Chapter 6
“Gusto ko nang himatayin, Cari! Akala ko hindi ka na gigising!” nag-pa-panic na sabi ni Nola habang niyayakap ako.
Hindi agad ako maka-react.
Nasa apartment na ulit ako. Wala namang nagbago. Tumayo ako nang may maalala ako.
Kinalkal ko ang drawer ko at hinanap ang emergency money ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang wala nang laman ang envelope.
“Lintik!” bulalas ko.
“Bakit? Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong ni Nola.
Tiningnan ko ang wall clock. Mag-aalas-siyete pa lamang ng umaga.
“Anong oras ako natulog, Nola?” usisa ko sa kanya.
“Ang sabi mo bibili tayo ng red horse pero bigla ka na lang nakatulog. Muntik na akong tumawag ng ambulansiya. Buti nagising ka. Kasi wala akong pera para i-emergency room ka.”
Napailing ako. Kung totoong nakuha ni Torque ang pera ko, so totoong puwede nang bumalik si Nola sa EnKay at si Torque naman ang naka-ban sa coffee shop.
Napangisi ako.
Mas malaki ang nawala sa kanya. Hindi ko alam kung anong hiwaga ang nangyayari pero papasok ako ngayon. Baka ito ang nababasa kong magic.
“Nola, pumasok ka na ngayon sa EnKay. Nakausap ko na ang boss mo,” nakangiti kong pahayag sa kanya.
Kumunot ang noo niya. “Nakausap? Kailan?”
“Basta pumasok ka na. At ako, papasok na rin ako.” Tumayo ako at lumapit sa cabinet para kunin ang uniporme namin.
“Magtiwala ka lang sa akin,”pahayag ko sa kanya sabay kindat.
Unti-unting nagliwanag ang mukha ni Nola. “Seryoso ka ba? Salamat, Cari!” Niyakap niya ako nang parang wala nang bukas. “Mababayaran na kita!”
“Iinom na talaga tayo mamayang gabi pag-uwi natin!”
Para kaming mgaloka-loka na tumawa nang tumawa.
Saktong alas-nuwebe ay nakarating na ako sa coffee shop. Lumuwag ang ngiti ko nang makita ko sina Kuya Janno at Gohan na nag-uusap. Napatingin sila nang buksan ko ang pintuan.
“Hey, what’s up!” masaya kong bati.
“Cari?” gulat na tanong ni Gohan.
Uh huh.
Teka. Baka iniisip niyang ako na ang may-ari ng shop?
“Nagkakamali ka, hindi ako ang may-ari ng coffee shop. Kalimutan mo na ang nangyari kahapon,” paliwanag ko sa kanya. “Si Ma’am Jen?”
Hindi na nila kailangang sumagot dahil lumabas mula sa opisina si Ma’am Jen.
“Cari?” Katulad ni Gohan ay gulat na gulat siya.
“Nagkakamali ka, Ma’am Jen. Hindi po ako ang may-ari ng coffee shop,” pahayag ko.
Nag-aalala ang mga mata niya. Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa braso.
“Cari, nag-usap na tayo kahapon, hindi ba? Hindi ka muna puwedeng pumasok ngayon sa shop ng isang buwan. Ayos ka lang ba?”
Napanganga ako sa tinuran niya.
“Po?” untag ko.
“Baka maabutan ka pa ni Sir Torque rito, umalis ka na muna.”
Natulala ako sa sinabi niyang iyon.
Ano kaya ang sinabi ng Torque na iyon kay Ma’am Jen?
Hindi ko na hinintay ang iba pa niyang sasabihin. Tinalikuran ko na sila at lumabas na ng coffee shop.
Tinawagan ko si Nola. Agad naman siyang sumagot.
“Napahiya ako sa EnKay,” bungad niya sa akin. “Hindi naman daw ako pinapabalik.”
Napapikit ako nang mariin. “Nola, sorry. Kasalanan lahat ito ng boss mo.”
“Magkita na lang tayo sa apartment.” Iyon lang at pinatayan na niya ako ng tawag.
Mabilis akong nagpunta sa EnKay. Mabuti na lamang at nasa iisang mall lang kami. Malayo lang ang distansiya pero para akong kidlat sa bilis kong nakarating sa boutique.
Papasok na ako nang makita kong nagmamadali ring naglalakad palabas si Torque. Nagkita kami sa labas ng boutique. Hindi na siya nagulat na nakita niya ako. Hinawakan niya nang mahigpit ang braso ko. Hinila niya ako sa may gilid kung saan wala masyadong tao.
“Ano’ng ginawa mo?”
“What did you do?”
Buong puwersa kong inalis ang kamay niya sa braso ko.
“Ano’ng sinabi mo kay Ma’am Jen? Bakit ako naka-ban sa coffee shop?!” inis na inis kong tanong.
“What? Ikaw ang kumausap sa kanya. Pinalabas mo ako ng office pagkatapos ng meeting,” naiinis pero mahinang sagot niya sa akin.
Ha? Ako?
Rumehistro sa isip ko ang sinabi ko kay Ma’am Jen.
“Okay lang. Isinama ko na lang siya rito kasi baka mamaya magwala siya at lahat tayo ay madamay. Huwag mo na ulit papapasukin ’yan dito sa shop, okay? Gawin mong isang buwan ang leave niya. Nakakatakot ang attitude niya.”
Napatakip ako sa bibig sa gulat.
“Ano’ng ibig sabihin nito? Nangyari talaga ang panaginip natin?!” nawiwindang kong tanong.
Ilang beses akong napailing.
Hindi puwede.
Hindi maaari.
Seryosong-seryoso ang mukha ni Torque. Gulong-gulo rin ang aura niya pero napapanatili niyang maging kalmado.
“I don’t know how everything happened but explain to me, what did you say to Lilac? Talaga bang pinapanindigan mo ang pagiging scammer mo?” naiinis pero mahinahon niyang tanong. “And what did you tell Gift? Hindi niya sinasagot ang tawag ko.”
Ilang beses akong napalunok at inalala ang lahat ng nangyari.
“Bakit mo ba ako tinatawag na scammer? Kung ayaw mong ibalik sa trabaho ang kaibigan ko, okay lang,” sagot ko. Gusto kong mag-panic pero nalilito ako sa nangyayari.
“What did you tell Gift?” tanong niyang muli.
“Tinanong niya ako tungkol sa lupa. Ang sabi ko, mag-give up na kayo sa pagbili dahil hindi ko naman iyon ibebenta.”
Namula ang mukha ni Torque, maging ang mga tainga niya. “What?! Sinabi mo iyon sa kanya?!” This time, hindi na niya napigilan ang inis na nararamdaman niya.
Hinawakan niya ang dalawang balikat ko. “Bakit mo ’yon sinabi?!”
“Ano ba ang sasabihin ko! Hindi ko naman talaga ibebenta iyon! Sumuko na kayo!” sagot ko at inalis ang mga kamay niya dahil nasasaktan ako.
“You don’t know what you did, Caricia! I am not giving up! The hell were you thinking! Kung ayaw mo sa legal na paraan, I will take that property in every way I can. Huwag ka na ulit magpapakita sa akin!” Galit na galit si Torque. Halos magliyab na ang mga mata niya. Bumilis ang tibok ng puso ko.
Tinalikuran niya ako at iniwan.
Nanghihinang napaupo ako sa sahig.
Nagulat ako sa naging reaksiyon ni Torque.
Gaano kahalaga sa kanila ang lupang iyon? Bakit ganoon na lang ang reaksiyon niya?
Napapikit ako.
Naguguluhan ako sa nangyayari. Hindi naman posible ang bagay na iyon. Sa mga palabas lang ang mga ganoong hiwaga.
Natigilan ako sa pagmumuni-muni nang mag-ring ang cellphone ko.
Tumatawag si Nola.
“Cari, nasaan ka na? Hinahanap ka ni Aling Ligaya.”
Kung ganoon, nasa apartment na siya.
“Uuwi na ako.” Tumayo ako at pinagpagan ang damit ko. Kailangan na naming mag-usap ni Nola kung paano kami mabubuhay.
***
“Bakit po kayo nasa labas?” kunot-noo kong tanong kay Aling Ligaya nang maabutan ko siya sa labas ng apartment.
Nakasara ang pintuan.
“Bakit hindi po kayo pumasok?”
Umiling siya. “A, hindi na, Caricia. Dumaan lang ako kasi sobra na naman ang ibinayad mo nitong nakaraan. Pasensiya ka na, kahapon ko lang kasi inayos ang koleksiyon ko.”
Hindi ako nakaimik agad. Naguguluhan man ay inabot ko mula sa kanya ang white envelope na may lamang pera.
“Mukhang stressed na stressed ka nitong mga nakaraang araw, Caricia,” puna niya sa akin.
Napatango ako nang marahan.
Sobra na naman?
Napailing ako. Hindi naman ako na-i-stress.
Nagpaalam na si Aling Ligaya at iniwan na ako. Kumatok ako at agad akong pinagbuksan ni Nola.
Wala siyang sinabi. Kapwa kami tahimik hanggang sa makapasok ako at ibagsak ang sarili ko sa kama.
“Ano’ng nangyari?” basag ni Nola sa katahimikan. “Sino ang malas sa ating dalawa?”
Bumaling ako sa kanya. “Sorry, Nola. Ang hirap i-explain. Basta kasalanan ng boss mo.”
Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya ang hiwagang nangyari. Maski ako ay hindi naniniwala.
“Okay lang, Cari. Ganoon talaga, e. Gumawa na lang tayo ng paraan,” nakangiti niyang sagot. “Ibenta na natin ang lupa ni Lolo.”
Tumayo ako at kinutusan ko siya. “Magdidildil na lang tayo ng asin kaysa ibenta ko kay Torque ang lupa.”
“Baka wala na rin tayong asin.”
“Magdildil ka sa hangin.”
Tumawa si Nola. Kinuha na naman niya ang pink na notebook sa loob ng bag niya. Umupo ulit siya sa may dining area.
“Patingin nga kung magkano na ang utang mo,” pahayag ko at lumapit sa kanya.
Mabilis niyang isinara ang notebook.
“For my eyes only,” seryoso niyang sabi. “Baka ’pag nakita mo, magulat ka.”
Napairap ako. “Talagang magugulat ako dahil hindi ko na alam gaano kalaki ang investment ko sa’yo. Daig ko pa ang nag-anak.”
Marahan akong itinulak ni Nola palayo.
Muli akong humiga sa kama at pumikit. Ipagdadasal ko na lang ang buhay naming dalawa.
Nang may maalala ako ay nagmulat akong muli.
“Sobra na naman daw ang bay—”Natigilan ako nang mapansin kong nasa ibang lugar ako.
Ano?!
Ilang beses akong kumurap. Ilang beses akong napalunok. Dahan-dahan kong iginala ang paningin ko.
Nakaupo ako sa isang kulay puting bench sa harap ng isang swimming pool. Sa palagay ko ay nasa fifty square meters ang laki nito. Walang araw dahil covered ang lugar. Malinis ang tubig pero mukhang inabandona na ang lugar na ito dahil wala man lang buhay ang paligid. Ni walang gamit na panlangoy.
Halos mapairit ako nang mapagtanto ko na naka-two piece suit lang ako! Nagpalinga-linga ako sa paligid. Mabuti na lang at walang tao!
Agad kong tinakpan ang katawan ko nang nahagip ng mata ko ang towel na nakasabit sa kabilang bench.
“Putragis, ano na naman ang nangyayari?” naguguluhan kong tanong. Stressed nga siguro ako kaya kung ano-ano na lang ang napapanaginipan ko.
Pero sandali.
Nagkapalit na naman ba kami ni Torque?
Noong unang beses na nangyari ito ay nagkatotoo ang lahat.
Sinabunutan ko ang sarili ko. Tinadyakan ko ang bench nang buong puwersa. Napangiwi ako nang maramdaman ko ang sakit ng paa ko. Napamura ako nang mahina.
Totoo na naman ba ito?
Ano ba talaga ang nangyayari?
Mabilis kong hinanap ang daan palabas. Walang pintuan sa paligid. Naglakad-lakad pa ako at nakakita ako ng lagusan sa may kanang bahagi ng pool.
Ah. Baka doon ang exit.
Nagmamadali akong naglakad papunta roon. Kailangan naming magkita ni Torque.
Sabay kaming napairit ng babaeng nakabungguan ko dahil sa pagmamadali. Nahulog ang tuwalya na nakatapis sa akin.
“Sorry, nagmamadali ako,” paumanhin ko habang nakayuko at pinupulot ang tuwalya ko sa sahig.
“Ma’am Cari?”
Agad akong nag-angat ng tingin. Pamilyar ang boses na iyon.
“Lilac?” kunot-noo kong tanong. Napatayo ako nang tuwid.
Kung ganoon, nagkapalit na naman nga kami ng lalaking iyon. Natapik ko ang noo ko sa inis at pag-iisip. Napailing ako at muling tiningnan si Lilac, ang manager ko sa EnKay.
Kitang-kita ko ang pagkagulat niya. Pero agad din naman siyang nakabawi. Hindi ko masyadong maipaliwanag pero parang bigla siyang nahintatakutan. Ganito siguro ang epekto ni Torque sa kanya.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ko. Inilibot ko ang paningin ko, locker room na pala ang lugar na ito. May dalawang malaking metal cabinet na magkaharap. Sa gitna ay isang malaking salamin.
“M-may nakalimutan lang po ako,” sagot niya. Inayos niya ang dalang bag. Simpleng green T-shirt lang at tight jeans ang suot niya. May suot pa siyang sombrero. Nag-swimming siguro siya at may nakalimutan kaya bumalik dito.
Tumango-tango ako. Nag-alangan akong magmukhang walang alam sa harapan niya pero pinuno ko ng awtoridad ang boses ko.
“Female swimming pool ito, hindi ba? Sa kompanya ko ito, hindi ba?” usisa ko.
Marahan siyang tumango. “Y-yes po, Ma’am Cari.”
“Bakit walang naliligo?” muli kong tanong. Tahimik na tahimik talaga ang paligid. Maski ang locker room ay walang gamit.
“Po?” nagtataka niyang tanong.
Ako naman ang kinabahan. Baka makahalata siya na hindi ako ang tunay na amo niya. Tinatak ko sa isip ko na ang mga mangyayari ngayon ay maaaring mangyari talaga sa tunay na buhay.
“O sige, umalis ka na,” taboy ko kay Lilac. “Mag-ingat ka sa pag-uwi.”
Panay ang tango niya. Mabilis siyang naglakad palayo. Nakita ko tuloy kung saan ang exit. Nakahinga ako nang maluwag. Inisa-isa ko ang locker para hanapin kung saan naroon ang pamalit ko.
“Anong petsa kaya ako matatapos?” kausap ko sa sarili ko. Hindi ko kilala ang mga pangalan na naroon. Mga empleyado siguro ni Torque. Nahagip ng mga mata ko ang pangalan ni Nola. Akalain mong may pa-swimming pool ang mga taga-EnKay.
Lumingon-lingon ako sa paligid kung may parating ba na tao. Wala naman sigurong papasok kaya sinubukan kong buksan ang locker ni Nola. May passcode ito.
Akala mo hindi ko ito mabubuksan?
Alam ko ang passcode niya dahil ang sabi niya, isa lang ang ginagamit niya sa lahat ng bagay dahil makakalimutin siya. Madalas kong hiramin ang cellphone niya kaya ibinigay na niya sa akin ang passcode nito.
Dahan-dahan ko itong binuksan. Bumungad sa akin ang picture niya na nakadikit sa loob. Wala iyong ibang laman kundi isang goggles na kulay pula. Kinuha ko iyon at muling isinara ang locker.
“Marunong ba siyang mag-swimming?” tanong ko sa sarili.
Natigilan ako nang may maalala ako.
Ang sabi ni Torque, walang babae sa apartment ko noong magising siya roon. Noong kinausap ko si Lilac na ibalik si Nola sa trabaho, parang nagulat siya at hindi niya ako naintindihan.
Kung hindi nag-e-exist si Nola sa panaginip kong ito, bakit siya may locker dito?
Nasaan si Nola?