Chapter 21: A New Deal
Dumadagundong ang boses ng Daddy ni Lisa sa buong study room. Iyon ang unang beses na nakita niyang nagalit ito nang ganoon. Noong bata pa sila ng kanyang Kuya Leandro ay pagsasabihan lang sila nito nang mahinahon. Maloko rin ang kuya niya pero may takot ito sa Daddy nila. Pero sa pagkakataong iyon ay kailangan niyang makapag-isip nang maayos na paliwanag na makakapagpalubag ng loob nito. Ang Kuya Isaac at Kuya Lucas niya ay tahimik lang na nagmamasid. Ang Kuya Leandro niya ay hindi rin kumikibo pero nakakuyom ang kamao. “Daddy…”
“Hindi ikaw ang kinakausap ko, Lisa,” anito at matalim na tumingin kay Alessandro.
“Tito, I’m taking back Lisa. I want to be her husband,” direktang sabi nito na ikinatahimik ng Daddy niya.
“What? Are you nuts?” Hindi napigilan ni Lisa ang pagbangon ng inis.
“Late na po ako, Tito Luis. Pero gusto kong maging asawa si Lisa.”
“Ayoko,” hysterical niyang sagot.
“Ayoko rin,” sabi ni Leandro na matalim na nakatingin sa kaibigan nito. “Hindi ka ba nagsasawa, ‘Tol? Ginago mo ang kapatid ko kaya pumunta iyan ng US. Hindi iyan nagkuwento pero alam kong ginago mo iyan. ‘Tangina,” anito at tumayo. Susugod na dapat ito pero naawat ito ng dalawang pinsan niya.
“Pasensya na, ‘Tol, pero hindi ko pwedeng isuko ang utol mo. Lisa, please give me another chance.”
“No! Tumigil ka nga diyan!”
“Quiet,” naiinis na sabi ng Daddy niya.
“Young man, ayokong masangkot lalo ang anak ko sa kalokohan mo. You left your supposed-to-be wife at the altar yesterday. She is pregnant, in case you forgot.”
Laylay ang mga balikat na tumango lang ito. “Okay po, Tito.”
“Daddy, I will talk to him in private,” aniya at hinila na ito palabas ng study room.
“Nag-iisip ka ba? Ano ba ang pinagsasasabi mo? Idadamay mo pa ako. Alam ko ang point mo! Dahil nasangkot din ako sa issue sa kagagawan mo, iyon ang naisip mong pambawi.” Itinaas niya ang kamay para pigilan ang pagsasalita nito. “Wala na tayong magagawa doon dahil sangkot na talaga. Ang gagawin mo ay bawiin mo ang statement mo at ako ay walang pakialam kahit dumugin ako ng mga nakakainis na reporter na iyan. Kausapin mo rin iyang maarte mong fiancee dahil nanggigigil sa kadramahan at kasinungalingan niyan baka makatikim iyan ng flying kick kung hindi lang talaga buntis. Iyan pa! Magkaka-baby na kayo tapos bigla mong iiwan sa altar. Is that how immature you are? Balikan mo ang fiancee mo. Malinaw ba?”
“Malinaw na malinaw.”
“Balikan mo na ngayon na.”
“No can do.”
“Bakit na naman?” Hindi na maiwasan ni Lisa ang frustration at gusto na niyang kutusan ito.
“Ikaw nga ang magiging asawa ko, princess, ayoko ng iba.”
“Paki-explain nga dahil ang labo mong kausap.”
“Basta!” Lukot na lukot din ang mukha nito at tinalikuran na siya.
“Hoy, Alessandro Borromeo!”
“Bahala ka diyan,” anito at lumabas na ng gate nila.
“Nakakainis,” aniya at naihilamos na lang ang mukha. Naalala niyang wala itong dalang kotse pero problema na nito iyon. Mag-taxi na lang ito paglabas nito ng village nila papunta sa condo unit nito o maglakad ito papunta sa kabilang village kung nasaan ang mansiyon ng pamilya nito. Bigla niyang naalala ang mga reporter na daig pa ang mga nagkalat na hyena at asong lobo na handang dumugin si Alessandro. Sa village nila ay hindi makakapasok ang mga ito dahil pinabantayan na iyon ng Daddy niya pero paglabas ng lalaki ay mako-corner ito. “Badtrip ka talaga Alessandro,” nanggigigil na sabi niya at lumabas ng bahay. “Mang Lando, pakibuksan ang gate,” sabi niya sa kanyang paboritong driver at bodyguard mula noong bata siya.
“Maria Lisa, saan ka pupunta?” Paglingon niya ay ang mommy niya ang tumawag sa kanya.
“Saglit lang po, Mommy,” aniya saka sumakay na ng kotse niya. Paglabas niya ay pinaharurot niya agad ang kotse. Nakita niya agad ang lalaki na naglalakad sa initan. “Alessandro!” Hindi ito lumilingon sa kanya. Tinawag niya ulit ito pero dire-diretso lang itong naglalakad. Sinabayan na niya ito pero dedma pa rin ito. “Kapag dinumog ka diyan ng reporter paglabas mo bahala ka!”
“Bumalik ka na sa mansiyon baka mapagalitan ka pa.”
“I don’t care! Halika na dito kasi.”
“Uy concerned siya,” sabi nito nang nakangisi pagharap sa kanya.
“Hindi na ako natutuwa sa ‘yo ha,” sabi niya at bumaba ng kotse para batukan ito.
“Aray! Kung hindi sampal at right hook, batok ang inaabot ko sa ‘yo eh,” nakasimangot na sabi nito pero bigla na namang ngumisi. “Concerned ang ex-fiancee ko.”
“Pwede ba tigilan mo na ang kakatawag sa akin ng ganyan. Nakakairita!”
“Sus, masyadong masungit ang bulinggit ko,” anito at bigla siyang kinarga papunta sa kotse niya.
“Ibaba mo ako,” tanging nasabi niya. Parang ang sarap din sa pakiramdam na marinig niya ang paraan ng pagtukoy nito sa kanya. Para bang ang possessive nito at proud pa itong minsan ay naging kanya ito. Pero ayaw niya iyong bigyan nang kahulugan. Tapos na iyon dahil sa kalokohan nito at kahit kailan ay wala itong seseryosohing babae. Naisip niya na mabuti na rin iyon dahil kung nagkataon ay baka siya ang tinakbuhan nito sa altar at mag-isang titiisin ang kahihiyan. Bumalik lang siya sa huwisyo nang madama ang mga labi nito sa noo niya. Naisakay na siya nito sa passenger at ito ang nagmaneho. “Dalhin mo lang ito sa mansiyon niyo ha,” aniya. Pero paglabas nito ng village nila ay kumanan lang ito at dire-diretso lang sila sa highway at binabaybay ang daan palabas ng Santiago. “Saan mo ako dadalhin? Sinabi kong sa mansiyon niyo ito dalhin at babalik ako ng mansiyon.”
“Itatanan ko na kasi ang ex-fiancee ko eh.”
“Alessandro, hindi ako nakikipagbiruan. Daddy and Kuya Leandro will hate me. They will hate you even more so please don’t do this.”
Inihinto nito ang kotse sa isang tabi at tumingin sa kanya. “Ayaw mo na ba talaga ulit sa akin, Lisa?”
“Alessandro, bumalik na tayo sa Santiago. Ayaw kitang kausapin dahil masyado kang malabong kausap. Marami ka pang problema at responsibilidad na dapat harapin.”
“Ibabalik kita sa isang kondisyon.”
“Ano na naman iyon?”
“Kapag naayos ko na ang lahat, dapat tayong mag-usap.”
“Walang dapat pag-usapan!”
“Papayag ka o itatanan na kita, Maria Lisa? Kahit magalit sa akin sina Tito Luis at Leandro, okay lang.”
Alam niyang seseryosohin nito ang sinabi base sa hitsura nito kaya wala siyang nagawa kundi sampalin ito na ikinasimangot na naman nito. “Oo na.”
“Lagi ka na lang may sampal sa akin.”
“Dapat lang din dahil isa kang certified jerk!”
“Oo na,” anito at nagmaneho na pabalik ng Santiago at pumasok na sa village nila. “Bakit mo ibinalik dito?”
“Dahil masyado kang makulit. Kaya ko nang lumabas mag-isa,” anito at bumusina sa gate. Nang maipasok nito ang kotse ay bumaba na rin agad ito at dire-diretsong lumabas ng gate nila.
NAKATUON sa palabas sa isang istasyon sa telebisyon ang buong atensiyon ni Lisa at ng lahat ng staff nila sa The Sanctuary sa Rosario. Hindi niya alam kung bakit pero mayroong espesyal na puwang sa puso niya ang branch na iyon. Sa tingin niya ay dahil doon sila muling nagkita ni Alessandro pagkatapos nitong tumakas sa kasal nito. Hayun ang lalaki at nasa telebisyon habang ini-interview ni Barbara Tanjuangco, ang bestfriend ni Dorothy Herrera na bestfriend naman ng hipag niya at asawa ng bestfriend ng Kuya Leandro niya na si Jaime Dizon.
Maraming ibinatong tanong ang host sa lalaki na mabilis nitong sinasagot. “Why did you run away from the wedding?”
“Mahabang paliwanag pero ang masasabi ko lang ay bigla kong narealize na hindi ako handang magpakasal sa kanya.”
“So, is there still a chance that you get back together and reschedule your wedding?”
“No chance at all. We already talked and parted ways. I explained everything to her last week.” He smiled. Na-miss niya ang ngiti nito. Dalawang linggo na kasi itong hindi nagpapakita sa kanya. Pero wala naman siyang karapatang mag-demand dito dahil wala naman itong obligasyon sa kanya at siya pa nga ang nagtataboy dito.
“How about the baby?”
“That’s between the two of us. I’m sorry I can’t disclose anything.”
“I see. How about your family business? How is it going knowing that a lot of issues are still surrounding you and your business? Is it affected?
“It is going well although some investors pulled out. Even so, many of our investors are confident.
“That’s good!”
“Yes.”
“How about the beautiful girl you introduced to the reporters? She’s so pretty.”
“Yes she is,” he said and gave a boyish grin.
Pinamulahan na siya ng pisngi nang marinig ang tuksuhan ng mga staff niya. “Luko-luko talaga.”
“Uy kinikilig si ma’am,” chorus ng mga ito.
“Hindi noh!” Pigil na pigil niya ang pagsilay ng ngiti dahil hindi man niya aminin ay kinilig talaga siya. Masyadong matipid ang mga sagot ni Alessandro at hindi na kinumpirma o itinanggi kung may namamagitan man sa kanila. Ayaw na muna niyang isipin iyon dahil sinabi nitong mag-uusap sila.