Chapter 4
“Bakit hindi mo ibinenta?” Iyan ang tanging reaksiyon ni Nola nang makauwi kami sa apartment at ikuwento ko sa kanya na ang amo niya ang gustong bumili ng lupa. Ni hindi siya nagulat.
“Seryoso ka ba? Tinawag akong scammer ng amo mo na iyon! Bakit ganyan lang ang reaksiyon mo?” naiinis kong tanong.
“Kahit ano ay puwede niyang sabihin. He’ll say what he wanna say. Kung pumayag ka, hindi na tayo magugutom.”
Napanganga ako nang bahagya. Umiinit ang ulo ko sa mga sinasabi ni Nola. Para bang kasalanan ko ang magutom siya.
“Nola Keva, kung ayaw mong magutom, umalis ka sa apartment,” seryoso kong pahayag.
Tila nagulat naman siya sa sinabi ko.
“Sinasabi ko lang na sayang ang pera. Iyon ang reyalidad. Hayaan mo,’pag nakuha ko ang backpay ko, babayaran kita.” Tumayo siya at kinuha na naman ang notebook niyang pink.
“Idagdag mo sa utang mo sa akin ang inis ko sa ’yo ngayong araw,” sabi ko. “Ten thousand pesos.”
Lumapit sa akin si Nola. “Sorry na. Iniisip ko lang ang isandaang milyon. Makakabili na tayo ng red horse! Na-mi-miss ko na ang alak na iyon!”
Wine lang daw ang iniinom niya kaya noong birthday ko, pinatikim ko siya ng red horse. Akala mo kung sinong mayaman na hiwagang-hiwaga sa lasa ng red horse.
Hinawakan niya ang mga kamay ko at tiningnan ako nang diretso sa mga mata. “Cari, alam kong sobrang kapal ng mukha ko. Sa totoo lang ay nahihiya na ako sa’yo.”
Napabuntonghininga ako. “Bumili tayo ng red horse mamaya.”
***
Nagising ako dahil sa sunod-sunod na katok. Hirap pa akong imulat nang tuluyan ang mata ko dahil mabigat ang pakiramdam ko.
“Maaga pa, Nola,” pabulong pero iritable kong angil. Ibinaon ko ang mukha ko sa malambot na unan. Nagpagulong-gulong ako sa malaking kama. Lumuwag yata ang higaan namin.
Tumigil sandali ang pagkatok pero matapos ang ilang segundong katahimikan ay muli na namang umingay.
“Ano ba! Maag—” Natigilan ako. Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko. Nang mapagtanto ko na kakaiba ang paligid ay napabalikwas ako mula sa pagkakahiga.
Nanlaki ang mga mata ko nang naging malinaw kung nasaan ako ngayon.
Kulay peach ang bedsheet ng malaking kama kung saan ako nakahiga kanina;ang comforter at unan ay kulay puti na parang hindi pa nadadapuan ng alikabok. Ang laki ng kuwarto ay halos doble ng tinutuluyan naming apartment.
Napahawak ako sa dibdib ko.
Ano’ng nangyari? Naglasing ba kami ni Nola kagabi? Nag-sleepwalk papunta sa bar? Nakipag-sex ba ako sa mayamang matanda at inuwi ako sa bahay nila?
Putragis.
Ilang beses akong napalunok habang umiiling. Napahawak ako sa pambaba ko. Napasandal ako sa pintuan.
Napamura ako nang biglang may kumatok na naman. Halos tumalon ang puso ko.
Teka, nananaginip ba ako?
A, tama. Malamang ay panaginip ito.
“Ma’am Cari?” narinig kong tawag ng nasa labas. Boses ito ng babae.
Ma’am Cari? Huh?
Kinakabahan man ay dahan-dahan kong binuksan ang pintuan.
“Ma’am, pasensiya na po talaga sa abala. May lalaki pong naghahanap sa inyo sa baba. Kanina pa po siya nagwawala. Idedemanda niya raw po kayo,” nahihiyang pahayag niya. Halos mamutla na siya habang kausap ako.
Teka, kilala ko ang babaeng ito.
Hindi ba’t ito ang katulong ni Torque sa mansion niya?
“Ate Vims?” kunot-noo kong tanong.
“Pasensiya na po talaga, Ma’am. Ayaw ko po sanang maistorbo ang pagtulog ninyo. Huwag ninyo po akong alisin sa trabaho,” nahihintakutan niyang sagot.
Ilang beses kong pinitik at kinurot ang sarili ko.
Ano ba ang nangyayari?
Bigla kaming nakarinig ng malakas na lagabog sa baba. Parehas kaming nagulat ni Ate Vims. Hinawakan ko siya sa braso at hinila palabas ng kuwarto.
Lalo akong nawindang nang tuluyan kong makita kung nasaang bahay ako.
Hindi ako puwedeng magkamali.
Tulala ako habang pababa kami ng hagdanan.
“You?! Scammer?!”
Pulang-pula sa galit ang mukha ni Torque habang hawak siya ng guard—guard ng sariling bahay niya.
“Ma’am, kanina pa po ito nagwawala. Itinawag ko na po sa pulis.” Kung tama ang tanda ko ay siya si Kuya Jigs.
“Ano’ng nangyayari?” naguguluhan kong tanong. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang lahat.
Bakit parang hindi nila kilala ang amo nila? At bakit ma’am ang tawag nila sa akin?
“Bitiwan ninyo na siya, Kuya,” nahihiya kong utos. Sa isang iglap ay sinunod nila ako.
Nanlaki ang mga mata ko.
Teka. Bakit gano’n?
“Iwan ninyo po muna kami,” muli kong utos.
“Pero, Ma’am, baka saktan ka ng siraulong ’to,” seryosong pahayag ni Kuya Jigs.
“Hintayin na natin ang pulis, Ma’am,” sabat ni Ate Vims.
Shocks.
Teka.
Ako ang amo nila?
“And why are you calling the police, Vilmarosa Mia? Hindi mo ba ako nakikilala? Should I fire you right now?” tiim-bagang na tanong ni Torque. Kulang na lang ay mangain na siya ng tao.
“Aba! Bakit mo alam ang pangalan ko?!” Nanlalaki ang mga mata ni Ate Vims sa gulat. Ngayon ko lang din nalaman na iyon ang buo niyang pangalan.
Napasinghap ako nang bigla niyang pinaghahampas si Torque ng dala niyang feather duster.
“Siraulo ka! Hala, sige, Jigs, itapon mo na iyan at huwag mo na ulit iyan papapasukin dito!” nanggagalaiti niyang utos. “Naka-ban ka na rito!”
Napatakip ako sa bibig at nagmamadaling hinila palayo sa kanila si Torque. Inis naman niyang inalis ang kamay ko sa braso niya. Dinig ko ang mahihinang mura niya.
“Tama na!” awat ko. “Tama na po! Iwan ninyo muna kami.”
Natulala silang lahat sa sinabi ko.
Saglit na katahimikan ang namayani sa buong sala.
Tinanguan ko sila at sinenyasan na umalis na. Nagtataka man ay sumunod sila sa akin.
“Ano’ng nangyayari?” agad na tanong ko kay Torque.
“You should be the one explaining this shit to me.” Masamang-masama ang tingin niya sa akin. Noon ko lang napagmasdan ang suot niya. Nakasuot siya ng lumang brown T-shirt na may nakasulat na BELIEVE, katerno ang itim na short.
Mukha siyang mamamalengke.
Napailing ako. “Panaginip lang ito. Huwag kang mag-panic,” pahayag ko sa kanya.
“This can never be a dream. This is a nightmare. I woke up in a tiny bed inside a tiny apartment. Masikip, marumi, at mabaho. Iyon ba ang tinitirahan mo? Kaya ka pala ganyan,” iritable niyang panlalait. Napakamot pa siya sa leeg niya.
Napailing ako.
Pumikit ako at mahinang hinampas-hampas ang ulo ko. Hinigit ko rin ang dalawang tainga ko.
“Maybe you belong to the family of witches. This is no fun, Caricia. May importante akong meeting mamaya. I feel crazy but please, get everything back to normal,” utos niya sa akin na parang ako ang may kasalanan sa lahat.
“Wala akong kinalaman dito! Nagising na lang ako sa bahay mo. Panaginip lang ito,” sagot ko sa kanya.
Wala namang ibang puwedeng maging dahilan. Tama. Panaginip lang.
Tumayo si Torque. Pinagkrus niya ang dalawang braso habang naglalakad palapit sa akin.
“Ginayuma mo ang mga tauhan ko,” akusa niya.
Magsasalita sana ako nang biglang may tumunog na buzz mula sa blackbox na katabi ng malaking TV.
“Ma’am Cari, just reminding you, you have a 10 a. m. meeting with Mrs. Jenny Ramos,” wika ng babaeng boses na lumabas mula sa blackbox.
“Are you kidding me?! Even Reiko knows you?!” galit na tanong ni Torque.
“Reiko? Sinong Reiko?” usisa ko. “Jenny Ramos? Manager namin siya sa coffee shop.” Malapit na rin akong masiraan ng bait.
Kailan kaya ako magigising?
“She’s my assistant!” sagot niya. Tiningnan niya ang malaking orasan. “Whatever this bullshit is, samahan mo akong bumili ng damit. I have a meeting at ten. Walang disenteng damit sa bulok mong cabinet.”
Napairap ako sa kanya. “Hindi bulok ang cabinet ko. Pinag-ipunan namin iyon ni No—” Natigilan ako nang maalala ko si Nola.
Kung doon siya nagising sa apartment namin, ibig sabihin . . .
Napahawak ako sa dalawang balikat niya. “May katabi ka bang babae nang magising ka?” nag-aalala kong tanong. Minsan pa naman ay naka-underwear lang si Nola.
Hindi ko ma-imagine na nasa iisang kama sila.
Kumunot ang noo siya. “Nagdadala ka ng babae sa apartment mo? Are you a lesbian?”
Napapikit ako sa inis. “Mayroon ba o wala?”
Umiling siya. “Isasama ko siya rito kung mayroon man. Time is running.”
Nakahinga ako nang maluwag. Ibig sabihin, hindi nag-e-exist si Nola sa panaginip kong ito. Mabuti na iyon. Baka manyakin pa siya ng isang ’to.
Lumapit si Torque sa blackbox at may kung anong pinindot.
“Kuya Esme, ready the blue car,” sabi niya roon.
May nag-buzz ulit at may nagsalitang lalaki. “Ma’am? Bakit ganyan ang boses mo?”
Inis akong hinila ni Torque palapit sa kanya. “Tell him na pupunta tayo sa EnKay.”
Tiningnan ko muna siya at napalunok ako ng isang beses bago ako nagsalita. “P-punta po tayo sa EnKay.”
“Copy, Ma’am.”
Nanlaking muli ang mga mata ko.
“Mayaman ba ako ngayon? At ikaw ang mahirap? Ako ang may-ari nitong bahay?” hindi makapaniwalang tanong ko.
Parang sasabog ang ulo ko sa nangyayari.
“You know what, isa ka talagang malaking scammer! Mababaliw ako sa kaiisip kung anong kapangyarihan ang mayroon ka!” inis na inis na sabi ni Torque.
Ilang beses akong napalunok habang nakatitig sa kanya. Nagkapalit ba talaga kami?
Teka.
Si Gift.
Nasaan si Gift?
“Magkasama ba kayo ni Gift sa bahay na ’to? Kaano-ano mo siya?” usisa ko.
“What?” puno ng iritasyon ang tono niya.
Hindi na niya kinailangang sumagot nang biglang mag-ring ang cellphone na nasa bulsa ng pajama ko.
Muntik pa akong mapatalon dahil sa gulat.
Gift calling . . .
Napatingin ako kay Torque.
Hindi ko ito cellphone.
“Even my phone?!”Hinablot niya iyon sa akin at siya ang sumagot ng tawag.
Nagsalita siya pero nang sumagot ang nasa kabilang linya ay bigla niyang inihagis ang cellphone sa sahig. Sa lakas ng impact ay nagkahiwa-hiwalay iyon.
Kung ganoon, mas matibay ang tiles.
Hinawakan ni Torque ang balikat ko nang sobrang higpit. Parang mababali ang buto ko. Napangiwi ako sa sakit na dulot n’on.
“I don’t know what you did but I’m warning you. Kung nagkapalit man tayo ngayon, hindi ka aalis nang hindi ako kasama.”
Inalis ko ang mga kamay niya sa akin. “Nasasaktan ako, ano ba.”
“Kahit panaginip lang ’to, pagbabayaran mo kapag nagising na ako,” pagbabanta niya. “Huwag kang gagawa ng ikasisira ko, Caricia.”
Napalunok ako. Gumana ang utak ko. Katulad ba ito ng Secret Garden? Nagkapalit ng kaluluwa sina Owen Kim at Jamie Gil.
Pero kami?
Literal na nagkapalit kami.
Kung ako ang mayaman ngayon, ako ang may-ari ng EnKay?
Maibabalik ko si Nola sa trabaho!
Teka, ibig sabihin, siya ang nagtatrabaho sa coffee shop?
Narinig ko ang mahinang pagmumura ni Torque habang nakayuko at sinasabunutan ang buhok niya.
Hindi ko rin alam kung ano ang nangyayari.
“Ma’am Cari, just checking up. You okay? Sir Gift requested to meet you at two in EnKay.” Muling tumunog ang blackbox. Boses iyon ni Reiko.
“Answer her,” utos ni Torque.
“Y-yes. Oo. Pakisabi sa kanya nasira ang cellphone ko,” nahihiya kong sagot.
“Would you like me to order a new phone?”
Binalingan ko si Torque. “Hindi ba nagtatagalog ang tauhan mo?”
Inirapan niya lang ako.
“Yes. Order mo ako ng dalawang iphone, ’yong latest.”
“Copy, Ma’am. Have a nice day.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Totoo? Bibilhan niya ako ng iphone?!”
Inis na hinila ako ni Torque palabas ng pintuan. Naroon na ang sasakyang kulay asul.
Pinagbuksan ako ng matandang driver at pinasakay ako. Sasakay na sana si Torque nang harangan niya ito.
“Jigs, itapon mo na ito. Scammer ang lalaking ’to. Pasalamat ka, mabait ang amo namin,” anang driver kay Kuya Jigs na nakaabang sa gilid. Siya siguro si Kuya Esme.
“What the fuck?” iritableng tanong ni Torque. “I swear, I will fire all of you tomorrow!”
“S-sandali, Kuya Esme,” pigil ko sa kanya. “Friend ko siya. Sasama siya sa akin.”
“Ma’am, sigurado ba kayong hindi kayo binubudol ng lalaking ’yan?” paniniguro ni Kuya Jigs.
Tumango ako. “Kaibigan ko siya,” sagot ko. Pero naisip ko na baka mamaya ay kung ano nga ang gawin sa akin ng lalaking ito dahil sa galit. “Pero sumama ka, Kuya Jigs. Para sure.”
“What?” kunot-noong tanong ni Torque.
Parang isang kilo lang ang bigat ni Torque nang damputin siya ni Kuya Jigs at ilagay sa pangalawang row ng backseat.
Tumabi sa akin ang guard ko.
“EnKay po tayo, Kuya Esme,” utos ko sa driver. Agad naman siyang tumalima.
Napangisi ako.
Ganito pala ang pakiramdam ng mayaman.