Chapter 8

“B-BESTFRIEND?” nauutal kong tanong. Ilang beses akong napaubo dahil doon.

Hindi gumagana ang utak ko. Hindi ko ma-absorb ang sinabi niya.

Bestfriend niya si Nola?

“Why are you asking Reiko to find her?” Galit ang boses ni Torque pero nabakasan ko iyon ng lungkot.

Imposible.

Tatanggalin mo ba sa trabaho ang sarili mong bestfriend?

Baka naman magkapangalan lang.

“Baka naman nagkakamali lang kayo ni Gift. Ibang Nola siguro ang tinutukoy ninyo. Kasama ko si Nola at magkaibigan kami. Si Nola Kev—”

“Nola Keva Serrano, Gift Serrano’s sister.”

Halos malaglag ang panga ko sa sinabi niya. Literal akong napanganga. Namanhid ang buong katawan ko. Hindi ko na maramdaman ang lamig na dulot ng klima sa lugar na ito.

Nola Keva Serrano.

Kapatid siya ni Gift.

Bestfriend siya ni Torque.

Napailing ako at napapikit. Lalong sumakit ang ulo.

“I’m asking you, Caricia. Bakit mo kilala si Nola?” seryosong tanong muli ni Torque. Hinawakan niya ang dalawa kong balikat. “Pinapatunayan mo bang scammer ka?”

Nagpanting ang tainga ko sa sinabi niyang iyon.

“Scammer? Gago ka ba? Hindi mo ako kasing yaman pero hindi ako nanloloko ng tao!” inis kong bulyaw sa kanya.

Hindi ko maintindihan kung bakit scammer ang tawag niya sa akin. Ganoon siguro silang mayayaman.

“You used Nola’s name to get a discount in EnKay, Caricia.”

“And so what!” Nadala na ako sa pag-i-Ingles niya. “Doon siya nagtatrabaho bilang saleslady kaya puwede ako sa discount! Siya ang nagsabi sa akin na humingi ako ng discount!”

“What?!” bakas na bakas ang galit at iritasyon sa mukha ni Torque. “Nola and I own EnKay. She was the one who chose the name of our business. Why would she work as a saleslady in her own boutique?”

Lalong nawindang ang buong mundo ko. Nahihirapan akong intindihin ang lahat ng iyon pero malinaw na malinaw sa pandinig ko ang mga sinabi ni Torque.

“And one more thing, Nol—”

Para akong biglang bumagsak kung saan. Nang magmulat ako ay nasa kama na ako sa apartment namin.

Sobrang bigat ng pakiramdam ko. Palagay ko ay nilalagnat ako.

“Cari, buntis ka ba? Tulog ka nang tulog,” puna ni Nola habang nagpapalaman siya ng tinapay. Naroon pa rin siya sa dining area.

Hindi ako makapagsalita dahil nasa utak ko pa rin ang mga sinabi ni Torque.

Tiningnan kong mabuti si Nola.

Ano ba ang totoo?

Nangibit-balikat lang siya nang hindi ako sumagot. Tinalikuran niya ako at nag-hum siya ng kantang hindi ko mahulaan kung ano.

Tumayo ako at dumiretso sa CR. Naghilamos ako at hinayaan kong nakabukas ang gripo. Napatitig ako sa salamin.

“Nananaginip ka lang, Caricia. Lahat ng nangyari, panaginip lang. Tama, panaginip lang,” kausap ko sa sarili ko.

Walang ibang paliwanag doon. Lahat ng nangyari ay panaginip lang.

Tumango-tango ako sa sarili ko bago ko pinunasan ang mukha ko.

Ibig sabihin, may trabaho pa rin ako at si Nola. Tama. Nag-umpisa ang lahat sa discount. Bago iyon ay maayos ang buhay namin.

Niyugyog ko nang malala ang ulo ko bago ako lumabas ng CR. Isang masamang panaginip lang ang lahat.

“Cari, ano’ng gusto mong ilibre ko sa ’yopagkasahod ko?” salubong sa akin ni Nola.

Napangiti ako.

O,’di ba?

Sasahod siya dahil may trabaho pa rin siya.

Nakahinga ako nang maluwag. Parang nabunutan ako ng tinik sa buong katawan.

Sasagot na sana ako nang may kumatok sa pintuan.

“Ikaw na, please. Masakit puson ko, e,” pagpapa-cute ni Nola.

Inirapan ko lang siya at naglakad na ako papunta sa pintuan. Si Aling Ligaya ang napagbuksan ko.

“Ano po iyon?” tanong ko.

“May naghahanap saiyo. Nandoon sa lobby,” sagot niya at tila sumisilip sa loob.

Nakita kong kinawayan ni Nola si Aling Ligaya. Napaismid lang ang matanda.

Sinenyasan ko si Nola na lalabas lang ako. Tumango lang siya.

Sinundan ko si Aling Ligaya papunta sa lobby. Napatakip ako ng bibig nang makita kosi Torque roon.

Nakasuot siya ng kulay baby pink na polo shirt na tinernuhan ng puting short at sapatos. Napatingin ako sa suot ko. Nakaputing V-neck shirt lang ako at pajama.

“Caricia,” tawag niya sa akin nang lumingon siya.

Nanlaki ang mga mata ko.

Caricia?

Teka, bakit kilala niya ako?

Hindi dapat kami magkakilala!

Tinalikuran ko siya at mabilis na naglakad pabalik. Baka tuluyan akong mabaliw kapag kinausap ko pa siya.

Pero nahawakan niya ang braso ko at buong puwersa akong iniharap sa kanya.

“Why are you running away?” nagtataka niyang tanong.

“Hindi kita kilala,” pahayag ko. Napalunok ako dahil sa pagsisinungaling kong iyon.

“We need to talk.”

“Wala tayong dapat pag-usapan. Makakaalis ka na.” Tumingin ako sa malayo.

“Gift wants to see you.”

Napatingin ako sa kanya dahil sa bahagyang pagkagulat. “Si Gift? Bakit?”

Hinila na lang ako basta ni Torque.

“Teka, ’andoon si Nola sa apartment! Isasama ko siya!” bulalas ko.

Hindi niya ako pinansin. Hindi ako makawala sa hawak niya dahil sa sobrang higpit.

Naisakay niya ako sa kotse nang walang kahirap-hirap. Hindi ako nakaimik hanggang sa tumigil ang sasakyan at bumaba kami ni Torque.

Bigla akong nanghina nang sa wakas ay makarating kami kung saan naroon si Gift. Nagliwanag ang mukha niya nang makita niya ako.

“Cari!” tawag niya sa akin.

Tulala ako habang nakatingin sa likuran ni Gift. Pakiramdam ko ay tumigil ang tibok ng puso ko.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Naging blanko ang lahat ng nasa paligid.

“I don’t know what to say but one thing is for sure . . . ikaw lang ang makakapagpaliwanag ng lahat, Cari,” wika ni Gift.

Walang salitang gustong lumabas sa bibig ko. Parang hindi ko rin kayang ibuka ang mga labi ko.

“I talked to the apartment lady. You’ve been paying the rent for two for the past two months. Madalas ka rin daw niyang makitang may kausap. She said nagdala siya ng albularyo para tingnan ang room mo pero tumanggi ka,” paliwanag ni Torque.

“Same with your workmates. Ms. Jen has been observing you. She decided na pagbakasyunin ka dahil baka stressed ka lang. She tried to talk to you pero lagi ka raw nagmamadali dahil may usapan kayo ng kaibigan mo na never naman nilang na-meet.”

Lalo akong napako sa kinatatayuan ko. Tuluyan na ba akong nabaliw?

“And, Cari, I’ve checked the CCTV the day you went in my home. Ang sabi rin nina Kuya Jigs at Kuya Esme, kausap mo raw ang sarili mo.”

Napapikit ako nang mariin.

Hindi puwede.

Hindi ’yon puwedeng mangyari!

Kaya ba tuwing bubuksan ko ang cabinet ng pagkain at gamit namin ay parang hindi naman nababawasan?

Kaya ba tuwing may kakatok, ayaw niyang siya ang magbubukas?

Imposible.

Nakakatabi ko siya sa kama.

Niyayakap ko siya.

Nakakainuman ko siya.

Imposible!

“She died three years ago,” pahayag ni Gift. Kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya. Si Torque naman ay napatungo.

Tiningnan ko ang petsa ng pagkamatay niya. Ito rin ang parehong araw na sinabi niya sa akin na birthday niya kaya makakahingi siya ng discount sa EnKay.

“I-imposible. Imposible ’yan! Dumating siya sa apartment ko at magkasama kami ng ilang buwan!” bulyaw ko sa kanila.

Hindi ako nahihibang.

Kasama ko talaga si Nola!

Hindi ko namalayang tumulo na ang luha sa mga mata ko. Nagtuloy-tuloy ito na parang hindi na titigil.

“S-siguro, style ninyo ’to para mabili ang lupa ni Lolo! Tama ako,’di ba? Para sabihin ninyo sa attorney na baliw na ako?” inis kong pahayag. Pinunasan ko ang luha ko.

Tama!

Bakit naman sila magiging interesado sa kakapiranggot na lupa?

Matatalino talaga sila!

“It was her death anniversary when I dreamed of her. Pinapunta niya ako sa lugar na ’yon and told me that I could find something in that place,” paliwanag ni Torque.

Nanlaki nang bahagya ang mga mata ko. “Sa tingin mo ay maniniwala ako?”

“Cari, Nola drowned. Iyon ang ikinamatay niya. Hindi kami naniwala. But we never had a suspect dahil mag-isa lang siyang nasa pool. Walang nakakita na may pumasok na ibang tao roon.”

Napatakip ako ng bibig.

Lalong bumilis ang tibok ng puso ko.

“We still couldn’t believe na malulunod siya. She knew how to swim. But we never find something that will prove that something in her case was missing.”

Napaupo ako dahil sa panghihina. Pakiramdam ko ay nabaliw na talaga ako. Hibang na hibang na ako sa dami ng iniisip ko.

“Nasa apartment ko si Nola. Iniwan ko siya doon ngayon. Kahit tingnan ninyo pa,” walang buhay na pahayag ko sa kanila.

Kumakain siya ng tinapay at nagsusulat.

“That can never happen, Cari. Nola is dead.”

Marahan akong napatango pero hindi pa rin sumasang-ayon ang utak ko sa sinasabi nila.

“Kung ganoon, ano ang napala mo sa lupa ng lolo ko? Napuntahan mo na, ’di ba? Maniniwala ako sa inyo kung may nakita kayo,” seryoso kong pahayag.

Baka mamaya ay isang malaking joke lang ang lahat.

“I found nothing,”diretsong sagot ni Torque.

“Kung ganoon, wala na tayong dapat pag-usapan.” Tumalikod na ako sa kanila. “Ipahatid mo ako sa driver ninyo.”

“But that can mean the answer is you, Cari,” pahayag ni Gift. “If Nola is seeing you, maybe she wants you to discover something. Please help us, Caricia.”

Napalunok ako sa sinabing iyon ni Gift. Dama ko ang pagmamakaawa niya. Hindi na muli nagsalita si Torque. Tumahimik na siya.

“Alam mo ba ang nangyari sa amin ni Torque? Paano mo ’yon ipapaliwanag? Magmumukha akong baliw kung ikukuwento ko iyon sa iba.” Muli akong humarap sa kanila.

“Torque told me everything. I didn’t know you switched. Nobody knows it except the two of you. Wala sa isip ko na ikaw ang kausap ko. I can’t even believe it. Hindi ko rin alam kung paano iyon ipapaliwanag, Cari. Even Torque considered seeing a psychiatrist.”

Natahimik ako.

Kung ganoon, hindi panaginip ang lahat.

Kung ganoon, nangyari nga ang lahat.

Sa loob lang ng ilang araw.

“Did something weird happen when you and Torque switched?” tanong ni Gift.

Weird? Mayroon ba?

Napakurap ako nang maalala ko ang swimming pool.

“Can you tell me where she died?” usisa ko. Napayakap ako sa sarili ko dahil sa mga naiisip ko.

“In a private female pool of EnKay’s employees,” sagot ni Torque.

Napasinghap ako.

Nag-angat siya ng tingin sa  akin. Kung noong unang pagkikita namin ay para siyang tigre, ngayon ay puno ng lungkot at panghihina ang awra niya.

Nakagat ko ang ibabang labi ko. Hindi ko na alam sa sarili ko kung totoo pa ba ako at totoo pa ba ang mundo kung nasaan ako ngayon.

Pero isa lang ang sigurado ako. Kung anuman ang dahilan bakit ito nangyari, kailangan ako ng kaibigan ko.

Binalingan ko si Gift. “Ihatid ninyo na ako sa apartment. Kailangan kong makausap si Nola.”