Chapter 2
“CARI, loyal customer natin ’yan si Sir. Tigilan mo na ang panggigigil mo sa kanya,” bulong sa akin ni Gohan nang mapadaan siya kung saan ako nakaupo.
Pagkatapos akong sabihan ng kangaroo na ’yon na scammer ay mabilis niya akong tinalikuran.
“Hindi ako nanggigigil,” sagot ko sa kanya habang taas-kilay na nakatingin kay Torque. Binalingan ko rin siya nang ma-realize ko ang sinabi niya. “Loyal customer?”
Naagaw ng lalaking pumasok sa coffee shop ang atensiyon ko.
Gift looked like he was on a rush. Magulo ang buhok niyang kulay itim pero hindi nabawasan ang gandang lalaki niya. Nakasimpleng puting T-shirt lamang siya at cargo short na asul.
Kahit ganoon ang suot niya ay kaya ko siyang sambahin mula ulo hanggang paa.
Sinundan ko siya ng tingin. Nanlaki ang mata ko nang tumigil at umupo siya sa mesa kung nasaan si Torque. Ilang beses akong napakurap.
Magkakilala sila?
“Lagi ’yang kasama ni Sir Gift pero hindi siya ang taga-order. Ngayon lang siya pumila,” ani Gohan atsaka umalis para bumalik sa counter.
Napailing ako habang nakatingin pa rin sa kanila. Napakaliit naman ng mundo. Ni minsan ay hindi ko napansin si Torque.
Seryoso silang nag-uusap nang magawi ang tingin sa akin ni Gift. Kilala niya ako dahil ako ang madalas na nasa counter tuwing bibisita siya. Ngumiti siya sa akin at bahagyang kumaway.
Lalaglag na sana ako sa upuan dahil sa labis na kasiyahan nang mapatingin din sa gawi ko si Torque. Kitang-kita ko ang pagkunot ng noo niya.
Nabawasan ng tatlong pulgada ang ngiti na sana ay igaganti ko kay Gift. Tinanguan ko lang siya at nagpaka-busy na ako sa kape ko.
Iwinaglit ko sa isip ko ang mga nangyari kanina. Gusto ko sanang magreklamo pero alam ko namang walang magagawa iyon. At baka tuluyan pang mawalan ng trabaho si Nola.
Ilang sandali pa ay natanaw ko na si Nola na papasok ng coffee shop. Dire-diretso siyang umupo sa upuang katabi ko.
“Sobrang stressed ako, Cari!” palatak niya. Tirik na tirik ang mata niya nang pinaikot niya ito.
“Bakit?” tanong ko.
“Tinanggal ako sa trabaho!”
Mabilis kong nailapag sa mesa ang tasa ng kape na hawak ko. Lumikha iyon ng bahagyang ingay.
“Ano’ng sinasabi mo?” pabulong na tanong ko sa kanya.
“In English? I just got fired, Caricia.” Pinong-pino ang pronounciation ni Nola. Tunog mayaman.
“Ano? Kanina lang busy ka sa mga customer mo, ngayon wala ka nang trabaho?” nawiwindang kong tanong.
Napabuntonghininga siya. “Pagkaalis mo, ipinatawag ako sa opisina ni Sir Torque. Inabot na lang sa akin basta ng sekretarya niya ang termination paper ko.”
Napatayo ako sa gulat. “Nagbibiro ka ba o hindi?”
Umiling si Nola atsaka napayuko. “Pinagalitan ako dahil sinabi ko sa ’yo ang tungkol sa discount.” Dama ko ang lungkot at inis sa boses niya.
Agad uminit ang ulo ko. Pakiramdam ko pati pisngi ko ay nag-iinit.
“Fired ka na, hindi ba? Wala nang bawian?” usisa ko sa kanya.
Umiling siya.
Tumango ako at nagmartsa papunta sa mesa kung nasaan ang boss niya at si Gift. Napatingin silang dalawa sa akin.
“Cari,” bati ni Gift.
Nginitian ko siya bago ko binalingan si Torque. “Bakit mo ginawa ’yon? Dahil lang ba sa discount?”
Ang walang emosyon na mukha niya ay napalitan ng pagtataka. “What are you saying?”
Huminga ako nang malalim bago ako sumagot. “Tinanggal mo sa trabaho ang kaibigan ko dahil lang sa discount? Naghihirap na ba ang EnKay?”
Lalong kumunot ang noo niya. “I have no time for your nonsense.”
“What’s the matter, Cari?” tanong ni Gift.
Nang tingnan ko siya ay ilang beses akong napakurap. Bigla akong napaisip kung sino ang kamukha niya. Masyado na yata ang pag-iisip ko kay Gift.
“Cari!” Napalingon ako nang tawagin ako ni Nola. Sinenyasan niya ako na huwag nang makipagtalo. Hindi ko siya pinansin.
“Ikaw na lalaki ka, tandaan mo ang ginawa mo sa akin at sa kaibigan ko. Kapag dumating ang oras na puwede na kitang gantihan, humanda ka,” pagbabanta ko kay Torque.
Tinalikuran ko sila. Pinilit kong maging disente sa harap ni Gift. Kung sana ay wala siya roon, makakatikim sa akin ang lalaking ’yon.
“Scammers really have the guts to continue the drama they started.”
Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang sinabing iyon ni Torque. Natigilan ako sa paglalakad. Humarap akong muli at naglakad papalapit.
“Ulitin mo ang sinabi mo,” naiinis na sabi ko.
Tiningnan niya lang ako at nangibit-balikat bago itinuon ang atensiyon sa netbook na nasa harapan niya. Si Gift naman ay nalilitong pinaglipat-lipat ang tingin sa aming dalawa.
“Siraulo ka na nga, bastos ka pa,” palatak ko.
“Cari,” tawag ni Gohan sa akin at hinawakan ang braso ko. “Tawag ka ni Ma’am Jen. Halika na.”
Iniwanan ko ng matinding irap si Torque. Hindi ko na nagawang pansinin si Gift. Uminit talaga ang ulo ko sa lalaking ’yon.
Nang makarating kami sa counter ay naroon ang manager namin. Sinalubong niya agad kami.
“Mag-file ka ng leave, Cari. Two to three weeks. Pinapayagan kita,” bungad niya sa akin.
“Po?” kunot-noo kong tanong.
“I’m asking you to take a forced leave starting tomorrow,” seryosong wika ni Ma’am Jen. “Magpahinga ka. Mukhang masyado ka nang napapagod sa trabaho.”
Agad tumaas ang isang kilay ko. Ganoon ba kahalaga ang Torque na iyon kaysa sa mismo nilang empleyado?
E, ano kung loyal customer siya? Hindi lang sa kanya umiikot ang mundo.
“Dahil sa buwisit na lalaking ’yon?” hindi ko napigilang itanong.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Ma’am Jen. Napahawak siya sa kanang kamay ko. “Please, stop saying bad things about him.”
“Ano? Pati kayo, kakampihan ’yon? Kaya ninyo ba ako pinagli-leave dahil sa sinabi ko sa kanya?” iritable kong pahayag. “Maglilimang taon na po ako rito, Ma’am.”
Napapikit nang mariin ang manager namin. Pagkatapos ay tiningnan niya ako nang seryoso. “I should be announcing this tomorrow pero the situation requires so. Masyadong komplikado kung ipaliliwanag ko ang lahat pero . . . siya na ang bagong may-ari nitong coffee shop simula bukas. At ano ang sinasabi mong sinabi mo sa kanya? Inaway mo ba si Sir Torque?”
Napanganga ako.
Pinaglalaruan ba kami ng mundo?
“Siya na ang may-ari nito? Kaya tine-terminate niya na rin ako, ganoon?”
“What are you saying, Caricia? Termination? Ako ang nagsabi na mag-leave ka. You need it.”
Umiling ako. “Hindi ninyo ako naiintindihan. Katatanggal niya lang sa kaibigan ko sa trabaho, tapos ngayon ako naman? Kinakampihan ninyo ang lalaking iyon?” Hindi ko maiwasang makaramdam ng hinanakit.
“Caricia, that’s insubordination.”
Napakagat-labi ako nang marinig ko iyon. Sirang-sira ang araw ko. Hindi ko na magawang isipin ang mga ipinaliwanag niya.
Marahan na lang akong tumango at tinalikuran siya. Hinanap ng mata ko si Nola, naroon pa rin siya sa table niya habang nakatungo. Paglapit ko sa kanya ay agad kong hinila ang mga braso niya para makaalis na kami sa coffee shop.
Hindi kami nag-usap hanggang sa makarating kami sa apartment.
Pagod na pagod na ibinagsak ko ang katawan ko sa kama. Napapikit ako. Parehas na kaming walang trabaho. May pera pa naman ako pero hindi ako sigurado kung sasapat iyon sa dalawang linggo.
“Cari, pasensiya ka na. Kasalanan ko’to lahat,” paumanhin ni Nola. Naramdaman ko ang paghiga niya sa kama.
“Mag-apply na lang tayong GRO,” sagot ko sa kanya.
“Flat-chested ka. Hindi ka tatanggapin doon. Malulugi sila.”
“Ibebenta kita,” sagot ko at nagmulat ako ng mga mata. Bumaling ako sa kanya. “Wala ka namang boyfriend. Walang magagalit kung ibebenta kita sa mayamang matanda.”
Inirapan niya ako. “Mayroon namang mayamang binata. Bakit laging dapat matanda?”
“Para daw madaling mamatay.”
“E, di papatayin ko na lang ang mayamang binata.”
Napatango ako. “Oo nga. Ano? Deal? Hanap kita sa Omegle.”
Biglang napangiti si Nola na parang nakaisip siya ng magandang ideya. “Ibenta mo ang lupa ni Lolo.”
Ako naman ang napairap. “Feeling apo ka rin,’no? Hindi ko ’yon ibebenta kahit ano’ng mangyari.”
Napasimangot siya. “Paano tayo mabubuhay, Caricia Lualhati?”
“Ibebenta kita o mamamatay tayo sa gutom,” pahayag ko sa kanya.
Hindi na sumagot si Nola. Tinawanan niya lang ako bago siya pumasok sa CR at nagbihis.
Bumangon ako at isa-isang nag-check ng cabinet. Mababawasan ang kita ko dahil araw-araw ay malaki ang tip na natatanggap namin sa customers kaya kahit papaano ay may pera ako.
Ngayong naka-leave ako, walang tip. Walang pera.
“Nola Keva, buntis ka ba?” kunot-noo kong tanong habang inaayos ang toiletries namin.
Sakto naman na kalalabas niya lamang ng CR. “Nakipag-sex ba ako nang hindi ko alam?” balik-tanong niya sa akin.
“Malay ko sa ’yo.”
“Stressed ka, Cari. ’Di ba nagkaroon na ako last week? Ano’ng nangyayari sa ’yo?”
Ilang beses akong napakurap. Stressed? Ganoon ko na ba hindi napapansin ang mga bagay-bagay?
Hindi ko na iyon pinansin. Nakita ko na naupo na naman si Nola sa favorite spot niya sa maliit na dining area namin at inilabas ang notebook niyang kulay pink.
“Ano na naman ang i-co-compute mo?” usisa ko habang nag-aayos ng laman ng ref.
Nitong nakaraan ay madalas siyang magpaka-busy sa notebook niya. Listahan niya raw iyon ng mga utang.
“Ang dami ko na palang utang sa ’yo. Hayaan mo, babayaran ko rin ’to,” aniya at hindi ako tinapunan ng tingin.
“Kailan kaya ’yan?” usisa ko.
“Pagdating ng tamang panahon.”