Chapter 9
Pareho kaming napabalikwas ni Dion at mabilis na bumangon matapos kaming gambalain ng isang malakas na tunog.
Bakas sa mga mukha namin ang pagtataka at pagkatakot. Tumingin ako sa paligid at nakita ko ang napakaraming ibon na nagsiliparan na para bang natatakot at gusto ng makaalis sa lugar.
"Ano ang tunog na iyon?" kinakabahan kong tanong.
Nilingon ko ito at nakita kong pilit niyang binubuka ang kanyang mga mata na kamumulat lang at para bang gusto pa ng kanyang mga matang pumikit ulit ngunit pinipigilan niya ito dahil sa tensiyong nangyayari.
Kinusot-kusot niya ito bago sumagot.
"Hindi ko alam," sambit niya.
Sabay kaming tumayo at kaagad na pinagpag ang aming mga damit pagkatapos ay mabilis kong dinampot ang mga damit na ibinigay ng tinulungan kong matanda habang si Dion naman ay naghanap ng sanga ng kahoy na pwedeng gamiting panlaban.
Umalingawngaw na naman muli ang isang tunog. Sa sobrang takot ko ay hindi ko nagawang pigilan ang sarili ko at napakapit ako ng mahigpit sa braso ni Dion. Nagulat siya sa ginawa ko ngunit mas nangingibabaw ang nararamdaman naming takot.
Habang nakatingin sa pinanggalingan ng tunog ay naramdaman kong pinisil ni Dion ang kamay kong nakahawak sa kanya kaya kahit papaano ay nabawasan ang nararamdaman kong kaba.
"Wanda," kinakabahan niyang sambit. Inangat ko ang mukha ko upang tingnan siya. "Sa tingin ko isa iyong mabangis na tigre." Dugtong niya sabay lunok ng kanyang laway. Mas lalong humigpit ang pagkakahawak ko sa braso niya, kulang na lang ay magpabuhat ako sa kanya dahil sa sobrang takot.
"A-ano? T-tigre?" nauutal kong saysay. Dahan-dahan naman itong tumango.
Isang tunog ng galit na tigre ang umalingawngaw sa buong gubat. Nagsiliparan ang mga ibon palayo, nagsitago ang mga maliliit na insekto at ang ibang hayop. Ang tigre ang isa sa pinakakinakatatakutan kahit saang gubat.
Mabangis ito at malakas, may taglay rin itong bilis kaya naman hindi maipagkakailang kahit tao ay takot rito.
"Sa timog na bahagi ng gubat nanggaling ang tunog kaya sa norte tayo pupunta." Wika ni Dion na ipinagtataka ko.
Alam kong gusto niyang umiwas sa tigreng nasa timog pero sa timog kami pupunta kaya paano kami makakarating sa puso ng gubat kong babalik kami sa norte?
"Pe-pero kailangan nating magpatuloy sa paglalakad papunta sa timog para marating ang puso ng gubat? Paano tayo makakarating doon kung babalik tayo sa norte?"
"Hindi tayo pwedeng manatili rito. Kailangan nating bumalik at kapag nakalayo na tayo pwede tayong mag-iba ng daan papunta sa timog," paliwanag niya.
Sa tingin ko tama naman ang sinasabi niya. Pwede kaming bumalik sa timog gamit ang ibang daan, ang mahalaga ay makalayo kami rito.
Tumango ako bilang pagsang-ayon sa kanyang naisip kaya naman habang bitbit ko ang mga damit ay dahan-dahan kaming tumalikod at nag-umpisang humakbang pabalik ngunit napatigil kami at napalingon matapos maramdaman ang mga nagsisiliparang mga ibon at ang malakas na kaluskos ng mga halaman.
"Pa-parang papunta na siya rito," sambit ko.
"Takbo Wanda, takbooo!" Sigaw niya saka mabilis na tumakbo.
Tinanggal ni Dion ang kamay kong nakakapit sa braso niya pagkatapos ay hinawakan ng mahigpit ang kamay ko sabay hila. Habang tumatakbo ay ramdam na ramdam namin ang mahinang pag-alog ng lupa sanhi nang bawat pagtalon ng tigre.
"Gaano ba kalaki ang tigreng iyan para mag sanhi ng mahinang pag-alog ng lupa?" tanong ni Dion habang naghahabol sa kanyang paghinga.
"Iyon nga rin ang iniisip ko," sagot ko rito. Ipinagpatuloy namin ang pagtakbo, si Dion ang tagahawi ng mga halamang nakaharang sa dinadaanan namin habang ako ay nakasunod lang sa kanya.
Biglang lumapag sa harap namin ang tigre kaya napaluhod ako sa bigla naming pagtigil habang si Dion ay nagawang huminto nang nakatayo parin. Dali-dali niya akong hinila para makatayo.
Hindi namin inakalang maaabutan kami ng tigre at tatalon ito papunta sa harap namin kaya sobrang nabigla kami. Nanindig ang balahibo ko at sa tingin ko ay pati ang pulang dugo ko ay nagsipagtago rin dahil sa takot na naging sanhi ng pamumutla ko.
Tinitigan ko ang mata ng tigre at mas lalo akong kinabahan nang makita ang kulay pula nitong mga mata na parang kulay ng dugo at ang mga nakalabas nitong mga pangil na may tumutulo pang dugo. Siguro ay may nauna na itong kinaing hayop kanina bago pa niya kami naamoy.
"Dion," bulong ko kay Dion na ngayon ay nanlalamig na rin.
Ikinahig ng tigre ang kanyang isang paa sa lupa sabay atungal ng napakalakas kaya naman pareho kaming mapaupo ni Dion sa lupa matapos makita ang malaking bunganga nito.
Umatras ang tigre ng ilang hakbang habang sabik na sabik na nakatingin sa amin na para bang kumukuha ito ng lakas para sumunggab. Bigla kong naramdaman ang mas lalong paghigpit nang pagkakahawak ni Dion sa kamay ko.
"Takbooo!" Sigaw niya kaya naman sa walang pag-aalinlangan ay kaagad akong tumayo at tumakbo sa dereksiyon na pinanggalingan namin kanina, kung saan kami natulog ngunit napansin kong parang humina ang pagtakbo ni Dion at parang may kung anong masakit sa kanya kaya hindi ito makatakbo ng mabilis.
Tiningnan niya ako sa mata at sa isang iglap ay naramdaman ko nalang na nakasalampak na ako sa gilid. Hinila niya kasi ako ng malakas at nang makalapit na ako sa kanya ay mabilis niya akong itinulak papunta sa gilid na naging sanhi ng pagkatumba niya.
"Dion!" malakas kong sambit.
Napatigil ang tigre sa paghabol at tiningnan nito si Dion na nakahiga sa gitna ng daan habang namimilipit sa sakit ng kanyang balakang na sanhi ng pagtama sa lupa.
"Dion?" Sambit ko sa ikalawang pagkakataon habang tinitingnan siyang nasasaktan. Tumingin siya sa akin at kahit nahihirapan ay pinilit parin nitong magsalita.
"Takbo, Wanda," mahina niyang sambit.
Natatakot ako ngunit hindi ko kayang iwan si Dion sa sitwasyon na ito. Kailangan ko siyang tulungan pero paano ko iyon gagawin?
Nakita kong bigla siyang sinunggaban ng tigre ngunit kaagad itong nakaiwas. Gumulong siya pakanan kaya hindi siya inabutan ng bunganga ng tigre. Sobrang bilis ng pangyayari, pagkatapos maiwasan ang pagsunggab ng tigre ay pinilit niyang bumangon at walang sabi-sabi ay nagpatuloy siya sa pagtakbo na agad namang sinundan ng hayop.
Naiwan ako sa tabi ng damuhan na nanginginig at sobrang nag-aalala para kay Dion.
Tumayo ako at paika-ikang naglakad nang may bigla akong napansin sa lugar kung saan banda natumba si Dion kanina.
"Patalim?"
Naalala ko ang sinabi ni Dion sa kuweba na pinutol niya ang puno ng halaman para iligtas ako. Siguro ay ito ang kutsilyong ginamit niya. Mabilis ko itong dinampot pagkatapos ay inilapag sa lupa ang mga damit na kanina ko pa bitbit. Kumuha ako ng isang damit mula rito pagkatapos ay ipinasok sa loob nito ang natirang mga damit at inilagay ito sa likuran ko na parang isang bag at itinali sa katawan ko ang magkabilang dulo ng damit bilang pangkasa.
Pagkaraang ihanda ang lahat at habang hawak ang kutsilyong nakita ko ay agad akong tumakbo papunta sa dereksiyon na pinuntahan ni Dion at ng tigre. Sinundan ko ang mga nakahawing mga damo dahil alam kong sina Dion at ang hayop ang may gawa nun.
Binilisan ko ang pagtakbo hanggang narating ko ang kinaroonan nila. Naabutan ko si Dion na takot na takot bagama't nakaupo at nakasandal sa isang puno habang nasa harap niya ang tila ba naiinis na na tigre.
Sa bandang kaliwa ng tigre ay mayroong nakahilay na puno ngunit hindi masyado ito nakadikit sa lupa dahil sumabit ang mga sanga nito sa isa pang puno. Saktong-sakto iyon sa gagawin ko.
Naramdaman kong susunggaban na ng tigre si Dion kaya naman mabilis akong tumakbo at umakyat sa nakahilay na puno at nang mapantay ko ang ulo ng tigre ay buong lakas akong tumalon papalapit habang nakataas ang dalawa kong kamay na parehong nakahawak sa kutsilyo.
"Mamatay kang hayop ka!" Sigaw ko habang nakalutang sa ibabaw ng tigre at kasabay ng pagbagsak ko ay sya ring pagtaob ng kutsilyo sa ulo nito.
Napaungol ng sobrang lakas ang tigre nang maramdaman niya ang pagtaob ng kutsilo. Inangat nito ang kanyang ulo kaya napakapit ako sa kutsilyo ng husto para hindi mahulog. Kahit nakataob na ang kutsilyo ay nananatili parin itong nakatayo kaya naman mas lalo kong idiniin ang kutsilyo at pagkatapos ay buong lakas ko itong inikot at doon lamang natumba ang hayop.
Bumagsak ang tigre sa lupa kasama ako at habang nakahiga ay ramdam na ramdam ko ang sobrang panghihina ng aking katawan. Naubos ang lakas ko sa ginawa ko kaya nakatihaya na lamang ako at kahit pagpikit ng mga mata ay halos hindi ko magawa.
Naramdaman kong isinandal ni Dion ang ulo ko sa kanyang balikat at bigla-bigla na lang ay nakaramdaman ako ng pagkaantok kaya naman ipinikit ko ang aking mga mata at tuluyang natulog.
________
Minulat ko ang mga mata ko at tumambad sa akin ang kulay puting paligid. Wala akong ibang nakikita kundi ang kulay puting paligid na sanhi ng makapal na abon.
"Nasaan ako?" Nagtataka kong tanong sa sarili habang pinagmamasdan ang paligid.
"Wanda? Wanda ako 'to, si Jury." Napatingin ako sa pinanggagalingan ng boses ngunit wala akong maaninag dahil sa kapal ng puting ambon.
"Jury? Jury! Nasaan ka?" sigaw ko.
Bigla na lamang may pigura ng tao na dahan-dahang naaaninag sa harap ko. Naglalakad ito papalapit sa akin at habang papalapit ng papalapit siya ay mas lalo kong nakikilala ang mukha niya.
"Wanda," Sambit niya nang tuluyan ng makalapit sa akin.
Biglang nagtubig ang mga mata ko nang makitang totoong si Jury ang nasa harap ko. Tumakbo ako papalapit dito at agad itong niyakap. Isang mahigpit na yakap.
"Sobrang na miss kita. Kuya, patawad. Kasalanan ko ang lahat, patawad," sambit ko habang humahagulgol ng iyak.
Naramdaman ko ang paghigpit ng kanyang pagyakap.
"Hindi mo kasalanan, Wanda. Nakatadhana ang lahat at ako dapat ang humihingi ng tawad sa'yo. Patawad dahil naging malupit ako sa'yo, pero ang totoo mahal na mahal kita. Mahal na mahal ko ang kapatid ko at naduwag lamang ako kaya hindi ko magawang iparamdam iyon sa'yo. Patawad. Patawad dahil nawala ako, ako dapat ang nagpoprotekta sa inyo, ako dapat ang naghihirap ngayon at hindi ikaw, at ako dapat ang nagbabantay sa inyo pero anong ginawa ko? Isa akong duwag!" wika niya habang umiiyak.
"Bumalik kana kuya. Gusto na nang makita at makasama nina Mama at Lola. Gusto kitang makasama sa bahay. Bumalik kana."
"Hindi na puwede kapatid ko." Humiwalay siya sa pagkakayakap at hinawakan niya ako sa magkabilang balikat. Habang nakatingin sa mga mata ko ay may bigla siyang sinabi. "Wanda, ikaw na lang ang natirang pag-asa ng pamilya natin. Alagaan mo sina Mama at Lola. Alagaan mo ang pamilya natin," sambit niya.
Tumango ako at pagkatapos niyang sabihin ang lahat ng iyon ay pinunasan niya ang aking mukha na basang-basa ng luha.
"Kailangan ko ng umalis." Dugtong pa niya.
Matapos marinig ang huling sinabi niyang iyon ay mabilis kong hinawakan ang kanyang kamay. Kailangan ko siyang pigilang umalis.
"Huwag kang aalis Kuya, hindi ako papayag na aalis ka," sabay iling-iling ko.
Ngumiti siya at dahan-dahan tinanggal ang kamay kong nakahawak sa kanya. Hindi na siya sumagot, nakita ko na lang ang dahan-dahang paglaho niya. Sinubukan kong hawakan siya ngunit tumatagos na ako. Hindi ko na siya mahawakan.
Iyak ako nang iyak habang tinitingnan siyang dahan-dahang naglalaho. Sinisigaw ko ang pangalan niya baka sakaling bumalik siya ngunit walang nangyari bagama't tuluyan na siyang nawala sa paningin ko.
Sa huling pagkakataon ay sumigaw akong muli. Isang malakas na sigaw.
"Wanda! Ayos ka lang ba?"
Tumambad sa akin si Dion na nag-aalala nang imulat ko ang aking mga mata.
"Nanaginip ka. Ayos ka lang ba?" dugtong niya. Wala akong nagawa kundi ang tumango nalang kahit sa loob-loob ko ay gusto kong humagulgol ng umiyak.
"Kumuha ako ng karne ng tigre kanina at niluto ko, naghukay rin ako ng maliit na balon, nagbabakasakaling may tubig sa ilalim at buti na lang at mayroon nga." Wika niya kaya kaagad akong bumangon.
Naamoy ko kasi ang karneng niluto ni Dion kaya bigla akong nagutom ng husto. Ilang araw ring wala kaming maayos na kinain kaya gutom na gutom ako.
Inabutan ako ni Dion ng lutong karne na agad ko namang tinanggap at kinain.
"Oh! Dahan-dahan lang, baka mapaso ka," pagpapaalala niya. "May kailangan pala akong ipakita sayo," Dugtong niya. Sigurado akong walang kwentang bagay lang ang ipapakita niya kaya hindi ko na lamang ito pinansin at nagpatuloy na lang sa pagkain.
"Sa tingin ko narating na natin ang puso ng gubat," sambit niya na talagang nakakuha ng buong atensiyon ko. Tumigil ako sa pagkain at tumingin sa kanya. Hindi ako nagsalita ngunit alam niyang naghihintay ako sa susunod niyang sasabihin.
Tumayo siya at naglakad ng ilang hakbang pagkatapos ay hinawi ang isang sanga na nasa kanyang harapan.
"Tingnan mo,"
Tumayo ako at lumapit sa kanya at tiningnan ang dereksiyon na itinuro niya at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang malaki at mataas na kulay itim na palasyo sa ibaba ng kinatatayuan namin. Nakatayo kami sa itaas ng pampang habang ang palasyo ay nasa ibaba kaya kitang-kita namin ito. Hindi masyadong mataas ang kinaroroonan namin kaya hanggang gitna lang kami ng palasyo ngunit nakikita parin namin kung gaano ito kataas.
Mukhang tahimik sa paligid. Walang kahina-hinala. Wala ring makikitang mabangis na hayop o hindi kaya ay halimaw na nagbabantay sa labas. Natanaw ko mula sa kinatatayuan namin ang pinto ng palasyo at talaga namang nakakakakilabot. Sa bandang itaas kasi ay may nakaukit na bungo ng tao, dagdagan pa sa kulay nito.
May mga uwak ring lumilipad sa ibabaw ng palasyo. Iniikutan nila ito na hindi ko mawari kung binabantayan ba nila ang palasyo o hindi kaya ay may ibang ibig sabihin ng pag-ikot nila. Walang may alam.
Bumalik ako sa kinauupuan ko kanina at ipinagpatuloy ang pagkain. Ganun rin ang ginawa ni Dion. Kailangan naming magpalakas lalo na at hindi namin alam kung ilan at sino ang makakalaban namin.