Chapter 14

Saktong nakaalis lang sina Corey at Crystal para bumalik ng Manila ay may mga pulis na dumating sa bahay ng namayapang tiyahin ni Cyrille. Dalawang sasakyan ang nandoon at nakalabas ang mga armas. Agad na sinalubong niya ang mga ito nang may pagtataka habang nasa likod niya lang si Leon. Pareho sila ng reaksyon. May takot na namayani sa kanyang dibdib. Bigla siyang kinabahan. Parang bigla siyang nanlamig.

“Miss Cyrille Barrios?” tanong ng pulis.

“O-opo. Bakit po?”

Agad siyang binigyang babala gamit ang Miranda rights. “Inaaresto ka namin sa salang pangingidnap,” sabi ng isang pulis na nagposas sa kanya at ipinakita ang Warrant of Arrest na may lagda ng isang judge.

“Ano?” takang sabi niya habang nagtataka ang kanyang pinsan, mga kamag-anak, at mga kapitbahay. “Anong pangingidnap?”

“Ang pamangkin ni Sir Darius Von Theisen na si Lara,” sagot ng isa pang pulis na siyang may hawak ng papeles.

“A-ano?”

Agad siyang isinakay sa patrol car.

“Leon!” umiiyak na aniya sa pinsan. “Hindi totoo ang sinasabi nila!”

Napalunok ang pinsan niyang nag-aalala sa kanya. “A-Ate!” Sumunod ito sa kanila sa presinto sakay sa isa pang patrol car dahil gusto talaga nitong sumama. Nagkagulo sila sa presinto sa Batangas habang kinunan siya ng statement. Pero puro deny ang kanyang ginawa, hanggang sa dumating si DaVon.

Umiiyak pa rin siya at lalo pa nang makita ang binata na haggard sa kanyang paningin pero guwapo pa rin. He appeared to have not shaved for days because of the stubble on his face. He looked at her helplessly. Halata itong walang tulog at lugong-lugo ang kilos.

“Alisin n’yo ang posas niya,” utos ng lalaki sa pulis nang marahan, in a controlled voice.

“Pero, Sir…” tutol na anang pulis.

“Alisin n’yo sabi, eh!” sigaw nito at lalo lang napahagulgol si Cyrille.

“DaVon…” Umiling-iling siya. “Hindi ko magagawa ‘yon kay Lara.”

Niyakap siya ng binata habang inalis ng pulis ang posas niya. Napilitan na kasi.

“I know. I know. I don’t believe these stupids! I’m sorry. I’m sorry that you have to go through this, sweetheart.” Inapuhap nito ang kanyang ulo at hinalikan siya sa batok. Kahit paano ay ramdam niya ang kasiyahan sa puso na naniniwala ito sa kanya. Pero ramdam din niya ang paghihirap nito ngayon dahil sa nawawalang bata.

“Sir DaVon, ipapasok na namin siya sa selda,” ang saad ng pulis.

Nakita niya ang pagtatagis ng bagang ng binata. “Once this case is solved, you idiots, I promise you na sa kalsada kayo mapupunta!” banta nito sa mga pulis. Wala talaga itong pakialam sa lumalabas sa bunganga nito.

Inisa-isa pa nitong tiningnan ang mga pulis na parang minimemorya ang bawat isa sa mga ito. Hindi tuloy mapakali ang mga ito nang dahil doon. Batid ng mga ito kung gaano kayaman ang binata at hindi malayong mangyayari ang sinasabi nito kung gugustuhin nito. After all, everything has a price.

Kahit paano ay masaya siyang naniniwala sa kanya si DaVon na wala siyang kasalanan. Pero paano na si Lara? Alalang-alala siya sa kalagayan ng bata ngayon. May trauma pa naman ito. Paano kung lumala?

‘Diyos ko. Protektahan N’yo naman ang bata. Pakiusap!’ dalangin niya.

“S-si Lara?” naitanong niya sa binata habang iginiya na siya papunta sa isang selda. Sumunod ito sa kanya, pati na si Leon.

“We’re still waiting for the kidnappers to contact me. Don’t worry. Naniniwala akong wala silang gagawin kay Lara kahit alam na ng mga pulis. At least hindi ko ‘to pina-leak sa media. I’m sure it’s all about the money. Kahit na magkano ay ibibigay ko sa kanila and I’ll get you out of this hellhole, sweetheart. I promise you that.” Hinalikan siya nito sa sentido. It was warm and reassuring, filled with a promise.

Isinara ng pulis ang pinto ng selda. At least mag-isa lang siya roon. Napakapit siya sa rehas at kahit sa pagitan niyon ay niyakap, hinalikan siya ng binata, at saka pinahiran ang kanyang luha.

“Leon, umuwi ka na lang,” sabi niya sa binatilyong pinsan.

“Ate… hihingi ako ng tulong kina Kapitan,” sabi nito.

Napalingon dito ang binata. “You don’t have to. I’ll take care of this,” sabi ng binata sa kanyang pinsan. “Bantayan mo na lang si Cyrille dito at baka may gagawin ang mga ugok na pulis na ‘yan sa nobya ko. Darating na rin ang abogado ko anytime now. She’ll be out of here before this day ends. I promise.”

Tumango ang kanyang pinsan.

***

Hindi pa nakaalis si DaVon ay tumunog ang message alert tone ng kanyang cellphone. Natanggap niya ang isang bank account number at amount ng pera kapalit sa bata.

‘Huh! Dalawang bilyong dolyar kapalit kay Lara? Fucking bastards!’ inis na nasa isip niya.

Wala lang iyon para sa kanya dahil marami naman siyang pera. Ang hindi niya lang matanggap ay ang kalagayan ng kawawang pamangkin na siguradong takot na takot ngayon at nasa bilangguan ang nobya niyang iginigiit ng mga pulis na siyang may kinalaman sa kaso. Kahit sa ebidensyang nakuha base sa cellphone nito ay hindi pa rin talaga siya naniniwala roon.

Ipinakita niya ang mensahe sa mga pulis. Binantaan na siyang dapat walang mga pulis kapag nai-deposito na niya ang pera sa bank account number na iyon. Pagkatapos niyon ay ibabalik na ang bata sa kanya.

He took the hint that the kidnappers already knew he had reported the incident to the authorities. Ganoon pa man ay alam niyang hindi sinaktan ang pamangkin niya dahil nga sa pera. Masyadong “mahal” ang bata para saktan ng mga ito. Sigurado siyang kailangang-kailangan ng pera ang sinumang nagpadukot sa bata. At sisiguraduhin niyang mahuhuli at magbabayad ang mga ito!

Nakaplano na ang lahat mula sa pagdeposito ng pera hanggang sa pagligtas kay Lara. Gamit ang mga koneksyon nila ni Gabriel ay alam niyang hindi papalpak ang mga iyon. Mga magagaling na hackers at mercenaries ang kinuha niya na nakaantabay lang simula noong nai-report niya ang insidente. Kasabay nito ay pinoproseso na ng abogado niya ang pag-bail sa katipan. Ayaw niyang doon matutulog ang kanyang nobya. It tore his heart to see her suffer like this.

Pinamanmanan niya si Charlotte dahil duda talaga siya sa babaeng iyon. Bigla lang dumating tapos ang mga texts na naka-send ay swak sa pagdating nito. Pinlano nito siguro ang kidnapping bago ito dumating. Pero bakit? Mayaman din naman ang babae. Unless…

Bigla siyang nagka-ideya. Agad niyang tinawagan ang pinsan at pina-imbestigahan ang financial status ng pamilya ng babae sa Luxembourg.

“Okay, pinsan. Tatawagan kita mayamaya. I think it won’t take long,” sabi ni Gabriel.

Nang makapagpiyansa na ay pinaderetso niya sa isang malapit na hotel ang nobya. Pinaguwardiyahan kung saka-sakaling may ibang plano ang may pakana sa kidnapping. Baka gagamitin pa ang dalaga.

Nang maideposito na niya ang pera ay pina-trace niya ito agad dahil alam niyang ililipat iyon sa ibang accounts. Ewan na lang niya kung alam ng may pakana ang gagawin niyang ito o hindi ba man lang inisip na puwede niya itong ma-trace dahil sa pagpagalaw ng pera niya. He could do anything with his money. Those bastards messed with the wrong person.

Ilang oras lang ay napunta na ang pera sa isang kilala niyang tao. Pero hindi niya muna pinagalaw hangga’t hindi naibalik ang bata sa kanyang poder. Nang makatanggap siya ng mensahe na nasa isang parke iniwan ang bata ay agad siyang nagpunta roon at nakabuntot ang mga pulis. Umiiyak siyempre ang bata nang maratnan niya. Todo ang ginawa niyang pag-alo rito. Para namang pinipiga ang puso niya dahil sa naranasan nito.

“Did they hurt you or touch you anywhere?” alalang tanong niya.

Umiling ito. “No. But where’s Cyrille?” tanong ng batang hindi pa rin tumigil sa pag-iyak.

“W-why, sweetie? Did the kidnappers…?”

“They’re going to kill her! I heard it! I heard it, Uncle DaVon.” Parang maghihisterya ang batang nagsusumbong sa kanya. Nagpatuloy ito sa paghagulhol. Ang laki-laki ng butil ng mga luha nito.

“W-what?”

Napamura siya sa isipan niya. Parang may kung anong malamig na bagay na tumakbo sa gulugod niya.

‘Why would they kill her?’

Naisip niyang upang bigyan na naman ng ibang anggulo. Baka naisip ng mga may pakana na mabuti iyon para matabunan ang krimeng ginawa.

Agad silang nagpunta sa hotel kung saan niya pinaderetso ang dalaga. Halos paliparin na niya ang kotse habang umiiyak ang madungis na pamangking nasa passenger seat. Panay naman ang dasal niyang sana ay maabutan niyang maayos lang ang katipan.