Chapter 5

“GOOD morning po, Ma’am Cari!”

Namangha ako nang sabay-sabay akong binati ng mga saleslady ng EnKay. Si Torque ay dumiretso sa men’s section para pumili ng damit.

Si Kuya Jigs ay nakaabang lang sa tabi-tabi, alerto.

Nilapitan ako ng isang babae. Siguro siya ang manager dito dahil kakaiba ang uniporme niya kompara sa iba.

“Good morning, Ma’am,” bati niya sa akin. Nag-aalangan siyang ngumiti at tiningnan ang kabuuan ko.

Napatingin naman ako sa suot ko.

Lintik.

Oo nga pala, naka-pajama pa ako! Ni hindi pa ako naghihilamos.

Agad kong tinignan ang nameplate niya. “A, Lilac, nagmadali ako kaya ganito ang suot ko. Dito na ako magbibihis.”

Agad siyang tumango. “Should I prepare your clothes, Ma’am?”

“Clothes? Mayroon na ba akong stock dito?” nahihiwagaan kong tanong.

“Yes, Ma’am. I-re-ready ko lang po.”

Aalis na sana siya nang may maisip ako. “May shower room ba rito?” Dito na ako maliligo.

Nakita ko ang pagkunot ng noo niya. Nagtataka siguro siya dahil parang wala akong alam.

“I mean, dito na rin ako magsa-shower.” Hindi ako sigurado kung mayroon nga pero bahala na.

“Copy, Ma’am. Ipapa-ready ko na rin po.”

Ano? May shower room nga?!

Hinanap ng mga mata ko si Torque. Mabuti na lang at wala pa masyadong customers. Nakita ko siya na tinawag ang isang saleslady. Lumapit ako sa kanila.

“Tell Lilac to prepare the shower room,” utos niya.

Kitang-kita ko ang pagkagulat ng saleslady. Teka, si Sally ito, ang nag-assist sa akin kahapon.

“Po?” untag ni Sally.

“Are you deaf? What’s your name again?” Sinipat ni Torque ang nameplate niya.

“Sally, sabay na kaming magsa-shower,” sabat ko sa usapan nila.

Parehas silang nagulat nang lumingon sa akin.

“S-sabay po?” usisa ni Sally.

Bakit? Ilan ba ang shower room dito?

“Idiot, isang shower room lang ang mayroon dito. But if you wanna shower with me, it’s fine.”

Sinenyasan ko si Sally na umalis na.

Naramdaman kong namula ang pisngi ko. Bigla akong nainitan. “Kapal mo. Malay ko ba na isa lang ang shower room dito. Hindi kita type, excuse me.”

Tiningnan ako ni Torque mula ulo hanggang paa bago ako tiningnan muli sa mga mata. “Hindi ako pumapatol sa babaeng cute lang. Ni hindi ka umabot sa ground level ng standard ko.”

Tumaas ang isang kilay ko. “Wala akong pakialam. Hindi rin naman ako pumapatol sa lalaking guwapo lang.”

“Guwapo lang? Excuse me but . . . you could have stopped searching for your dream guy the moment you met me,” preskong sagot niya. “But too bad, you will never be my type.”

Inirapan ko siya. “Hindi ako pumapatol sa mahirap.”

Nanlaki ang mga mata niya. “I own this company!”

“Oh, really?” maarte kong pag-i-English.

Lumapit si Lilac sa amin. “Ma’am, ready na po ang shower room.”

“Mauuna akong gumamit,” masungit na sabi ni Torque.

“Sir, if you wanna use our shower room po, please pay at the counter, including the clothes you picked.”

Natawa ako nang mahina. “Wala kang pera, sigurado ako.”

Siya naman ang tumawa. “Naghanap ako ng pera sa drawers mo, and guess what? Nahanap ko rin ang titulo ng lupa ko.”

“Ano?!” halos mapairit ako.

“I guess this isn’t bad at all. Libre akong makakapunta sa lupa ko.”

“Akin ang lupang iyon!”

“Oh, really?” nang-aasar niyang sagot. “Anyway, I’ll just pay this. Ganoon ka pala kahirap talaga, ano? You only have five thousand pesos for emergency cases?”

Gusto ko sanang sumagot pa pero dumiretso na siya sa counter. Mabilis ko siyang sinundan doon.

Nakatingin lang sa akin ang mga saleslady at cashier. Umakto akong inoobserbahan ang trabaho nila.

“’Di ba siya ’yong gumamit ng pangalan ni Nola kahapon?” Narinig kong bulong ng isang saleslady sa katabi niya habang nakatingin kay Torque. “May pera na siya ngayon.”

Agad kong naalala ang dapat kong gawin. Iniwan ko na si Torque at hinanap ko si Lilac. Natagpuan ko siya sa maliit na opisina na nasa likod ng counter. Agad siyang napatayo at sinalubong ako.

“Yes, Ma’am?” tanong niya.

Sinenyasan ko siyang maupo ulit. Tumalima naman siya. Umupo ako sa swivel chair na palagay ko ay inuupuan ni Torque ’pag nandito siya.

“Tungkol kay Nola,” umpisa ko sa kanya.

Nakita ko ang bahagyang pagkagulat ng mga mata niya.

“Pabalikin mo na siya,” seryoso kong pahayag.

Hind agad siya nakakibo. Nag-isip ako ng English words na magmumukhang seryoso ako at puno ng awtoridad.

“Let her work here again. I will increase your salary . . . all of you.”

“Pero, Ma’am—”

“No buts, Lilac,” sagot ko sa kanya. “Magsa-shower na ako.”

Nag-aalangan siyang tumango at iginiya ako sa shower room. Naghintay pa ako dahil ang walanghiyang si Torque ay nagbayad ng isang libo para makaligo rito.

Pagkatapos ng halos dalawang oras ay natapos na ako sa pag-aayos. Sinalubong ako ng isang magandang babae nang lumabas ako ng opisina ng EnKay.

“Good morning, Ma’am Cari,” nakangiti niyang bati. Mukha siyang Haponesa. Maliit lang siyang babae pero pansinin ang mukha niya. Nakasuot siya ng malaking salamin na bilog.

“Here’s your new phone, Ma’am. ’Andiyan na po ang lahat ng contacts ninyo. I already informed your acquaintances about your new number,” aniya at inabot sa akin ang ready to use na Iphone. “Here’s the other one po.”

Inabot niya sa akin ang Iphone na naka-box pa. “You hate using two same things, Ma’am. Ipanreregalo ninyo po ba ito?”

Reiko?

“Reiko, how’s the proposal I asked you yesterday?”

Sabay kaming napalingon ni Reiko nang magsalita si Torque. Nakasuot na siya ng puting polo at itim na pants. Nagmukha na siyang may-ari ng mall.

“I’m sorry but . . . do we know each other?” nagugulat na tanong ni Reiko. Magkasalubong ang mga kilay niya.

Inirapan ko si Torque at sinenyasang tumahimik muna siya. Tiningnan ako ni Reiko at ibinulong sa akin na didiretso na kami sa coffee shop kung saan naroon si Ms. Ramos. Si Kuya Jigs ay seryosong nakaagapay sa amin habang si Torque ay nakabuntot.

Hindi na ako nagulat kung saan kami papunta. Ito ang coffee shop na pinapasukan ko. Dumiretso kami sa opisina ni Ma’am Jen. Nahiya akong magpakita sa kanya dahil paniguradong magtataka siya kung bakit ako nandito samantalang pinag-leave niya ako.

Naunang pumasok si Torque at sumunod naman ako.

“Good morn—” Nabitin ang pagbati ni Ma’am Jen nang makita ako.

“I-isinama niya lang ako,” sagot ko at dahan-dahan kong itinuro si Torque.

“Don’t mind her, Jennifer. Show me the papers,” ani Torque at umupo. Para siyang boss na naghihintay ng feedback sa report na kakautos lang niya.

Kitang-kita ko ang dahan-dahang paglaki ng mga mata ni Ma’am Jen. Tumingin siya sa akin na tila naguguluhan. Nginitian ko lang siya nang tipid.

“Excuse us for a while, Ma’am Cari. I’m sorry. I’ll explain later,” paumanhin niya sa akin at nilapitan si Torque.

“Torque, I told you to take a three-week leave. And why are you acting like that?” iritable pero nag-aalala ang boses niya.

“Excuse me?” tanong ni Torque. “I’m your new boss in case you are forgetting.”

“Torque, please. I’ve been observing you, pati ng mga katrabaho mo. You should rest.”

Shocks. Oo nga pala.

“A, Ms. Jennifer, hayaan mo na lang siya rito habang nag-uusap tayo,” sabat ko sa kanila.

Gulat siyang napalingon sa akin.

“Okay lang ’yan. I-I don’t mind,” pahayag ko. “Pag-usapan na lang natin siya mamaya.”

Nag-aalangan siyang tumango bago ako nilapitan at pinaupo.

Hindi naman nagtagal ang pag-uusap namin. Panay ang sabat ni Torque. Kitang-kita ko ang hiya ni Ma’am Jen, iniisip niyang ako ang walang modong iyon.

Buwisit.

’Di bale, panaginip lang naman ito.

Totoo palang si Torque na ang may-ari ng coffee shop. Iba na talaga ang mayaman, kung ano-ano na lang ang binibili.

Sinenyasan ko ang lalaking iyon na lumabas na muna. Sinamaan niya ako ng tingin. Tumayo siya at nilapitan ako.

“Huwag kang gagawa ng bagay na pagsisisihan mo,” bulong niya sa akin na may halong pananakot.

Inirapan ko lamang siya. Tutal naman ay panaginip lang ito, humanda siya sa akin.

“Ms. Jen, tungkol kay Torque, pasensiya ka na sa kanya,” paumanhin ko. “Pero talagang parang siraulo ang lalaking iyon.”

Napasinghap si Ma’am Jen. “Ako po ang dapat mag-sorry! Wala siya dapat ngayon dito. Pinag-leave ko siya for some reasons. Sorry po, Ma’am Cari.”

Tumango ako. “Okay lang. Isinama ko na lang siya rito kasi baka mamaya magwala siya at lahat tayo ay madamay. Huwag mo na ulit papapasukin ’yan dito sa shop, okay? Gawin mong isang buwan ang leave niya. Nakakatakot ang attitude niya.”

Panay ang tango niya. “Pero narinig niya po ang usapan natin.”

“Huwag kang mag-alala, hindi naman niya naiintindihan ’yon,” pahayag ko. ’Yong totoo ay ako ang walang naintindihan.

“Noted po, Ma’am. Naobserbahan na rin po namin ang kakaibang kilos niya. Baka may personal lang po na problema. Sinubukan ko naman po siyang kausapin noon pero parang hindi niya po ako naiintindihan.”

Hindi ko naintindihan ang sinabi ni Ma’am Jen dahil nagba-vibrate ang cellphone sa bag ko.

“A, excuse me,” paalam ko sa kanya. Tumango naman siya at agad na lumabas ng opisina.

Muntik ko nang mabitiwan ang iphone nang makitang si Gift ang tumatawag. Umubo ako nang dalawang beses bago ko ito sagutin.

“Cari?” bungad niya.

Biglang nanghina ang mga tuhod ko.

“Gift?” balik-tanong ko.

“What happened to your phone? Are you okay? Lilac talked to me a while ago. Something bothering you?” diretso niyang salita.

Lilac?

A,’yong manager ko sa EnKay.

“Okay lang naman ako. Bakit ka napatawag? 2 p. m. pa tayo magkikita, ’di ba?” paniniguro ko sa kanya.

“Ah, yeah. I’m sorry. Belle called me. May appointment pala kami sa designer mamaya.”

“Belle?” tanong ko.

“What?” nagtataka niyang balik-tanong. “Ah . . . our wedding’s in six months now.”

Napasinghap ako.

Ano?! Ikakasal na si Gift?!

Naalala ko ang sinabi ni Nola, na kahit kailan ay hindi ako magugustuhan ng lalaking ito. Tumama na naman siya ng hula.

“A, okay lang ’yon. Some other time siguro?”

“What about the property?”

Property?

Teka, ’yong lupa ba ang tinutukoy niya?

“Hindi ko siya mapilit na maibenta sa akin. Masyadong maarte ang Torque na iyon. Let’s just give up,” pahayag ko.

“What? Are you serious? If you don’t wanna buy it, then ako na ang bibili. Who are you to tell me to give up?”

Aba. Pinatayan ako ng tawag!

Inis kong inilagay ang cellphone sa bag ko at lumabas na rin ako ng opisina. Naghihintay pa rin sa akin sina Kuya Jigs at Reiko. Hindi mahanap ng mga mata ko kung nasaan si Torque.

“Reiko,” tawag ko, “nasaan ang lalaking siraulo?”

“Pinalabas na po siya ni Ms. Jennifer.”

Tumango-tango ako.

Mabuti nga sa kanya.

Humingi ako ng tubig kay Gohan dahil parang natuyuan ako ng lalamunan. Pagkatapos kong uminom ay napapikit ako nang mariin dahil sa ginhawang dulot ng tubig sa sistema ko.

Pagmulat ng mga mata ko, si Nola na ang kaharap ko.