CHAPTER 19
Pagkagising ko ay wala na si Sky, pang-umaga na naman kasi sya kaya pumunta na akong banyo para maghilamos muna ng mukha, at para makaluto na ako ng umagahan ko. Pero pagkapunta ko sa kusina ay nakita kong may nakatakip na pagkain at katabi nito ang gamot na kailangan kong inumin. Pinicturan ko ang pagkain at ang gamot at tsaka ko sinend kay Sky na may kasunod na chat na 'thank you'.
Habang kumakain ay napansin ko ang katahimikan ng paligid at ngayon ko lang din naappreciate ang village namin, sobrang nakakakalma kasi kapag ang tanging naririnig mo lang ay mga ibon na lumilipad. Nang matapos akong kumain ay uminom na ako ng gamot. Hindi na rin naman masakit ang sikmura ko pero kasi kailangan kong tapusin ang medication ko sabi ng doctor.
Pagkatapos ay naghugas na ako ng pinagkainan ko at naglinis na rin ako ng bahay. Inilabas ko na rin ang lulutuin ko mamaya para sa tanghalian ko para lumambot na at maluto ko na, baka kasi tamarin na naman ako mamaya kaya maigi na lutuin ko na. Habang naghihintay ay diniligan ko rin muna ang mga halaman sa may bakuran.
Sakto naman na may nagdoorbell kaya pumunta ako sa gate para tignan kung sino iyon.
"Ate, kuya?"
Ngumiti sila sa akin.
"Pasok kayo."sabi ko.
Pumasok kami sa loob ng bahay at pinaupo ko sila sa sala.
"Anong gusto nyong inumin?" tanong ko.
"Lia..." sabi ni ate sabay tapik sa tabi nya.
Umupo naman ako at bigla nyang hinawakan ng mahigpit ang kamay ko.
"Kumusta ka?" panimula nya.
"Pagpasensyahan mo na ang ate at kuya mo ah... Nung nawala sila mama at papa, hindi ka namin naisip, naging makasarili kami... seventeen lang kasi ako noon, hindi ko rin alam gagawin ko at ang pinaka inisip ko lang ay kung paano ako makakatapos. Sorry kasi naiwan ka na pala namin, sorry..." sabi ni ate habang umiiyak.
"Akala ko nakabawi na kami nung nasa ibang bansa na kami, noong napapadalhan ka namin kahit papaano, pero narealize ko lang na hindi rin pala sapat yun, kasi wala kami sa tabi mo nung mga panahon na kailangan mo kami." duktong nya pa.
Umupo si kuya sa sahig at hinawakan din ang isa ko pang kamay.
"Sorry bunso, noong namatay sila mama at papa, naging pakawala ako noon... kaya nga nakabuntis ako, nung nangyari yun tsaka lang ako nagising. Kaya habang nag-aaral kumayod ako para makatapos at mapanindigan ang kalokohan ko. Kaya rin sumama ako sa ibang bansa nung nakagraduate na ang ate mo." paliwanag naman ni kuya.
"Sorry kasi naramdaman mong nawalan ka rin ng ate at kuya, ngayon ko lang naisip kung gaano ka nahirapan nung mga panahon na yun, kung tutuusin ilang taon ang bata mo sa amin noon, kaya sorry kasi wala kami noon sa tabi mo." duktong nya.
"Hindi man namin mapapangako na nandito lang kami dahil kailangan namin umalis ulit dahil doon na ang buhay namin..." sabi ng ate ko habang hinahaplos ang mukha ko.
"Ang masisigurado ko naman sayo ay hindi mo na ulit mararamdaman na mag-isa ka kahit malayo kami." duktong ni ate.
"Kung kailangan mo kami, 'wag kang mahihiyang tumawag sa amin at humingi ng tulong, ha?" sabi naman ni kuya.
Umiiyak akong tumango kaya niyakap nila akong dalawa
"Proud kami sayo.." sabi ni ate.
"Lumaking maayos ang bunso namin." duktong ni kuya.
Pagkakawala sa yakap ay pinunasan ni ate ang mga luha ko at tsaka nagtawanan dahil lahat kami umiiyak.
Dito ko na sila pinakain ng tanghalian kaya dali-dali akong nagluto dahil magtatanghalian na rin pala.
Habang nagluluto ay naghain na si ate, si kuya naman ay kinuha sa sala ang mga pasalubong nilang pagkain at inayos sa cabinet.
"Bakit may pangalan yung cabinet nyo?" tanong ni kuya.
Anong sasabihin ko?
"Ah... kasi may mga pagkain na hindi kinakain si Sky kaya hinihiwalay namin." palusot ko.
"Eh bakit may spam sa kanya tapos sayo rin meron?" tanong na naman niya.
"Baka namali lang ng lagay." si ate na ang sumagot.
"Hayaan mo na dyan kuya, ako na mag-aayos niyan mamaya."
"Nilagay ko na lang muna sa'yo lahat, ikaw na lang maglagay sa cabinet ng asawa mo kung ano kinakain nya." sabi ni kuya.
"Oo kuya." sagot ko.
Pumunta na silang dalawa sa sala pagkatapos para ayusin pa ang ibang pasalubong nila sa amin. Nang matapos na akong magluto ay tinawag ko na sila para kumain.
Huli ko silang kasamang kumain, buhay pa noon sila mama at papa.
Nagsimula na kaming kumain matapos naming mag-sign of the cross.
Habang kumakain kami ay kinukwento nila yung mga pasalubong, kung paano nila naisip bilhin yun at yung hindi sila sigurado kung magugustuhan ko ba, tumatawa pa sila habang nagkwekwento ng mga kapalpakan nila sa pagpili. Napangiti na lang ako kasi kitang-kita sa kanilang dalawa na close talaga sila. Isang taon lang kasi ang pagitan sa edad nila kaya mas naiintidihan nila ang isa't isa at mas close pa sila.
"Uy bakit ang tahimik mo bunso?" tanong ni kuya.
"Oo nga, tsaka nga pala, ayos ka lang ba kahapon? namumutla ka kasi."tanong ni ate.
Kaya kinwento ko na may stomach ulcer ako at nawalan ako ng malay bago pa ako makapagpa-check up, nag-alala sila bigla kaya kinwento ko rin na nandoon naman si Sky at inasikaso nya ako kaya nawala rin ang pag-aalala nila.
"Boto ako kay Sky, mabait na bata at alam kong hindi ka pababayaan kaya kampante ako na sa kanya ka napunta." nakangiting sabi ni ate sabay hawak sa isa kong kamay.
"Tsaka bunso magaling kang pumili, ang gwapo... magandang lahi mabubuo nyo." sabi ni kuya sabay tawa kaya tumawa na rin si ate.
Uminit naman bigla ang mukha ko.
"Uy si bunso namumula." biro naman ni kuya.
"Tumigil ka na kuya. Baby pa rin natin si Lia no." awat naman ni ate.
Napangiti naman ako sa sinabi ni ate.
*
Nagkayayaan kaming pumunta ulit sa puntod nila mama at papa ng magkakasama dahil mamayang gabi na ang flight nila ate at kuya.
"Ma pa, kumpleto na kami." bati ni ate.
"Kasama na namin ang baby natin." sabi pa ni kuya kaya natawa kami ni ate ng mahina.
"Hindi na ulit namin iiwan sa ere si Lia ma pa, nasa ibang bansa nga lang kami, pero pangako po aalagaan na namin sya." sabi ni ate.
Nag-akbayan kaming tatlo habang nakatitig sa magkatabing puntod nila.
"Miss na namin kayo." mahinang sabi ko.
Nanatili pa kami doon ng saglit bago namin napagdesisyunan na umuwi na. Magbobook na sana ako ng masasakyan namin pero biglang tumawag si Sky kaya sinagot ko muna.
"San ka? nakauwi na ako." tanong nya.
"Kasama ko sila ate at kuya, dinalaw namin ulit sila mama at papa, pero pauwi na rin kami." sagot ko naman.
Bumulong si ate at tinatanong kung si Sky ba kausap ko kaya tumango ako.
"Sunduin ko na kayo, para 'di na kayo mahirapan magbook."
"Sigurado ka?" tanong ko.
"Oo naman, share location na lang para mapuntahan ko na kayo." sagot nya.
"Okay sige, thank you." sabi ko bago ko ibaba ang tawag.
"Anong sabi?" tanong ni ate.
"Sunduin na lang daw nya tayo." sagot ko naman.
Kaya habang hinihintay namin si Sky ay nagkwentuhan at nagtawanan muna kami habang nakaupo sa tapat ng puntod nila mama at papa.
Maya-maya ay parang nakita ko na naglalakad si Sky papalapit sa amin na may dalang mga bulaklak, kaya napatayo ako bigla.
"Oh bakit?" tanong ni kuya.
"Hello po." hindi na ako nakasagot kasi nasa tabi ko na pala si Sky.
"Uy, nandyan ka na pala bayaw." sabi ulit ni kuya.
Tumayo na sila ate at kuya.
"Dapat nagtext ka na lang, naglakad ka pa tuloy." bulong ko sa kanya.
"Okay lang, gusto ko rin naman magpakilala sa parents mo." sagot nya.
Wala sa plano ko yun ah.
"Hindi mo pa pinapakilala si Sky?" tanong ni ate.
"Hindi pa kasi..." hindi ko alam iduduktong ko.
"Na-busy rin po kasi kami sa wedding kaya nakalimutan po." sabi ni Sky na kunwari pang kumamot sa ulo.
"Oh Lia, pakilala mo na si bayaw." sabi ni kuya.
Lumapit kami ni Sky sa puntod nila mama at papa.
"Ma pa, si Sky po... asawa ko. Sky, mama at papa ko." pagkasabi ko noon ay naramdaman ko na uminit ang mukha ko.
"Hello po, nice to meet you po. Sorry po ngayon lang, para po sa inyo..." sabi nya sabay lapag ng mga bulaklak sa puntod nilang dalawa.
"Ako na po bahala sa anak nyo po, kaya 'wag na po kayong mag-alala sa kanya." nakangiting sabi ni Sky.
Napangiti na lang din ako sa sinabi nya. Hindi ko rin kasi akalain na mapapakilala ko sya kala mama at papa dahil hindi ako sigurado kung tama ba na ipakilala ko sya, pero ngayon masaya ako na nakilala na sya nila mama at papa, siguro mas mapapanatag na sila sa heaven kapag nakilala nila ang taong pinakasalan ko.
"Tara na love? hatid na natin sila ate at kuya?"
Siguro nagtataka si Sky kung bakit kasama ko sila ate at kung bakit mukhang ayos na kami, pero mas pinili na lang nyang respetuhin ako at hindi na lang magtanong.
Naisip ko tuloy na lahat pala talaga ng mga tao ay may mga kanya-kanyang mga linya sa buhay nila, mga linya na minsan inilalagay natin sa ibang tao, siguro dahil sa takot at siguro para na rin protektahan ang kanya-kanyang sarili.
Katulad nila ate at kuya, katulad ni Sky, at katulad ko... may kanya-kanya kaming mga linya at tanging panahon lang ang makakapagbura noon, kapag handa na at kapag wala ng takot sa mga puso.