Chapter 9
BAGO ko buksan ang pintuan ay ilang minuto akong nagdasal at ikinondisyon ang utak ko sa puwede kong makita.
Parang tumigil ang mundo ko.
“Saan ka galing?”
Sinalubong agad ako ni Nola na parang hinihintay niya talaga ang pagdating ko.
Patay na siya.
Kahit pa ayokong paniwalaan sina Gift at Torque, naroon na ang lahat ng ebidensiya at katotohanan.
Pero bakit?
Bakit kita nakikita?
“Cari, natulala ka na,” untag niya sa akin at niyakap ako nang mahigpit. “Puwede ba akong mangutang?”
Ilang beses akong napalunok. Napapikit ako dahil sa pagpipigil ko sa pagsigaw.
Nararamdaman ko siya.
Nakayakap siya sa akin.
Nola . . .
“Ano pa ang kailangan mo sa akin?” seryoso kong tanong.
Naramdaman ko ang dahan-dahang pagkalas niya ng yakap.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” kunot-noo niyang tanong.
Ayoko man siyang diretsong tingnan, awtomatiko kong sinalubong ang mga tingin niya.
Siya pa rin si Nola.
Walang kakaiba sa kanya.
“Kaano-ano mo sina Torque at Gift?” diretso kong tanong.
Tumaas ang isang kilay niya. “Boss ko si Sir Torque. Si Gift? Pangarap mong hindi mo kahit kailan maaabot.” Tumawa siya.
Ni hindi ko magawang sabayan ang kasayahan niya.
“’Y-yong totoo, Nola Keva Serrano. Magkaibigan tayo. Ano ang totoo?”
Sumeryoso ang mukha niya. Isang minuto ng katahimikan ang lumipas. Hindi siya sumagot.
“Nola, alam ko na ang lahat. Ano’ng gusto mong gawin ko?”Halos mag-panic ang boses ko dahil hindi ko alam kung tama ba ang sinasabi ko.
Tama ba ang pinapaniwalaan ko?
“Cari, stressed ka lang,” sagot niya. Lumayo siya sa akin. Lumapit siya sa cabinet niya at kinuha ang pink notebook na madalas niyang hawak.
Ang notebook na ’yon.
Ano ang nakasulat sa notebook na ’yon?
Mabilis akong lumapit sa kanya at hinablot iyon. Para akong hayok na binuklat nang binuklat ang mga pahina at binasa nang mabilis ang mga nakasulat.
Halos mabitiwan ko ang notebook dahil sa panghihina at gulat. Napatakip ako ng bibig. Pakiramdam ko ay bumaligtad ang puso ko.
Ang mga nakasulat doon ay ang mga nangyari sa amin ni Torque mula nang magkapalit kami.
Para siyang isang writer na nagsusulat ng isang kuwento.
Binuklat ko pa iyon hanggang sa makarating ako pagkatapos ng huli naming pagkakapalit. Isang pahina na lang ang may sulat.
“Cari, ayaw pumasok ni Torque sa female pool. Ikaw ang papasok, okay lang ba?”
Nanigas ang buong katawan ko nang magsalita si Nola. Halos pabulong na ang boses niya.
Nakatitig ako sa last page ng notebook pero hindi ko maisaksak sa isip ko ang mga nakasulat doon dahil sa sinabi niya.
Nanindig ang balahibo ko. Daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig.
“Tulungan mo ako, Cari.”
Pakiramdam ko ay umiikot ang paligid. Nanghihina man ay pinilit kong lumingon kay Nola.
Napasinghap ako.
Basang-basa siya. Tumutulo sa sahig ang tubig na umaagos galing sa buong katawan niya. Halos hindi ko na siya makilala sa sobrang putla ng mukha niya. Nangingitim na rin ang mga labi niya. Unti-unti siyang ngumiti sa akin.
“Sorry.”
Iyon lang at para akong tinakasan ng kaluluwa.
***
“NILAGYAN mo na?”
“Oo. Sigurado ka ba na ’andito siya mamaya?”
“Oo. Tuwing alas-kuwatro siya ’andito.”
“Sigurado ka na ba diyan, Sally?”
“Oo! Inalis niya sa trabaho si Jun! Sumosobra na siya! Hindi por que maganda siya, akala niya lahat ng lalaki ay minamanyak siya!”
Hindi pa man nagmumulat ang mga mata ko ay awtomatikong bumangon ang katawan ko. Umikot agad ang paningin ko sa paligid.
Napasinghap ako nang mapagtanto ko kung nasaan ako—sa locker room ng swimming pool ng mga empleyado ng EnKay. Ito rin ang lugar na pinanggalingan ko kanina.
Sandali.
Swimming pool?
Dito ba namatay si Nola?
Bigla akong nakaramdam ng pangingilabot.
“Sally, baka kung mapaano si Ma’am.”
“Ano ka ba, Lilac, tatakutin lang natin siya.”
“Ano’ng gagawin ninyo?” nawiwindang kong tanong. Sabay silang napalingon sa direksiyon ko. Hindi sila nagulat. Tumaas pa ang isang kilay ni Sally.
“Daisy?” kunot-noong tanong ni Lilac.
Daisy?
Huh?
Teka . . .
Si Daisy ang kahera sa Enkay.
Si Daisy naman ba ang naging kapalitan ko?
Napamura ako nang mahina at sinabunutan ang sarili ko. Ano ba’ng nangyayari? Kung sino-sino na ang nililipatan ng kaluluwa ko!
“Hindi ak—”Naputol ang pagsasalita ko nang may magsalita.
“B-bakit kayo ’andito?”
Napalingon ako sa likuran ko nang marinig iyon. Napasinghap ako nang makita ko si Daisy. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang tatlo.
“Bakit kayo ’andito?” muli kong tanong. Pero walang sumagot sa akin. Para akong hangin na hindi nila napapansin. Sinubukan ko silang kaway-kawayan pero hindi talaga nila ako nakikita.
“Ikaw? Bakit ka ’andito?” balik-tanong ni Sally. Nagkatinginan sila ni Lilac.
Hindi ko maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila pero sigurado akong hindi ako nag-e-exist sa paningin nila.
Swimming pool naman nila ’to, ’di ba? Bakit magtatanungan sila kung bakit nandito ang isa’tisa?
“May nakalimutan lang ako,” sagot ni Daisy at naglakad na siya papunta sa mga locker. Nang matagpuan niya iyon ay may kinuha lang siyang naka-brown envelope.
Binalingan niya sina Lilac at Sally. “Mamaya na raw i-a-announce kung sino ang mapo-promote bilang manager ng EnKay. Ano’ng ginagawa ninyo rito?”
“May nakalimutan lang din kami. Sabay-sabay na tayong umalis. Baka hanapin na rin tayo ni Sir Torque,” yaya ni Sally.
Iyon lang at lumabas na sila.
Naiwan akong tulala. Pilit kong isinusuksok sa utak ko ang nangyayari habang naglalakadako paikot-ikot sa locker room.
Sigurado akong hindi kami nagkapalit ni Torque dahil kilala nila ang kangaroo.
Teka.
Announcement ng magiging manager ng EnKay?
Hindi ba’t si Lilac na ang manager ng EnKay?
Natigilan ako nang makarinig ako ng yabag ng mga paang parating. Awtomatiko akong nagtago sa gilid ng locker.
“Kuya naman. I like it to be very simple. Si Torque lang ang invited. Wala naman akong ibang kaibigan.”
Natutop ko ang bibig ko nang makita kong pumasok si Nola. Naka-plain blue halter dress siya na tinernuhan ng itim na flat sandals. Nakatapat sa tainga niya ang cellphone.
“Nola Keva!” bulalas ko at mabilis akong lumapit sa kanya.
Pero hindi ko siya nagawang hawakan. Katulad kanina, para akong hangin na hindi niya nakikita.
Inilapag niya ang cellphone sa may upuan at binuksan ang locker niya, kinuha ang swimsuit na isusuot.
Teka, iyon ang suot niyang one piece suit nang makita ko siya sa pool!
“What about the one you told me na nakilala mo during your highschool day? You told me you became friends in a day.” Naka-loudspeaker na ang tawag kaya narinig ko iyon.
“Kuya Gift, that was years ago! Hindi na kami magkakilala,’no,” natatawang sagot ni Nola.
Si Gift ang kausap niya.
Siya nga ang Kuya niya.
“How about the announcement later? Hindi mo ba sasamahan si Torque? It’s your company, too.”
“Torque is the best guy in the universe. Kaya na niya ’yon. I want to relax, Kuya. Birthday ko na sa makalawa. Kailangan maganda ako.”
Walang pakundangang naghubad ang bruha sa harapan ko atsaka isinuot ang swimsuit.
Talaga palang maganda ang katawan niya.
Napailing ako sa naisip kong iyon. Nilinawan ko ang diwa ko.
Narinig ko ang pagtawa ni Gift. “Sobra ka na sa kagandahan, Nola. Umuwi ka nang maaga. Belle likes to see you.”
Inipitan ni Nola ang mahabang buhok. “Yeah, sure.”
“Okay, baby. Bye. Love you.”
“Love you, too, Kuya.”
Tila may hinanap pa siya sa loob ng locker. Nang hindi matagpuan kung anuman ’yon ay napasimangot siya at mahinang napamura.
Kinuha niyang muli ang cellphone at pinatay na ang tawag. Nang isara niya ang locker ay may nahulog na malaking gagamba.
“Oh my god!” bulalas ni Nola at inihagis iyon sa direksiyon ko.
Napairit ako dahil takot din ako sa gagamba. “Gago ka!” bulalas ko at nagmamadali akong tumakbo. Si Nola ay mabilis ding lumabas ng locker room. Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa mismong swimming pool.
Takot na takot si Nola. Panay ang buntonghininga niya para kalmahin ang sarili. Napapikit pa siya nang mariin dahil siguro sa inis.
Napanganga ko nang mapansin ko ang paligid. Namangha ako sa nakita ko. Hindi ito ang pool na parang inabandona kanina.
Ang pader ay natatakpan ng magkakatabing kawayan na buhay na buhay ang pagkaberde. May maliit na falls sa gitnang bahagi nito na may nakaukit na EnKay sa itaas kung saan nanggagaling ang tubig. Maraming benches sa paligid. Ang mismong pool ay may ilaw sa ilalim na nagbibigay buhay sa tubig nito.
“Whoever did that will get fired!” inis na bulalas ni Nola nang makabawi siya mula sa pagkagulat. “Pakakainin ko siya ng dalawang kilong sapot ng gagamba!”
Gigil siyang nag-type sa cellphone niya. Mabilis akong nagpunta sa likuran niya para makita kung sino ang i-te-text niya—nagsusumbong siya kay Torque.
Pero hindi niya iyon na-i-send. Na-cancel niya ito nang mapukaw ang atensiyon niya sa kaliwang bahagi ng pool.
“What is that?” tanong niya sa sarili. Inilapag niya ang cellphone sa bench na inuupuan niya at tumayo siya.
Dahan-dahan siyang naglakad papunta kung saan naroon ang atensiyon niya. Hindi ko naman alam kung ano ang kapansin-pansin doon.
Nang makarating kami sa tinitingnan niya ay noon ko lang nakita na may kakaiba sa may gutter ng pool. Puting-puti ang gilid nito kaya hindi agad mapapansin ang puting likido na nasa sahig.
Umupo siya at tumungo. Hinawakan niya iyon.
“What is this sticky thing?” nawiwindang niyang tanong. Napailing siya at napairap. “Soap? Hindi naglinis nang maayos ang janitor.”
Tumayo siya at tiningnan ang tubig. Sinipat niya ang mga gilid para siguro tingnan ang kalinisan. Paghakbang niya ay bigla siyang nadulas.
“Nola!” sigaw ko at nagmamadaling lumapit sa kanya.
Napaupo siya at impit na napasigaw habang hawak ang balakang niya.
“Buwisit!” bulalas niya.
Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti na lang at hindi siya nabagok.
Teka.
Ano na nga ba ang nangyayari?
Pakiramdam ko ay biglang bumigat ang ulo ko. Parang may bombang puwedeng sumabog kahit anong oras.
Sa inis ni Nola ay bigla na lang siyang nag-dive sa tubig.
Napaawang ang bibig ko sa gulat. Mag-iisang minuto na ay hindi pa siya umaahon pero nakikita ko siya sa ilalim.
“Nola!” tawag ko sa kanya.
Para naman niya akong narinig. Umahon siya mula sa ilalim. Nakapikit siya at parang hirap na hirap makadilat.
“Fuck,” pahayag niya. Nasa gitnang bahagi na siya ng pool.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong ayos lang siya. Nakapikit pa rin siya pero maayos naman siyang nakalutang sa tubig habang kinakawag-kawag ang mga binti niya.
Marunong siyang lumangoy.
Teka.
Ano na ba ang nangyayari?
Narinig kong nag-ring ang cellphone niya. Hindi niya yata ito naririnig. Nagtatakbo ako papalit sa bench na inupuan niya kanina.
Tumatawag si Torque.
Sisigawan ko sana si Nola nang may narinig akong hakbang mula sa likuran ko. Mabilis akong napalingon.
Huh? Ano’ng ginagawa niya rito?
Sinundan ko siya ng tingin. Napakunot-noo ako nang makita kong yumuko siya at tila may pinihit sa kaliwang gilid ng pool.
Sa isang iglap ay tila nagkaroon ng alon ang tubig. Unti-unti itong lumalakas. Ganito ang nakikita ko sa TV, sa mga high end na resorts. Hindi ko alam kung anong mekanismo ang mayroon dito. Bahagya akong namangha. Nagmistulang maalon na dagat ang swimming pool.
“Help!”
Awtomatikong napadako ang tingin ko kay Nola. Para akong tinakasan ng kaluluwa. Saglit na nanlabo ang mga paningin ko.