Chapter 7

“ANO po ang kailangan nila?” bungad na tanong sa akin ni Aling Ligaya.

Dumiretso ako sa apartment namin. Mabuti na lang at naroon si Kuya Esme sa labas ng swimming pool. Hindi ko alam kung saang lugar nakatayo ang secluded building na iyon. Hindi ko naman mausisa ang driver ni Torque dahil magmumukha na naman akong tanga.

“’Andiyan po ba si Torque?” usisa ko. Kakaiba ang tingin na ipinukol sa akin ni Aling Ligaya. Tila kinikilatis niya kung puwede niya akong maging boarder.

“Umalis kanina, nagmamadali, e. Bakit? Kaano-ano mo? Pangalawang tao ka nang naghahanap sa kanya.”

Tumango-tango ako at napaisip.

Saan naman kaya pumunta ang lalaking iyon?

Bigla tuloy akong kinabahan. Baka kung anong kalokohan ang gagawin niya sa buhay ko.

“E,’yong kasama niya po sa apartment,’andiyan po ba?” pagbabakasakali ko dahil baka mamaya ay niloloko lang ako ng buwisit na lalaking iyon.

Kumunot ang noo niya. “Kasama? Wala siyang kasama rito. Sinabi niya ba sa iyo na may kasama siya sa apartment?” gulat niyang tanong.

Napailing ako. “Ah . . . w-wala po. Sige po.” Tinalikuran ko na siya. Baka mamaya ay iba ang isipin niya at paalisin niya kami sa apartment.

Muli akong sumakay sa sasakyan atnapabuntonghininga. Kung talagang wala si Nola rito, saan ko siya mahahanap? Imposible namang may pangalan siya sa locker pero hindi naman siya empleyado ng EnKay?

Teka, wala namang imposible sa panaginip na ’to,’di ba?

Hindi ko alam kung alin ang uunahin ko, hahanapin ko ba si Nola o hahagilapin ko si Torque?

“Ma’am?” untag sa akin ni Kuya Esme.  Napatingin ako sa kanya. Hawak niya ang cellphone sa kanang kamay.

“Nasa kabilang linya po si Reiko.”

Reiko?

Nagningning ang mga mata ko nang marinig ko iyon.

Tama! Si Reiko ang solusyon.

“Yes, Reiko?” tanong ko nang maitapat sa tainga ko ang cellphone.

“Ma’am, the record you requested just arrived. Torque Gonzales is really living alone in that apartment. No family, no relative. The only family he had is his grandfather, Luisito Gonzales, whom he inherited the property. Nakausap ko na rin po ang workmates niya at owner ng apartment.”

Kumunot ang noo ko.

“Pinaiimbestigahan ba ako ng kangaroo na ’yon?” hindi ko napigilang bulalas.

“Ma’am?” naguguluhang tanong ni Reiko.

Napairap ako. Humanda sa akin ang lalaking iyon!

“Reiko, tigilan mo na ang pag-iimbestiga kay Torque. May ipapahanap nga pala ako sa ’yong tao,” pag-change topic ko. “Kaya mo ba?”

“Yes, Ma’am. Will do my best.”

Nalulunod na ako sa kaka-English ng mga tauhan ni Torque, sa totoo lang.

“I-te-text ko sa ’yo ang pangalan niya para hindi ka magkamali. Hintayin mo,” pahayag ko at binabaan na siya ng tawag. Nag-type ako ng message at inilagay ang buong pangalan ni Nola.

Pagkatapos ko iyong i-send ay tila pagod na napasandal ako sa upuan ng sasakyan. Nag-swimming ba si Torque kanina?

“Saan po tayo, Ma’am?” usisa ni Kuya Esme.

Hindi na ako nakasagot dahil parang hinila na ako ng antok.

***

“NATANGGAP na ako sa trabaho na in-apply-an ko, Cari!” pairit na balita ni Nola sa akin. May bitbit siyang isang red horse at dalawang malaking dingdong.

Nakatulala lang ako sa kanya. Pagmulat ko kanina ay nandito na naman ako sa apartment. Saktong kakarating lang din ni Nola mula sa kung saan.

Nanaginip lang ba ako dahil sa nangyari noong nakaraan? Napailing ako. Kaunti na lang ay mababaliw na talaga ako.

“Bakit parang hindi ka masaya?” nakasimangot niyang tanong at niyakap ako sa likuran.

“May ikukuwento ako sa ’yo pero huwag mo akong tawanan,” simula ko. Desidido na akong sabihin sa kanya ang nangyari para may karamay ako kung sakaling mabaliw man ako.

“Hindi ka na virgin?” seryosong tanong niya. Kumalas siya mula sa pagkakayakap sa likuran ko at naupo sa harapan ko.

Sinamaan ko siya ng tingin. “Seryosong bagay ito, Nola.”

Tumango siya at sumeryoso rin ang mukha niya. “Tell me, what is it?” Diretso na naman ang English niya. Anak-mayaman siguro ang babaeng ’to na bigla na lang naghirap ang pamilya.

“Nanaginip ako noong isang araw, nagkapalit daw kami ni Torque ng buhay,” simula ko. Nakaramdam ako ng pagkabalisa habang sinasabi ko iyon sa kanya.

“Tapos?” usisa niya. Diretso ang tingin niya sa mga mata ko.

Napabuntonghininga ako. “Ang hirap ipaliwanag, e. Parang nagkatotoo ’yong mga nangyari. Hindi kita nakita. Pero nakita ko ang locker mo sa swimming pool ninyo. Marunong ka bang lumangoy?”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Nola. Napalunok siya at mariing hinawakan ang mga kamay ko.

“Ano pa ang nangyari?”

“Nakita ko si Lilac, ’yong manager ninyo sa EnKay? Hindi ko siya masyadong kinausap kasi nagmamadali siya. Saan makikita ang swimming pool ninyong iyon?” usisa ko.

“Si Lilac? ’Andoon siya?” gulat niyang tanong.

Tumango ako. “Kaibigan mo ba ’yon?”

Umiling siya. “Sila ni Sally ang magkaibigan.”

Sally? Siya ’yong nag-assist sa akin noon.

Tumahimik siya sandali. Tumayo siya at nagpuntang muli sa may dining area.

“Noon pa sila magkaibigan. Kaya kahit maraming reklamo tungkol kay Sally, hindi siya naaalis sa trabaho,” patuloy na kuwento niya.

Nakita kong hawak na naman niya ang pink na notebook. Panigurado akong nililista na niya kung ano ang gagastusin niya sa unang sahod niya sa bago niyang trabaho.

“Nababaliw na ba ako, Nola?” tanong ko sa kanya sabay higa sa kama ko. Nakatingala ako sa kisame.

Posible bang mangyari ang lahat ng iyon?

Nasaan na kaya si Torque?

Saan kaya siya nagpunta?

Napabangon ako nang may mapagtanto ako.

“Nola, umalis ba ako kanina?” tanong ko. Kung totoong nagkapalit na naman kami ni Torque, malalaman ko iyon sa sagot ni Nola. Ang sabi ni Aling Ligaya ay nagmamadaling umalis ang lalaking iyon kanina.

“Kanina? Oo. Sabay tayong lumabas. Nagmamadali ka nga, e,” sagot niya nang hindi ako tinitingnan.

“Saan ako nagpunta?”

Isipin na ni Nola kung ano’ng gusto niyang isipin tungkol sa akin. Kailangan kong makumpirma ang lahat.

“Sa lupa ni Lolo.”

Napamura ako nang mahina. Agad kong kinuha ang bag ko sa side table ng kama ko. Nagmamadali kong binuksan ang zipper at kinalkal ang loob nito.

Napanganga ako nang makita ang goggles na nakuha ko sa locker ni Nola kanina.

“Nol—”

Naputol ang pagtawag ko nang mag-iba ang paligid. Para akong nanigas sa kinauupuan ko. Napalunok ako dahil sa gulat at kaba.

Ano ba ang nangyayari?

Nasa locker room ulit ako ng swimming pool. Walang ibang tao sa paligid maliban sa akin. Dahan-dahan akong tumayo. Nagulat ako nang makarinig ako ng tila may tumalon sa swimming pool. Rinig na rinig ko ang tilamsik ng tubig.

Gumapang ang takot sa buong sistema ko sa hindi malamang dahilan. Pakiramdam ko ay nakalutang ang ulo ko.

Teka, baka si Torque iyon!

Nagising ako rito kanina, kaya malamang ay dito rin siya magigising.

Kinakabahan man ay nagmamadali akong naglakad patungo sa pool. Halos magkandadulas pa ako nang makalapit ako roon.

Napasinghap ako nang makilala kung sino ang babaeng nakaupo sa gutter ng pool habang ang dalawang binti ay nasa tubig. Tuyo pa ang buhok niya.

“Nola?” gulat kong tanong at halos lakad-takbo ang ginawa ko para makalapit sa kanya.

“Cari!” nakangiti niyang tawag sa akin. Naka-one piece suit siya na naghahalo ang kulay pula at puti.

Sa wakas, nagpakita rin siya sa mundong ito. Gusto kong mapangiti dahil naiisip kong parehas na kaming mababaliw sa kaiisip.

Pero teka . . . kung katulad ito noong nagkapalit kami ni Torque, hindi ba dapat Ma’am Cari ang tawag niya sa akin?

Bakit parang close kami ngayon?

Teka, reyalidad na ba ito?

Pero nasa apartment kami kanina!

“N-Nola, panaginip lang ba ’to?” naguguluhan kong tanong.

Kumunot ang noo niya. “Panaginip? Loka-loka ka ba?” Hinablot niya ang goggles na hawak ko. “Kanina ko pa hinihintay na dalhin mo ’to. Hindi ako lumalangoy nang walang goggles.”

“Bakit naman?” usisa ko.

“Never akong lumangoy ng wala. Masama sa mata ko ang tubig sa pool.”

Marahan akong tumango. Hinawakan ko siya at pinindot-pindot ang braso niya. Tumawa siya na parang nakikiliti.

“Ano ba, Cari?” Nakangiti siyang tumayo at lumayo sa akin.

Totoo naman siya. Nahahawakan ko ang laman niya.

Ano ba talaga?

Isinuot ni Nola ang goggles at nag-dive sa pinakamalalim na bahagi ng pool.

Napailing ako.

Nahihibang na ba talaga ako?

Sinabunutan ko ang sarili ko bago ko hinubad ang suot kong damit. Makikiligo ako kay Nola, baka sakaling maalog ang utak ko at magkaroon ng liwanag ang isipan ko.

Nagtatakbo ako malapit kung saan naroon siya at nag-dive na rin ako sa pool. Ang akala ko ay magmumulat akong basa ang katawan at buhok ko.

Pero hindi.

“Caricia, what happened?”

Idinilat kong mabuti ang mga mata ko para salubungin ang mga tingin ni Torque. Nakaupo ako sa malambot na couch ng sala niya.

“What is happening, Caricia?” seryoso niyang tanong. Kitang-kita ko sa mga mata niya na hindi niya naiintindihan ang nangyayari.

Ako rin.

Ako rin, hindi ko na alam.

Nasaan si Nola?

“Ano’ng nangyayari?” balik-tanong ko sa kanya. “Torque, nababaliw na ako.”

Dinig ko ang malalim na pagbuntonghininga niya. Natahimik kaming parehas. Tila kapwa sumakit ang ulo namin. Nanghihina ako sa dami ng tumatakbo sa utak ko.

Sana magising na ako kung anuman ang panaginip na ito.

“Sino ako ngayon?” tanong ko sa kanya. Sa sandaling oras ay parang napakarami nang nangyari.

“You own this house.”

Napapikit ako nang mariin. Nagdasal ako na pagmulat ko ay nasa reyalidad na kami. Ganoon ang nangyari sa akin noong una.

Dalawang minuto akong nakapikit, pero pagmulat ko ay iyon pa rin ang bumungad sa akin.

“This shit is making me crazy!” bulalas ni Torque. “Caricia, umamin ka, kanino ka lumapit para magkaganito tayo? Is this part of your revenge?”

Napataas ang isang kilay ko. “Ano? Sa tingin mo, ikaw lang ang nahihibang? Baka ikaw ang may kasalanan sa lahat ng ito!”

Seryoso akong tiningnan ni Torque. “What are we gonna do? Naapektuhan na ang personal kong buhay! Gift doesn’t talk to me anymore!”

“Problema ko ba iyon? Bakit ’yong buhay ko ba, hindi apektado? Nawalan ako ng trabaho!”

“Is that my fault? Ikaw ang kumausap kay Ms. Jen na bigyan ka ng one month leave. You screwed it yourself.”

Muli akong napapikit nang mariin dahil sa inis.

“This may sound stupid and lame but . . . humanap na tayo ng makakatulong sa atin,” suhestiyon niya.

“Albularyo? Manggagamot?” usisa ko.

Naalala ko ang albularyo na ino-offer ni Aling Ligaya.

Babanggitin ko na sana iyon nang may maalala ako. Mabilis akong tumayo at hinanap ang pangalan ni Reiko sa blackbox.

“Yes, Ma’am?” mabilis na bungad ni Reiko.

“Paki-search kung saan ang pinakamalapit na lugar na umuulan o uulan ngayong hapon,” diretsong utos ko sa kanya.

“What?” naguguluhang sabat ni Torque.

Sinenyasan ko siya na tumahimik dahil naririnig ko na ang keyboard sa kabilang linya. Magaling na sekretarya si Reiko.

“Tagaytay, Ma’am. One hour drive from your house.”

“Remind me na tataasan ko ang sahod mo, Reiko. Thank you,” pahayag ko at binalingan ko si Torque. “Ito na ang sagot sa problema natin. Sigurado akong babalik na tayo sa normal.”

Tinawag ko si Kuya Esme at kinuha sa kanya ang susi ng sasakyan. Ayaw sana niyang pumayag pero wala rin siyang nagawa.

“Ikaw ang mag-drive. Siguro naman ay marunong ka?” pahayag ko kay Torque at hinagis sa kanya ang susi.

“Are you kidding me? This is my car,” iritable niyang sagot.

Sumakay siya sa driver’s seat at hindi nag-abalang pagbuksan ako ng pintuan sa passenger’s seat. Nang paandarin niya ang sasakyan ay mabilis kong ikinabit ang seatbelt.

“I don’t know what saint you are gonna call but I trust you. Para lang sa ikakanormal ng buhay nating dalawa,” pahayag ni Torque. Pinaarangkada niya ang sasakyan na parang wala nang bukas.

Nakarating kami sa Tagytay nang wala pang isang oras. Tama si Reiko, nagdidilim na rito kumpara sa normal na liwanag ng langit tuwing hapon. Halos wala na kaming makita kanina dahil sa hamog.

Itinigil ni Torque ang sasakyan sa parking lot ng isang simbahan. Dahil hindi naman araw ng samba, walang ibang naka-park doon kundi kami at isang tricycle na may tindang balot at chicharon.

“So what now, Caricia?” tanong niya na tila naiinip. “Hihigupin ba natin ang lahat ng hamog dito?”

Tumango ako. “Magpapatama rin tayo sa kidlat. Pero ikaw ang mauuna.”

Sasagot pa sana si Torque nang biglang bumuhos ang ulan. Mabilis kong inalis ang seatbelt ko at hinila ko na siya. “Tara na!”

Nalilito man ay sumunod sa akin si Torque. Nagpakabasa kaming dalawa sa ulan habang magkahawak-kamay.

“Pumikit ka!” utos ko sa kanya.

Pumikit naman siya at ganoon din ako. Hindi ko na alam kung ilang minuto kaming nakapikit. Nagdilat ako nang may bumusina sa amin. May sasakyang mag-pa-park at nakaharang kami.

Nagmamadali kaming pumasok muli sa loob ng sasakyan kahit pa basang-basa kami.

“That’s it?” nanginginig na tanong ni Torque. Parehas kaming halos mangisay na sa sobrang lamig.

Tumango ako at napayakap sa sarili ko. “Tapos na ang kabaliwang ’to. Sa Secret Garden, kapag umulan, bumabalik sila sa normal.”

“What?” taas-kilay niyang tanong. “What the hell is that?”

Napaubo ako sa lamig. “Basta okay na ang lahat!”

Nagkatinginan kami nang mag-ring ang isang cellphone. Tumatawag si Gift.

“Finally!” bulalas ni Torque. Agad niyang sinagot ang tawag. Pero hindi pa siya nakakapagsalita ay nagsalita na si Gift.

“Have you really gone insane, Caricia? Why are you asking Reiko to find Nola?”

Awtomatikong pinatay ni Torque ang tawag habang tulalang nakaharap sa unahan ng sasakyan. Gulat na gulat ang mukha niya. Maging ako ay napahilamos sa mukha ko at hinigit ang tainga ko.

So hindi pa kami nagkapalit?

Buwisit!

Nilingon ako ni Torque na bahagyang nakaawang ang mga labi. “How did you know my bestfriend? Bakit mo siya pinapahanap?”