa kami na handang damayan ka sa ano mang problemang kinakaharap mo." Niyakap ni Eliza si Ellah at maging siya ay naiiyak.

Tinawagan lamang siya ni Cloud kanina at pinaalam ang nangyari. Nainis siya sa ama dahil wala manlang nababangit sa kaniya at parang walang anak nang iniisip.

Hindi magawang magsalita ni Ellah at namamalat na ang kaniyang lalamunan. Gumanti lang siya ng yakap sa kaibigan habang umiiyak. May tiwala siya kay Cloud at hinayaang ito na ang mag-asikaso sa bangkay ng kaniyang ama.

Sa mansyon ng mga Kho na ibinurol ang bangkay ni Conrad kahit may sarili itong bahay ayon na rin sa kagustohan ng asawa. Lumipas ang maghapon na naging abala silang lahat lalo na sa pag-asikaso sa mga bisitang dumating upang makiramay.

Kinagabihan ay malalim na ang gabi bago napilit ni Cloud ang asawa na magpahinga na muna. Dumating din si Laila upang tulongan ang pamangkin at bahagi na rin ng pamilya. Hinintay lang ni Cloud na makatulog ang asawa bago lumabas upang harapin ang mga kaibigan. Marami pa ring tao sa labas upang makiramay.

"May nauna na sa atin." Pabulong na pagbabalita ni Dexter kay Cloud. Ang bahay ni Conrad ang tinutukoy nito.

Napa-face palm si Cloud at mahinang nagmura.

"Pero sa tingin ko ay wala silang nakuha ayon na rin sa narinig ko." Sabat ni Micko.

Nagulat si Cloud pagkarinig sa tinig ng kaibigan. Ang akala niya ay nasa Manila pa ito at hindi niya napansing naroon na rin sa tabi niya.

"Nakapsok ako sa loob at sinabayan ang kalaban." Patuloy ni Micko.

Napatango si Cloud. Tama lang na naroon ang kaibigan dahil bukod sa kanya ay ito lang ang may kakayahan na kumilos ng mala ninja sa kadiliman.

"Nasaan ang mahalagang bagay na maaring magagamit sa kalaban?" Hawak ang sintido na bulong ni Cloud at nag-isip ng malalim.

"Sa-sa bahay, E-ebidensya." Naalala niyang habilin ni Conrad bago pa ito lagutan ng hininga.

"Sa bahay..." pag-uulit ni Cloud sa naalala sa mahinang tinig lamang habang seryusong nakatingin kina Dexter at Micko.

"Mabuti pa ay madiliin mo na ang pagpalibing sa bangkay upang maasikaso mo na ang mga kailangang asikasuhin." Payo ni Dexter kay Cloud.

"Maari mong sabihin sa asawa mo na ilibing na sa sunod na araw ang ama nito." Segunda na ani Micko.

"Sandali!" Biglang napatayo si Cloud.

Nagkatinginan sina Micko at Dexter sa inasta ng kaibigan. Sa tingin nila ay wala sa kanilang mga sinasabi ang isip ng huli.

"Kailangan nating madaliin," dugtong na ani Cloud.

"Iyan nga ang sinasabi namin kanina pa." Napakamot sa batok si Micko.

"Ipaalam ko na ba sa lahat na bukas na ang libing ni Conrad?" tanong ni Dexter kay Cloud.

"No!" mabilis na sagot ni Cloud.

"Eh?" panabay na naiwika nila Dexter at Micko.

"Nakikinig ba kayo sa akin?" dumoble ang gatla sa noon ni Cloud habang pinaniningkitan ng mga mata ang dalawa.

"Kami pa ang wala sa huwisyo at hindi nakikinig?" naibulalas na reklamo ni Micko. Samantalang si Dexter ay naiiling na lamang. "Ang labo mo, Bro!"

"Tsk! Ang labo ninyong kapulong," palatak na ani Cloud kasabay ng paggala ng tingin sa paligid ng bahay. "Saan ba itatago ng isang tusong kriminal ang sekrito upang hindi mahanap ng kalabam?" Matalinghagang pahayag ni Cloud habang nakadukwan sa harap nila Dexter at Micko.

"Ayon, linawin mo!" Ipinitik ni Micko ang dalawang daliri sa harap ng mukha ni Cloud.

"Paano na nga pala ang tiyohin mo?"

Natigil sa paghakbang si Cloud, lumingon siya at mabilis na bumalik sa kinaupuan ni Dexter. Nawala na sa isip niya ang tungkol sa kanyang tiyohin dahil sa dami ng iniisip.

"Nakakulong siya ngayon." Dugpo pa ni Dexter.

"Nahanap niyo ba ang kasama niyang doctor na nagpanggap?" tanong ni Cloud sa kaibigan.

"Oo, mahigpit din ang bantay sa kulongan at ayaw ipakausap sa hindi kamag-anak kung kaya hindi kami makalapit."

"Si Congressman Tony rin ang nagbigay ng abogado niya. Kalat sa pahayagan na todo suporta ito sa tiyuhin mo bilang matalik na kaibigan." Si Micko na ang nagsalaysay kay Cloud sa kung anong nasagap na balita.

"Mahigpit din ang bantay sa taong kasabwat umano ng iyong tiyohin. Pero nasa balita rin na may mental disorder ang taong iyon."

"Matalino siya at tusong kalaban," Seryuso ang mukha na humarap si Cloud kay Micko. " Kailangang may makapasok na tao natin sa loob ng kulongan."

"Hindi na maari si Ruel, nakilala na siya noong pumadok siya sa kulongan." Sumandal si Dexter sa kinaupuan. Sabay silang tatlo nahulog sa malalim na pag-iisip

"How about, Wigo?" Naisip na suhestyon ni Cloud. Ang alam niya ay hindi nakita ng hepe si Wigo dahil ibang tao ang humarap dito noon. Kaya nga hindi siya madiin sa kaso na siya umanong nag-utos tungkol sa paglusob sa bodeg kung saan nabaril si Conrad.

"Wigo, then!" magkapanabay na sambit nila Micko at Dexter.

"Alam na niya ang technique ni Jeydon kung kinakailangang protektahan niya ang sarili." Tumatango na sang-ayon ni Micko.

Mabilis na nagplano ang tatlo kung paano maipasok sa kulongan si Wigo upang makausap nito si Ted. Matapos magplano ay palihim silang gumala sa buong kabahayan. Paminsan-minsan ay nakihalubilo si Cloud sa mga bisita na nakikiramay. Naroon na ang ina ni Raiko bilang kasapi ng pamilya. Kailangan niyang pauwiin doon ang ginang kasama si Cris, ang kanilang Jr. Agent. Manaka-naka rin niyang tinitignan sa silid ang asawang natutulog. Lingid sa kaalaman nito na nilagyan niya ng pampatulog ang inumin nito kanina na gatas upang makapahinga.

"Matulog ka muna."

Umiling si Cloud bilang tugon sa suhestyon ng ina ni Raiko. Napatingin siya sa orasan, alas tres na ng madaling araw. Gustohin man niyang matulog ngunit ayaw siyang dalawin ng antok. Nag-aalala siya na nasa paligid lang ang kalaban at baka isunod ang kanyang asawa. Dagdag pa ang hindi makapatulog sa kanya ang isiping kung nasaan ang pinapahanap sa kanya ni Conrad. Halos nahalughog na nila ang lahat ng silid upang hanapin ang isang bagay, ngunit bigo silang tatlo na mahanap ito.

"Kayo po ang dapat na magpahinga, ako na muna ang bahalang magbantay dito." Napangiti siya nang sumunod ang ginang sa kanya. Ang tatlong kaibigan ay tulog na rin at siya ang tanging gising pa. May mga katulong at tauhan sila na pwede magbantay sa paligid at asikaso sa mga taong naglalamay, ngunit ayaw niya magtiwala sa katahimikan ng paligid. Sa sunod na linggo ay hearing na ng kanyang kaso at dumagdag sa kaso niya ang tiyohin. Naputol ang pag-iisip nang tumunog ang pribado niyang cellphone.

"Narito na ako sa airport, Boss." Tinig ni Wigo mula sa kabilang linya.

"Good! You can start your job, now?"

"Yes!" maiksing sagot ni Wigo. Determinado siyang mapasok ang kulongan at magawa ng tama ang trabaho. Gusto niyang bumawi sa kapalpakang nagawa at makaganti sa traidor na hepe.

Mabilis na tumungo si Wigo sa lugar kung saan iiwanan ang mga gamit pagkababa sa tawag kay Cloud. Maging ang cellphone ay iniwan niya. Tanging sirang tali na lubid ang suot sa braso.

Nagising si Cloud sa yakap ng asawa kinabukasan. Hindi niya namalayan na nakatulog siya nang tumabi siya dito kanina. Napilitan siyang pumasok sa silid nang ipagpilitan ni Micko na kailangan niyang matulog. Ang tanda niya ay mag-alas singko na siyang pumasok sa silid. Napasapo siya sa ulo nang mapatingin sa orasan, alas syete na pala ng umaga.

"Goodmorning!" bati niya kay Ellah sa namamaos na tinig. Hinaplos niya ang pisngi nito bago kinantalan ng halik sa mata na malungkot nakatingin sa kanya.

"Anong oras ka natulog?" Isinubsob ni Ellah ang mukha sa dibdib ng asawa habang mahigpit na nakayakap sa katawan nito.

"Bakit ang haba ng tulog ko?" Tanong niyang muli dito nang walang sagot na narinig.

"Maayos na ba ang pakiramdam mo?" paglilihis ni Cloud sa paksa. Nag-alala siya dito kagabi dahil bigla itong namutla at nahilo kung kaya pinatulog niya ito.

"Ayaw kong bumangon pero kailangan," malungkot na wika ni Ellah, gusto niyang umiyak ngunit pinipigil niya ang luha na huwag pumatak. "Hindi manlang siya nakahingi ng tawad kay Rain." Bahagyang pumiyok ang kanyang tinig, ang pinsang si Raiko ang tinutukoy.

"Ang mahalaga ay nakahingi siya ng tawad sa iyo bago binawian ng buhay." Malambing ang tinig habang hinahaplos ang buhok ng asawa upang aluin ito. Nasasaktan siya sa isiping kinakain ng kalungkutan ang puso't isipan nito ngayon.

"Dito ka lang muna at ako na ang mag-aasikaso sa mga bisita. Huwag ka munang umalis rito hangga't hindi maayos ang iyong pakiramdam." Mahigpit niyang bilin bago bumangon.

Gusto pa sana ni Ellah na matulog kasama ang asawa ngunit kailangan na nitong bumangon. Halata rin sa mukha ng asawa ang pagod at puyat. Marami ang dapat isaalang-alang lalo na at may kaso pa ang asawa kaya nagpasya siyang huwag na patagalin ang burol ng ama.