Chapter 1

“PINANOOD ko ’yong Last Night nina Toni at Piolo, hindi makatarungan ang palabas na ’yon. Nakaka-relate ako,” litanya ni Nola habang hinahalo ang cup noodles niya na pinigaan niya ng kalamansi.

Alas-dos na ng umaga pero mulat pa rin kaming dalawa. Ginising niya ako para pakinggan ang reaksiyon niya sa pinanood niya.

Kung normal na araw lang sana ito ay kanina ko pa siya sinakal ng kumot dahil sa pag-istorbo niya sa tulog ko. Pero dahil birthday niya ngayon, pinagbigyan ko siya.

“Bakit? May multo ka bang kaibigan?” tanong ko. Nakihigop ako sa noodles niya. Napangiwi ako dahil malamig na ang sabaw.

“Hindi laging ang naiiwan ang nalulungkot. Minsan,’yong nang-iiwan ang pinakamalungkot,” drama niya.

Hindi ko napigilang mapairap. Tuwing manonood na lang siya ay seryoso ang mga lumalabas sa bibig niya. Daig niya pa ang lasing.

“Happy birthday,” walang buhay na bati ko sa kanya. Ang tamlay namin pareho. Parang hindi niya birthday ngayong araw. Napahikab ako nang maalalang madaling araw pa nga lang pala.

“Ano’ng wish mo sa akin?” matabang niyang tanong.

“Sana sumahod ka na para mahatian mo na ako sa renta.” Saleslady sa EnKay si Nola. Isang sikat at mamahaling clothing brand ang EnKay. Dahil nakasampung late raw siya noong isang buwan, delayed din ang sahod niya.

Hindi ko alam kung anong klaseng patakaran mayroon ang management nilang iyon. Pero mas hindi ko alam bakit ganoon karami ang late niya.

“Hayaan mo, darating ang panahong bibilhin ko ang apartment na ’to at ibibigay ko sa ’yo,” nakangisi niyang sagot. “Sa ngayon, ikaw muna.”

Inirapan ko na lang siya.

Magdadalawang buwan na mula nang dumating dito si Nola. Dahil pandalawahan ang apartment na nirerentahan ko, hindi na ako nakatanggi nang sabihin niyang dito siya in-assign ni Aling Ligaya, ang may-ari ng apartment. Noong una ay hindi pa ako sanay na may iba akong kasama pero pagkalipas lang ng dalawang linggo ay nagkagaanan na kami ng loob.

Magkahiwalay ang kama namin noon pero ngayon ay magkatabi na. Hindi ko alam kung anong hiwaga ang ginawa niya sa akin. Napapayag niya rin ako na ako muna ang bahala sa renta nitong nakaraang buwan.

Inisip ko na lang na ginayuma niya ako. Hindi naman ako nagsisisi dahil mabait siyang tao. Parang bigla akong nagkaroon ng kapatid.

“Ano’ng balak mo ngayon?” usisa ko. Mabuti na lang at weekend. Wala akong pasok. Sa isang coffee shop ako nagtatrabaho bilang isang kahera. Kung tutuusin ay mas malaki ang sahod ni Nola sa akin.

“Nagkakaroon ba ng plano ang taong walang pera?” masungit niyang tanong. “May pasok pa ako.”

Napakunot-noo ako. “Pasok? Late ka na naman. Anong oras ka pa matutulog?”

“Hindi na ako matutulog para himatayin ako sa trabaho at maawa sila sa akin.”

Hinila ko ang buhok niya. “Siraulo ka. Matulog ka na.”

Tumayo ako at bumalik sa kama ko. Antok na antok pa ako.

“Cari,” tawag niya sa akin. “Daanan mo ako sa boutique mamaya.” Tumayo na rin siya at nahiga sa tabi ko.

“Akala ko ba ayaw mong dinadaanan kita? Busy ka ’kamo palagi,” himutok ko sa kanya. Dalawang beses ko siyang pinuntahan sa store nila pero hindi ko siya nakita.

“Ano ka ba, birthday ko ngayon. May fifty percent discount ako sa lahat ng items. Mabibili mo na ang sweater na gusto mo. Tamang-tama, December na. Wala namang lalaking magpapainit sa ating dalawa kaya tatlong sweaters ang bilhin mo,” binuntutan niya ng tawa ang sinabi niya.

“Mabubuhay ako nang walang nagpapainit sa akin, Nola Keva Serrano,” pahayag ko.

“Pero kung may dumating na magpapainit sa ’yo, Caricia Lualhati, tatanggapin mo?”

“Kung si Gift ’yan, sino ako para tumanggi? “ seryoso kong balik-tanong. Regular customer namin sa coffee shop si Gift at siya lang ang guwapong lalaking nakikita ng mga mata ko.

Tumawa si Nola at hinampas ako ng unan. “Kaya hindi ka nagkaka-boyfriend, e! Gift ka nang Gift! Wala kang pag-asa doon, maniwala ka. Maghanap ka na ng iba.”

“Excuse me. Nagsalita ang may boyfriend.”

“May ex-boyfriend ako.”

Inirapan ko siyang muli. Sa totoo lang, si Nola ay literal na mukhang prinsesang mula sa mga fairy tale. Mayroon siyang mukha na titingnan mo ng tatlo hanggang limang beses sa una ninyong pagkikita. At kung bibigyan ng pagkakataon, hindi ka magsasawang matulala sa kanya.

Hindi ko alam kung bakit siya iniwan ng ex-boyfriend niya na madalas niyang binabanggit. Ito siguro ’yong sinasabi nila na kahit anong ganda ang mayroon ka, kung iiwan ka, iiwan ka.

Papikit na ako nang muli siyang magsalita.

“Cari, ’di ba sabi mo may iniwang lupa ang lolo mo sa ’yo? Bakit nagtiya-tiyaga ka rito? Dapat mayaman ka na,” usisa niya. Dinantay niya ang isang binti sa akin.

“Malayo sa sibilisasyon ’yon. Saka lupa ’yon, hindi cash.” Wala akong pamilya bukod kay Lolo na namatay limang taon na ang nakakaraan. Nagulat na lang ako nang ibigay ng attorney niya ang isang titulo ng lupa na nakapangalan sa akin. Isang oras ang layo n’on dito. Malapit sa children’s park ng bayan. Mapuno roon at wala masyadong bahay.

“Ibenta mo kaya?” suhestiyon niya. “Malay mo may bumili.”

“Hindi ko ibebenta ’yon. Kapag nakaipon ako ng malaki, magpapatayo ako ng bahay doon. Isa pa, ’yon lang ang naiwan ni Lolo.”

“Kung sabagay. Ampunin mo ako, ha?”

“Hindi pa ba ampon ang tawag sa ’yo ngayon? Lahat ng kinain mo noong nakaraang linggo, ako ang nagbayad. Pati ang renta,” paalala ko sa kanya.

Siya naman ang umirap sa akin. “Babayaran kita pagdating ng tamang panahon.”

Hindi ko na siya pinansin at tuluyan na akong pumikit.

***

NAG-IKOT ako sa marangyang boutique kung saan nagtatrabaho si Nola. Hindi ko pa siya nakikita, malamang ay may customer na inaasikaso. Maski pa sabihing sampu ang late niya, isa siguro sa dahilan kung bakit hindi siya matanggal sa trabaho ay dahil siya raw palagi ang hinahanap ng mga loyal customer nila.

Tiningnan ko ang sweater na matagal ko nang pinapangarap. Anim na libo ang halaga n’on. Kung makaka-discount ako, dalawang buwan pa rin akong dapat magtipid ng lunch.

“Hello, Ma’am! We have other colors of that sweater. Aside from black and white, mayroon din pong maroon at yellow,” bati sa akin ng matangkad na saleslady na lumapit. Sally ang nakalagay sa nameplate niya.

Tumango ako. Sigurado naman ako na bibilhin ko na ito kaya okay lang na magpa-assist sa kanya.

“Puwedeng makita ’yong maroon? Medium,” pahayag ko.

“Sure, Ma’am. For a while po,” nakangiting paalam sa akin ni Sally.

Inilibot ko ang paningin ko. Nabuhayan ako ng loob nang makitang nagmamadaling maglakad si Nola palapit sa akin. Ngiting-ngiti siya na parang kanina pa niya ako hinihintay. Maski pa naka-uniporme siya na pang-saleslady ay mukhang siya ang may-ari ng boutique.

“Ang tagal mo,” himutok ko. “Nakapili na ako. ’Yong discount, ha? Sakto lang ang pera kong dala.”

“Kanina pa kita hinihintay. Oo, ako ang bahala sa ’yo,” paniniguro niya. “Basta ’pag nasa counter ka na, sabihin mo lang na kaibigan mo ako.”

Nginitian ko siya. Okay rin pala na may koneksiyon ka sa mga ganitong tindahan.

“Ladies, Sir Torque is coming.”

Sabay kaming napalingon nang magsalita ang nasa counter. Bahagyang nagkagulo ang mga saleslady.

“Shocks, Cari. Iiwan muna kita, ha? ’Andiyan na ang boss namin,” natataranta niyang paalam.

“O sige na. Baka lalo kang hindi sumahod,” natatawa kong pahayag. Sinenyasan ko siya na iwan na ako. Tumango lang siya at nagpunta na sa mga kasamahan niya.

Maya-maya pa ay inabot na sa akin ni Sally ang ni-request kong kulay at size ng sweater. Isinukat ko iyon at pakiramdam ko ay mainit na ang pasko ko. Lumabas ako ng fitting room at dumiretso sa counter.

“Six thousand seven hundred and fifty pesos, Ma’am,” wika sa akin ng nasa counter. Daisy ang nakalagay sa nameplate niya. Katabi niya ang isa pang saleslady na Lorein naman ang pangalan.

Napalunok ako bago nagsalita. “A, sabi ng kaibigan ko, dahil birthday niya ngayon, puwede akong maka-discount,” nahihiya pero determinado kong pahayag.

“Ah. Birthday po ng friend ninyo rito? Yes po, Ma’am. We give fifty percent discount to the families and friends of the celebrator. Sino pong saleslady ang kaibigan ninyo?” nakangiti niyang tanong at tumingin siya sa mga kasamahan niya.

Hinanap ng mga mata ko si Nola pero hindi ko siya makita. Mukhang busy na naman siya.

“Nola,” sagot ko.

“I’m sorry po?” ulit ni Daisy na parang hindi ako narinig.

“Tapos na ang promo for giving fifty percent discount. Wala bang nag-inform sa iyo, Daisy?”

Napalingon ako sa nagsalitang iyon. Nakatayo sa gilid ko ang isang matangkad na lalaking nakasuot ng puting long sleeves na nakarolyo hanggang siko ang manggas. Bukas ang unang dalawang butones nito sa may leeg. Naka-tuck in iyon sa itim na pantalon na humubog sa mga magagandang binti niya. Bagsak ang buhok niya na kulay abo, kakulay ng mga mata niya. Seryoso ang tingin niya sa amin.

“S-sir,” nauutal na sagot ni Daisy.

“I’m sorry but you can’t get a discount,” baling niya sa akin.

Ito ba si Sir Torque?

“Bakit parang hindi informed ang empleyado mo?” usisa ko. Sinabi sana sa akin ni Nola na hindi na puwede.

Tumalim ang mga tingin niya sa akin. Hindi siya sumagot. Muli niyang tiningnan si Daisy. “We’ll talk.” At iniwan na niya kami. Mabilis na sumunod si Daisy sa kanya.

Hindi na ako pinansin ni Lorein. Para akong hangin na naghihintay sa wala.

Seryoso? Ganito ang sistema nila?

“So hindi ako makaka-discount?” iritable kong tanong.

“Try another boutique, Ma’am,” suhestiyon niya sa akin sa mababang boses.

Sasagot pa sana ako nang makita ko si Nola na paparating. Sinenyasan niya ako na lumabas na at huwag nang makipagtalo. Nabalitaan na siguro niya ang nangyari.

Inis na lumabas ako ng boutique. Nag-text ako kay Nola na hindi na ako kahit kailan papasok sa boutique nila.

Nawala ang mood ko ngayong araw. Masaya na sana ako kanina pero dahil sa discount na iyan, gusto kong manapak ng tao. Dumiretso ako sa coffee shop kung saan ako nagtatrabaho. Gusto kong uminom ng matapang na kape.

Sinalubong ako ni Kuya Janno, ang janitor namin. Nagulat pa siya na naroon ako. Maski pa empleyado ako rito ay kinailangan kong pumila dahil ngayong araw, isa akong customer.

At tingnan mo nga naman, sa dinami-rami ng tao na susunod sa akin sa pila ay walang iba kundi ang mayabang na boss nina Nola—si Torque. Bigla tuloy akong nagngitngit sa inis.

“Good evening, Ma’am,” nakangiti at nang-aasar na bati sa akin ni Gohan. Isa rin siya sa mga kahero namin. “What’s your order?”

Gusto ko siyang asarin na mukha siyang extra rice pero pinigilan ko. “Isang matapang na matapang na kapeng barako. ’Yong kayang magpasara ng boutique na pagmamay-ari ng mayabang na tao,” sagot ko sa kanya. Sinadya kong lakasan ang boses ko para marinig ng lalaking nasa likuran ko.

“Mukhang gigil na gigil ka po ngayong araw, Ma’am. Less sugar po?”

“Hindi ka ba informed na hindi ako nag-aasukal?” tanong ko.

Tumawa si Gohan. Sumaludo siya sa akin. Pagkabayad ay naghintay ako sa may gilid.

“Good evening, Sir. Ano po ang inyo?” pormal na bati ni Gohan sa sumunod sa akin.

Nakatingin lang ako sa kanila.

Guwapo ka pero buwisit ka. Pwe.

“One caramel macchiato . . .’yong nakaka-detect ng scammer,” sagot nito at ngumiti.

Scammer? Ako? Scammer ako?

“Excuse me? Sino’ng scammer? Ako?” hindi ko napigilang itanong.

Tiningnan niya ako na parang bahagya siyang nagulat at nagtaka. “What?”

“What-what ka riyan. Sinasabihan mo ba akong scammer?” Ginigigil talaga ako ng lalaking ito.

Umangat ang isang sulok ng labi niya. “Wala akong sinabing ikaw ’yon. You claimed it yourself, scammer.”