Chapter 3
“I CAN pay you thrice the original price,” wika ng lalaking nasa kabilang linya. “Just sell that property to me.”
Napakunot-noo ako sa sinabi niyang iyon. Nagising ako dahil sa tawag ng unknown caller na ito na hindi man lang ako nakuhang batiin ng ‘good morning.’ Ni hindi man lang siya nagpakilala. Binungad niya agad sa akin na gusto niyang bilhin ang lupa na iniwan ni Lolo sa akin.
“Hindi ko ’yon binebenta,” sagot ko. Wala pa sana akong balak bumangon pero sa inis ko ay gusto kong uminom ng kape. Sinulyapan ko si Nola, tulog pa rin siya. Alas-siyete pa lamang ng umaga. Ni-loudspeaker ko ang cellphone.
“Fifty times the price.”
Muntik ko nang maibuga ang hinigop ko.
Seryoso ba siya? Fifty times?
Ang lupa ay nagkakahalaga lamang ng kulang-kulang isang milyon. Bakit niya babayaran ng ganoon kalaki?
Sinong engot ang maniniwala sa kanya?
“Hindi ako napilitang sagutin ang tawag para lang makipag-usap sa isang siraulo na kagaya mo,” iritable kong pahayag.
“I’m not joking. We can personally talk, kung may oras ka ngayon,” determinado niyang pangungumbinsi.
Maayos naman siyang magsalita. Pero sino namang matinong tao ang bibili ng lupa na fifty times ang halaga? Napalunok ako. Kung tatanggapin ko ang offer na iyon, baka pati si Nola ay mabilhan ko ng bahay.
“Paano ko naman masisiguro na hindi ka budol-budol?” usisa ko.
Nahihiya man akong aminin, maiintindihan naman siguro ni Lolo kung sakaling ibebenta ko ang iniwan niya.
“My driver will pick you up at nine. Is it okay?” tanong niya.
Natigilan ako.
Teka. Baka kung ano na itong pinapasok ko?
Nagulat ako nang biglang may humablot ng cellphone ko.
“Okay. See you,” sagot ni Nola sa kausap ko. Mabilis niyang pinatay ang tawag.
“Nola!” protesta ko sa kanya.
“Narinig ko ang usapan ninyo. Cari, fifty times na iyon! Sasamahan kita, gusto mo? I-se-send ko sa kakilala kong pulis ang number ng tumawag sa ’yo. Para anuman ang mangyari sa atin, mayroon silang huhulihin.” Seryoso ang mukha niya na parang nagsasabing ito na ang tamang panahon.
Natahimik ako. Oo nga, sayang ang pagkakataon. Napangiti ako nang ma-imagine ko ang bahay na puwede kong ipagawa sa halagang iyon. Pero agad ding napawi ang saya ko nang may maalala ako.
“Nola, kapag nagkatotoo ang milyones ko, bumalik ka sa trabaho mo at pakainin ng sampung sweater na walang discount ang boss mo. Siraulo siya.”
“Ano ka ba! Ipinaalala mo pa,” aniya. “Hindi ko nga alam kung bakit sinabi niya na tapos na ang promo. Wala namang ganoong memo sa office.”
Halos malaglag ang panga ko. “Ano’ng problema niya sa akin kung ganoon?!”
Napailing siya. “Hindi ko rin alam. Hayaan mo, bibilhin ko ang sweater na iyon kapag binigyan mo ’ko ng pera.”
“Hindi kaya dahil ikaw ang kakilala ko? Puro ka siguro bad record sa store ninyo kaya tinawag niya akong scammer!” pahayag ko nang mapagtanto ang bagay na iyon. “Marami ka na bang record bukod sa pagiging late?”
Itinikom ni Nola ang bibig niya na halatang pinipigilang mapangiti. “Hindi naman masyado!”
Inirapan ko siya. Sabay kaming napalingon sa pintuan nang may kumatok.
“CR lang ako,” paalam ni Nola.
Lalo akong nainis. Tuwing may kakatok ay lagi siyang nagpapaalam na magsi-CR. Iyon ang technique niya para hindi siya ang magbubukas.
Napabuntonghininga ako bago binuksan ang pinto. Bumungad sa akin si Aling Ligaya, ang may-ari ng apartment, kasama ang isang matandang lalaki na hindi ako pamilyar.
“Magandang umaga, Caricia,” bati ni Aling Ligaya sa akin. Nginitian ko siya at ginantihan ng bati.
“Ano po iyon?” usisa ko. Kakabayad lang naman namin ng renta. Pumupunta lang naman siya kapag maniningil na o may problema sa unit.
“Ito nga pala si Hermie, albularyo siya. Baka gusto mong pabasbasan ang kuwarto mo. Para bago magpasko, payapa ang apartment natin.”
Gustong mapataas ng isang kilay ko pero pinigilan ko iyon. Napakahilig talaga ni Aling Ligaya na magdala ng kung sino-sinong kaibigan para magbenta at mag-offer ng serbisyo sa mga umuupa sa kanya. Pati ba naman ito ay papatulan niya?
“Ay naku, hindi na po. Sa katunayan, suwerte ang araw na ’to, Aling Ligaya,” nakangiti kong tugon sa kanya.
Dahan-dahan siyang napatango. “Ganoon ba? Sigurado ka?”
Ako naman ang tumango. “Oo naman po.”
“Siya sige. Basta ’pag kailangan mo ng albularyo, nandito lang si Hermie.” Nginitian ako ng matandang lalaki bago sila nagpunta sa kabilang unit.
“Ano raw ’yon?” tanong ni Nola nang makapasok na ulit ako sa loob.
“Manghuhula. Susuwertehin daw tayo ngayong araw,” sagot ko sa kanya.
Nagliwanag ang mukha niya. “Talaga?! Sabi ko sa’yo, e! Tama ang desisyon mo! Maligo ka na, bilis! Baka dumating na ang sundo natin!”
“Paano niya malalaman ang address ko?” Ngayon ko lang iyon naisip.
“Sa tingin mo, kung may fifty million siya, wala siyang kakayahang mahanap ang address mo?”
Nangibit-balikat na lang ako. Kinuha ko ang tuwalya ko at pumasok na sa CR. Anuman ang kahihinatnan namin ni Nola ngayong araw, bahala na.
***
SINUNDO kami ng isang sasakyang kulay itim. Hindi ako pamilyar sa mga uri ng sasakyan pero alam kong mamahalin ito dahil hindi ko ito normal na nakikita sa kalsada.
Habang nag-uusap kami ni Nola sa backseat ay panay ang tingin sa amin ng driver. Kinutuban tuloy ako. Baka mamaya ay kung saan kami dalhin ng kumag na ito. Kinunan ko ng picture ang plate number at s-in-end iyon kay Gohan.
Nabawasan ang kaba ko nang makarating kami sa bahay ‘raw’ ng amo ng driver. Manghang-mangha ako habang si Nola ay panay ang pagmamasid sa paligid. Alertong-alerto siya.
Tipikal na bahay ng isang mayamang tao. Ang sabi ni Nola ay European style ang tawag sa disenyo nito. Malaki man ang bahay ay parang malungkot. Mas masaya pang tingnan ang apartment namin na maliit.
Nauna akong pumasok sa gate. Nagulat ako nang isara na iyon ng guard, naiwan si Nola sa labas.
“Kuya! Kasama niya ako!” angil ni Nola.
Lumapit ako sa guard. “Kuya, pagbuksan mo siya! Kasama ko ’yan.”
“Ma’am, tumuloy na po kayo sa loob.”
Napasimangot si Nola. Napapadyak siya sa inis. “Sige na, lakad na. Ako ang bantay rito.”
Ayoko siyang iwan sa labas. Baka kung ano ang mangyari sa kanya. Kinuhanan ko ng picture ang guard, nagulat naman siya sa ginawa ko. Jigs ang nakaburdang pangalan sa uniporme niya. S-in-end kong muli iyon kay Gohan.
“Kapag may nangyari sa kaibigan ko, ikaw ang may kasalanan. Tandaan mo ’yan, Kuya Jigs,” pagbabanta ko sa kanya. Kumunot lang ang noo niya. Hindi yata siya marunong matakot at ngumiti.
Nilingon kong muli si Nola. Sinenyasan niya ako na okay lang siya at pumasok na ako sa loob.
Iginiya ako ng isang katulong—na mukha pang mas may pera sa akin—sa study room sa second floor ng bahay. Hindi ko na kinailangan kumatok dahil nakabukas naman nang bahagya ang pintuan.
Hinawakan ko ang doorknob at buong puwersang itinulak iyon papasok dahil mukha itong mabigat. Nakarinig ako ng pagsinghap na tila may natamaan ang pintuan. Nagmadali akong pumasok nang tuluyan para tingnan kung sino iyon.
Isang lalaking nakaputing T-shirt at itim na jogger pants ang naroon. Nakahawak siya sa siko niya habang nakatalikod sa akin. Ang braso niya yata ang natamaan ko.
“Pasensiya na,” paghingi ko ng paumanhin. “Hindi ko alam na may tao.”
Dahan-dahan siyang napalingon sa akin.
Gift?!
“Cari?” tanong niya. Halos magdikit ang magagandang kilay ni Gift na itim na itim. Kakulay iyon ng buhok niya. Malaporselana ang kutis ng balat niya. Matangos ang ilong na bumagay sa labi niya. Nasa harapan ko na naman ang tunay na Adonis.
Teka, siya ba ang tumawag sa akin?
“Ah . . . ikaw ’yong tumawag sa akin kanina?” paalala ko.
Unti-unti siyang napangiti pero hindi nawala ang kunot ng noo niya. “Tinawagan? I never called anyone this morning.”
Aba, teka.
Sinasabi ko na nga ba at walang matinong tao na magbabayad ng limampung milyon sa kakapirasong lupa na malayo sa sibilisasyon.
Napansin niya ba na type ko siya kaya niya ako pinagti-trip-an? O nag-usap sila ni Torque at nagkasundong paglaruan ako?
Pinagkrus ko ang mga braso ko. “So sino ’yong tumawag sa akin kanina? Multo?”
“What?” nalilito niyang tanong.
“Aaminin kong guwapo ka. Pero hindi ako nag-aksaya ng panahon para lang sa kalokohang ito, Gift. S-in-end ko sa mga pulis ang plate number ng sasakyan mo at ng guard mo. Magdalawang-isip ka bago mo kami gawan ng masama,” dire-diretso kong pagbabanta sa kanya.
Kinabahan ako para kay Nola.
Tumawa siya nang mahina hanggang sa lumakas ito. “Do I look like someone who will call a woman for nothing? You’re cute but you’re not my type, I’m sorry.”
Hindi ko alam kung saan ako maiinis. Sa panloloko niya o sa harapang pagsasabi na hindi niya ako type. Mukha ba akong animal?
“So sinong siraulo ang tumawag sa akin kanina? Nag-effort ka pang ipasundo ako sa driver mo para kompleto ang drama? Hindi rin kit—”
“I’m the one who called.”
Natigilan ako nang marinig ang isa pang boses ng lalaki. Agad akong lumingon sa pinanggalingan n’on. Nanlaki nang bahagya ang mga mata ko nang makilala ko siya.
Torque?
Nakasuot siya ng kulay itim na V-neck shirt at denim shorts. Basa pa ang bagsak na buhok niya, senyales na katatapos niya lang maligo. Umalingasaw sa buong study room ang pabango niya.
Agad akong nakabawi sa tinuran niya. Siya ang tumawag? Siya ang gustong bumili ng property?
Kung kanina ay gusto kong instant na yumaman, ngayon ay kahit gawin niya pang sixty times the price ay hindi ko ibebenta sa kanya ang lupa.
Never.
“She owns the property I told you,” pahayag ni Torque.
Napatango si Gift. Biglang sumeryoso ang mukha niya.
“Pasensiya na pero hindi ko ibebenta ang lupa,” diretso kong pahayag. “Pakipahatid na ulit kami pabalik sa apartment.”
“I knew that would be your reaction,” sagot ni Torque. “But I badly need that property.”
Napairap ako sa kanya. “After calling me a scammer, makikipag-negotiate ka sa akin?”
“You really are a scammer.” Diretso ang tingin niya sa akin na parang walang balak bawiin ang sinabi niya.
Pinigilan ko ang sarili ko na hindi na patulan ang sinabi niya. “Inuulit ko, hindi ko ibebenta ang lupa.”
“Tatanawin naming malaking utang na loob kapag pumayag kang bilhin ni Torque ang property,” sabat ni Gift.
“Buo na ang desisyon ko. Masamang bumili ng property sa isang scammer.” Tinalikuran ko na sila. Baka mamaya ay kung ano na ang nangyari kay Nola.
“One hundred million.”
Tumigil ang paa ko sa paghakbang.
Isandaang milyon?
Parang gusto kong maduwal sa lula.
“It may sound crazy but I’m willing to pay it now,” pahayag ni Torque.
Narinig ko ang mga yabag ng paa na palapit sa akin. Hindi ko na kinailangang lumingon dahil maya-maya lang ay nasa harapan ko na si Torque hawak ang isang tseke. Inabot niya iyon sa akin.
“Scammer ako, hindi ba? Paano ka nakasisigurong sa akin talaga iyon? Pinagawa ko lang sa Recto ang titulo n’on,” seryoso kong sagot.
Agad niyang binawi ang kamay. “Then you may leave. Wala pala tayong dapat pag-usapan. I’ll tell my attorney na hindi legal ang papers mo.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Ano?! Siraulo ka talaga! Hindi ko ibebenta ang lupa! Kahit magmakaawa ka sa akin, hindi ko ibebenta ’yon sa ’yo.”
“Then I’ll buy it, kung ayaw mong si Torque ang bumili.”
Napalingon ako kay Gift. Lumapit siya sa amin. Nakalagay ang dalawang kamay niya sa bulsa. “Cari, I’ve known you ever since we became your customer. I know you’re a good person. Please, negotiate with us.”
“Pero tinawag akong scammer ng lalaking ito,” sagot ko sa kanya at itinuro ko si Torque.
“Because you used my—”
“If you really don’t want to sell that land, I’ll do everything for you to make us buy it,” sabat ni Torque. “Ate Vims!” may awtoridad na tawag niya.
Limang segundo lang ay nandito na sa loob ng study room ang matandang katulong na sumalubong sa akin kanina.
“Ilabas mo na siya,” utos ni Torque. “Please, ban this woman in this house.”
“Hinding-hindi na talaga ako pupunta rito,’no!” nabubuwisit kong sagot.
Naiiling lang na nakatingin sa akin si Gift.
Hinawakan ako ni Ate Vims at iginiya ako palabas ng kuwarto.
“’Yang amo ninyo, siraulo!” palatak ko.
Hindi sumagot si Ate Vims. Wala siyang sinabi hanggang sa makalabas ako ng gate. Naroon pa rin si Nola na nakaupo sa gilid, sa may gutter.
Binalingan ko ang guard. “Ni hindi mo man lang talaga binigyan ng upuan ang kasama ko? Parehas kayo ng amo mo. Ang sarap ninyong painumin ng monosodium glutamate juice!”
“Cari, halika na!” tawag sa akin ni Nola. Hindi pa niya alam na ang siraulong amo niya ang nakausap ko kanina.
Ang walanghiyang ’yon, hindi na kami pinahatid sa driver niya. Pinaglakad pa kami hanggang sa labas ng exclusive subdivision!