Chapter 24: The Bad Guys
“Yes, ‘tol, I’m on my way there.” May pupuntahang party si Leandro ng isa sa kanyang mga barkada niilang magpipinsan sa San Jose, ang pinakadulong bayan sa lalawigan. Pasado alas-otso na nang gabi ay nasa opisina pa siya nang tawagan siya ni Isaac para ipaalala sa kanya ang party. Gusto niya sanang isama si Tiffany pero marami pa raw itong iuuwing trabaho at nangakong babawi ito sa susunod.
Pagdating sa isang kalsada sa Sta. Clara, may humarang sa kanilang checkpoint. Pagkatapos mainspeksiyon ang kanilang sasakyan ay pinauna na sila. Nakakalayo na sila nang makitang nakahinto pa rin ang kotse ng kanyang mga bodyguard. “Anton, sandali lang nasa checkpoint pa sila.” Pero parang wala itong naririnig na tuluy-tuloy lang sa pagmamaneho. Nang dumukwang siya para kalabitin ito ay napansin niyang may nakatutok na baril dito.
“M-Mayor,” kinakabahang sabi nito. Nang tingnan niya ang katabi nito, gulat na gulat siya nang makitang si Leo iyon. Nagtaka siya dahil ibang bodyguard naman ang nasa kotse niya kanina.
Pagbaling niya sa tabi niya ay nakatutok sa kanya ang baril ng isang bodyguard niya. “Leo, anong ibig sabihin nito?”
“Mamaya mo malalaman, Mayor.”
Patuloy lang sa pagmamaneho si Anton na halata ang nerbiyos dahil sa nakatutok na baril dito ng isang bodyguard. Habang siya naman ay tinututukan ng baril ni Leo. Kakayanin niya si Leo kung iisipin. Black belter siya ng limang forms ng martial arts ngunit ayaw niyang mapahamak si Anton. Isa ito sa pinakamatatapat niyang tauhan. Hindi niya alam kung ano ang nangyari kay Leo na naging malapit na rin sa kanya.
Halos isang oras pa ang tumagal bago isinenyas ng isa na kumanan si Anton. Mas madilim at mas mapuno na ang kalsadang iyon kaysa sa mga nadaanan nila kanina. Higit na walang naninirahan doon hindi katulad sa daanan papuntang kumbento. Nagtataka siya dahil kahit kailan ay parang hindi naibalita ang bahaging iyon ng bayan. Lumiko pang muli ang sasakyan sa isang mas liblib na kalsada. Literal na gubat na iyon dahil napakarami nang puno at nagtataasang mga damo sa paligid.
Maya-maya ay may natanaw na isang lumang-lumang istruktura sa hindi kalayuan. Nang huminto iyon ay agad na nagsilabasan ang mangilan-ngilang kalalakihan. Kulang ang sabihing mga goons ito. Ang isa ay kamukha pa ni Max Alvarado na madalas na kontrabida sa mga pelikula ni FPJ. Gusto niya nang kabahan nang mga sandaling iyon sapagkat alam na alam niyang may hindi magandang mangyayari sa kanila.
Inutusan silang bumaba ni Leo sa sasakyan bago sila kinapkapan at in-escort ng mga kalalakihan papasok sa lumang bahay na iyon. Mas luma at nakakatakot pa ito sa Bates Motel sa pelikulang Psycho kaya hindi niya alam kung paano nagkaroon ng ganoong bahay at napakalayo pa sa mga kalsada. Bukod sa mas liblib na sa bayan ng Santa Clara at San Jose, hindi talaga kasi siya naging pamilyar sa mga bayan na iyon dahil bihira siyang pumunta roon. Malayo na kasi ang mga iyon sa Santiago na nasasakupan niya, hindi niya pa kasundo ang mga mayor doon na hindi nila kapartido. Pagpasok niya, kakatwang maayos naman ang loob ng bahay bago sila hinatak sa hagdan papuntang basement at pinaupo habang may nakatutok na mga baril.
“Boss, nandito na po sila,” anang isa sa mga goons sa kausap nito sa cellphone.
“Mayor, ito na ang sagot sa kanina mo pa itinatanong. Makikilala mo na kung sino talaga sa mga tao sa paligid mo ang mapagkakatiwalaan at hindi. Masyado ka pa kasing naging mabait, ” seryosong sabi ni Leo.
Ilang minuto lang ang nakalipas at bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang isang lalaki na sa palagay nila ay tinawag nitong boss. Hindi na siya nagulat nang malamang ito ang pasimuno ng lahat.
NAPAHINTO si Tiffany sa pagtitipa sa kanyang laptop. Bigla ang pagbangon ng kabang hindi niya maipaliwanag. Hindi siya mapakali ngayon at wala na sa ginagawa ang kanyang atensyon. Baka dala lang iyon marahil ng stress. Napangiti siya ng maalala si Leandro. Kumusta na kaya ito? Sana huwag naman itong magpakalasing masyado sa pupuntahang party. Ilang araw na rin niya itong hindi nakikita kaya miss na miss na niya ito.
Ilang araw na siyang tila naglalakad sa ulap. Leandro is now her boyfriend, and this time they will do it right. Mayroon pa rin siyang kaba ngunit habang tumatagal ay nawawala na ito. Pinipilit niya ang sariling huwag nang magduda dahil iyon ang tama at mahal na mahal niya ito. Umaasa siyang balang araw masuklian nito ang kanyang pagmamahal kahit kaunti. Hindi naman nito sinabing mahal siya nito kahit ilang beses na niya iyong sinabi. Pero ang mahalaga ay nangako itong siya lang ang babae sa buhay nito at na masasaktan pa.
Tinawagan niya ito sa pagbabaka-sakaling nasa biyahe pa ito ngunit patuloy lang iyon sa pag-ring. Marahil ay nakatulog na ito sa biyahe dahil sa pagod sa trabaho. Malayo naman kasi ang city hall ng Santiago sa San Jose dahil nasa pinakadulo na ito. Pagkalipas ng mahigit isang oras ay tinawagan niya ulit ito ngunit patuloy lang ito sa pag-ring. Nasaan na ba iyon? Inisip na lang niyang nasa party na ito at naka-silent ang cellphone.
Nang malapit nang maghating-gabi, tinawagan na naman niya ito dahil hindi siya mapalagay. Kanina niya pa nararamdaman ang kabang iyon kaya bigla siyang nag-alala para dito. Nang tinawagan naman niya si Lisa ay sinabi nitong kanina pa rin daw nito tinatawagan ang kuya dahil nag-aalala na rin daw ang mommy ng mga ito. Akala raw nito ay siya ang kasama dahil tumawag din daw si Alessandro dito na imbitado rin sa party. Halata ang pagkainis nito habang binabanggit ang pangalan nito. Nagtataka raw kasi ang lalaki dahil hindi dumating si Leandro at nagmamadali namang umalis si Isaac nang walang paalam. Inisip na lang nitong may sariling lakad ang mag-pinsan at hindi na sila sisiputin.
Tinawagan niya si Isaac ngunit hindi rin ito sumasagot. Hindi siya makakampante hangga’t hindi niya nasisigurong ligtas si Leandro. Ilang sandali pa ay nagdesisyon na siyang i-report ito sa pulis. Sinabihan lang siyang kailangang twenty-four hours na nawawala ang isang tao bago sila maghanap. Ngunit nangako ang mga itong kikilos din dahil sa ilang beses na pagtatangkang gawan ng hindi maganda si Leandro.