Chapter 17: He Is Getting Married
Gusto nang sampalin ni Lisa ang sarili nang makarating sa beachhouse ng pamilya nila sa Estrella. Inuusig siya ng konsiyensiya dahil sa kawalan niya ng kontrol sa sarili. Nagawa niyang makipaghalikan sa lalaking dumurog ng kanyang puso. Hindi lang din ito basta lalaki. Ikakasal na ito sa ibang babae, sa babaeng pinili kaysa sa kanya. Sa nangyari, parang nagkapalit sila ng puwesto ng fiancee nito. Magmumukha pa siyang mistress na desperadang mang-agaw ng lalaking nakatali na. Hinding-hindi siya gagaya sa babae. Ayaw niyang mapabilang muli sa mga babae ni Alessandro, sa mga past time at diversion nito. Naalala niya pa ang sinabi nito na magpapakasal ito sa kanya pero hindi magiging faithful dahil masyado raw boring. Mukhang ganoon din ang ginagawa nito sa fiancee nito. Ang lahat ng natunaw niyang galit at pagtatampo ay muling umalsa. Ipinangako niya sa sariling hindi na mauulit ang nangyari. Kung inaakala nitong makakaisa muli ito ay hindi na siya papayag. Hindi talaga pwedeng maging stick to one ito. Ito ang lalaking alam nito sa sariling may ibubuga at ipagmamalaki ito. Ilang beses na nga niyang nakita ang ipinagmamalaki nito. Hanggang ngayon ay ibinabandera pa rin nito iyon sa iba’t ibang babae.
Mamaya ay nag-ring ang phone niya. Ang Kuya Leandro niya ang tumatawag. “Bakit, kuya?”
“Anong bakit? Nakalimutan mong naka-book ka sa isa sa VIP suite ng hotel sa Santuario. Fully booked na ang hotel dahil…”
“Dahil?”
Bumuntung-hininga ito. “Alessandro is going to get married two days from now.”
“I see. So what do you want me to do about it?”
“Maraming bisita ang bride. May mga taga-media pang nagpipilit mag-book pero puno na ang hotel. Gusto ko lang malaman kung babalik ka pa ba sa suite mo. Nasaan ka ba?”
“Nasa beach house.”
“Iyon na nga. Three days ka na diyan. Babalik ka ba dito o hindi na.”
“Kuya, pwede bang paki-pickup na lang muna ang mga gamit ko diyan?”
“I get it. Ako na ang bahala. Diyan ka na lang muna.”
“Thank you, Kuya.”
“You can call me up if you need anything.”
“Hay naku alam ko na iyan. Okay lang ako at nag-re-reflect ngayon kung papasok na next week o mag-manage ng mga bar natin sa buong province. Wala raw kasing nag-o-oversee eh, diretso raw sa head of operations para maiba lang din.”
“Ikaw ang bahala. Gusto mo ikaw ang pumalit sa akin. Ang hirap maging governor habang may kambal at buntis ang asawa ko. Ang tagal ko nang isinasauli kay Daddy itong CEO position dahil may conflict of interest.”
“Mag-elect na lang kayo. Mag-resign ka diyan dahil masagwa nga eh.”
“Oo, gumawa na nga ako ng resignation letter para mag-focus ako dito sa pagiging governor at sa pamilya ko.”
“Aww ang sweet ng kuya ko. Wala na bang katulad mo? Kuya hanapan mo naman ako, biro niya.”
“Meron dapat kaya lang ikakasal na eh,” pang-aasar nito.
“Yuck ha! Ayoko na sa kanya oh please!” Ilang minuto pa muna silang nag-asaran bago nila tinapos ang tawag. Alam niyang nag-aalala ito sa kanya dahil sa kasal ni Alessandro. Hindi man nito aminin ay alam niyang iniisip nito na ang lalaki ang dahilan ng pagpunta niya sa US. May naikuwento ang kaibigan niyang si Rex na minsang nagkapisikalan ang kuya niya at si Alessandro sa isang bar kung saan ito tumutugtog. Nagkagulo raw doon at tinapalan na lang ang media at pulis sa lalawigan para hindi maging issue iyon. Nangyari daw iyon ilang araw pa lang pagpunta niya na sa US.
Naalala niya ang parang galit ng kuya niya nang makiupo sa puwesto nila sina Alessandro at ang fiancee nito noong nakaraan. Alam niyang may sama ng loob ng kuya niya dahil may kutob itong may nangyari na sa kanila ng lalaki.
PAGKALIPAS ng ilang araw ay nagdesisyon siyang tumulong muna sa isa sa mga branch ng The Sanctuary, ang bar nila at nasa Rosario siya. Bagong tayo iyon malapit sa isa sa mga hotel nila. Gusto niya munang matutuhan ang pasikut-sikot doon para mas alam niya ang gagawin kapag hinawakan na niya ang posisyon na ibibigay sa kanya. Iyon ang araw ng kasal ni Alessandro kaya gusto niyang maging abala. Ilang beses na siyang tinanong ng mga magulang niya kung may problema raw ba siya. Ang pinsan niyang si Isaac na dumalaw lang sa mansion nila kasama ang asawa at anak nito ay napuna siya. Para daw siyang naglalakad na bulkan na malapit nang pumutok.
Mukhang ang pamilya at dalawang pinsan niya ay nag-aalala na baka mag-drama siya dahil sa kasalan. Mukhang iniisip din ng mga itong gagawa siya ng eksena doon. Puwes nagkakamali sila. Ang Daddy niya ay hindi tinanggap ang imbitasyon ng pamilya nito. Tanging ang Kuya Leandro at dalawang pinsan niya ang pumunta roon dahil malapit na kaibigan pa rin ng mga ito ang lalaki. Wala na siyang pakialam at hindi niya na gustong magkaroon ng pakialam.
Gabi ang kasal ng mga ito kaya hapon pa lang ay nasa bar na siya. Pasado alas-singko pa lang ng hapon pero may ilang customer na kumakain at umiinom ng beer. Nagdesisyon na siyang umakyat sa stage bitbit ang isang gitarang hiniram niya sa nagbabanda. Acoustic night naman kaya gusto niyang tumugtog. “Hanggang kailan ka bang maghihintay? Hindi ka ba nagsasawa, Inday? Ang damdamin ko, kahit na ganito katamlay, tunay ‘to bay. Bilanggo sa rehas na gawa ng puso mo.”
“Ma’am?” Nakita niyang nasa baba ng stage ang ilang waiter at waitress.
Pinilit niya pa ring tumugtog. Pumipiyok na siya habang kumakanta. Basang-basa na ng luha ang mukha niya. Hindi pa nga siya nalalasing ay gumawa na siya ng eksena sa bar. Buti na lang at iilan lang ang customer na mukhang hindi siya pansin. Puro magkakapareha iyon na abala sa pagbubulungan at paghahagikgikan. “Nakailang ulit na hiwalay. Hindi pa rin matutong sumabay. Ang damdamin ko kahit na ganito katamlay saka na babay. Bilanggo sa rehas na gawa ng puso mo.” Nang matapos siya ay bigla siyang napahalakhak habang pinapunasan ng panyo ang buo niyang mukha. Hindi na siya conscious kahit magkalat pa ang makeup niya.
Sinenyasan niya ang mga nasa banda. “Kaya niyo bang tugtugin iyung Tumatakbo ng Mojofly?”
Napakamot lang sa batok ang mga ito. “Hindi po eh.”
“Okay lang. Wala pa namang customer. Pwede bang aralin niyo muna? Tingnan niyo ito. Salamat.” Ipinakita niya ang lyrics sa cellphone pati arrangement. Pinarinig niya pa ang tugtog sa Spotify niya. Gulat na gulat pa siya dahil wala pang sampung minuto ay kuhang-kuha na ng mga ito ang arrangement. Para tuloy silang may rehearsal kahit may ilang customers na. Mabuti na lang at tapos na ang drama niya nang dumating ang mga ito.
“Game na ma’am,” nakangiting sabi ng mga ito sumaludo pa.
“Good evening, everyone. We’re gonna play Tumatakbo by Mojofly.” Napangiti siya nang magsimula siyang kumanta at nakasunod agad ang mga ito. Kumanta pa siya ng tatlo pa na ikinatuwa ng banda at sinabihan pa siyang maki-jamming sa mga ito sa ibang branch ng bar nila. Doon niya lang nalaman na full-time employee nila ang banda kaya gulat na gulat siya. Lahat ng benepisyo ng mga empleyado ay meron din ang mga ito na ikinatuwa niya. Nang pababa na siya sa entablado ay may kamay na nakalahad na agad. “Baby.”
Nalaglag ang mga panga niya. “Totoo ka ba? Lumayas ka masamang nilalang kung sino ka man.” Para na siyang hihimatayin sa pinaghalong hiya at pagkalito.